Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 81
Si Jesus ay Kumain ng Tinapay at Ipinaliwanag ang mga Kasulatan Pagkatapos ng Kanyang Muling Pagkabuhay
Lucas 24:30–32 At nangyari, nang Siya’y nakaupo na kasalo nila sa dulang ng pagkain, ay Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila. At nangabuksan ang kanilang mga mata, at Siya’y nakilala nila; at Siya’y nawala sa kanilang mga paningin. At sila-sila’y nangagsabihan, “Hindi baga nag-aalab ang ating puso sa loob natin, habang tayo’y kinakausap Niya sa daan, at habang binubuksan Niya sa atin ang mga kasulatan?”
Binigyan ng mga Disipulo si Jesus ng Inihaw na Isda Upang Kainin
Lucas 24:36–43 At samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, Siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila’y nagsabi, “Kapayapaa’y sumainyo.” Datapuwat sila’y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi Niya sa kanila, “Bakit kayo’y nangagugulumihanan? At bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang Aking mga kamay at ang Aking mga paa, na Ako nga ito: hipuin ninyo Ako, at tingnan; sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa Akin.” At pagkasabi Niya nito, ay ipinakita Niya sa kanila ang Kanyang mga kamay at ang Kanyang mga paa. At samantalang hindi pa sila nagsisisampalataya dahil sa galak, at nagsisipanggilalas, ay sinabi Niya sa kanila, “Mayroon baga kayo ritong anumang makakain? At binigyan nila Siya ng isang putol na isdang inihaw, at ng pulot-pukyutan.” At Kanyang inabot yaon, at kumain sa harap nila.
Sunod, titingnan natin ang mga talata ng kasulatan sa itaas. Ang unang sipi ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at ang ikalawang talata ay isang pagsasalaysay tungkol sa Panginoong Jesus na kumakain ng isdang inihaw. Paano nakatutulong ang dalawang talatang ito na makilala ang disposisyon ng Diyos? Maiisip ba ninyo ang uri ng larawan na makukuha ninyo mula sa mga paglalarawang ito sa Panginoong Jesus na kumakain ng tinapay at pagkatapos ay ng inihaw na isda? Maiisip ba ninyo, kung ang Panginoong Jesus ay nakatayo sa harapan ninyo na kumakain ng tinapay, ano kaya ang maaaring naramdaman ninyo? O kung Siya ay kumakaing kasama ninyo sa iisang mesa, kumakain ng isda at tinapay kasama ng mga tao, anong uri ng damdamin ang magkakaroon ka sa sandaling iyon? Kung mararamdaman mong napakalapit mo sa Panginoon, na Siya ay napakatalik sa iyo, tama ang pakiramdam na ito. Ito mismo ang bunga na ninais idulot ng Panginoong Jesus sa pagkain ng tinapay at ng isda sa harap ng mga taong nagtipon matapos Siyang muling mabuhay. Kung ang Panginoong Jesus ay nagsalita lang sa mga tao pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, kung hindi nila nadama ang Kanyang laman at mga buto, bagkus ay nadama na Siya ay isang hindi maabot na Espiritu, ano kaya ang naramdaman nila? Hindi ba sila mabibigo? Sa pagkadama ng pagkabigo, hindi ba madarama ng mga tao na sila ay iniwanan? Hindi ba nila madarama ang agwat sa pagitan ng kanilang mga sarili at ng Panginoong Jesucristo? Ano kayang uri ng negatibong epekto ang malilikha ng agwat na ito sa kaugnayan ng mga tao sa Diyos? Tiyak na natakot sana ang mga tao, na hindi sila nangahas na lumapit sa Kanya, at sa gayon ay nagkaroon sana sila ng saloobin na panatilihin Siya sa malayo. Magmula noon, pinutol na sana nila ang kanilang malapit na ugnayan sa Panginoong Jesucristo at nagbalik sa isang ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos na nasa itaas ng langit gaya ng dati bago ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang espirituwal na katawan na hindi nahahawakan o nadarama ng mga tao ay nagdulot sana ng paglalaho ng kanilang pagiging malapit sa Diyos, at naging sanhi rin sana ito na ang malapit na ugnayang iyon, na itinatag sa panahon na ang Panginoong Jesucristo ay nasa katawang-tao, na walang agwat sa pagitan Niya at ng mga tao, na tumigil sa pag-iral. Ang tanging mga bagay na napukaw sa mga tao ng espirituwal na katawan ay mga damdamin ng takot, pag-iwas, at isang walang imik na pagtitig. Hindi sana sila nangahas na lumapit o makipag-usap sa Kanya, lalo na ang sumunod, magtiwala, o tumingala sa Kanya. Hindi ninais ng Diyos na makita ang ganitong uri ng damdaming mayroon ang mga tao para sa Kanya. Ayaw Niyang makita ang mga tao na iniiwasan Siya o inilalayo ang kanilang mga sarili mula sa Kanya; ninais lang Niya na maunawaan Siya ng mga tao, na lumapit sa Kanya, at maging Kanyang pamilya. Kung ang iyong sariling pamilya, ang iyong mga anak, ay nakita ka ngunit hindi ka nakilala, at hindi nangahas na lumapit sa iyo bagkus ay palaging umiiwas sa iyo, kung hindi mo magawang makamit ang kanilang pagkaunawa sa lahat ng iyong ginawa para sa kanila, ano kaya ang mararamdaman mo? Hindi ba ito magiging masakit? Hindi ba madudurog ang iyong puso? Iyan mismo ang nadarama ng Diyos kapag iniiwasan Siya ng mga tao. Kaya, pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, nagpakita pa rin ang Panginoong Jesus sa mga tao sa Kanyang anyo ng laman at dugo, at kumain at uminom pa ring kasama nila. Itinuturing ng Diyos na pamilya ang mga tao, at nais din ng Diyos na makita Siya ng sangkatauhan bilang ang Isa na pinakamamahal nila; sa ganitong paraan lang tunay na makakamit ng Diyos ang mga tao, at sa ganitong paraan lang tunay na maiibig at masasamba ng mga tao ang Diyos. Ngayon, nauunawaan ba ninyo ang Aking layunin sa pagkuha sa dalawang talatang ito ng kasulatan kung saan ang Panginoong Jesus ay kumakain ng tinapay at ipinaliliwanag ang mga kasulatan pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, at kung saan binigyan Siya ng mga disipulo ng inihaw na isda para kainin?
Masasabi na taimtim na kaisipan ang inilagak sa sunud-sunod na mga bagay na sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay. Ang mga bagay na ito ay puno ng kabutihan at pagmamahal na pinanghawakan ng Diyos tungo sa sangkatauhan, at puno rin ng pagtatangi at mabusising pangangalaga na mayroon Siya para sa malapit na ugnayang naitatag Niya sa sangkatauhan sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Bukod pa rito, puno ang mga ito ng pananabik sa nakaraan at ng pag-aasam na nadama Niya para sa Kanyang buhay na kumakain at namumuhay kasama ng Kanyang mga tagasunod sa panahong nasa katawang-tao pa Siya. Kaya, hindi nais ng Diyos na makadama ang mga tao ng distansya sa pagitan ng Diyos at ng tao, ni ninais Niyang ilayo ng sangkatauhan ang kanilang mga sarili mula sa Diyos. Higit pa rito, hindi Niya nais na madama ng sangkatauhan na ang Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay ay hindi na ang Panginoon na naging napakalapit sa mga tao, na hindi na Siya kasama ng sangkatauhan sapagkat nagbalik na Siya sa espirituwal na daigdig, nagbalik na sa Ama na hindi kailanman makikita o maabot ng mga tao. Ayaw Niyang madama ng mga tao na may anumang umusbong na pagkakaiba sa katayuan sa pagitan Niya at ng sangkatauhan. Kapag nakikita ng Diyos ang mga tao na nais sumunod sa Kanya ngunit pinananatili Siya sa malayo, nagdurusa ang Kanyang puso sapagkat nangangahulugan iyon na napakalayo ng kanilang mga puso sa Kanya at na magiging napakahirap para sa Kanya na makamit ang kanilang mga puso. Kaya kung Siya ay nagpakita sa mga tao sa isang espirituwal na katawan na hindi nila nakikita o nahahawakan, muli sana nitong inilayo ang tao mula sa Diyos, at maaaring umakay ito sa sangkatauhan na magkamaling makita si Cristo pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay bilang naging napakatayog, na naiiba ang uri kaysa sa mga tao, at isang hindi na makikisalo sa mesa at kakain kasama ng tao sapagkat ang mga tao ay makasalanan, marumi, at hindi kailanman magiging malapit sa Diyos. Upang maalis ang ganitong maling mga pagkaunawa ng sangkatauhan, nagsagawa ang Panginoong Jesus ng ilang bagay na dati Niyang ginagawa sa katawang-tao, gaya nang nakatala sa Bibliya: “Kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan; at ito’y pinagputol-putol, at ibinigay sa kanila.” Ipinaliwanag din Niya ang mga kasulatan sa kanila, gaya ng nakagawian Niya dati. Ang lahat ng ito na ginawa ng Panginoong Jesus ang nagpadama sa bawat taong nakakita sa Kanya na ang Panginoon ay hindi nagbago, na Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus. Bagaman ipinako Siya sa krus at nakaranas ng kamatayan, Siya ay muling nabuhay, at hindi iniwanan ang sangkatauhan. Nagbalik Siya upang makasama ang mga tao, at walang nagbagong anuman sa Kanya. Ang Anak ng tao na nakatayo sa harapan ng mga tao ay ang dati pa ring Panginoong Jesus. Ang Kanyang pagkilos at ang Kanyang paraan ng pakikipag-usap sa mga tao ay napakapamilyar. Puno pa rin Siya ng kagandahang-loob, biyaya, at pagpaparaya—Siya pa rin ang dating Panginoong Jesus na minahal ang iba gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, na kayang magpatawad sa sangkatauhan ng pitumpu’t pitong ulit. Gaya ng dati, kumain Siyang kasalo ng mga tao, tinalakay ang mga kasulatan kasama nila, at higit pang mas mahalaga, gaya noong una, Siya ay binubuo ng laman at dugo at mahahawakan at makikita. Ang Anak ng tao na gaya ng dati ang nagpahintulot sa mga tao na madama ang matalik na ugnayan, na maging panatag, at na madama ang kagalakan ng muling pagkakamit ng isang bagay na matagal nang nawala. Nang may malaking kapanatagan, buong tapang at buong pagtitiwala silang nagsimulang umasa at tumingala sa Anak ng tao na ito na kayang magpatawad sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Nagsimula rin silang manalangin sa ngalan ng Panginoong Jesus nang walang pag-aalinlangan, na manalangin upang matamo ang Kanyang biyaya, ang Kanyang pagpapala, at upang matamo ang kapayapaan at ang kagalakang mula sa Kanya, upang makamit ang pangangalaga at pag-iingat mula sa Kanya, at nagsimula silang magpagaling ng may sakit at magpalayas ng mga demonyo sa ngalan ng Panginoong Jesus.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III