Ang Saloobin ng Diyos sa mga Tumatakas sa Panahon ng Kanyang Gawain
May ganitong mga tao kahit saan: Pagkatapos nilang makatiyak tungkol sa daan ng Diyos, sa iba-ibang dahilan, tahimik silang lumilisan, nang hindi nagpapaalam, humahayo at gumagawa ng anumang naisin ng kanilang puso. Samantala, hindi natin tatalakayin ang mga dahilan ng pag-alis ng mga taong ito; titingnan muna natin kung ano ang saloobin ng Diyos sa ganitong klaseng tao. Napakalinaw nito! Mula sa sandaling lumayo ang taong ito, sa paningin ng Diyos, tapos na ang maikling panahon ng kanilang pananampalataya. Hindi ang indibiduwal na tao ang tumapos nito, kundi ang Diyos. Ang ibig sabihin ng iniwan ng taong ito ang Diyos ay na itinakwil na nila ang Diyos, na ayaw na nila sa Kanya, at na hindi na nila tinatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Yamang ayaw ng ganitong mga tao ang Diyos, gugustuhin pa rin ba Niya sila? Bukod pa riyan, kapag taglay ng mga taong ito ang ganitong uri ng saloobin, ang pananaw na ito, at nakapagpasya nang lisanin ang Diyos, napagalit na nila ang disposisyon ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na maaaring hindi sila nagwala at hindi nila isinumpa ang Diyos, sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila gumawa ng anumang nakasusuklam o labis na pag-uugali, at sa kabila ng katotohanan na iniisip ng mga taong ito na, “Kung dumating ang araw na napuno na ako ng kasiyahan sa labas, o kapag may kailangan pa rin ako sa Diyos, babalik ako. O kapag tinawag ako ng Diyos, babalik ako,” o sinasabi nilang, “Kapag nasasaktan ako sa labas, o kapag nakikita ko na napakadilim at napakasama ng mundo sa labas at ayaw ko nang magpatangay sa agos, babalik ako sa Diyos.” Kahit nakalkula na ng mga taong ito sa kanilang isipan kung kailan talaga sila babalik, at kahit nagsikap na silang iwanang bukas ang pinto para sa kanilang pagbalik, hindi nila natatanto na anuman ang kanilang pinaniniwalaan o paano man sila nagpaplano, lahat ng ito ay pangarap lamang. Ang pinakamalaki nilang pagkakamali ay ang pagiging malabo sa kanila kung ano ang nadarama ng Diyos tungkol sa kanilang hangarin. Sa mismong sandali na nagpasya silang lisanin ang Diyos, ganap Niya silang tatalikuran; sa oras na iyon, naipasya na Niya ang kahihinatnan ng gayong tao sa Kanyang puso. Anong kahihinatnan iyon? Iyon ay na ang taong ito ay magiging isa sa mga daga, at samakatuwid ay mamamatay na kasama ang mga ito. Sa gayon, madalas makita ng mga tao ang ganitong klaseng sitwasyon: Tinatalikuran ng isang tao ang Diyos, ngunit hindi tumatanggap ng kaparusahan. Kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo; ang ilang bagay ay nakikita, samantalang ang iba ay tinatapos lamang sa puso ng Diyos, kaya hindi nakikita ng mga tao ang mga resulta. Ang bahaging nakikita ng mga tao ay hindi kinakailangang tunay na panig ng mga bagay-bagay, kundi ang kabilang panig na iyon—ang panig na hindi mo nakikita—ay talagang naglalaman ng taos na mga saloobin at konklusyon ng Diyos.
Ang mga Taong Tumatakas sa Panahon ng Gawain ng Diyos ay Yaong mga Tumalikod sa Tunay na Daan
Paano mabibigyan ng Diyos ng gayon kalubhang kaparusahan ang mga taong tumatakas sa panahon ng Kanyang gawain? Bakit Siya galit na galit sa kanila? Una sa lahat, alam natin na ang disposisyon ng Diyos ay pagiging maharlika at poot; hindi Siya isang tupa na kakatayin ninuman, lalong hindi Siya isang tau-tauhang kokontrolin ng mga tao kahit paano nila gusto. Hindi rin Siya isang hungkag na uutus-utusan. Kung talagang naniniwala ka na mayroong Diyos, dapat ay mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at dapat mong malaman na ang Kanyang diwa ay hindi maaaring galitin. Ang galit na ito ay maaaring idulot ng isang salita, o marahil ay ng isang ideya, o marahil ay ng isang uri ng nakasusuklam na ugali, o marahil ay kahit ng banayad na ugali—ugaling uubra sa mga mata at moralidad ng mga tao; o, marahil ay inudyok ito ng isang doktrina o isang teorya. Gayunman, kapag napagalit mo na ang Diyos, nawawala ang iyong pagkakataon, at dumating na ang katapusan ng mga araw mo. Grabeng bagay ito! Kung hindi mo maunawaan na hindi dapat magkasala sa Diyos, hindi ka siguro takot sa Kanya, at marahil ay palagi kang nagkakasala sa Kanya. Kung hindi mo alam kung paano matakot sa Diyos, hindi ka natatakot sa Diyos, at hindi mo malalaman kung paano tumahak sa landas ng paglakad sa daan ng Diyos—na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kapag nagkaroon ka na ng kamalayan, at alam mo na hindi dapat magkasala sa Diyos, malalaman mo kung ano ang magkaroon ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Ang paglalakad sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan ay hindi kinakailangang tungkol sa dami ng katotohanang alam mo, ilang pagsubok na ang naranasan mo, o gaano ka nadisiplina. Sa halip, nakasalalay ito sa uri ng saloobin mo sa Diyos sa puso mo, at kung anong diwa ang ipinapahayag mo. Ang diwa ng mga tao at ang kanilang pansariling mga saloobin—ang mga ito ay napakahalaga, napaka-kritikal. Patungkol doon sa mga tao na itinakwil at iniwan na ang Diyos, pinagalit na ng kasuklam-suklam na saloobin nila sa Kanya at ng puso nilang namumuhi sa katotohanan ang Kanyang disposisyon, para sa Kanya, hindi sila patatawarin kailanman. Nalaman na nila ang tungkol sa pag-iral ng Diyos, naipaalam na sa kanila ang balita na dumating na Siya, at naranasan pa nila ang bagong gawain ng Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi dahil sa nalinlang o naguluhan sila, lalong hindi ito dahil napilitan silang umalis. Sa halip, sadya nilang pinili, at nang may malinaw na isipan, na lisanin ang Diyos. Ang kanilang paglisan ay hindi pagkaligaw sa kanilang landas, ni hindi sila itinakwil. Samakatuwid, sa paningin ng Diyos, hindi sila mga korderong napawalay sa kawan, lalong hindi sila mga alibughang anak na naligaw ng kanilang landas. Lumisan sila nang hindi napaparusahan—at ang gayong kondisyon, gayong sitwasyon, ay nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at dahil sa pagkagalit na ito kaya Niya sila binibigyan ng walang pag-asang kahihinatnan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong klaseng kahihinatnan? Samakatuwid, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos, maaari silang magkasala sa Kanya. Hindi ito maliit na bagay! Kung hindi sineseryoso ng mga tao ang saloobin ng Diyos, at naniniwala pa rin sila na inaasam Niya ang kanilang pagbabalik dahil kasama sila sa Kanyang nawawalang mga kordero at hinihintay pa rin Niyang magkaroon sila ng pagbabago ng puso, hindi sila nalalayo sa mga araw ng kanilang kaparusahan. Hindi lamang aayaw ang Diyos na tanggapin sila—dahil ito ang kanilang pangalawang pagkakataon na ginagalit nila ang Kanyang disposisyon, mas nakakatakot ang bagay na ito! Ang walang-pitagang saloobin ng mga taong ito ay lumabag na sa mga atas administratibo ng Diyos. Tatanggapin pa ba Niya sila? Sa Kanyang puso, ang mga prinsipyo ng Diyos tungkol sa bagay na ito ay na natiyak na ng isang tao kung alin ang tunay na daan, subalit kaya pa rin niyang sadya at malinaw ang isipan na tanggihan ang Diyos at lisanin ang Diyos, sa gayon ay haharangan Niya ang daan patungo sa kaligtasan ng taong iyon, at para sa indibiduwal na ito, sarado na ang pintuan papasok sa kaharian mula ngayon. Kapag minsan pang kumatok ang taong ito, hindi bubuksan ng Diyos ang pintuan; sasaraduhan na ang taong ito magpakailanman. Marahil ay nabasa na ng ilan sa inyo ang kuwento tungkol kay Moises sa Bibliya. Matapos pahiran ng Diyos ng langis si Moises, ipinahayag ng 250 pinuno ang kanilang pagsuway kay Moises dahil sa kanyang mga kilos at sa iba-iba pang mga dahilan. Kanino sila tumangging magpasakop? Hindi kay Moises. Tumanggi silang magpasakop sa mga plano ng Diyos; tumanggi silang magpasakop sa gawain ng Diyos sa isyung ito. Sinabi nila ang sumusunod: “Kayo’y kumukuha ng malabis sa inyo, dangang ang buong kapisanan ay banal, bawat isa sa kanila, at si Jehova ay nasa gitna nila….” Napakaseryoso ba ng mga salita at linyang ito, mula sa pananaw ng isang tao? Hindi seryoso ang mga ito! Kahit paano, ang literal na kahulugan ng mga salitang ito ay hindi seryoso. Sa legal na kahulugan, hindi lumalabag ang mga ito sa anumang mga batas, dahil sa tingin pa lamang, hindi ito pagalit na pananalita o bokabularyo, lalong wala itong anumang mapaglapastangang mga konotasyon. Karaniwang mga pahayag lamang ang mga ito, wala nang iba. Kung gayon, bakit maaaring magpasimula ng gayong pagkagalit ng Diyos ang mga salitang ito? Dahil hindi sinabi ang mga ito sa mga tao, kundi sa Diyos. Ang saloobin at disposisyong ipinahayag ng mga ito ang mismong nagpapagalit sa disposisyon ng Diyos, at nagkakasala sila sa disposisyon ng Diyos na hindi dapat pagkasalahan. Alam nating lahat kung ano ang kinahinatnan ng mga pinunong iyon sa huli. Tungkol sa mga taong tumalikod na sa Diyos, ano ang kanilang pananaw? Ano ang kanilang saloobin? At bakit naging sanhi ang kanilang pananaw at saloobin na pakitunguhan sila ng Diyos sa gayong paraan? Ang dahilan ay na bagamat malinaw nilang alam na Siya ang Diyos, pinili pa rin nilang pagtaksilan Siya, at ito ang dahilan kaya lubos silang inalisan ng kanilang mga pagkakataong maligtas. Tulad ng nakasulat sa Bibliya, “Sapagkat kung ating sinasadya ang pagkakasala pagkatapos na ating matanggap ang pagkakilala sa katotohanan, ay wala nang haing natitira pa tungkol sa mga kasalanan” (Mga Hebreo 10:26). Mayroon na ba kayo ngayong malinaw na pagkaunawa sa bagay na ito?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain