Menu

Apendise: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo

Katulad ng daan-daang milyong iba pang sumusunod sa Panginoong Jesucristo, sumusunod tayo sa mga batas at kautusan ng Biblia, tinatamasa natin ang saganang biyaya ng Panginoong Jesucristo, at nagtitipon, nananalangin, nagpupuri, at naglilingkod tayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo—at lahat ng ito ay ating ginagawa sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Panginoon. Kadalasan ay mahina tayo, at kadalasan ay malakas din tayo. Naniniwala tayo na lahat ng kilos natin ay alinsunod sa mga turo ng Panginoon. Malinaw, kung gayon, na naniniwala rin tayo na tumatahak tayo sa landas ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa langit. Nananabik tayo sa pagbalik ng Panginoong Jesus, sa Kanyang maluwalhating pagbaba, para sa katapusan ng ating buhay rito sa lupa, sa paglitaw ng kaharian, at sa lahat ayon sa ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag: Darating ang Panginoon, may dala Siyang kalamidad, gagantimpalaan Niya ang mabubuti at parurusahan ang masasama, at dadalhin ang lahat ng sumusunod sa Kanya at malugod na tumatanggap sa Kanyang pagbalik upang salubungin Siya sa himpapawid. Tuwing naiisip natin ito, hindi natin mapigilan ang ating damdamin at puno tayo ng pasasalamat na tayo ay isinilang sa mga huling araw at mapalad na masaksihan ang pagdating ng Panginoon. Bagama’t nagdanas na tayo ng pag-uusig, ang naging kapalit naman ay “lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.” Kaylaking pagpapala! Lahat ng pananabik na ito at ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon ay nagpapanatili sa atin sa mahinahong panalangin at ginagawa tayong mas masigasig na sama-samang magtipon. Maaaring sa susunod na taon, maaaring bukas, at maaaring sa loob ng mas maikling panahon kaysa maiisip ng tao, biglang bababa ang Panginoon, na nagpapakita sa isang grupo ng mga taong sabik na naghihintay sa Kanya nang may malaking pag-aalala. Nag-uunahan tayo, walang sinumang gustong maiwanan, lahat ay para mapasama sa unang grupong magmamasid sa pagpapakita ng Panginoon, mapasama sa mga unang madadala. Naibigay na natin ang lahat, anuman ang maging kapalit, para sa pagdating ng araw na ito; ang ilan ay isinuko ang kanilang mga trabaho, ang ilan ay pinabayaan ang kanilang pamilya, ang ilan ay tinalikuran ang kanilang asawa, at ang ilan ay ipinamigay pa ang lahat ng kanilang ipon. Napakatinding pagpapakita ng di-makasariling debosyon! Ang gayong katausan at katapatan ay tiyak na higit pa sa mga banal noong nakalipas na mga kapanahunan! Dahil nagkakaloob ng biyaya ang Panginoon sa sinumang naisin Niya at nagpapakita ng awa sa sinumang naisin Niya, ang ating mga pagpapakita ng debosyon at pagpapagal, naniniwala tayo, ay matagal nang namasdan ng Kanyang mga mata. Nakaabot na rin ang ating taos-pusong mga panalangin sa Kanyang mga tainga, at nagtitiwala tayo na gagantimpalaan tayo ng Panginoon para sa ating dedikasyon. Bukod pa riyan, naging mapagpala ang Diyos sa atin bago Niya nilikha ang mundo, at ang mga pagpapala at pangakong naibigay Niya sa atin ay hindi makukuha ninuman. Lahat tayo ay nagpaplano para sa hinaharap, at karaniwan ay nagawa nitong kapalit o puhunan ang ating dedikasyon at pagpapagal para madala tayo upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Bukod pa riyan, wala ni katiting na pag-aatubili, nailagay na natin ang ating sarili sa trono ng hinaharap, upang mamahala sa lahat ng bansa at lahat ng tao o mamuno bilang mga hari. Lahat ng ito ay pinaniniwalaan na natin, o itinuturing natin na isang bagay na aasahan.

Hinahamak natin ang lahat ng laban sa Panginoong Jesus; ang magiging katapusan nilang lahat ay pagkalipol. Sino ang nagsabi sa kanila na huwag maniwala na ang Panginoong Jesus ang Tagapagligtas? Siyempre pa, may mga pagkakataon na ginagaya natin ang Panginoong Jesus sa pagiging mahabagin sa mga tao sa mundo, sapagkat hindi nila nauunawaan, at tama na maging mapagparaya at mapagpatawad tayo sa kanila. Lahat ng ating ginagawa ay alinsunod sa mga salita ng Biblia, sapagkat lahat ng hindi naaayon sa Biblia ay paglihis sa tanggap nang mga pamantayan at kalapastanganan. Ang ganitong klase ng paniniwala ay nakatanim nang malalim sa isipan ng bawat isa sa atin. Ang ating Panginoon ay nasa Biblia, at kung hindi tayo lalayo sa Biblia, hindi tayo mapapalayo sa Panginoon; kung susundin natin ang prinsipyong ito, magtatamo tayo ng kaligtasan. Pinasisigla natin ang isa’t isa, bawat isa ay sinusuportahan ang iba, tuwing magtitipon tayo, inaasahan natin na lahat ng ating sinasabi at ginagawa ay alinsunod sa kalooban ng Panginoon at tatanggapin ng Panginoon. Sa kabila ng poot na nadarama natin sa ating kapaligiran, ang ating puso ay puno ng katuwaan. Kapag iniisip natin ang mga pagpapalang madaling makamit, mayroon pa bang anumang hindi natin kayang isantabi? Mayroon pa bang anuman na atubili tayong iwanan? Malinaw ang lahat ng ito, at lahat ng ito ay nasa ilalim ng mapagmasid na mga mata ng Diyos. Tayo, ang sandakot na mga nangangailangan na naiahon mula sa tambak ng dumi, ay gaya lamang ng lahat ng ordinaryong alagad ng Panginoong Jesus, nangangarap na madala, na mapagpala, at mapamahalaan ang lahat ng bansa. Ang ating katiwalian ay nalantad na sa mga mata ng Diyos, at ang ating mga pagnanasa at kasakiman ay nahatulan na sa mga mata ng Diyos. Gayunpaman, lahat ng ito ay lubhang normal na nangyayari, kaya nga makatwiran na wala ni isa sa atin ang nagtataka kung ang ating mga pananabik ay tama, lalong walang sinuman sa atin ang nagdududa sa katumpakan ng lahat ng ating pinanghahawakan. Sino ang makakaalam sa kalooban ng Diyos? Anong uri ba talaga ng landas ang tinatahak ng tao, hindi natin alam kung paano maghanap o magsiyasat; at lalo nang hindi tayo interesadong mag-usisa. Sapagkat ang tanging inaalintana natin ay kung madadala tayo, kung mapagpapala tayo, kung may lugar ba para sa atin sa kaharian ng langit, at kung makakabahagi tayo sa tubig ng ilog ng buhay at sa bunga ng puno ng buhay. Hindi ba naniniwala tayo sa Panginoon para matamo ang mga bagay na ito at maging Kanyang mga alagad? Napatawad na ang ating mga kasalanan, nagsisi na tayo, nakainom na tayo mula sa mapait na saro ng alak, at napasan na natin ang krus. Sino ang makapagsasabi na hindi tatanggapin ng Panginoon ang halagang ating isinukli? Sino ang makapagsasabi na hindi tayo nakapaghanda ng sapat na langis? Ayaw nating maging mga mangmang na dalagang iyon o maging isa sa mga yaon na pinabayaan. Bukod pa riyan, palagi tayong nagdarasal, na hinihiling sa Panginoon na ingatan tayong huwag malinlang ng mga bulaang Cristo, sapagkat sinabi sa Biblia na: “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka’t may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang” (Mateo 24:23–24). Naisaulo na nating lahat ang mga talatang ito sa Biblia; alam na alam natin ang mga ito, at itinuturing natin ang mga ito bilang mahalagang kayamanan, bilang buhay, at bilang katibayan na nagpapasiya kung tayo ay maliligtas o madadala …

Sa loob ng libu-libong taon, pumanaw na ang mga buhay, dala ang kanilang mga pananabik at kanilang mga pangarap, ngunit kung napunta man sila sa kaharian ng langit, walang tunay na nakakaalam. Nagbabalik ang mga patay, na nalimutan na ang lahat ng kuwentong minsang nangyari, at sinusunod pa rin nila ang mga turo at mga landas ng mga ninuno. At sa ganitong paraan, sa paglipas ng mga taon at pagdaan ng mga araw, walang nakakaalam kung talagang tinatanggap ng ating Panginoong Jesus, na ating Diyos, ang lahat ng ating ginagawa. Ang tanging magagawa natin ay asamin na magkaroon ng kalalabasan at pag-isipan ang lahat ng mangyayari. Subalit nanatiling walang imik ang Diyos sa lahat ng ito, at hindi nagpakita sa atin kailanman, hindi nagsalita sa atin kailanman. Kaya nga, sa pagsunod sa Biblia at alinsunod sa mga tanda, sadya tayong gumagawa ng mga paghatol tungkol sa kalooban at disposisyon ng Diyos. Nasanay na tayo sa katahimikan ng Diyos; nasanay na tayo sa pagsukat sa tama at mali sa ating pag-uugali gamit ang ating sariling paraan ng pag-iisip; nasanay na tayo sa pag-asa sa ating kaalaman, mga palagay, at pamantayang moral kapalit ng mga hinihiling ng Diyos sa atin; nasanay na tayo sa pagtatamasa ng biyaya ng Diyos; nasanay na tayo sa pagbibigay ng tulong ng Diyos tuwing kailangan natin; nasanay na tayo sa paglalahad ng ating mga palad sa Diyos para sa lahat ng bagay, at sa pag-uutos sa Diyos; nasanay na rin tayo sa pag-ayon sa mga tuntunin, na hindi pinapansin kung paano tayo inaakay ng Banal na Espiritu; at, bukod pa riyan, nasanay na tayong gumawa ng mga desisyon para sa ating sarili. Naniniwala tayo sa ganitong Diyos, na hindi pa natin nakaharap kailanman. Ang mga tanong na tulad ng ano ang Kanyang disposisyon, ano ang mayroon Siya at ano Siya, ano ang Kanyang hitsura, makikilala ba natin Siya pagdating Niya o hindi, at iba pa—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay na Siya ay nasa puso natin at na Siya ay hinihintay nating lahat, at sapat nang nagagawa nating isipin na Siya ay ganito o ganyan. Pinahahalagahan natin ang ating pananampalataya, at pinakaiingatan ang ating espirituwalidad. Itinuturing nating dumi ang lahat ng bagay, at tinatapakan natin ang lahat ng bagay. Dahil tayo ay mga mananampalataya ng maluwalhating Panginoon, gaano man katagal at kahirap ang paglalakbay, anumang mga paghihirap at panganib ang sumapit sa atin, walang makakapigil sa ating mga yapak habang sinusundan natin ang Panginoon. “Ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng bubog, na lumalabas sa luklukan ng Diyos at ng Cordero. At sa dako rito ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labingdalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawa’t buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay pangpagaling sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Diyos at ng Cordero ay naroroon: at Siya’y paglilingkuran ng Kaniyang mga alipin; At makikita nila ang Kaniyang mukha; at ang Kaniyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila’y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw; sapagka’t liliwanagan sila ng Panginoong Diyos: at sila’y maghahari magpakailan kailan man” (Pahayag 22:1–5). Tuwing inaawit natin ang mga salitang ito, napupuspos ng kagalakan at kasiyahan ang ating puso, at dumadaloy ang mga luha mula sa ating mga mata. Salamat sa Panginoon sa pagpili sa atin, salamat sa Panginoon sa Kanyang biyaya. Nabigyan Niya tayo ng sandaang ulit sa buhay na ito at nabigyan tayo ng buhay na walang hanggan sa mundong darating. Kung hihilingan Niya tayong mamatay ngayon, gagawin natin iyon nang wala ni katiting na reklamo. O Panginoon! Dumating Ka na sana kaagad! Dahil desperado kaming nananabik sa Iyo, at tinalikdan na namin ang lahat para sa Iyo, huwag Ka nang magpaliban pa ng kahit isang minuto, isang segundo.

Ang Diyos ay walang-imik, at hindi pa nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinusuri Niya ang buong kalupaan, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita at gawa ng tao. Idinaraos Niya ang Kanyang pamamahala sa maiingat na hakbang at ayon sa Kanyang plano, tahimik at hindi kapansin-pansin, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang luklukan sa hukuman ay ipinadadala sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating paligid. Napakaringal ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa ating paligid. Siya ang karunungan, Siya ang katuwiran at kamahalan, at dumarating Siya nang patago sa ating paligid, na nagpapakita ng awtoridad at puno ng pagmamahal at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, bukod pa riyan, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang buhay ng tao ay nagpapatuloy tulad ng dati, walang naiiba sa kanyang puso, at lumilipas ang mga araw tulad ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa ating piling, bilang isang taong katulad ng iba pang mga tao, bilang isa sa pinakahamak na mga alagad at isang ordinaryong mananampalataya. Mayroon Siyang sariling mga layunin; at, bukod pa riyan, mayroon Siyang pagka-Diyos na hindi taglay ng ordinaryong mga tao. Walang sinumang nakapansin sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at walang sinumang nakahiwatig sa pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang diwa at ng diwa ng tao. Namumuhay tayo na kasama Siya, malaya at walang takot, sapagkat sa ating paningin Siya ay isa lamang hamak na mananampalataya. Minamasdan Niya ang bawat kilos natin, at lahat ng ating mga iniisip at ideya ay nakalantad sa Kanyang harapan. Walang sinumang may interes sa Kanyang pag-iral, walang sinumang nakakaisip ng anuman tungkol sa Kanyang tungkulin, at, bukod pa riyan, walang sinumang may kahit katiting na hinala tungkol sa Kanyang identidad. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga pinagsisikapan, na para bang wala Siyang kinalaman sa atin …

Nagkataon, nagpapahayag ng ilang salita ang Banal na Espiritu “sa pamamagitan” Niya, at kahit parang hindi ito inaasahan, magkagayunman ay kinikilala natin ito bilang isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos at tinatanggap ito kaagad mula sa Diyos. Iyon ay dahil, sino man ang nagpapahayag ng mga salitang ito, basta’t nagmumula ito sa Banal na Espiritu, dapat nating tanggapin ang mga ito at hindi natin maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan ng ibang tao. Sino man iyon, lahat ay biyaya ng Diyos. Subalit sino man iyon, hindi natin maaaring sambahin ang taong ito, sapagkat anuman ang mangyari, hindi posibleng ang Diyos ang taong ito, ni hindi tayo mamimili sa anumang paraan ng isang ordinaryong taong kagaya nito na maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay lubhang dakila at kagalang-galang; paano Siya maaaring katawanin ng isang napakahamak na tao? Bukod pa riyan, naghihintay tayong dumating ang Diyos at dalhin tayo pabalik sa kaharian ng langit, kaya paano makakaya ng isang napakahamak na tao ang gayon kahalaga at kahirap na gawain? Kung muling pumarito ang Panginoon, kailangan ay sakay Siya ng puting ulap, para makita Siya ng lahat ng tao. Napakaluwalhati siguro noon! Paano Siya posibleng palihim na makakapagtago sa isang grupo ng ordinaryong mga tao?

Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa paligid ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawaing iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang may maiingat na hakbang at ayon sa Kanyang plano. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, pagpapayo, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang malupit at maringal—lahat ng iyon ay nagkakaloob ng awa sa tao at nagpapakaba sa kanya. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay dumuduro sa ating puso, dumuduro sa ating espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. Nagsisimula tayong mahiwagaan kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito at kung ano talaga ang balak Niyang gawin. Marahil ay madadala lamang tayo matapos magtiis ng mga pagdurusang ito? Sa ating isipan, nagtutuos tayo … tungkol sa ating patutunguhan at tungkol sa ating kapalaran sa hinaharap. Gayunman, tulad ng dati, walang sinuman sa atin ang naniniwala na nagkatawang-tao na ang Diyos upang gumawa sa ating paligid. Kahit nasamahan Niya tayo sa matagal na panahon, kahit nagsalita na Siya ng napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating tanggapin ang gayon kaordinaryong tao bilang Diyos ng ating hinaharap, at lalong ayaw rin nating ipagkatiwala ang pagkontrol sa ating hinaharap at ating kapalaran sa hamak na taong ito. Mula sa Kanya nagtatamasa tayo ng walang-katapusang panustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya ay nabubuhay tayo na kasama ang Diyos. Ngunit nagpapasalamat lamang tayo sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi natin binibigyang-pansin kailanman ang damdamin ng ordinaryong taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Tulad ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain na mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, na ipinapahayag ang nasa kaibuturan ng Kanyang puso, na para bang hindi Niya nadarama ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, na para bang walang-hanggang pinatatawad ang pagiging isip-bata at kamangmangan ng tao, at mapagparaya sa walang-pakundangang pag-uugali ng tao sa Kanya.

Hindi natin alam, inakay na tayo ng hamak na taong ito nang paisa-isang hakbang tungo sa gawain ng Diyos. Nagdaranas tayo ng napakaraming pagsubok, nagpapasan ng napakaraming pagtutuwid, at nasusubok ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maringal na disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang pag-ibig at awa, natututuhang pahalagahan ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na hangarin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nalalaman natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang kalooban ng Diyos, nalalaman ang diwang kalikasan ng tao, at nakikita ang landas tungo kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “ipanganak na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, subalit iniiwan din tayo na sinusurot ng ating budhi at may pakiramdam na may-pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng walang-katapusang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga tupang kakatayin sa Kanyang mga kamay; kung minsan ay parang kinagigiliwan Niya tayo, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang galit. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Siyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinamumuhian Niya tayo, ibinabangon Niya tayo, inaaliw at pinapayuhan Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, nililiwanagan Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa rin Niya tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pinoprotektahan at pinangangalagaan Niya tayo, gabi’t araw, na hindi kailanman umaalis sa ating tabi, kundi ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pagsusumikap para sa atin at nagbabayad ng anumang halaga para sa atin. Sa loob ng mga pagbigkas ng maliit at ordinaryong katawang may laman, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang patutunguhang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nananatili pa rin ang kayabangan sa ating puso, at masigasig pa rin tayong umaayaw na tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa ating paligid.

Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, na gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin habang, kasabay nito, isinasatinig ang nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, na ipinapakita sa atin ang daan na dapat nating tahakin, at binibigyang-kakayahan tayo na maunawaan kung ano ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magtuon sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi sinasadyang nagsisimula tayong magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng ordinaryong taong ito. Nagsusumikap Siya sa paggawa para sa atin, nagtitiis ng puyat at gutom para sa atin, umiiyak para sa atin, naghihinagpis para sa atin, dumaraing sa sakit para sa atin, nagdaranas ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating patutunguhan at kaligtasan, at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at pagkasuwail. Ang ganitong pagiging kung ano Siya at mayroon siya ay hindi angkin ng ordinaryong tao, ni hindi ito maaaring taglayin o makamit ng sinumang nilalang na ginawang tiwali. Siya ay nagpapakita ng pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na ipinagkaloob sa sinumang nilalang. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nakakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may napakalinaw at ganap na pagkaintindi sa ating likas na pagkatao at diwa, o makakahatol sa pagkasuwail at katiwalian ng sangkatauhan, o nakapagsasalita sa atin at nakagagawa sa ating paligid na kagaya nito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan, at dangal ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay lumalabas, nang buung-buo, sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapaghahayag ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa pagkaalipin kay Satanas at sa ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Ipinapahayag Niya ang nasa kaibuturan ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagsimula na Siya ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at naghatid Siya sa atin ng pag-asa, na nagwawakas sa ating naging pamumuhay sa kalabuan at hinahayaang lubos na mamasdan ng ating buong pagkatao, nang buong kalinawan, ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at naangkin ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamalay na ang ating isipan, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hamak na taong ito, na namumuhay sa ating paligid at matagal na nating tinanggihan—hindi ba Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating kinasasabikan gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Binigyan Niya tayo ng kakayahang muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglihis. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo kumokontra sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at upang magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at masunod ang Kanyang mga pagsasaayos at plano, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.

Ang malupig ng Diyos ay parang paligsahan ng sining sa pakikipaglaban.

Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa isa sa ating mga mortal na bahagi, na iniiwan tayong sugatan at puno ng takot. Inilalantad Niya ang ating mga palagay, ang ating mga imahinasyon, at ang ating tiwaling disposisyon. Mula sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa, hanggang sa lahat ng ating iniisip at ideya, ang ating diwang kalikasan ay nahahayag sa Kanyang mga salita, na iniiwan tayong natatakot at nanginginig na walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa, sinasabi Niya sa atin ang tungkol sa lahat ng ating kilos, ating mga layunin at hangarin, maging ang ating tiwaling disposisyon na hindi pa natin mismo natutuklasan, kaya pakiramdam natin ay nakalantad ang lahat ng ating kahabag-habag na depekto at, bukod pa riyan, talagang nahikayat tayo. Hinahatulan Niya tayo sa pagkontra natin sa Kanya, kinakastigo tayo sa paglapastangan at pagsumpa natin sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang paningin, wala tayo ni isang katangiang katubus-tubos, na tayo ang buhay na Satanas. Nawasak ang ating mga pag-asa, hindi na tayo nangangahas na humiling ng anumang di-makatuwiran sa Kanya o nag-iisip na umasa pa sa Kanya, at naglalaho maging ang ating mga pangarap sa magdamag. Ito ay isang katunayan na walang sinuman sa atin ang makakaisip at walang sinuman sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panimbang at hindi natin alam kung paano magpapatuloy sa daan tungo sa hinaharap, o kung paano magpapatuloy sa ating mga paniniwala. Para bang ang ating pananampalataya ay nagsimulang muli sa umpisa, at para bang hindi pa natin nakita kailanman ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Lahat ng nasa ating harapan ay pinupuno tayo ng pagkalito at pinag-aatubili tayo. Nasisiraan tayo ng loob, nalulungkot, at sa kaibuturan ng ating puso ay may di-mapigilang galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, makaiwas, at, bukod pa riyan, magpatuloy sa paghihintay para sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maibuhos natin ang nilalaman ng ating puso sa Kanya. Bagama’t may mga pagkakataong mukha tayong kalmado, hindi mayabang ngunit hindi rin mapagpakumbaba, sa ating puso ay dama natin ang kawalan na hindi pa natin nadama kailanman. Bagama’t kung minsan ay mukha tayong kalmado, ang ating isipan ay naguguluhan sa paghihirap gaya ng maunos na dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nahubaran tayo ng lahat ng pag-asa at pangarap natin, na nagwawakas sa ating maluluhong pagnanasa at iniiwan tayong hindi handang maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayahan Siyang iligtas tayo. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas sa pagitan natin sa Kanya, na napakalalim kaya walang sinumang gustong tumawid doon. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na nagdanas tayo ng gayon kalaking kabiguan, gayon kalaking kahihiyan sa ating buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naging dahilan upang tunay nating pahalagahan ang karangalan at hindi pagpaparaya ng Diyos sa pagkakasala ng tao, kumpara sa kung saan tayo masyadong mababa, masyadong marumi. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpatanto sa atin sa unang pagkakataon kung gaano tayo kayabang at kahambog, at kung paanong ang tao ay hindi kailanman magiging katulad ng Diyos, o kapantay ng Diyos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagawa tayong sabik na hindi na mamuhay sa gayon katiwaling disposisyon, alisin sa ating sarili ang ganitong diwang kalikasan sa lalong madaling panahon, at tumigil na tayo sa pagiging masama at kasuklam-suklam sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagpasaya sa atin sa pagsunod sa Kanyang mga salita, hindi na naghihimagsik laban sa Kanyang pagsasaayos at plano. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay sa atin ng pagnanais na mabuhay pa at nagpasaya sa atin sa pagtanggap sa Kanya bilang ating Tagapagligtas…. Nakalabas na tayo ng gawain ng panlulupig, nakalabas ng impiyerno, nakalabas ng lambak ng anino ng kamatayan…. Ang Makapangyarihang Diyos ay nakamit na tayo, ang grupong ito ng mga tao! Nagtagumpay Siya laban kay Satanas at tinalo ang napakarami Niyang kaaway!

Tayo ay isang napaka-ordinaryong grupo ng mga tao, na nagtataglay ng tiwali at napakasamang disposisyon, ang mga itinalaga ng Diyos noon pa man bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga nangangailangan na inangat ng Diyos mula sa tambak ng dumi. Minsan nating tinanggihan at isinumpa ang Diyos, ngunit ngayon ay nalupig na Niya tayo. Mula sa Diyos tayo ay nakatanggap ng buhay, ng daan tungo sa buhay na walang hanggan. Saanman tayo naroon sa mundo, anumang mga pag-uusig at kapighatian ang ating tinitiis, hindi tayo maihihiwalay mula sa pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos. Sapagkat Siya ang ating Lumikha, at ang ating tanging katubusan!

Ang pagmamahal ng Diyos ay umaabot na parang tubig ng isang bukal, at ibinibigay sa iyo, at sa akin, at sa iba, at sa lahat ng tunay na naghahanap sa katotohanan at naghihintay sa pagpapakita ng Diyos.

Tulad ng ang buwan ay kasunod ng araw sa walang-katapusang paghahalinhinan, hindi rin tumitigil ang gawain ng Diyos, at isinasagawa iyon sa iyo, sa akin, sa iba, at sa lahat ng sumusunod sa mga yapak ng Diyos at tumatanggap sa Kanyang paghatol at pagkastigo.

Marso 23, 2010

Ito ay sinulat ng Diyos bilang paunang salita sa “Ang Pinagmulan at Pag-unlad ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos.”

Mag-iwan ng Tugon