Menu

Ang Saligang Kapaligiran Para sa Buhay na Nililikha ng Diyos Para sa Sangkatauhan: Tunog

Ano ang ikatlong bagay? Isang bagay ito na mahalagang bahagi rin ng normal na kapaligiran ng pag-iral ng tao. Isang bagay kung saan kinailangang gumawa ng Diyos ng mga pagsasaayos nang nilikha Niya ang lahat ng bagay. Napakahalaga nito sa Diyos at sa bawa’t isang tao. Kung hindi inasikaso ng Diyos ang bagay na ito, lubhang nakagambala na sana ito sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan, nangangahulugan na malaki sana ang naging epekto nito sa buhay ng tao at sa kanyang makalamang katawan na hindi sana makakayang mabuhay ng sangkatauhan sa gayong kapaligiran. Masasabi na wala sanang bagay na may buhay ang makaliligtas sa gayong kapaligiran. Kung gayon, ano ang bagay na ito na sinasabi Ko? Tungkol sa tunog ang sinasabi Ko. Nilikha ng Diyos ang lahat, at nabubuhay ang lahat sa loob ng mga kamay ng Diyos. Lahat ng bagay na nilikha ng Diyos ay nabubuhay at umiikot nang patuloy na paggalaw sa loob ng Kanyang paningin. Ang ibig Kong sabihin dito ay ang bawa’t isang bagay na nilikha ng Diyos ay may halaga at kabuluhan sa pag-iral nito; ibig sabihin, may kung anong mahalaga tungkol sa pag-iral ng bawa’t isang bagay. Sa mga mata ng Diyos, buhay ang bawa’t bagay, at, yamang buhay ang lahat ng bagay, lumilikha ng tunog ang bawa’t isa sa mga ito. Halimbawa, ang mundo ay patuloy na umiikot, ang araw ay patuloy na umiikot, at ang buwan, gayundin, ay patuloy na umiikot. Habang nagpaparami, umuunlad, at gumagalaw ang lahat ng bagay, patuloy na naglalabas ng tunog ang mga ito. Patuloy sa pagpaparami, pag-unlad, at paggalaw ang lahat ng bagay na nilikha ng Diyos na umiiral sa mundo. Halimbawa, ang mga base ng mga bundok ay gumagalaw at nagbabago, at ang lahat ng bagay na may buhay sa kailaliman ng mga dagat ay lumalangoy at gumagalaw paroo’t parito. Ibig sabihin nito ay ang mga bagay na may buhay na ito, ang lahat ng bagay sa paningin ng Diyos, ay patuloy, regular na gumagalaw, alinsunod sa itinatag na mga tularan. Kung gayon, ano ang idinudulot na umiral ng lahat ng mga bagay na ito na nagpaparami at umuunlad sa karimlan at gumagalaw nang palihim? Mga tunog—malakas, makapangyarihang mga tunog. Sa ibayo ng planetang Lupa, patuloy ring kumikilos ang lahat ng klase ng mga planeta, at patuloy ring nagpaparami, umuunlad at gumagalaw ang mga bagay na may buhay at mga organismo sa mga planetang ito. Ibig sabihin, lahat ng bagay na may buhay at walang buhay ay patuloy na sumusulong sa paningin ng Diyos, at, habang sumusulong, naglalabas din ng tunog ang bawa’t isa sa mga ito. Gumawa na rin ng mga pagsasaayos ang Diyos para sa mga tunog na ito, at naniniwala Ako na alam na ninyo ang Kanyang dahilan para rito, hind ba? Kapag lumapit ka sa isang eroplano, ano ang epekto sa iyo ng dagundong ng makina nito? Kung mananatili ka malapit dito nang masyadong matagal, mabibingi ang iyong mga tainga. Paano naman ang iyong puso—matatagalan ba nito ang gayong paghihirap? Hindi ito makakaya ng ilang taong may mahihinang puso. Siyempre, kahit na ang may malalakas na puso ay hindi ito makakayanan nang napakatagal. Ibig sabihin noon, ang epekto ng tunog sa katawan ng tao, maging ito ay sa mga tainga o sa puso, ay lubhang mahalaga para sa bawa’t tao, at makasasama sa mga tao ang mga tunog na masyadong malakas. Samakatuwid, nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at matapos magsimulang gumana nang normal ng mga ito, gumawa ang Diyos ng angkop na mga pagsasaayos para sa mga tunog na ito, ang mga tunog ng lahat ng bagay na gumagalaw. Ito, gayundin, ay isa sa mga bagay na kinailangang isaalang-alang ng Diyos nang lumilikha ng kapaligiran para sa sangkatauhan.

Una, ang taas ng atmospera mula sa ibabaw ng mundo ay may epekto sa tunog. Bukod pa rito, mamanipulahin at makaaapekto rin sa tunog ang laki ng mga puwang sa lupa. Pagkatapos ay nariyan pa ang iba’t ibang heograpikal na mga kapaligiran na ang pinagsasalubungan ay nakaaapekto rin sa tunog. Ibig sabihin, gumagamit ang Diyos ng partikular na mga pamamaraan upang alisin ang ilang tunog, nang ang mga tao ay maaaring mabuhay sa isang kapaligirang matatagalan ng kanilang mga tainga at mga puso. Kung hindi, magdudulot ang tunog ng napakalaking balakid sa kaligtasan ng buhay ng sangkatauhan, nagiging isang malaking abala sa kanilang mga buhay at nagsisilbing isang matinding problema para sa kanila. Nangangahulugan ito na naging napakapartikular ng Diyos sa paglikha Niya ng lupa, ng atmospera, at ng iba’t ibang uri ng heograpikal na mga kapaligiran, at nakapaloob sa bawa’t isa sa mga ito ang karunungan ng Diyos. Hindi kinakailangang maging masyadong detalyado ang pagkaunawa rito ng sangkatauhan—sapat nang malaman ng mga tao na nakapaloob sa mga iyon ang mga pagkilos ng Diyos. Ngayon, sabihin ninyo sa Akin, itong gawain na ginawa ng Diyos—ang pagsasaayos nang husto sa tunog upang mapanatili ang kapaligirang pinaninirahan ng sangkatauhan at ang kanilang normal na mga buhay—kailangan ba ito? (Oo.) Kung ang gawaing ito ay kailangan, mula sa pananaw na ito, masasabi ba na ginamit ng Diyos ang gawaing ito bilang isang paraan upang tustusan ang lahat ng bagay? Nilikha ng Diyos ang gayong tahimik na kapaligiran para sa pagtustos sa sangkatauhan, upang magawang mabuhay nang normal sa loob nito ang katawan ng tao, nang hindi nakararanas ng anumang pagkagambala, at upang magawa ng sangkatauhan na umiral at mamuhay nang normal. Ito ba, kung gayon, ay hindi isa sa mga paraan kung paano tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan? Hindi ba napakahalagang bagay ng ginawang ito ng Diyos? (Oo.) Kinailangan ito nang malaki. Kaya paano ninyo pinahahalagahan ito? Kahit na hindi ninyo nararamdaman na ito ay pagkilos ng Diyos, ni alam kung paano ito isinagawa ng Diyos noong panahong iyon, nararamdaman pa rin ba ninyo ang pangangailangan ng paggawa ng Diyos sa bagay na ito? Nararamdaman ba ninyo ang karunungan at malasakit at kaisipang iginugol Niya rito? (Oo, nararamdaman namin.) Kung nararamdaman ninyo ito, sapat na iyon. Maraming pagkilos ang isinagawa na ng Diyos sa gitna ng mga bagay na Kanyang nilikha na hindi nararamdaman o nakikita man ng mga tao. Binabanggit Ko lamang ito upang ipaalam sa inyo ang tungkol sa mga pagkilos ng Diyos, nang maaaring makilala ninyo ang Diyos. Mga palatandaan ito na mas makatutulong sa inyo na makilala at maunawaan ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VIII

Mag-iwan ng Tugon