Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 37 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 37
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 37

00:00
00:00

Dapat Wasakin ng Diyos ang Sodoma

Genesis 18:26 At sinabi ni Jehova, “Kung makasumpong Ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin Ko ang buong dakong iyon, alang-alang sa kanila.”

Genesis 18:29 At siya’y muling nagsalita pa sa Kanya, at nagsabi, “Marahil ay may masusumpungang apatnapu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:30 At sinabi niya sa Kanya, “kung sakaling may masusumpungan doong tatlumpu.” At sinabi Niya, “hindi Ko gagawin.”

Genesis 18:31 At kanyang sinabi, “kung sakaling may masusumpungan doong dalawampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Genesis 18:32 At sinabi niya, “kung sakaling may masusumpungan doong sampu.” At sinabi Niya, “hindi Ko lilipulin.”

Sagana sa Awa ang Diyos sa Kanyang mga Pinagmamalasakitan, at Malalim ang Poot sa mga Kinamumuhian at Tinatanggihan Niya

Sa mga salaysay sa Bibliya, mayroon bang sampung mga lingkod ng Diyos sa Sodoma? Wala! Karapat-dapat bang kaawaan ng Diyos ang lungsod na ito? Tanging ang isang tao sa lungsod—si Lot—ang tumanggap sa mga sugo ng Diyos. Ang ipinapahiwatig nito ay iisa lamang ang lingkod ng Diyos sa lungsod, at dahil dito, walang ibang pagpipilian ang Diyos kundi ang iligtas si Lot at wasakin ang lungsod ng Sodoma. Maaaring simple ang pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos na binanggit sa itaas, ngunit isang bagay na napakalalim ang ipinapakita nito: May mga prinsipyo sa mga pagkilos ng Diyos, at bago gumawa ng isang desisyon, maglalaan Siya ng mahabang oras sa pagmamasid at pagsasaalang-alang sa mga ito; kung hindi pa ito ang tamang oras, siguradong hindi Siya gagawa ng anumang desisyon o agad-agad na magpapasya. Ang mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos ay nagpapakita sa atin na wala ni katiting na kamalian sa desisyon ng Diyos na wasakin ang Sodoma, dahil alam na ng Diyos na walang apatnapung matuwid sa lungsod, kahit pa tatlumpu, o kaya ay dalawampu. Wala ni kahit na sampu. Ang tanging matuwid na tao sa lungsod ay si Lot. Ang lahat ng nangyari sa Sodoma at kalagayan nito ay pinagmasdan ng Diyos, at pamilyar ang mga ito sa Diyos gaya ng likuran ng Kanyang sariling kamay. Dahil dito, ang Kanyang desisyon ay hindi maaaring maging mali. Sa kabilang banda, kung ihahambing sa pagiging makapangyarihan sa lahat ng Diyos, napakamanhid ng tao, sobrang hangal at mangmang, lubos ang kakulangan sa pagpapahalaga sa kinabukasan. Ito ang nakikita natin sa mga pag-uusap sa pagitan ni Abraham at ng Diyos. Inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon magmula pa sa simula hanggang sa ngayon. Tulad nito, mayroon ding disposisyon ng Diyos na dapat nating makita. Simple ang mga numero, hindi sila nagpapakita ng kahit ano, ngunit dito ay may napakahalagang pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos. Hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa limampung matuwid. Ito ba ay dahil sa habag ng Diyos? Ito ba ay dahil sa Kanyang pagmamahal at pagpapaubaya? Nakita ba ninyo ang panig na ito ng disposisyon ng Diyos? Kahit na may sampung matuwid lamang, hindi wawasakin ng Diyos ang lungsod dahil sa sampung matuwid na mga taong ito. Ito ba, o hindi ba ito, ang pagpapaubaya at pagmamahal ng Diyos? Dahil sa habag, pagpapaubaya, at pagmamalasakit ng Diyos sa matuwid na mga taong ito, hindi Niya sana wawasakin ang lungsod. Ito ang pagpapaubaya ng Diyos. At sa katapusan, ano ang kalalabasan na makikita natin? Nang sinabi ni Abraham, “Kung sakaling may masusumpungan doong sampu,” sinabi ng Diyos, “Hindi Ko lilipulin.” Pagkatapos noon, wala nang sinabi si Abraham—dahil walang sampung matuwid sa Sodoma na kanyang tinukoy, at wala na siyang masasabi pa, at sa panahong iyon naunawaan niya kung bakit nagpasya ang Diyos na wasakin ang Sodoma. Dito, anong disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Anong uri ng paglutas ang ginawa ng Diyos? Nagpasya ang Diyos na kung walang sampung matuwid sa lungsod na ito, hindi Niya pahihintulutan ang pag-iral nito at wawasakin Niya ito. Hindi ba’t ito ang poot ng Diyos? Ang poot bang ito ang kumakatawan sa disposisyon ng Diyos? Ito bang disposisyon na ito ang pagpapahayag ng banal na diwa ng Diyos? Ito ba ang pagpapahayag ng matuwid na diwa ng Diyos, na hindi dapat nilalabag ng tao? Dahil nakumpirma na walang sampung matuwid sa Sodoma, tiniyak ng Diyos na wawasakin Niya ang lungsod, at parurusahan nang matindi ang mga tao sa lungsod na iyon, dahil nilabanan nila ang Diyos at dahil masyado silang marumi at tiwali.

Bakit natin sinuri ang mga talatang ito sa ganitong paraan? Dahil ang ilang simpleng pangungusap na ito ay nagbibigay ng ganap na pagpapahayag sa disposisyon ng Diyos tungkol sa masaganang habag at malalim na poot. Kasabay ng pagpapahalaga sa matuwid, at pagkakaroon ng habag, pagpapaubaya, at pagmamalasakit sa kanila, may malalim na galit sa puso ng Diyos para sa lahat ng nasa Sodoma na naging tiwali. Ito ba, o hindi ba ito, ang masaganang habag at malalim na poot? Sa paanong paraan winasak ng Diyos ang lungsod? Sa pamamagitan ng apoy. At bakit Niya ito winasak gamit ang apoy? Kapag nakikita mo ang isang bagay na nasusunog ng apoy, o kung magsusunog ka ng isang bagay, ano ang nararamdaman mo ukol dito? Bakit gusto mo itong sunugin? Nadarama mo ba na hindi mo na ito kailangan, na hindi mo na nais pang tingnan ito? Gusto mo bang iwanan ito? Ang paggamit ng Diyos sa apoy ay nangangahulugan ng pag-iiwan, at pagkamuhi, at hindi na Niya nais pang makita ang Sodoma. Ito ang damdaming nagtulak sa Diyos upang tupukin ng apoy ang Sodoma. Ang paggamit ng apoy ay kumakatawan sa kung gaano kagalit ang Diyos. Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng paglabag. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamuhi at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos, tumalikod sa Diyos, at hindi kailanman bumalik, paano man niya ninais na ipakita ang kanyang pagsamba at pagsunod at pagtalima sa Diyos sa kanyang katawan at pag-iisip, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang tao, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang sangkatauhan. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang paglabag. Dito, tila normal sa mga tao ang pagwasak ng Diyos sa isang lungsod, dahil, sa mga mata ng Diyos, ang lungsod na puno ng kasalanan ay hindi maaaring umiral at patuloy na manatili, at makatwiran lang na dapat itong wasakin ng Diyos. Ngunit sa nangyari bago at kasunod ng Kanyang pagwasak sa Sodoma, nakikita natin ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos. Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait, at maganda, at mabuti. Sa mga bagay na masama, at makasalanan, at nakasusuklam, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspeto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot. Karamihan sa inyo ay nakaranas na ng habag ng Diyos, ngunit napakakaunti sa inyo ang nagpahalaga sa poot ng Diyos. Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay makikita sa bawat tao. Ibig sabihin nito, ang Diyos ay nagbigay ng masaganang habag sa bawat tao. Ngunit napaka-bihira—o, masasabing, hindi kailanman—nagalit nang matindi ang Diyos sa sinumang indibidwal o sa anumang pangkat ng mga tao sa gitna ninyo. Huminahon lang! Darating ang panahon na ang poot ng Diyos ay makikita at mararanasan ng bawat tao, ngunit hindi pa ngayon ang panahon. At bakit ganito? Dahil kapag palaging galit ang Diyos sa isang tao, kapag pinakawalan Niya sa kanila ang Kanyang malalim na poot, ibig sabihin nito ay matagal na Niyang kinamuhian at tinanggihan ang taong ito, na kinamumuhian Niya ang kanyang pag-iral, at hindi na Niya matatagalan ang kanyang pag-iral; sa sandaling dumating ang Kanyang galit sa kanya, siya ay maglalaho. Sa ngayon, ang gawain ng Diyos ay hindi pa umaabot sa puntong iyan. Wala ni isa sa inyo ang makakayanan ang labis na galit ng Diyos. Nakikita ninyo, kung gayon, na sa panahong ito, masaganang habag lamang ang ipinapakita ng Diyos sa inyong lahat, at hindi pa ninyo nakikita ang Kanyang malalim na galit. Kung may mga nananatiling hindi kumbinsido, maaaring hingin ninyo na dumating sa inyo ang poot ng Diyos, upang inyong maranasan kung talagang umiiral o hindi ang poot ng Diyos at ang Kanyang disposisyon na hindi nagpapahintulot ng paglabag ng tao. Maglalakas-loob ba kayo?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon