Yaong mga walang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman lubos na masusunod ang Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mga anak na suwail. Masyado silang ambisyoso, at masyadong mapanghimagsik, kaya inilalayo nila ang kanilang sarili mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri. Ang mga taong kagaya nito ay hindi madaling maperpekto. Mapili ang ilang tao kung paano nila kakainin at iinumin ang mga salita ng Diyos at sa pagtanggap nila sa mga ito. Tinatanggap nila ang ilang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro samantalang inaayawan yaong mga hindi. Hindi ba ito tahasang paghihimagsik at paglaban sa Diyos? Kung maraming taon nang nananalig ang isang tao sa Diyos nang hindi nagtatamo ng kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa Kanya, sila ay di-mananampalataya. Yaong mga handang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos ay yaong mga naghahangad na maunawaan Siya, na handang tanggapin ang Kanyang mga salita. Sila ang mga tatanggap ng mana at mga pagpapala ng Diyos, at sila ang pinakamapalad. Isinusumpa ng Diyos yaong mga walang-puwang para sa Kanya sa kanilang puso, at kinakastigo at tinatalikdan Niya ang gayong mga tao. Kung hindi mo mahal ang Diyos, tatalikdan ka Niya, at kung hindi ka makikinig sa sinasabi Ko, ipinapangako Ko na tatalikdan ka ng Espiritu ng Diyos. Subukan mo ito kung hindi ka naniniwala! Sa araw na ito nililinaw Ko sa iyo ang isang landas sa pagsasagawa, ngunit nasa sa iyo kung isasagawa mo ito. Kung hindi ka naniniwala rito, kung hindi mo ito isasagawa, makikita mo mismo kung gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o hindi! Kung hindi mo hahangaring maunawaan ang Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas malaki ang pag-asa nilang maperpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na payapa sa Kanyang harapan. Ang pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, ang pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, ang pahalagahan ang presensya ng Diyos, ang pahalagahan ang malasakit at pangangalaga ng Diyos, ang pahalagahan kung paano nagiging realidad mo ang mga salita ng Diyos at natutustusan ang iyong buhay—lahat ng ito ay pinakamainam na naaayon sa puso ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo, kundi pagkakalooban ka lamang Niya ng katiting na biyaya para sa iyong pananampalataya, o pagpapalain ka ng kaunting kayamanan at ng kaunting kaligtasan ang iyong pamilya. Dapat mong sikaping gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, at mabigyan Siya ng kasiyahan at maging kaayon ng Kanyang puso; hindi ka lamang dapat magsikap na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, matamo ang pagkaperpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang mithiing dapat mong hangarin.
Lahat ng hinangad ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay lipas na, dahil mayroon na ngayong mas mataas na pamantayan ng paghahangad; ang hinahangad ay kapwa mas matayog at mas praktikal, ang hinahangad ay mas magpapalugod sa kinakailangan ng kalooban ng tao. Sa lumipas na mga kapanahunan, hindi gumawa ang Diyos sa mga tao na kagaya ngayon; hindi Siya nangusap sa kanila na katulad ng ginagawa Niya ngayon, ni hindi kasintayog ngayon ang Kanyang mga kinakailangan sa kanila noon. Na nangungusap ang Diyos sa inyo tungkol sa mga bagay na ito ngayon ay nagpapakita na ang talagang layon ng Diyos ay nakatuon sa inyo, sa grupong ito ng mga tao. Kung talagang nais mong maperpekto ng Diyos, hangarin mo ito bilang iyong sentrong mithiin. Nagpapagal ka man, gumugugol ng iyong sarili, naglilingkod sa isang tungkulin, o kung natanggap mo na ang tagubilin ng Diyos, ang layunin ay palaging ang maperpekto at mapalugod ang kalooban ng Diyos, ang makamtan ang mga mithiing ito. Kung sinasabi ng isang tao na hindi nila hinahangad na maperpekto ng Diyos o makapasok sa buhay, kundi hinahangad lamang nila ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, sila ang pinakabulag sa lahat ng tao. Yaong mga hindi nagtataguyod sa realidad ng buhay, kundi naghahangad lamang ng buhay na walang hanggan sa mundong darating at kaligtasan sa mundong ito, ang pinakabulag sa lahat ng tao. Kaya, lahat ng ginagawa mo ay dapat gawin para sa layuning maperpekto at matamo ng Diyos.
Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ay upang maglaan para sa kanila batay sa kanilang magkakaibang mga kinakailangan. Kapag mas malaki ang buhay ng isang tao, mas malaki ang kanilang pangangailangan at mas naghahangad sila. Kung sa yugtong ito ay wala kang hinahangad, pinatutunayan nito na tinalikdan ka na ng Banal na Espiritu. Lahat ng naghahangad ng buhay ay hindi kailanman tatalikdan ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay palaging naghahangad, at palaging may pinananabikan sa kanilang puso. Ang gayong mga tao ay hindi kuntento kailanman sa lagay ng mga bagay-bagay sa kasalukuyan. Bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay naglalayon na magkamit ng epekto sa iyo, ngunit kung magiging kampante ka, kung wala ka nang mga pangangailangan, kung hindi mo na tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, tatalikdan ka Niya. Kinakailangan ng mga tao ang masusing pagsusuri ng Diyos araw-araw; kinakailangan nila ang saganang panustos mula sa Diyos araw-araw. Makakaraos ba ang tao nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos araw-araw? Kung palaging nadarama ng isang tao na hindi sapat ang nakakain at naiinom niyang salita ng Diyos, kung palagi niya itong hinahangad at nagugutom at nauuhaw para rito, palaging gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Kapag mas nananabik ang isang tao, mas maraming praktikal na bagay ang maaaring lumabas sa kanyang pagbabahagi. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katotohanan, mas mabilis na lalago ang kanyang buhay, yayaman ang kanyang karanasan at magiging mayamang mamamayan sa sambahayan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso