Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 13
Unawain ang Saloobin ng Diyos at Isantabi ang Lahat ng Maling Akala Tungkol sa Diyos
Anong uri ba talaga ng Diyos itong Diyos na kasalukuyan ninyong pinaniniwalaan? Napag-isipan na ba ninyo ito? Kapag nakakakita Siya ng isang masamang tao na gumagawa ng masasamang bagay, kinamumuhian ba Niya ito? (Oo, kinamumuhian Niya.) Ano ang Kanyang saloobin kapag nakikita Niyang nagkakamali ang mga taong mangmang? (Kalungkutan.) Kapag nakikita Niyang ninanakaw ng mga tao ang mga handog sa Kanya, ano ang Kanyang saloobin? (Kinamumuhian Niya sila.) Napakalinaw ng lahat ng ito, hindi ba? Kapag nakikita Niya ang tao na nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya, na hindi nagsisikap na malaman ang katotohanan, ano ang saloobin ng Diyos? Hindi kayo masyadong nakatitiyak, hindi ba? Ang “pagkalito,” bilang isang saloobin, ay hindi isang kasalanan, ni hindi nito sinasaktan ang Diyos, at nadarama ng mga tao na hindi ito isang uri ng malaking pagkakamali. Kaya, sabihin ninyo sa Akin—ano ang saloobin ng Diyos sa sitwasyong ito? (Ayaw Niyang kilalanin ang mga ito.) “Ayaw kilalanin ang mga ito”—anong uri ng saloobin ito? Ang ibig sabihin nito ay mababa ang tingin ng Diyos sa mga taong ito at kinasusuklaman sila! Ang paraan ng pakikitungo Niya sa gayong mga tao ay ipinagwawalang-bahala Niya sila. Ang paraan ng Diyos ay ang isantabi sila, hindi Siya nag-aabalang gumawa ng anuman sa kanila, at kabilang diyan ang gawain ng pagbibigay-liwanag, pagtatanglaw, pagtutuwid, at pagdidisiplina. Ang gayong mga tao ay talagang hindi kabilang sa gawain ng Diyos. Ano ang saloobin ng Diyos doon sa mga nagpapagalit sa Kanyang disposisyon at lumalabag sa Kanyang mga atas administratibo? Matinding pagkasuklam! Matindi ang galit ng Diyos sa mga taong hindi nagsisisi tungkol sa pagpapagalit sa Kanyang disposisyon! Ang “matinding galit” ay isang damdamin lamang, isang pakiramdam; hindi ito katumbas ng isang malinaw na saloobin. Gayunman, ang damdaming ito—ang pakiramdam na ito—ay magdudulot ng isang kahihinatnan para sa gayong mga tao: Pupunuin nito ng matinding pagkamuhi ang Diyos! Ano ang ibubunga ng matinding pagkamuhing ito? Isasantabi ng Diyos ang mga taong ito at pansamantala Siyang hindi tutugon sa kanila. Pagkatapos ay hihintayin Niyang maiayos sila “pagkaraan ng taglagas.” Ano ang ipinahihiwatig nito? May kahihinatnan pa rin ba ang mga taong ito? Hindi kailanman nilayon ng Diyos na bigyan ng anumang kahihinatnan ang gayong mga tao! Samakatuwid, hindi ba normal na normal na hindi tumutugon ngayon ang Diyos sa gayong mga tao? (Oo, normal iyan.) Ano ang dapat paghandaang gawin ng gayong mga tao? Dapat silang maghandang tiisin ang mga negatibong ibubunga ng kanilang pag-uugali at ng mga kasamaang nagawa nila. Ito ang tugon ng Diyos sa gayong tao. Kaya, malinaw Kong sinasabi ngayon sa gayong mga tao: Huwag na kayong kumapit sa inyong mga kahibangan, at huwag na kayong mag-abala sa anumang iniisip ninyong mithiin. Hindi magpaparaya ang Diyos sa mga tao nang walang-katapusan; hindi Niya titiisin ang kanilang mga paglabag o pagsuway magpakailanman. Sasabihin ng ilang tao, “Nakakita na rin ako ng ilang taong ganoon, at kapag nagdarasal sila, nadarama nila na lalo silang naaantig ng Diyos, at pagkatapos ay mapait silang lumuluha. Karaniwan ay napakasaya rin nila; parang nasa presensya sila ng Diyos at pinapatnubayan sila ng Diyos.” Huwag ninyong sabihin ang walang katuturang iyan! Ang mapapait na luha ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay naaantig ng Diyos o natatamasa ang presensya ng Diyos, lalo na ang patnubay ng Diyos. Kung ginagalit ng mga tao ang Diyos, gagabayan pa rin ba Niya sila? Sa madaling salita, kapag nakapagpasya ang Diyos na alisin at pabayaan ang isang tao, wala nang kahihinatnan ang taong iyon. Gaano man kaganda ang kanilang pakiramdam kapag nagdarasal sila, o gaano man kalaki ang kanilang pananampalataya sa Diyos sa kanilang puso, hindi na mahalaga iyon. Ang mahalaga ay na hindi kailangan ng Diyos ang ganitong klaseng pananampalataya; natanggihan na Niya ang mga taong ito. Kung paano sila pakikitunguhan sa hinaharap ay hindi rin mahalaga. Ang mahalaga ay na sa mismong sandali na galitin ng mga taong ito ang Diyos, nakatakda na ang kanilang kahihinatnan. Kung naipasya na ng Diyos na huwag iligtas ang gayong mga tao, maiiwanan sila upang parusahan. Ito ang saloobin ng Diyos.
Bagamat may elemento ng pagmamahal ang diwa ng Diyos, at maawain Siya sa bawat isang tao, nakaligtaan at nalimutan ng mga tao ang katotohanan na may dignidad din ang Kanyang diwa. Hindi komo may pagmamahal Siya ay maaari na Siyang saktan nang buong laya ng mga tao, nang walang pinupukaw na damdamin o reaksyon sa Kanya, ni hindi nangangahulugan na komo may awa Siya ay wala na Siyang mga prinsipyo sa pagtrato Niya sa mga tao. Ang Diyos ay buhay; Siya ay tunay na umiiral. Hindi Siya isang kathang-isip na tau-tauhan ni anupamang ibang bagay. Dahil Siya ay umiiral, dapat tayong makinig na mabuti sa tinig ng Kanyang puso sa lahat ng oras, pansinin nating mabuti ang Kanyang saloobin, at unawain natin ang Kanyang damdamin. Hindi natin dapat gamitin ang mga imahinasyon ng tao para tukuyin ang Diyos, ni hindi natin dapat igiit ang mga iniisip o ninanais ng tao sa Kanya, na nagiging sanhi upang tratuhin ng Diyos ang mga tao sa paraan ng tao batay sa mga imahinasyon ng tao. Kung gagawin mo ito, gagalitin mo ang Diyos, bubuyuhin mo Siyang mapoot, at hahamunin mo ang Kanyang dignidad! Sa gayon, kapag naunawaan na ninyo ang katindihan ng bagay na ito, hinihimok Ko ang bawat isa sa inyo na maging maingat at mahinahon sa inyong mga kilos. Maging maingat at mahinahon din sa inyong pananalita—patungkol sa pagtrato ninyo sa Diyos, mas maingat at mahinahon kayo, mas mabuti! Kapag hindi mo nauunawaan kung ano ang saloobin ng Diyos, iwasang magsalita nang walang-ingat, huwag magpadalus-dalos sa iyong mga kilos, at huwag basta-basta magbansag. Ang mas mahalaga pa, huwag magsalita nang patapos na walang batayan. Sa halip, dapat kang maghintay at maghanap; ang mga kilos na ito ay pagpapahayag din ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Higit sa lahat, kung magagawa mo ito, at higit sa lahat, kung angkin mo ang saloobing ito, hindi ka sisisihin ng Diyos sa iyong kahangalan, kamangmangan, at kawalan ng pang-unawa sa mga dahilan sa likod ng mga bagay-bagay. Sa halip, dahil sa iyong saloobing takot na magkasala sa Diyos, paggalang sa Kanyang mga layunin, at kahandaang sundin Siya, aalalahanin ka ng Diyos, gagabayan at liliwanagan ka, o magpaparaya Siya sa iyong kakulangan sa gulang at kamangmangan. Sa kabilang dako, kapag nawalan ka ng pitagan sa Kanya—na hinuhusgahan Siya ayon sa gusto mo o hinuhulaan at tinutukoy mo nang di-makatwiran ang Kanyang mga ideya—isusumpa ka ng Diyos, didisiplinahin ka, at parurusahan ka pa; o, maaari Siyang magkomento sa iyo. Marahil ay kasama ang iyong kahihinatnan sa komentong ito. Samakatuwid, nais Kong minsan pang bigyang-diin: Dapat maging maingat at mahinahon ang bawat isa sa inyo tungkol sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Huwag kayong magsalita nang walang ingat, at huwag magpadalus-dalos sa inyong mga kilos. Bago ka magsalita ng anuman, dapat kang tumigil at mag-isip: Magagalit ba ang Diyos sa kilos kong ito? Sa paggawa nito, nagpipitagan ba ako sa Diyos? Kahit sa mga simpleng bagay, dapat mo pa ring subuking unawain ang mga tanong na ito, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iisip tungkol sa mga ito. Kung talagang makapagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong ito sa lahat ng aspeto, sa lahat ng bagay, sa lahat ng oras, at magkaroon ka ng gayong saloobin lalo na kapag mayroon kang hindi nauunawaan, lagi kang gagabayan ng Diyos at bibigyan ka ng isang landas na susundan. Anumang pagganap ang ipinapakita ng mga tao, nakikita ng Diyos ang mga iyon nang malinaw at maliwanag, at mag-aalok Siya ng isang tumpak at angkop na pagsusuri sa mga ipinapakita mong ito. Matapos mong pagdaanan ang huling pagsubok, kukunin ng Diyos ang lahat ng pag-uugali mo at ibubuod ang mga ito nang ganap upang maipasya ang iyong kahihinatnan. Ang resultang ito ay kukumbinsihin ang bawat isang tao nang walang anumang pagdududa. Ang gusto Kong sabihin sa inyo rito ay ito: Ang bawat gawa ninyo, bawat kilos ninyo, at bawat iniisip ninyo ang nagpapasya sa inyong kapalaran.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain