Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 66 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 66
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 66

00:00
00:00

“Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, ‘Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’” (Mateo 12:6–8). Ano ang tinutukoy ng salitang “templo” rito? Sa madaling salita, tumutukoy ito sa isang kamangha-manghang, mataas na gusali, at sa Kapanahunan ng Kautusan, ang templo ay lugar para sa mga saserdote upang sambahin ang Diyos. Nang sinabi ng Panginoong Jesus na “dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo,” sino ang tinutukoy na “isa”? Maliwanag, ang “isa” ay ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, sapagkat tanging Siya ang mas dakila kaysa sa templo. Ano ang sinasabi ng mga salitang iyon sa mga tao? Sinasabi ng mga ito sa mga tao na lumabas sila sa templo—iniwan na ng Diyos ang templo at hindi na gumagawa sa loob nito, kaya dapat hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa labas ng templo at sundan ang Kanyang mga hakbang sa Kanyang bagong gawain. Nang sabihin ito ng Panginoong Jesus, may saligan sa likod ng Kanyang mga salita, na sa ilalim ng kautusan, itinuturing ng mga tao ang templo bilang isang bagay na higit na dakila kaysa sa Diyos Mismo. Ibig sabihin, sinamba ng mga tao ang templo sa halip na sambahin ang Diyos, kaya binalaan sila ng Panginoong Jesus na huwag sambahin ang mga idolo, bagkus sa halip ay sambahin ang Diyos, sapagkat Siya ang kataas-taasan. Kaya, sinabi Niya: “Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Maliwanag na sa mga mata ng Panginoong Jesus, hindi na sumasamba kay Jehova ang karamihan sa mga tao na namumuhay sa ilalim ng kautusan, bagkus ay basta na lamang ginagawa ang pagsasakripisyo, at tinukoy ng Panginoong Jesus na ito ay ibinilang na pagsamba sa idolo. Itinuring ng mga sumasambang ito sa idolo ang templo bilang isang bagay na mas dakila at mas mataas kaysa sa Diyos. Tanging ang templo ang nasa kanilang mga puso, hindi ang Diyos, at kung mawala sa kanila ang templo, mawawala sa kanila ang kanilang tahanang dako. Kung wala ang templo ay wala silang ibang mapagsasambahan at hindi maisasagawa ang kanilang mga pagsasakripisyo. Ang kanilang tinatawag na “tahanang dako” ay kung saan ginamit nila ang pagkukunwari ng pagsamba sa Diyos na si Jehova upang makapanatili sa templo at maisagawa ang sarili nilang mga gawain. Ang kanilang tinatawag na “pagsasakripisyo” ay walang iba kundi ang pagsasagawa nila ng kanilang sariling personal na kahiya-hiyang mga pakikitungo sa ilalim ng balatkayo ng pagsasagawa ng kanilang serbisyo sa templo. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga tao sa panahong iyon ang templo bilang higit na dakila kaysa sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babala sa mga tao, sapagkat ginagamit nila ang templo bilang isang balatkayo, at ang mga sakripisyo bilang isang panakip para sa pandaraya sa mga tao at pandaraya sa Diyos. Kung gamitin ang mga salitang ito sa kasalukuyan, gayon pa rin kabisa at gayon pa rin nauukol ang mga ito. Bagaman naranasan na ng mga tao ngayon ang gawain ng Diyos na iba kaysa sa naranasan ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan, magkatulad ang kalikasan at diwa nila. Sa konteksto ng gawain ngayon, gagawin pa rin ng mga tao ang kaparehong uri ng mga bagay gaya ng kinakatawan ng mga salitang “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos.” Halimbawa, itinuturing ng mga tao ang pagtupad ng kanilang tungkulin bilang kanilang trabaho; itinuturing nila ang pagpapatotoo sa Diyos at ang pakikipaglaban sa malaking pulang dragon bilang mga pagkilos na pulitikal sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao, para sa demokrasya at kalayaan; ginagawa nilang karera ang kanilang tungkulin na gamitin ang kanilang mga kakayahan, ngunit itinuturing nila ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang isang piraso lang ng relihiyosong doktrina na susundin; at iba pa. Hindi ba sadyang katulad ang mga gawing ito ng “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos”? Ang pinagkaiba, dalawang libong taon na ang nakaraan, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa pisikal na templo, ngunit ngayon, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa mga di-nahahawakang mga templo. Ang mga taong nagpapahalaga sa mga patakaran ay itinuturing ang mga patakaran na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga taong umiibig sa katayuan ay itinuturing ang katayuan na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga umiibig sa kanilang karera ay itinuturing ang kanilang karera na higit na dakila kaysa sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng kanilang mga pagpapahayag ang nag-udyok sa Akin upang sabihing: “Pinupuri ng mga tao ang Diyos bilang pinakadakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita, ngunit sa kanilang mga mata ang lahat ng bagay ay higit na dakila kaysa sa Diyos.” Ito ay dahil sa sandaling makakita ng pagkakataon ang mga tao sa kanilang daan ng pagsunod sa Diyos upang maitanghal ang sarili nilang mga talento, o upang maisagawa ang sarili nilang gawain o sarili nilang karera, inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos at inilalagak ang kanilang mga sarili sa minamahal nilang karera. At tungkol naman sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, at sa Kanyang kalooban, matagal nang naitapon ang mga bagay na iyon. Anong pinagkaiba ng katayuan ng mga taong ito at yaong nagsagawa ng kanilang sariling gawain sa loob ng templo dalawang libong taon na ang nakararaan?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Mag-iwan ng Tugon