Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 44 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 44
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 44

00:00
00:00

Muling Tinukso ni Satanas si Job (Naglitawan ang Mahahapding Pigsa sa Buong Katawan ni Job) (Mga piling sipi)

a. Ang mga Salitang Binigkas ng Diyos

Job 2:3 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Iyo bang pinansin ang Aking lingkod na si Job, sapagkat walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki, na natatakot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan? At siya’y namamalagi sa kanyang integridad, bagaman Ako’y kinilos mo laban sa kanya, upang ilugmok siya ng walang kadahilanan.”

Job 2:6 At sinabi ni Jehova kay Satanas, “Narito, siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay.”

b. Ang mga Salitang Binigkas ni Satanas

Job 2:4–5 At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, “Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan.”

Sa Gitna ng Sukdulang Paghihirap, Tunay na Naunawaan ni Job ang Pangangalaga ng Diyos sa Sangkatauhan

Kasunod ng mga katanungan ng Diyos na si Jehova kay Satanas, palihim na nagsasaya si Satanas. Dahil alam nito na muli itong pinahihintulutang lusubin ang isang tao na perpekto sa paningin ng Diyos—na para kay Satanas, ito ay isang bihirang pagkakataon. Nais ni Satanas na gamitin ang pagkakataong ito upang ganap na pahinain ang paniniwala ni Job, upang mawala ang kanyang pananampalataya sa Diyos at sa gayon ay hindi na siya matakot sa Diyos o magpuri sa pangalan ni Jehova. Magbibigay ito ng pagkakataon kay Satanas: Anuman ang lugar o oras, maaari nitong gawin si Job na isang laruang nauutusan nito. Itinago ni Satanas ang masasamang balak nito nang walang anumang bakas, ngunit hindi nito maaaring itago ang masamang kalikasan nito. Ang katunayang ito ay ipinapahiwatig sa sagot nito sa mga salita ng Diyos na si Jehova, gaya ng nakatala sa mga kasulatan: “At si Satanas ay sumagot kay Jehova, at nagsabi, ‘Balat kung balat, oo, lahat na tinatangkilik ng tao ay ibibigay dahil sa kanyang buhay. Ngunit pagbuhatan Mo ngayon ng Iyong kamay, at galawin Mo ang kanyang buto at ang kanyang laman, at kanyang susumpain Ka ng mukhaan’” (Job 2:4–5). Imposibleng hindi makakuha ng mahalagang kaalaman at kabatiran tungkol sa malisyosong katangian ni Satanas sa palitang ito sa pagitan ng Diyos at ni Satanas. Pagkarinig sa mga kamaliang ito ni Satanas, walang dudang magkakaroon ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan at namumuhi sa kasamaan ng mas malaking galit sa kawalan ng dangal at kawalan ng kahihiyan ni Satanas, makakaramdam ng galit at pandidiri sa mga kasinungalingan ni Satanas, at, kasabay nito, ay mag-aalok ng malalalim na dasal at masusugid na hiling para kay Job, mananalangin na makakamtan ng matuwid na taong ito ang pagiging perpekto, hihiling na ang taong ito na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ay habambuhay na mapagtagumpayan ang mga tukso ni Satanas, at mabuhay sa liwanag, at mabuhay sa gitna ng patnubay at mga biyaya ng Diyos; gayundin, ang mga ganitong tao ay hihiling na habambuhay na magpatuloy ang mga makatuwirang gawa ni Job at magpalakas ng kalooban ng lahat ng mga tumatahak sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Bagama’t makikita ang malisyosong layunin ni Satanas sa pagpapahayag na ito, agad na pumayag ang Diyos sa “kahilingan” ni Satanas—ngunit nagbigay rin Siya ng isang kondisyon: “Siya’y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay” (Job 2:6). Dahil sa pagkakataong ito, hiniling ni Satanas na maiunat nito ang kamay nito upang makapaminsala sa mga buto at laman ni Job, sinabi ng Diyos, “ingatan mo lamang ang kanyang buhay.” Ang kahulugan ng mga salitang ito ay ibinigay Niya ang laman ni Job kay Satanas, ngunit ang buhay ni Job ay nasa mga kamay pa rin ng Diyos. Hindi maaaring kunin ni Satanas ang buhay ni Job, ngunit maliban dito, maaari nitong gamitin ang anumang pamamaraan laban kay Job.

Pagkatapos makuha ang pahintulot ng Diyos, mabilisang pumunta si Satanas kay Job at iniunat ang kamay nito upang magdala ng sakit sa balat ni Job, at lagyan ang buo niyang katawan ng mahahapding pigsa, at naramdaman ni Job ang sakit sa kanyang balat. Pinuri ni Job ang pagiging kamangha-mangha at kabanalan ng Diyos na si Jehova, na mas lalong nagpasidhi ng kapangahasan ni Satanas. Dahil nakadama ito ng kaligayahan sa pamiminsala sa tao, iniunat ni Satanas ang kamay nito at kinayas ang laman ni Job, na naging dahilan upang magnana ang kanyang mahahapding pigsa. Agad na naramdaman ni Job ang walang kapantay na sakit at paghihirap sa kanyang laman, at wala siyang magagawa kundi ang hilutin ang sarili niya mula ulo hanggang paa gamit ang kanyang mga kamay, na para bang mapapawi nito ang dagok na tinanggap ng kanyang espiritu na nanggaling sa sakit ng laman na ito. Naunawaan niya na nasa tabi niya ang Diyos na nagmamasid sa kanya, at ginawa niya ang kanyang makakaya upang magpakatatag. Minsan pa siyang lumuhod sa lupa, at nagsabi: “Tumitingin Ka sa loob ng puso ng tao, napagmamasdan Mo ang kanyang paghihirap. Bakit Ka nababahala sa kahinaan niya? Purihin ang pangalan ng Diyos na si Jehova.” Nakita ni Satanas ang matinding sakit na nararamdaman ni Job, pero hindi nito nakitang itinakwil ni Job ang pangalan ng Diyos na si Jehova. Dahil dito, buong pagmamadali itong nag-unat ng kamay upang saktan ang mga buto ni Job, desperado na baliin ang kanyang mga binti at braso. Sa isang iglap, nadama ni Job ang walang kapantay na paghihirap; na para bang pinunit ang kanyang laman mula sa kanyang mga buto, at tila unti-unting dinudurog ang kanyang mga buto. Ang matinding pagdurusang ito ang dahilan kung bakit naisip niya na mas mabuti pa ang mamatay…. Umabot na sa hangganan ang kanyang kakayahang magtiis…. Nais niyang sumigaw, nais niyang pilasin ang balat sa kanyang katawan upang bawasan ang sakit—ngunit pinigilan niya ang kanyang pagsigaw, at hindi niya pinilas ang balat sa kanyang katawan, sapagkat hindi niya nais na makita ni Satanas ang kanyang kahinaan. At muli siyang lumuhod, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya nadama ang presensya ng Diyos na si Jehova. Alam ni Job na ang Diyos na si Jehova ay madalas na nasa kanyang harapan, likuran, at magkabilang panig. Ngunit sa panahon ng kanyang paghihirap, ang Diyos ay hindi kailanman tumingin; tinakpan Niya ang Kanyang mukha at nagtago, dahil ang kahulugan ng Kanyang paglikha sa tao ay hindi upang pahirapan ang tao. Noong mga panahong ito, si Job ay umiiyak, at ginagawa ang lahat ng kanyang makakaya upang pagtiisan ang pisikal na sakit, subalit hindi niya mapigilan ang sarili niya na magpasalamat sa Diyos: “Ang tao ay bumabagsak sa unang dagok, siya ay mahina at walang kapangyarihan, siya ay musmos at mangmang—bakit Mo nanaisin na maging mapag-alaga at mapagmahal sa kanya? Hinampas Mo ako, ngunit nasasaktan Kang gawin ito. Anong mayroon ang tao na karapat-dapat sa Iyong pag-aalaga at pag-aalala?” Umabot ang mga panalangin ni Job sa mga tainga ng Diyos, at ang Diyos ay tahimik, nanonood lamang nang walang imik…. Matapos subukan ang lahat ng pakana na nasa libro at hindi nagtagumpay, tahimik na umalis si Satanas, ngunit hindi dito natapos ang mga pagsubok ng Diyos kay Job. Dahil ang kapangyarihan ng Diyos na nahayag kay Job ay hindi naisapubliko, ang kuwento ni Job ay hindi nagtapos sa pag-atras ni Satanas. Sa pagpasok ng ibang mga tauhan, marami pang kamangha-manghang eksena ang paparating.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon