Menu

Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw: Pagkilala sa Diyos | Sipi 26 Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw: Pagkilala sa Diyos | Sipi 26
00:00/ 00:00

Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw: Pagkilala sa Diyos | Sipi 26

00:00
00:00

Nilayon ng Diyos na Sirain ang Mundo Gamit ang isang Baha, Sinabihan si Noe na Gumawa ng isang daong

(Genesis 6:9–14) Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya: si Noe ay lumalakad na kasama ng Dios. At nagkaanak si Noe ng tatlong lalake: si Sem, si Cham, at si Japhet. At sumama ang lupa sa harap ng Dios, at ang lupa ay napuno ng karahasan. At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa. At sinabi ng Dios kay Noe, Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka’t ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y aking lilipuling kalakip ng lupa. Gumawa ka ng isang sasakyang kahoy na gofer; gagawa ka ng mga silid sa sasakyan, at iyong sisiksikan sa loob at sa labas ng sahing.

(Genesis 6:18–22) Datapuwa’t pagtitibayin ko ang aking tipan sa iyo; at ikaw ay lululan sa sasakyan, ikaw, at ang iyong mga anak na lalake, at ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. At sa bawa’t nangabubuhay, sa lahat ng laman ay maglululan ka sa loob ng sasakyan ng dalawa sa bawa’t uri upang maingatan silang buhay, na kasama mo; lalake at babae ang kinakailangan. Sa mga ibon ayon sa kanikanilang uri, at sa mga hayop ayon sa kanikanilang uri, sa bawa’t nagsisiusad, ayon sa kanikanilang uri, dalawa sa bawa’t uri, ay isasama mo sa iyo, upang maingatan silang buhay. At magbaon ka ng lahat ng pagkain na kinakain, at imbakin mo sa iyo; at magiging pagkain mo at nila. Gayon ang ginawa ni Noe; ayon sa lahat na iniutos sa kaniya ng Dios, ay gayon ang ginawa niya.

May pangkalahatang pagkaunawa na ba kayo kung sino si Noe matapos ninyong mabasa ang mga pahayag na ito? Anong uri ng tao si Noe? Ang orihinal na teksto ay: “Si Noe ay lalaking matuwid at sakdal noong kapanahunan niya,” Ayon sa pagkaunawa ng mga modernong tao, anong uri ng tao ang isang matuwid na tao noong panahong iyon? Ang isang matuwid na tao ay dapat na isang perpektong tao. Alam ba ninyo kung ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng tao o perpekto sa mata ng Diyos? Walang duda, ang perpektong taong ito ay perpekto sa mata ng Diyos at hindi sa mata ng tao. Sigurado yan! Ito ay dahil bulag ang tao at hindi makakita, at tanging Diyos lamang ang tumitingin sa buong mundo at sa bawat isang tao, tanging Diyos lamang ang nakaaalam na si Noe ay perpektong tao. Kaya ang balak ng Diyos na sirain ang mundo gamit ang isang baha ay nagsimula sa sandaling tinawag Niya si Noe.

Ang pagtawag kay Noe ay isang simpleng bagay, ngunit ang pangunahing punto ng ating pinag-uusapan—ang disposisyon ng Diyos, ang Kanyang kolooban, at ang Kanyang diwa sa naitalang ito—ay hindi simple. Upang maunawaan ang ilang mga aspetong ito ng Diyos, dapat muna nating maunawaan ang uri ng taong nais tawagin ng Diyos, at sa pamamagitan nito, maunawaan ang Kanyang disposisyon, kalooban, at diwa. Napakahalaga nito. Kaya sa mata ng Diyos, ano kayang uri ng tao itong tao na tinatawag Niya? Ang taong ito ay dapat isang tao na nakikinig sa Kanyang mga salita, nakasusunod sa Kanyang mga tagubilin. Kasabay nito, dapat ang taong ito ay may pagpapahalaga rin sa pananagutan, isang tao na isasagawa ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagturing dito bilang pananagutan at tungkulin na nakatalagang tuparin nila. Kung ganoon, ang taong ito ba ay kinakailangang nakakakilala sa Diyos? Hindi. Noong panahong iyon, wala pang gaanong naririnig si Noe tungkol sa mga katuruan ng Diyos o naranasan ang kahit ano sa gawain ng Diyos. Samakatuwid, ang kaalaman ni Noe tungkol sa Diyos ay napakaliit. Bagamat nakatala rito na si Noe ay nabuhay nang kasama ang Diyos, nakita ba niya kailanman ang persona ng Diyos? Ang sagot ay tiyak na hindi! Dahil sa mga panahong iyon, tanging ang mga mensahero lamang ng Diyos ang pumupunta sa mga tao. Habang maaari nilang katawanin ang Diyos sa pagsasabi at paggawa ng mga bagay, ipinaaabot lamang nila ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang mga layunin. Hindi ipinahayag sa tao nang harapan ang persona ng Diyos. Sa bahaging ito ng banal na kasulatan, ang tanging nakikita natin ay kung ano ang dapat gawin nitong tao na si Noe at kung ano ang mga tagubilin ng Diyos sa kanya. Kaya ano ang diwang ipinahayag ng Diyos dito? Ang lahat ng mga ginagawa ng Diyos ay naplano nang may katiyakan. Kapag nakakakita Siya ng isang bagay o sitwasyong nagaganap, may nakalaang pamantayan upang sukatin ito sa Kanyang mga mata, at ang pamantayang ito ang magsasabi kung magsasagawa Siya ng isang plano upang makitungo dito o kung paano harapin ang bagay at sitwasyong ito. Hindi malamig ang Kanyang loob o walang pakiramdam sa lahat ng bagay. Sa katunayan ito ay lubos na kabaliktaran. May bersikulo dito na sinabi ng Diyos kay Noe: “Ang wakas ng lahat ng tao ay dumating sa harap ko; sapagka’t ang lupa ay napuno ng karahasan dahil sa kanila; at, narito, sila’y aking lilipuling kalakip ng lupa.” Sa mga salita ng Diyos dito, sinabi ba Niyang lilipulin lamang Niya ang mga tao? Hindi! Ang sabi ng Diyos ay lilipulin Niya ang lahat ng mga nabubuhay na laman. Bakit gusto ng Diyos ang panlilipol? May isa pang pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos dito: Sa mga mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensiya sa katiwalian ng tao, sa karumihan, karahasan, at kasuwailan ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “At tiningnan ng Dios ang lupa, at, narito sumama; sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagka’t pinasama ng lahat ng tao ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay, kasama na ang mga sumusunod sa Diyos, ang mga tumatawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya hanggang saan nanatiling mapagpasensiya ang Diyos sa tao at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng mga tao, maging mga sumusunod sa Diyos o hindi mananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa ang tao ay hindi lang tiwali ang moralidad at puno ng kasamaan, ngunit wala na ring naniniwalang may Diyos, lalo nang wala ang naniniwala na ang mundo ay pinaghaharian ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at ng tamang landas. Hanggang sa ang tao ay nasuklam sa pag-iral ng Diyos at hindi pinayagang umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng tao, mawawalan na ng pasensiya ang Diyos. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng poot ng Diyos at kaparusahan ng Diyos. Hindi ba isang bahagi iyon ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Sa panahong ito, mayroon pa bang matuwid na tao sa mata ng Diyos? Mayroon pa bang perpektong tao sa mata ng Diyos? Ito ba ay panahon kung saan ang asal ng lahat ng katawang-tao sa lupa ay tiwali sa mata ng Diyos? Sa araw at panahong ito, bukod doon sa mga gustong gawing ganap ng Diyos, iyong mga makakasunod sa Diyos at makakatanggap ng Kanyang kaligtasan, hindi ba hinahamon ng lahat ng taong laman ang hangganan ng pasensiya ng Diyos? Hindi ba puno ng karahasan ang lahat ng mga nangyayari sa tabi ninyo, ang mga nakikita ng mga mata ninyo, at naririnig ng mga tainga ninyo, at personal na nararanasan ninyo sa araw-araw sa mundong ito? Sa mata ng Diyos, hindi ba dapat na wakasan ang ganitong uri ng mundo, ang ganitong uri ng panahon? Bagamat ang kalagayan sa kasalukuyang panahon ay ibang-iba sa kalagayan noong panahon ni Noe, ang mga damdamin at poot ng Diyos para sa katiwalian ng tao ay nananatiling ganap na katulad noong panahong iyon. Nagagawang maging mapagpasensiya ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ngunit alinsunod sa lahat ng mga uri ng mga kalagayan at mga kundisyon, matagal na sanang dapat ginunaw ang mundong ito sa mata ng Diyos. Ang sitwasyon ay malayo at lampas na sa kung ano ang mundo noong ginunaw sa pamamagitan ng baha. Ngunit ano ang pagkakaiba? Ito rin ang bagay na pinakanagpapalungkot sa puso ng Diyos, at marahil isang bagay na wala sa inyo ang makapagpapahalaga.

Noong ginugunaw Niya ang mundo sa pamamagitan ng baha, maaaring tawagin ng Diyos si Noe upang gumawa ng daong at gawin ang ilang mga gawaing paghahanda. Maaaring tawagin ng Diyos ang isang tao—si Noe—upang gawin ang mga serye ng mga bagay na ito para sa Kanya. Ngunit sa kasalukuyang panahon, walang sinuman ang maaaring tawagin ng Diyos. Bakit ganoon? Ang bawat isang tao na nakaupo rito marahil ay ganap na naiintindihan at nalalaman ang dahilan. Kailangan pa ba ninyong isa-isahin Ko ito? Kung sasabihin ko nang malakas, baka mapahiya kayo at maiinis ang lahat. Baka sabihin ng ilang tao: “Bagamat hindi tayo mga matutuwid na tao at hindi tayo mga perpektong tao sa mata ng Diyos, kapag may ipinagawa sa atin ang Diyos, makakaya pa rin nating gawin ito. Noon, nung sinabi Niyang may parating na malalang sakuna, nagsimula tayong maghanda ng pagkain at mga bagay-bagay na kakailanganin para sa sakuna. Hindi ba lahat ng ito ay ginawa alinsunod sa mga ipinagagawa ng Diyos? Hindi ba talaga tayo nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos? Hindi ba maaaring maihambing itong mga ginawa natin sa ginawa ni Noe? Hindi ba tunay na pagsunod yung paggawa sa ginawa natin? Hindi ba natin sinusunod yung mga tagubilin ng Diyos? Hindi ba natin ginawa ang sinabi ng Diyos dahil may pananampalataya tayo sa mga salita ng Diyos? Kung ganoon bakit malungkot pa rin ang Diyos? Bakit sinasabi ng Diyos na wala Siyang matawag?” May pagkakaiba ba ang mga ginawa ninyo at ang ginawa ni Noe? Ano ang pagkakaiba? (Ang paghahanda ng pagkain ngayon para sa sakuna ay sarili nating layunin.) (Ang mga gawa natin ay hindi umaabot sa “pagkamatuwid”, samantalang si Noe ay isang matuwid na tao sa mata ng Diyos.) Ang sinabi ninyo ay hindi gaanong malayo. Malaki ang pagkakaiba ng ginawa ni Noe sa ginagawa ng mga tao ngayon. Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng kautusan, binilin siyang gumawa ng isang bagay, ngunit wala itong gaanong paliwanag, at tumuloy siya at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga layunin ng Diyos nang palihim, ni lumaban sa Diyos o nagdalawang puso. Humayo lamang siya at ginawa ito ng maayos nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya, at ang pagsunod at pakikinig sa salita ng Diyos ang kanyang kombiksyon sa paggawa ng mga bagay. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga paggawa ay pagsunod, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan at pakinabang at kawalan. At noon pang sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi niya tinanong kung kailan o sinubukang arukin ito, at tiyak na hindi niya tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang siya ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung ano ang ipagagawa nito, ginawa niya ito ayon mismo sa hiningi ng Diyos at nagsimula siyang gumawa agad pagkatapos. Ginawa niya ito nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang daong? Hindi rin Niya alam iyon. Sumunod lang siya, nakinig, at ginawa ito nang maayos. Ang mga tao ngayon ay hindi tulad nito: Sa sandaling may kapirasong impormasyon ang nabunyag sa pamamagitan ng salita ng Diyos, sa sandaling makadadama ang mga tao ng palatandaan ng kaguluhan o pagkabagabag, agad silang magmamadaling kumilos, ano pa man at anuman ang dapat bayaran, upang maihanda ang kanilang kakainin, iinumin, at gagamitin matapos ang sakuna, pinaplano kahit ang dadaanan sa pag-alpas pag dumating ang sakuna. Ang mas kapansin-pansin pa ay, sa mahalagang sandaling ito, ang mga utak ng tao ay lubhang “kapaki-pakinabang.” Sa mga kalagayang hindi nagbigay ang Diyos ng anumang mga tagubilin, kayang magplano ng tao para sa lahat sa napaka-angkop na paraan. Maaari ninyong gamitin ang salitang “perpekto” para ilarawan ito. Tungkol naman sa kung ano ang sinabi ng Diyos, ano ang mga layunin ng Diyos, o ano ang mga gusto ng Diyos, walang may pakialam, at walang sumubok na pahalagahan ito. Hindi ba iyan ang pinakamalaking pagkakaiba sa mga tao ngayon at kay Noe?

Sa naitalang ito na kuwento ni Noe, may nakikita ba kayong bahagi ng disposisyon ng Diyos? May hangganan ang pagpapasensiya ng Diyos para sa katiwalian, karumihan at karahasan ng tao. Kapag umabot Siya sa hangganang iyon, hindi na Siya magiging mapagpasensiya at sa halip ay sisimulan na ang Kanyang bagong pamamahala at bagong plano, sisimulan nang gawin ang dapat Niyang gawin, ibunyag ang Kanyang mga gawa at ang kabilang bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang pagkilos Niyang ito ay hindi upang ipakita na hindi Siya dapat saktan kailanman ng tao o ipakita na Siya ay puno ng awtoridad at poot, at hindi upang ipakita na kaya Niyang lipulin ang sangkatauhan. Ito ay dahil ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang banal na diwa ay hindi na pinahihintulutan, ubos na ang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan na mabuhay sa Kanyang harapan, mabuhay sa ilalim ng Kanyang dominyon. Ang ibig sabihin, kapag ang buong sangkatauhan ay laban sa Kanya, kapag wala Siyang maaaring iligtas sa buong mundo, wala na Siyang pasensiya para sa ganitong uri ng sangkatauhan, at isasagawa nang walang anumang pag-aalinlangan ang Kanyang plano—ang lipulin ang ganitong uri ng sangkatauhan. Ang ganitong kilos ng Diyos ay itinakda ng Kanyang disposisyon. Ito ay isang hindi maiiwasang kahihinatnan, at isang kahihinatnan na dapat tiisin ng bawat nilikha sa ilalim ng dominyon ng Diyos. Hindi ba nito ipinakikita na sa kasalukuyang panahon, hindi na mahintay ng Diyos na makumpleto ang Kanyang plano at iligtas ang mga taong nais Niyang iligtas? Sa ilalim ng mga kalagayang ito, ano ang pinakamahalaga sa Diyos? Hindi kung paanong ang mga hindi sumusunod sa Kanya o ang mga lumalaban sa Kanya ay pagbantaan Siya, labanan Siya, o kung paano manirang-puri ang mga tao laban sa Kanya. Ang mahalaga lamang sa Kanya ay kung ang mga sumusunod sa Kanya, ang mga kinauukulan ng Kanyang kaligtasan sa Kanyang plano sa pamamahala, ay nagawa na Niyang ganap, kung nakamit ba nila ang ikasisiya Niya. Para sa mga tao na bukod sa mga sumusunod sa Kanya, naglalaan lamang Siya paminsan-minsan ng kaunting kaparusahan upang ipahayag ang Kanyang poot. Halimbawa: mga sunami, mga lindol, mga pagputok ng bulkan, at iba pa. Kasabay nito, malakas din Niyang ipinagtatanggol at inaalagaan ang mga sumusunod sa Kanya at mga malapit na Niyang iligtas. Ang disposisyon ng Diyos ay ito: Sa isang dako, maaari Niyang bigyan ang mga taong balak Niyang gawing ganap ng kasukdulang pagpapasensiya at pagpaparaya, at hintayin sila hanggang sa posibleng makakaya Niya; sa kabilang dako, matindi ang galit at kinasusuklaman ng Diyos ang mala-Satanas na uri ng tao na hindi sumusunod sa Kanya at lumalaban sa Kanya. Bagamat wala Siyang pakialam kung itong mga mala-Satanas na uri ay sumunod sa Kanya o sumamba sa Kanya, kinamumuhian Niya pa rin sila habang pinagpapasensiyahan sila ng Kanyang puso, at sa Kanyang pagtatakda ng katapusan nitong mga mala-Satanas na uri, hinihintay rin Niya ang pagdating ng mga hakbang ng Kanyang plano sa pamamahala.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Mag-iwan ng Tugon