Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 72
Nalalaman ng lahat ng nakabasa na sa Bibliya na maraming bagay ang nangyari nang ipanganak ang Panginoong Jesus. Ang pinakamatindi sa mga pangyayaring iyon ay nang tinutugis Siya ng hari ng mga diyablo, na isang napakalubhang pangyayari na anupa’t ang lahat ng bata sa bayan na edad dalawang taon pababa ay pinagpapatay. Maliwanag na sinuong ng Diyos ang napakalaking panganib sa pagkakatawang-tao kasama ng mga tao; maliwanag din ang napakalaking halaga na Kanyang binayaran para sa pagtatapos ng Kanyang pamamahala sa pagliligtas sa sangkatauhan. Maliwanag din ang dakilang mga pag-asa na pinanghawakan ng Diyos para sa Kanyang gawain sa gitna ng sangkatauhan sa katawang-tao. Nang magawa ng katawang-tao ng Diyos na gumawa kasama ng sangkatauhan, ano ang Kanyang naramdaman? Dapat na maunawaan ng mga tao iyon kahit papaano, hindi ba? Ano’t anuman, masaya ang Diyos sapagkat maaari na Niyang simulang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa sangkatauhan. Nang nabautismuhan ang Panginoong Jesus at opisyal na sinimulan ang Kanyang gawain upang tuparin ang Kanyang ministeryo, napuno ng kagalakan ang puso ng Diyos dahil pagkatapos ng napakaraming taon ng paghihintay at paghahanda, maisusuot na Niya sa wakas ang katawang-tao ng isang normal na tao at masisimulan ang Kanyang bagong gawain sa anyo ng isang tao na may laman at dugo, na maaaring makita at mahawakan ng mga tao. Sa wakas ay maaari na Siyang makipag-usap nang harap-harapan at masinsinan sa mga tao sa pamamagitan ng pagkakakilanlan ng isang tao. Sa wakas ay maaari nang humarap ang Diyos nang mukhaan sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga paraan ng tao at wika ng tao; maaari na Niyang tustusan ang sangkatauhan, liwanagan sila, at tulungan sila gamit ang wika ng tao; maaari na Siyang kumain sa parehong hapag at mamuhay sa parehong lugar kasama sila. Maaari na rin Niyang makita ang mga tao, makita ang mga bagay, at makita ang lahat gaya ng kung paano nakikita ng mga tao ang mga ito at maging sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata. Para sa Diyos, ito na ang Kanyang unang tagumpay sa Kanyang gawain sa katawang-tao. Masasabi rin na ito ay katuparan ng isang dakilang gawain—ito mangyari pa ang lubos na ikinaliligaya ng Diyos. Simula noon, nadama ng Diyos, sa unang pagkakataon, ang isang uri ng kaaliwan sa Kanyang gawain sa sangkatauhan. Ang lahat ng mga kaganapang nangyari ay totoong praktikal at talagang likas, at ang kaaliwan na naramdaman ng Diyos ay napakatotoo. Para sa sangkatauhan, sa tuwing naisasakatuparan ang isang bagong yugto ng gawain ng Diyos, at sa tuwing nakararamdam ng kasiyahan ang Diyos, ay kung kailan maaaring mas mapalapit ang sangkatauhan sa Diyos at sa kaligtasan. Sa Diyos, ito rin ang paglulunsad ng Kanyang bagong gawain, sumusulong sa Kanyang plano ng pamamahala, at, higit pa rito, ito ang mga pagkakataon kung kailan ang Kanyang mga layunin ay nalalapit sa ganap na katuparan. Para sa sangkatauhan, mapalad ang pagdating ng gayong pagkakataon, at talagang mabuti; para sa lahat ng naghihintay sa pagliligtas ng Diyos, ito ay napakahalaga at nakagagalak na balita. Kapag isinasakatuparan ng Diyos ang isang bagong yugto ng gawain, mayroon Siyang isang bagong pasimula, at kapag inilunsad at ipinakilala ang bagong gawain at bagong pasimulang ito sa sangkatauhan, ito ay kung kailan natiyak na ang kalalabasan ng yugtong ito ng gawain at natapos na at nakita na ng Diyos ang panghuling epekto at bunga. Ito rin ay kung kailan mapalulugod ng mga epektong ito ang Diyos, at, mangyari pa, ito ay kung kailan masaya ang Kanyang puso. Panatag ang Diyos dahil, sa mga mata Niya, nakita at natukoy na Niya ang mga tao na Kanyang hinahanap, at nakamit na ang pangkat na ito ng tao, isang pangkat na magagawang maging matagumpay ang Kanyang gawain at magdudulot sa Kanya ng kaluguran. Kaya naman, isinasantabi Niya ang Kanyang mga pag-aalala, at nakararamdam Siya ng kasiyahan. Sa madaling salita, kapag ang katawang-tao ng Diyos ay makapagsisimula ng bagong gawain kasama ng tao, at sinimulan Niya, nang walang hadlang, na gawin ang gawain na dapat Niyang gawin, at kapag nararamdaman na Niyang natapos na ang lahat, kung gayon ay para sa Kanya, nakikita na Niya ang katapusan. Nasisiyahan Siya dahil dito, at masaya ang Kanyang puso. Paano naipahahayag ang kasiyahan ng Diyos? Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang sagot? Maaari bang umiyak ang Diyos? Makaiiyak ba ang Diyos? Maipapalakpak ba ng Diyos ang Kanyang mga kamay? Makasasayaw ba ang Diyos? Makaaawit ba ang Diyos? Kung gayon, ano kayang aawitin Niya? Mangyari pa, makaaawit ang Diyos ng isang maganda, nakaaantig na awit, isang awit na kayang ipahayag ang galak at kasiyahan sa Kanyang puso. Magagawa Niyang awitin ito para sa sangkatauhan, para sa Kanya Mismo, at para sa lahat ng bagay. Maipapahayag sa anumang paraan ang kasiyahan ng Diyos—normal ang lahat ng ito sapagkat may mga kagalakan at mga kalungkutan ang Diyos, at ang Kanyang iba’t ibang damdamin ay maipahahayag sa iba’t ibang paraan. Ito ay Kanyang karapatan, at wala nang ibang mas normal at wasto. Hindi na dapat mag-isip ng anupaman dito ang mga tao. Hindi ninyo dapat subukang gamitin ang “orasyon sa paghihigpit ng benda” sa Diyos, na sinasabi sa Kanya na hindi Niya dapat gawin ang ganito o ganoon, hindi Siya dapat kumilos nang ganito o ganoon, at sa paraang ito ay limitahan ang Kanyang kasiyahan o anumang damdaming maaaring mayroon Siya. Sa puso ng mga tao ang Diyos ay hindi magagawang maging masaya, hindi makaluluha, hindi makatatangis—hindi Niya magagawang magpahayag ng anumang emosyon. Sa pamamagitan ng ipinagbigay-alam na natin sa loob ng dalawang pagbabahaging ito, naniniwala Ako na hindi na ninyo titingnan ang Diyos sa ganitong paraan, bagkus ay hahayaan ang Diyos na magkaroon ng kaunting kalayaan at kaginhawahan. Napakainam na bagay ito. Sa hinaharap kung magagawa ninyong tunay na maramdaman ang kalungkutan ng Diyos kapag narinig ninyong malungkot Siya, at nagagawa ninyong tunay na maramdaman ang Kanyang kasiyahan kapag narinig ninyong masaya Siya, kung gayon kahit papaano ay magagawa ninyong malaman at maunawaan nang malinaw kung ano ang nakapagpapasaya sa Diyos at kung ano ang nakapagpapalungkot sa Kanya. Kapag nalulungkot ka dahil malungkot ang Diyos, at sumasaya dahil masaya ang Diyos, makakamit na Niya nang lubos ang iyong puso at wala nang magiging anumang hadlang sa pagitan mo at sa Kanya. Hindi mo na susubukang limitahan ang Diyos sa mga guni-guni, mga kuru-kuro, at kaalaman ng tao. Sa panahong iyon, ang Diyos ay magiging buhay at masigla sa iyong puso. Siya ang magiging Diyos ng iyong buhay at ang Panginoon ng lahat ng tungkol sa iyo. Mayroon ba kayong ganitong uri ng paghahangad? Nagtitiwala ka ba na matatamo mo ito?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III