Paano Pinamamahalaan at Pinangangasiwaan ng Diyos ang Espirituwal na Mundo: Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Hindi Mananampalataya
Para sa materyal na mundo, tuwing hindi nauunawaan ng mga tao ang ilang bagay o kakaibang pangyayari, maaari silang magsaliksik para sa kaugnay na impormasyon o gumamit ng iba-ibang pamamaraan para malaman ang mga pinagsimulan at pinagmulan ng mga bagay na iyon. Ngunit pagdating sa ibang mundo na ating binabanggit ngayon—ang espirituwal na mundo, na umiiral sa labas ng materyal na mundo—ang mga tao ay talagang walang mga paraan o pamamaraan kung saan may natututuhan sila tungkol dito. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil sa mundo ng sangkatauhan, lahat ng bagay sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay mula sa pisikal na pag-iral ng tao, at dahil nadarama ng mga tao na lahat ng bagay tungkol sa materyal na mundo ay hindi maihihiwalay sa kanilang pisikal na pamumuhay at pisikal na buhay, karamihan sa mga tao ay nalalaman, o nakikita lamang ang mga materyal na bagay na nasa harap ng kanilang mga mata na nakikita nila. Gayunman, pagdating sa espirituwal na mundo—ibig sabihin, lahat ng bagay na nasa ibang mundong iyon—makatarungang sabihin na karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala. Dahil hindi ito nakikita ng mga tao, at naniniwala sila na hindi na kailangang maunawaan o malaman ang anuman tungkol dito, bukod pa sa kung paano ganap na naiiba ang espirituwal na mundo sa materyal na mundo at, mula sa pananaw ng Diyos, ay lantad—bagama’t, para sa mga tao, ito ay lihim at tago—samakatuwid ay hirap na hirap ang mga tao na makahanap ng isang landas tungo sa pag-unawa sa iba-ibang aspeto ng mundong ito. Ang iba’t ibang aspeto ng espirituwal na mundo na Aking babanggitin ay may kinalaman lamang sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos; hindi Ako nagbubunyag ng anumang mga hiwaga, ni hindi Ko sinasabi sa inyo ang anuman sa mga lihim na nais ninyong malaman. Dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pangangasiwa ng Diyos, at panustos ng Diyos, magsasalita lamang Ako tungkol sa bahaging kailangan ninyong malaman.
Una, hayaan ninyong tanungin Ko kayo: Sa inyong isipan, ano ang espirituwal na mundo? Sa pangkalahatan, ito ay isang mundo sa labas ng materyal na mundo, isang kapwa hindi nakikita at nahahawakan ng mga tao. Magkagayunman, sa inyong imahinasyon, anong klaseng mundo dapat ang espirituwal na mundo? Marahil, dahil hindi ninyo ito nakikita, hindi ninyo kayang isipin ito. Gayunman, kapag nakakarinig kayo ng mga alamat, iniisip pa rin ninyo ito, at hindi ninyo mapigilang isipin ito. Bakit Ko sinasabi ito? May isang bagay na nangyayari sa napakaraming tao kapag bata pa sila: Kapag kinukuwentuhan sila ng isang tao ng nakakatakot na kuwento—tungkol sa mga multo, o mga kaluluwa—takot na takot sila. Bakit ba sila talaga natatakot? Dahil inilalarawan nila sa kanilang isipan ang mga bagay na iyon; kahit hindi nila nakikita ang mga ito, nararamdaman nila na nasa paligid ng silid nila ang lahat ng iyon, sa isang tao o madilim na sulok, at takot na takot sila kaya hindi sila nangangahas na matulog. Lalo na sa gabi, takot na takot sila na mapag-isa sa silid nila o magsapalarang mapag-isa sa kanilang bakuran. Iyan ang espirituwal na mundo ng inyong imahinasyon, at ito ay isang mundo na iniisip ng mga tao na nakakatakot. Ang totoo ay iniisip ito ng lahat kahit paano, at medyo nararamdaman ito ng lahat.
Magsimula tayo sa pag-uusap tungkol sa espirituwal na mundo. Ano ito? Bibigyan Ko kayo ng isang maikli at simpleng paliwanag: Ang espirituwal na mundo ay isang mahalagang lugar, na naiiba sa materyal na mundo. Bakit Ko sinasabing mahalaga ito? Pag-uusapan natin ito nang detalyado. Ang pag-iral ng espirituwal na mundo ay hindi maihihiwalay ang kaugnayan sa materyal na mundo ng sangkatauhan. May malaking papel itong ginagampanan sa pag-inog ng buhay at kamatayan ng tao sa kapamahalaan ng Diyos sa lahat ng bagay; ito ang papel nito, at isa ito sa mga dahilan kaya mahalaga ang pag-iral nito. Dahil ito ay isang lugar na hindi mawari ng limang pandama, walang sinumang makakahatol nang tumpak kung umiiral nga ang espirituwal na mundo o hindi. Ang iba-ibang galaw nito ay lubhang konektado sa pag-iral ng tao, kaya naman ang kaayusan ng buhay ng sangkatauhan ay lubha ring naiimpluwensyahan ng espirituwal na mundo. Kasama ba rito ang dakilang kapangyarihan ng Diyos o hindi? Kasama. Kapag sinasabi Ko ito, nauunawaan ninyo kung bakit Ko tinatalakay ang paksang ito: Ito ay dahil may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, gayon din sa Kanyang pangangasiwa. Sa isang mundong tulad nito—na hindi nakikita ng mga tao—bawat makalangit na utos, atas, at sistema ng pangangasiwa nito ay lubhang nangingibabaw sa mga batas at sistema ng alinmang bansa sa materyal na mundo, at walang nabubuhay na nilalang sa mundong ito ang mangangahas na salungatin o labagin ang mga ito. Nauugnay ba ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos? Sa espirituwal na mundo, may malilinaw na atas administratibo, malilinaw na makalangit na utos, at malilinaw na batas. Sa iba’t ibang antas at sa iba-ibang lugar, ang mga tagapaglingkod ay mahigpit na tumutupad sa kanilang mga tungkulin at sumusunod sa mga panuntunan at regulasyon, sapagkat alam nila kung ano ang ibubunga ng paglabag sa isang makalangit na utos; alam na alam nila kung paano pinarurusahan ng Diyos ang masama at ginagantimpalaan ang mabuti, at kung paano Niya pinangangasiwaan at pinamumunuan ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, malinaw nilang nakikita kung paano Niya isinasagawa ang Kanyang makalangit na mga utos at batas. Naiiba ba ang mga ito mula sa materyal na mundong tinitirhan ng sangkatauhan? Tunay ngang malaki ang kanilang pagkakaiba. Ang espirituwal na mundo ay isang mundo na ganap na naiiba sa materyal na mundo. Yamang may mga makalangit na utos at batas, may kinalaman ito sa dakilang kapangyarihan at pangangasiwa ng Diyos at, bukod pa riyan, sa Kanyang disposisyon, gayon din sa kung anong mayroon Siya at kung ano Siya. Nang marinig ninyo ito, hindi ba ninyo nadarama na kailangang-kailangang talakayin Ko ang paksang ito? Ayaw ba ninyong malaman ang mga lihim na likas dito? (Oo, gusto namin.) Gayon ang konsepto ng espirituwal na mundo. Bagama’t umiiral ito na kasabay ng materyal na mundo, at sabay na sumasailalim sa pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos, ang pangangasiwa at dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mundong ito ay mas lalong mahigpit kaysa roon sa materyal na mundo. Pagdating sa mga detalye, dapat tayong magsimula sa kung paano nananagot ang espirituwal na mundo sa gawain ng pag-inog ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan, sapagkat malaking bahagi ito ng gawain ng mga nilalang sa espirituwal na mundo.
Sa sangkatauhan, kinakategorya Ko ang lahat ng tao sa tatlong uri. Ang una ay ang mga hindi mananampalataya, yaong mga walang paniniwala sa relihiyon. Sila ang tinatawag na mga hindi mananampalataya. Ang lubhang karamihan sa mga hindi mananampalataya ay nananampalataya lamang sa pera; nagmamalasakit lamang sila sa sarili nilang mga interes, materyalistiko, at naniniwala lamang sa materyal na mundo—hindi sila naniniwala sa pag-inog ng buhay at kamatayan, o sa anumang sinabi tungkol sa mga diwata at multo. Kinakategorya Ko ang mga taong ito bilang mga hindi mananampalataya, at sila ang unang uri. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng iba-ibang taong may pananampalataya na hiwalay sa mga hindi mananampalataya. Sa sangkatauhan, hinahati Ko ang mga taong ito na may pananampalataya sa ilang pangunahing grupo: Ang una ay Hudyo, ang pangalawa ay Katoliko, ang pangatlo ay Kristiyano, ang pang-apat ay Muslim, at ang panlima ay Buddhist; may limang klase. Ito ang iba-ibang klase ng mga taong may pananampalataya. Ang pangatlong uri ay kinabibilangan ng mga naniniwala sa Diyos, at kasama kayo rito. Ang mga mananampalatayang iyon ay yaong mga sumusunod sa Diyos ngayon. Ang mga taong ito ay nahahati sa dalawang klase: Ang mga taong hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi. Malinaw nang nakita ang pagkakaiba ng mga pangunahing uring ito. Sa gayon, malinaw na ninyong nalalaman ang pagkakaiba sa inyong isipan sa pagitan ng mga uri at ranggo ng mga tao, hindi ba? Ang unang uri ay binubuo ng mga hindi mananampalataya, at sinabi Ko na kung ano sila. Nabibilang ba sa mga hindi mananampalataya yaong mga nananampalataya sa Matandang Lalaki sa Langit? Maraming hindi mananampalataya ang naniniwala lamang sa Matandang Lalaki sa Langit; naniniwala sila na ang hangin, ulan, kulog, at iba pa ay pawang kontrolado nito kung kanino sila umaasa sa pagtatanim ng mga pananim at sa pag-aani—subalit kapag nababanggit ang paniniwala sa Diyos, ayaw nilang maniwala sa Kanya. Matatawag ba itong pagkakaroon ng pananampalataya? Kabilang ang gayong mga tao sa mga hindi mananampalataya. Nauunawaan ninyo ito, tama ba? Huwag kayong magkakamali sa mga kategoryang ito. Ang pangalawang uri ay kinabibilangan ng mga taong may pananampalataya, at ang pangatlong uri ay yaong mga kasalukuyang sumusunod sa Diyos. Kung gayon, bakit Ko hinati ang lahat ng tao sa mga uring ito? (Dahil ang iba-ibang uri ng mga tao ay may magkakaibang katapusan at patutunguhan.) Iyan ang isang aspeto nito. Kapag nagbalik ang iba-ibang lahi at uri ng mga taong ito sa espirituwal na mundo, bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng ibang lugar na pupuntahan at isasailalim sa iba-ibang batas ng pag-inog ng buhay at kamatayan, kaya nga kinategorya Ko ang mga tao sa mga pangunahing uring ito.
Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Hindi Mananampalataya
Magsimula tayo sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hindi mananampalataya. Pagkatapos mamatay, ang isang tao ay kinukuha ng isang tagapapag-alaga mula sa espirituwal na mundo. Ano ba talaga ang kinukuha sa isang tao? Hindi ang kanyang laman, kundi ang kanyang kaluluwa. Kapag kinukuha ang kanyang kaluluwa, dumarating siya sa isang lugar na isang sangay ng espirituwal na mundo na tumatanggap lalo na sa kaluluwa ng mga taong kamamatay pa lamang. Iyon ang unang lugar na pinupuntahan ng sinuman pagkatapos mamatay, na kakatwa sa kaluluwa. Kapag dinala sila sa lugar na ito, isang opisyal ang nagsasagawa ng unang mga pagsisiyasat, tinitiyak ang kanilang pangalan, tirahan, edad, at lahat ng kanilang karanasan. Lahat ng ginawa nila noong nabubuhay pa sila ay nakatala sa isang aklat at tinitiyak kung tumpak. Matapos siyasatin ang lahat ng ito, ang pag-uugali at mga kilos ng tao sa buong buhay nila ay ginagamit upang pagpasiyahan kung sila ay parurusahan o patuloy na magkakaroong muli ng katawan bilang isang tao, na siyang unang yugto. Nakakatakot ba ang unang yugtong ito? Hindi ito gaanong nakakatakot, dahil ang nangyari lamang naman ay dumating na ang tao sa isang madilim at di-pamilyar na lugar.
Sa ikalawang yugto, kung maraming nagawang masama ang taong ito sa buong buhay nila at nakagawa ng maraming masasamang gawa, dadalhin sila sa isang lugar ng kaparusahan para pakitunguhan. Iyon ang magiging lugar na talagang ginagamit para sa kaparusahan ng mga tao. Ang mga detalye kung paano sila parurusahan ay nakasalalay sa mga kasalanang kanilang nagawa, gayon din kung ilang masasamang bagay ang kanilang ginawa bago sila namatay—ito ang unang sitwasyong nangyayari sa ikalawang yugtong ito. Dahil sa masasamang bagay na kanilang ginawa at sa kasamaang kanilang ginawa bago sila namatay, kapag sila ay nagkaroong muli ng katawan matapos silang parusahan—kapag sila ay muling isinilang sa materyal na mundo—patuloy na magiging tao ang ilang tao, samantalang ang iba ay magiging mga hayop. Ibig sabihin, matapos bumalik ang tao mula sa espirituwal na mundo, pinarurusahan sila dahil sa kasamaang kanilang nagawa; bukod pa riyan, dahil sa masasamang bagay na kanilang nagawa, sa susunod nilang pagkakaroong muli ng katawan ay malamang na hindi sila babalik bilang tao, kundi bilang hayop. Ang iba’t ibang hayop na maaari nilang kahinatnan ay mga baka, kabayo, baboy, at aso. Ang ilang tao ay maaaring ipanganak na muli bilang mga ibon, o pato o gansa…. Matapos silang magkaroong muli ng katawan bilang mga hayop, kapag namatay silang muli, babalik sila sa espirituwal na mundo. Doon, tulad ng dati, batay sa kanilang pag-uugali bago sila namatay, ang espirituwal na mundo ang magpapasiya kung maaari silang magkaroong muli ng katawan bilang mga tao o hindi. Karamihan sa mga tao ay nakakagawa ng napakaraming kasamaan, at napakabigat ng kanilang mga kasalanan, kaya kailangan silang magkaroon ng katawan bilang mga hayop nang pito hanggang labindalawang beses. Pito hanggang labindalawang beses—hindi ba nakakatakot iyon? (Nakakatakot nga.) Ano ang kinatatakutan ninyo? Ang isang tao na nagiging isang hayop—iyon ang nakatatakot. At para sa isang tao, ano ang pinakamasasakit na bagay tungkol sa pagiging isang hayop? Hindi ka makapagsalita, simple lamang ang mga iniisip mo, ang nagagawa mo lamang ay mga bagay na ginagawa ng mga hayop at ang nakakain mo lamang ay mga bagay na kinakain ng mga hayop, simple ang pag-iisip at pagpapahayag ng sarili sa mga kilos ng iyong katawan ng isang hayop, hindi ka makalakad nang tuwid, hindi mo magawang makipag-usap sa mga tao, at ang katotohanan na walang pag-uugali o mga aktibidad ng mga tao ang may anumang kaugnayan sa mga hayop. Ibig sabihin, sa lahat ng bagay, ang pagiging hayop ay ginagawa kayong pinakamababa sa lahat ng nilalang na may buhay at kinasasangkutan ng mas marami pang pagdurusa kaysa pagiging tao. Ito ay isang aspeto ng kaparusahan ng espirituwal na mundo sa mga nakagawa ng napakaraming kasamaan at nakagawa ng mabibigat na kasalanan. Pagdating sa tindi ng kanilang kaparusahan, pinagpapasiyahan ito ayon sa anumang klaseng hayop ang kinahinatnan nila. Halimbawa, mas mainam bang maging baboy kaysa maging aso? Mas mainam ba ang buhay ng baboy kaysa sa aso? Mas malala, hindi ba? Kung naging mga baka o kabayo ang mga tao, mas mainam kaya ang magiging buhay nila kaysa sa mga baboy o mas malala? (Mas mainam.) Magiging mas komportable ba kung ipanganak na pusa ang isang tao? Magiging hayop pa rin siya, at magiging mas madali ang maging pusa kaysa maging baka o kabayo, dahil nagagawa ng mga pusa na magpakatamad. Mas matrabaho ang maging baka o kabayo. Samakatuwid, kung magkaroong muli ng katawan ang tao bilang baka o kabayo, kailangan nilang magpakasipag—na katulad ng malupit na kaparusahan. Ang maging aso ay medyo mas mainam kaysa maging baka o kabayo, dahil mas malapit ang relasyon ng aso sa amo nito. Ang ilang aso, matapos maging alaga nang ilang taon, ay nauunawaan ang marami sa sinasabi ng kanilang amo. Kung minsan, kayang umakma ng isang aso sa nararamdaman at mga kinakailangan ng amo nito at tinatrato ng amo ang aso nang mas mainam, at kumakain at umiinom nang mas mainam ang aso, at kapag nasasaktan ito, mas inaalagaan ito. Kung gayon ay hindi ba mas masaya ang buhay ng aso? Sa gayon, mas mainam ang maging aso kaysa maging baka o kabayo. Dito, ang katindihan ng parusa sa tao ang nagpapasiya kung ilang beses magkakaroong muli ng katawan ang isang tao bilang hayop, at maging kung anong uri.
Dahil nakagawa sila ng napakaraming kasalanan habang sila ay nabubuhay, pinaparusahan ang ilang tao sa pamamagitan ng pagkakaroong muli ng katawan bilang mga hayop nang pito hanggang labindalawang beses. Matapos maparusahan nang sapat nang ilang beses, pagbalik nila sa espirituwal na mundo, dinadala sila sa ibang lugar—isang lugar kung saan naparusahan na ang iba-ibang kaluluwa at kauri niyaong naghahandang magkaroong muli ng katawan bilang mga tao. Sa lokasyong ito, kinakategorya ang bawat kaluluwa ayon sa uri alinsunod sa klase kung saan sila isisilang, anong uri ng tungkulin ang kanilang gagampanan kapag muli na silang nagkaroon ng katawan, at iba pa. Halimbawa, ang ilang tao ay magiging mga mang-aawit pagdating nila sa mundong ito, kaya isinasama sila sa mga mang-aawit; ang ilan ay magiging mga negosyante pagdating nila sa mundong ito, kaya nga isinasama sila sa mga negosyante; at kung magiging mananaliksik sa siyensya ang isang tao matapos maging tao, isinasama sila sa mga mananaliksik sa siyensya. Matapos silang uriin, ipinadadala ang bawat isa ayon sa ibang panahon at takdang petsa, tulad lamang ng pagpapadala ng mga tao ng mga e-mail ngayon. Dito ay makukumpleto ang isang siklo ng buhay at kamatayan. Mula sa araw na dumating ang tao sa espirituwal na mundo hanggang sa katapusan ng kanilang kaparusahan, o hanggang sa muli silang magkaroon ng katawan nang maraming beses bilang hayop at naghahandang magkaroong muli ng katawan bilang tao, kumpleto na ang prosesong ito.
At para doon sa mga tapos nang parusahan at hindi na nagkaroong muli ng katawan bilang mga hayop, agad ba silang ipadadala sa materyal na mundo para magkaroon ng katawan bilang mga tao? O, gaano katagal bago sila makarating sa piling ng mga tao? Gaano kadalas ito maaaring mangyari? May mga pansamantalang paghihigpit doon. Lahat ng nangyayari sa espirituwal na mundo ay napapailalim sa tamang pansamantalang mga paghihigpit at panuntunan—na kung ipaliliwanag Ko gamit ang mga numero ay mauunawaan ninyo. Para sa mga nagkakaroong muli ng katawan sa loob ng maikling panahon, kapag namatay sila, nagawa na ang mga paghahanda para magkaroon silang muli ng katawan bilang tao. Ang pinakamaikling panahon na maaaring mangyari ito ay tatlong araw. Para sa ilang tao, inaabot ito ng tatlong buwan, para sa ilan ay inaabot ito ng tatlong taon, para sa ilan ay inaabot ito ng tatlumpung taon, para sa ilan ito ay inaabot ng tatlong daang taon, at iba pa. Kaya, ano ang masasabi tungkol sa pansamantalang mga panuntunang ito, at ano ang mga detalye ng mga ito? Ang mga ito ay batay sa kung ano ang kailangan ng materyal na mundo—ng mundo ng tao—mula sa isang kaluluwa, at sa papel na dapat gampanan ng kaluluwang ito dito sa mundo. Kapag nagkaroong muli ng katawan ang mga tao bilang ordinaryong mga tao, karamihan sa kanila ay nagkakaroong muli ng katawan nang napakabilis, dahil malaki ang pangangailangan ng mundo ng tao sa gayong ordinaryong mga tao—kaya nga, pagkaraan ng tatlong araw, muli silang ipinadadala sa isang pamilyang lubos na naiiba sa kinabilangan nila bago sila namatay. Gayunman, may ilang gumaganap sa isang espesyal na papel dito sa mundo. Ang ibig sabihin ng “espesyal” ay na walang malaking pangangailangan para sa mga taong ito sa mundo ng tao; hindi kailangan ang maraming tao para gumanap sa gayong papel, kaya maaari itong abutin ng tatlong daang taon. Sa madaling salita, minsan lamang darating ang kaluluwang ito kada tatlong daang taon, o maaari pang minsan kada tatlong libong taon. Bakit ganito? Dahil iyan sa katotohanan na tatlong daang taon man o tatlong libong taon, hindi kailangan ang gayong papel sa mundo ng tao, kaya nga nananatili sila sa isang lugar sa espirituwal na mundo. Ipaghalimbawa na si Confucius: Nagkaroon siya ng malaking impluwensya sa tradisyonal na kulturang Tsino, at ang kanyang pagdating ay nakaapekto nang malaki sa kultura, kaalaman, tradisyon, at ideolohiya ng mga tao sa panahong iyon. Gayunman, ang isang taong katulad nito ay hindi kailangan sa bawat panahon, kaya kinailangan niyang manatili sa espirituwal na mundo, naghihintay roon nang tatlong daan o tatlong libong taon bago magkaroong muli ng katawan. Dahil hindi kailangan sa mundo ng tao ang isang taong kagaya nito, kinailangan niyang maghintay nang walang ginagawa, sapagkat lubhang kakaunti ang mga papel na katulad ng sa kanya, at lubhang kakaunti ang gagawin niya. Dahil diyan, halos sa buong panahong iyon ay kinailangan niyang manatili sa isang lugar sa espirituwal na mundo, na walang ginagawa, para ipadala kapag kinailangan siya sa mundo ng mga tao. Gayon ang mga pansamantalang panuntunan sa espirituwal na dako para sa dalas ng pagkakaroon ng katawan ng karamihan sa mga tao. Ordinaryo man o espesyal ang mga tao, may angkop na mga panuntunan at tamang mga gawi ang espirituwal na mundo para sa pagpoproseso ng kanilang pagkakaroong muli ng katawan, at ang mga panuntunan at gawing ito ay ipinadadala mula sa Diyos, hindi pinagpapasiyahan o kontrolado ng sinumang tagapamahala o nilalang sa espirituwal na mundo. Nauunawaan na ninyo ito ngayon, hindi ba?
Para sa anumang kaluluwa, ang pagkakaroon nitong muli ng katawan, ang papel nito sa buhay na ito, saang pamilya sila isisilang, at ano ang magiging buhay nila ay malaki ang kaugnayan sa nakaraang buhay ng kaluluwa. Lahat ng klase ng mga tao ay nagpupunta sa mundo ng tao, at ang mga papel na kanilang ginagampanan ay magkakaiba, tulad ng mga gawaing kanilang isinasagawa. At ano ang mga gawaing ito? Dumarating ang ilang tao para magbayad ng mga utang: Kung napakalaki ng inutang nilang pera sa iba sa nakaraan nilang buhay, dumarating sila upang bayaran ang mga utang na iyon sa buhay na ito. Ang ilang tao, samantala, ay naparito para maningil ng mga pautang: Niloko sila sa napakaraming bagay at napakaraming pera sa mga nakaraan nilang buhay; dahil dito, pagdating nila sa espirituwal na mundo, binibigyan sila nito ng katarungan at tinutulutan silang maningil ng kanilang mga pautang sa buhay na ito. Ang ilang tao ay naparito para magbayad ng utang na loob: Sa nakaraang buhay—ibig sabihin, sa kanilang nakaraang pagkakaroong muli ng katawan—naging mabait sa kanila ang isang tao, at dahil nabigyan ng pagkakataong magkaroong muli ng katawan sa buhay na ito, muli silang isinilang para bayaran ang mga utang na loob na iyon. Ang iba naman, samantala, ay muling naisilang sa buhay na ito para kumitil ng mga buhay. At kaninong buhay ang kanilang kikitilin? Kinikitil nila ang buhay ng mga taong pumatay sa kanila sa mga nakaraan nilang buhay. Sa kabuuan, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay may malaking koneksyon sa kanilang mga nakaraang buhay; ang koneksyong ito ay imposibleng paghiwalayin. Ibig sabihin, ang kasalukuyang buhay ng bawat tao ay lubhang apektado ng kanilang nakaraang buhay. Halimbawa, sabihin natin na bago siya namatay, dinaya ni Zhang si Li ng napakalaking pera. Kung gayon ay may utang ba si Zhang kay Li? Oo, kaya natural ba na dapat singilin ni Li ang utang ni Zhang sa kanya? Dahil dito, nang mamatay sila, may isang pagkakautang sa pagitan nila na kailangang mabayaran. Kapag nagkaroon silang muli ng katawan at naging tao si Zhang, paano siya sisingilin ni Li sa kanyang pagkakautang? Ang isang pamamaraan ay ang muling maisilang bilang anak ni Zhang; kikita ng malaking pera si Zhang, na lulustayin naman ni Li. Gaano man kalaking pera ang kitain ni Zhang, hindi iyon magiging sapat kailanman; at samantala, ang kanyang anak, sa kung anong dahilan, ay laging lulustayin ang pera ng kanyang ama sa iba-ibang kaparaanan. Magtataka si Zhang at mag-iisip, “Bakit laging naghahatid ng kamalasan ang anak kong ito? Bakit napakaganda ng ugali ng mga anak ng ibang mga tao? Bakit walang ambisyon ang sarili kong anak, bakit napakawala niyang silbi at wala siyang kakayahang kumita ng anumang pera, at bakit lagi ko siyang kailangang suportahan? Dahil kailangan ko siyang suportahan, gagawin ko—ngunit bakit magkano man ang ibigay ko sa kanya, lagi niyang kailangan ng mas marami? Bakit hindi niya magawang maging tapat sa trabaho sa loob ng isang araw, at sa halip ay ginagawa niya ang lahat ng klaseng bagay tulad ng paglalakwatsa, pagkain, pag-inom ng alak, pambababae at pagsusugal? Ano ba ang nangyayari?” Sa gayon mag-isip sandali si Zhang, “Maaaring dahil may utang ako sa kanya mula sa isang nakaraang buhay. Kung gayon, babayaran ko iyon! Hindi ito matatapos hangga’t hindi ko iyon nababayaran nang buo!” Maaaring dumating ang araw na mabawi na talaga ni Li ang kanyang pautang, at pagsapit niya sa kanyang apatnapu o limampung taong gulang, baka-sakaling bigla siyang matauhan, at matanto niyang, “Wala akong nagawa ni isang mabuting bagay sa unang buong kalahati ng buhay ko! Nalustay ko ang lahat ng perang kinita ng aking ama, kaya dapat akong magsimulang maging mabuting tao! Patitibayin ko ang sarili ko; magiging isa akong taong tapat at mamumuhay nang wasto, at hindi na ako muling maghahatid ng dalamhati sa aking ama!” Bakit niya iniisip ito? Bakit siya biglang nagbago at nagpakabuti? May dahilan ba ito? Ano ang dahilan? (Dahil nasingil na ni Li ang kanyang pautang; nabayaran na ni Zhang ang kanyang utang.) Dito, mayroong sanhi at epekto. Nagsimula ang kuwento noong napakatagal na panahon, bago pa ang kasalukuyan nilang buhay; ang kuwento ng nakaraan nilang buhay ay nadala sa kasalukuyan, at hindi masisisi ang isa’t isa. Anuman ang itinuro ni Zhang sa kanyang anak, hindi nakinig ang kanyang anak kailanman ni hindi nagtrabaho nang tapat sa loob ng isang araw. Subalit sa araw na nabayaran ang utang, hindi na kinailangang turuan ang kanyang anak—natural siyang nakaunawa. Ito ay isang simpleng halimbawa. Marami bang ganitong halimbawa? (Oo, marami.) Ano ang sinasabi nito sa mga tao? (Na dapat silang maging mabuti at huwag silang gumawa ng masama.) Na dapat ay huwag silang gumawa ng masama, at magkakaroon ng paghihiganti sa kanilang masasamang gawa! Karamihan sa mga taong hindi mananampalataya ay gumagawa ng maraming kasamaan, at nagkaroon ng ganti ang kanilang masasamang gawa, tama ba? Gayunman, hindi ba makatwiran ang paghihiganting ito? Sa bawat kilos, may nangyari at may isang dahilan sa likod ng ganti rito. Palagay mo ba walang mangyayari sa iyo matapos mong dayain sa pera ang isang tao? Palagay mo ba, matapos mong kunin ang perang iyon, wala kang haharaping anumang mga bunga? Imposible iyan; may mga ibubunga talaga iyan! Sino man sila o maniwala man sila o hindi na mayroong Diyos, kailangang managot ang bawat tao para sa sarili nilang pag-uugali at tiisin ang mga ibubunga ng kanilang mga kilos. Tungkol sa simpleng halimbawang ito—ang pagpaparusa kay Zhang, at pagbabayad kay Li—hindi ba ito makatarungan? Kapag gumagawa ang mga tao ng gayong mga bagay, ito ang nagiging resulta. Hindi ito maihihiwalay sa pangangasiwa ng espirituwal na mundo. Sa kabila ng kanilang pagiging mga hindi mananampalataya, ang pag-iral ng mga hindi naniniwala sa Diyos ay napapailalim sa ganitong mga uri ng makalangit na mga utos at atas. Walang sinumang makatatakas sa mga ito, at walang sinumang makakaiwas sa realidad na ito.
Yaong mga walang pananampalataya ay kadalasang naniniwala na lahat ng nakikita ng mga tao ay umiiral, samantalang lahat ng hindi nakikita, o napakalayo sa mga tao, ay hindi. Mas gusto nilang maniwala na walang “siklo ng buhay at kamatayan,” at na walang “kaparusahan”; sa gayon, wala silang pakialam kung magkasala man sila at makagawa ng masama. Pagkatapos nito, pinarurusahan sila, o muli silang nagkakaroon ng katawan bilang mga hayop. Karamihan sa iba-ibang uri ng mga tao sa mga hindi mananampalataya ay nahuhulog sa paulit-ulit na pagkakamaling ito. Ito ay dahil hindi nila alam na ang espirituwal na mundo ay mahigpit sa pangangasiwa nito ng lahat ng nilalang na may buhay. Naniniwala ka man o hindi, ang katotohanang ito ay umiiral, sapagkat wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa saklaw ng namamasdan ng mga mata ng Diyos, at wala ni isang tao o bagay ang makakatakas sa mga panuntunan at limitasyon ng Kanyang makalangit na mga utos at atas. Sa gayon, sinasabi ng simpleng halimbawang ito sa lahat na naniniwala ka man sa Diyos o hindi, hindi katanggap-tanggap ang magkasala at gumawa ng masama, at na lahat ng kilos ay may mga ibinubunga. Kapag pinarusahan ang isang taong nandaya ng iba sa pera, makatarungan ang gayong kaparusahan. Ang pag-uugaling katulad nito na karaniwang nakikita ay pinarurusahan sa espirituwal na mundo, at ang gayong kaparusahan ay inihahatid ng mga atas at makalangit na utos ng Diyos. Samakatuwid, ang talamak na kriminal at masamang asal—panggagahasa at pandarambong, panloloko at panlilinlang, pagnanakaw at panloloob, pagpatay at panununog, at iba pa—ay mas ipinaiilalim sa iba’t ibang kaparusahan na may iba-ibang katindihan. Ano ang kabilang sa mga kaparusahang ito na may iba-ibang katindihan? Ang ilan sa mga ito ay nagtatatag ng antas ng katindihan gamit ang oras, samantalang ang ilan ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng magkakaibang pamamaraan; ang iba naman ay ginagawa iyon sa pamamagitan ng pagtukoy kung saan nagpupunta ang mga tao kapag nagkakaroon silang muli ng katawan. Halimbawa, mahalay ang bibig ng ilang tao. Ano ang tinutukoy ng pagiging “mahalay ang bibig”? Ang ibig sabihin nito ay madalas na pagmumura sa iba at paggamit ng masamang pananalita na nagmumura sa iba. Ano ang ipinahihiwatig ng masamang pananalita? Ipinahihiwatig nito na ang isang tao ay may masamang puso. Ang masamang pananalita na minumura ang iba ay kadalasang nagmumula sa mga bibig ng gayong mga tao, at ang gayong masamang pananalita ay matindi ang hatid na mga bunga. Kapag namatay na ang mga taong ito at natanggap na nila ang angkop na parusa, maaari silang muling isilang bilang mga pipi. Nakapatuso ng ilang tao habang nabubuhay pa sila; madalas silang nagsasamantala sa iba, ang maliliit na pakana nila ay partikular na planadung-planado, at labis nilang ipinapahamak ang mga tao. Kapag sila ay muling isinilang, maaaring bilang mga sintu-sinto o mga taong may kapansanan sa pag-iisip. Ang ilang tao ay madalas sumilip sa pribadong gawain ng iba; maraming nakikita ang kanilang mga mata na dapat maging lihim sa kanila, at marami silang natututuhan na hindi nila dapat malaman. Dahil dito, kapag sila ay muling isinilang, maaaring sila ay bulag. Ang ilang tao ay masyadong listo habang sila ay nabubuhay; madalas silang nakikipag-away at gumagawa ng maraming kasamaan. Dahil dito, maaari silang muling isilang na may kapansanan, lumpo, o walang isang kamay; kung hindi ay maaari silang magkaroong muli ng katawan bilang mga kuba o tabingi ang leeg, maglakad nang paika-ika, o mas maikli ang isang paa kaysa sa kabila, at iba pa. Dito, napailalim sila sa iba-ibang kaparusahan batay sa mga antas ng kasamaang ginawa nila habang sila ay nabubuhay. Sa palagay ninyo, bakit duling ang ilang tao? Maraming tao bang ganoon? Sa mga panahong ito hindi lamang sila kakaunti. Ang ilang tao ay duling dahil sa nakaraan nilang buhay, masyado nilang ginamit ang kanilang mga mata at napakarami nilang ginawang masama, kaya isilang sila sa buhay na ito na duling, at sa malulubhang kaso, bulag pa sila nang isilang. Ito ay paghihiganti! Maganda silang makisama sa iba bago sila mamatay; marami silang ginagawang mabuti para sa kanilang mga kamag-anak, kaibigan, kasamahan, o mga taong konektado sa kanila. Nagbibigay sila sa kawanggawa at nagmamalasakit sa iba, o tinutulungan sila sa pagbibigay ng pera, at mataas ang tingin ng mga tao sa kanila. Kapag nagbalik ang gayong mga tao sa espirituwal na mundo, hindi sila pinarurusahan. Ang hindi maparusahan ang isang hindi mananampalataya sa anumang paraan ay nangangahulugan na sila ay naging napakabuting tao. Sa halip na maniwala sa pag-iral ng Diyos, naniniwala lamang sila sa Matandang Lalaki sa Langit. Ang gayong tao ay naniniwala lamang na may espiritu sa itaas nila, na pinanonood ang lahat ng ginagawa nila—iyon lamang ang pinaniniwalaan ng taong ito. Ang resulta ay na mas maganda ang ugali ng taong ito. Ang gayong mga tao ay mabait at mapagkawanggawa, at kapag sa huli ay bumalik sila sa espirituwal na mundo, napakaganda ng magiging pagtrato noon sa kanila, at agad silang magkakaroong muli ng katawan. Kapag sila ay muling isinilang, sa anong uri ng pamilya sila darating? Bagama’t ang gayong mga pamilya ay hindi magiging mayaman, magiging malaya ito sa anumang kapinsalaan, at magkakasundo ang kanilang mga miyembro; doon, ang mga taong ito na nagkaroong muli ng katawan ay magkakaroon ng ligtas at masasayang araw, at lahat ay magagalak at magiging maganda ang buhay. Kapag ang mga taong ito ay nasa hustong gulang na, magkakaroon sila ng malalaki at malalawak na angkan, magkakaroon ng maraming talento at magtatagumpay ang kanilang mga anak, at magtatamasa ng magandang kapalaran ang kanilang pamilya—at ang gayong kalalabasan ay lubhang konektado sa nakaraang buhay ng mga tao. Ibig sabihin, saan pupunta ang mga tao kapag namatay sila at nagkaroong muli ng katawan, lalaki ba sila o babae, ano ang kanilang misyon, ano ang pagdaraanan nila sa buhay, anong mga problema ang titiisin nila, anong mga pagpapala ang tatamasahin nila, sino ang makikilala nila, at ano ang mangyayari sa kanila—walang makakahula ng mga bagay na ito, makakaiwas sa mga ito, o makakapagtago mula sa mga ito. Ibig sabihin, kapag naitakda na ang buhay mo, anuman ang mangyari sa iyo—paano mo man subukang iwasan ito, at sa anumang kaparaanan—walang paraan para labagin mo ang pag-inog ng buhay na itinakda ng Diyos para sa iyo sa espirituwal na mundo. Sapagkat kapag nagkaroon kang muli ng katawan, naitakda na ang kapalaran ng buhay mo. Mabuti man iyon o masama, dapat itong harapin ng lahat at magpatuloy sila sa pagsulong. Ito ay isang isyung hindi maiiwasan ng sinumang nabubuhay sa mundong ito, at walang isyu na mas totoo. Naunawaan na ninyong lahat ang lahat ng sinasabi Ko, hindi ba?
Yamang naunawaan na ninyo ang mga bagay na ito, nakita na ba ninyo ngayon na may napakahirap at napakahigpit na mga pagsisiyasat at pangangasiwa ang Diyos para sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hindi mananampalataya? Una, nagtatag na Siya ng iba-ibang makalangit na mga utos, atas, at sistema sa espirituwal na dako, at kapag naipahayag na ang mga ito, ipinatutupad ang mga ito nang napakahigpit, ayon sa itinakda ng Diyos, ng mga nilalang sa iba-ibang opisyal na katungkulan sa espirituwal na mundo, at walang sinumang mangangahas na labagin ang mga ito. Samakatuwid, sa siklo ng buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa mundo ng tao, nagkaroon mang muli ng katawan ang isang tao bilang hayop o bilang tao, may mga batas para sa dalawang ito. Dahil ang mga batas na ito ay nagmumula sa Diyos, walang sinumang nangangahas na suwayin ang mga ito, ni walang sinumang nakakasuway sa mga ito. Dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos, at dahil umiiral ang gayong mga batas, kaya regular at maayos ang materyal na mundong nakikita ng mga tao; dahil lamang sa dakilang kapangyarihang ito ng Diyos kaya nagagawa ng sangkatauhan na sumabay sa pag-iral nang payapa sa ibang mundong lubos nilang hindi nakikita, at nagagawang mabuhay na kasundo nito—na lahat ay hindi maihihiwalay sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Pagkamatay ng buhay sa laman ng isang tao, may buhay pa rin ang kaluluwa, kaya nga ano ang mangyayari kung wala ito sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos? Gagala ang kaluluwa sa buong lugar, manghihimasok kahit saan, at pipinsalain pa ang mga bagay na may buhay sa mundo ng tao. Ang gayong pinsala ay hindi lamang gagawin sa sangkatauhan kundi maaari ding gawin sa mga halaman at hayop—gayunman, ang unang mapipinsala ay ang mga tao. Kung mangyayari ito—kung ang kaluluwang ito ay hindi napangasiwaan, tunay na puminsala sa mga tao, at talagang gumawa ng masasamang bagay—maayos ding pakikitunguhan ang kaluluwang ito sa espirituwal na mundo: Kung malubha ang mga bagay-bagay, hindi magtatagal at titigil sa pag-iral ang kaluluwa, at wawasakin. Kung maaari, ilalagay ito sa isang lugar at pagkatapos ay magkakaroong muli ng katawan. Ibig sabihin, itinakda na ang pangangasiwa ng espirituwal na mundo sa iba-ibang kaluluwa, at ipinatutupad alinsunod sa mga hakbang at panuntunan. Dahil lamang sa gayong pangangasiwa kaya hindi pa nagkakagulo sa materyal na mundo ng tao, kaya ang mga tao sa materyal na mundo ay nagtataglay ng normal na mentalidad, normal na pagkamakatwiran, at isang isinaayos na buhay sa laman. Pagkatapos magkaroon ng gayong normal na buhay ang sangkatauhan, saka lamang magagawa ng mga nabubuhay sa laman na patuloy na mabuhay at magparami sa lahat ng henerasyon.
Ano ang palagay ninyo sa mga salitang karirinig pa lamang ninyo? Bago ba ang mga ito sa inyo? At anong uri ng mga impresyon ang napasainyo sa mga paksang ibinahagi ngayon? Maliban sa kabaguhan ng mga ito, may iba pa ba kayong nadarama? (Dapat maging maganda ang ugali ng mga tao, at nakikita namin na dakila ang Diyos at dapat pagpitaganan.) (Pagkarinig pa lamang sa pakikipagniig ng Diyos kung paano ipinaplano ng Diyos ang katapusan ng iba-ibang uri ng mga tao, sa isang banda ay nadarama ko na hindi pinahihintulutan ng Kanyang disposisyon ang anumang pagkakasala, at na kailangan ko Siyang katakutan; sa kabilang banda, batid ko kung anong uri ng mga tao ang gusto ng Diyos, at kung anong uri ang ayaw Niya, kaya nais kong mapabilang sa mga gusto Niya.) Nakikita ba ninyo na maprinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga kilos sa aspetong ito? Ano ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang mga kilos? (Itinatakda Niya ang katapusan ng mga tao ayon sa lahat ng kanilang ginagawa.) Tungkol ito sa iba-ibang katapusan para sa mga hindi mananampalataya na katatalakay pa lamang natin. Pagdating sa mga hindi mananampalataya, paggantimpala ba sa mabubuti at pagpaparusa sa masasama ang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos? Mayroon bang anumang mga eksepsyon? (Wala.) Nakikita ba ninyo na may isang prinsipyo sa likod ng mga kilos ng Diyos? Hindi talaga naniniwala sa Diyos ang mga hindi mananampalataya, ni hindi sila nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos. Dagdag pa rito, wala silang kamalayan sa Kanyang dakilang kapangyarihan, lalong hindi nila Siya kinikilala. Ang mas malala pa, nilalapastangan nila ang Diyos, at isinusumpa Siya, at galit sila sa mga naniniwala sa Diyos. Sa kabila ng saloobin nilang ito sa Diyos, hindi pa rin lumilihis sa Kanyang mga prinsipyo ang pangangasiwa Niya sa kanila; pinangangasiwaan Niya sila sa isang maayos na paraan, alinsunod sa Kanyang mga prinsipyo at Kanyang disposisyon. Ano ang tingin Niya sa kanilang pagkagalit? Kamangmangan! Dahil dito, pinangyari na Niyang magkaroong muli ng katawan ang mga taong ito—ibig sabihin, ang karamihan sa mga hindi mananampalataya—bilang mga hayop noong araw. Kaya, sa mga mata ng Diyos, ano ba talaga ang mga hindi mananampalataya? Silang lahat ay mga hayop. Pinangangasiwaan ng Diyos ang mga hayop at maging ang sangkatauhan, at pareho rin ang Kanyang mga prinsipyo para sa gayong mga tao. Kahit sa Kanyang pangangasiwa sa mga taong ito, makikita pa rin ang Kanyang disposisyon, gayundin ang Kanyang mga batas sa likod ng Kanyang kapamahalaan sa lahat ng bagay. Kaya nga, nakikita ba ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang pangangasiwa sa mga hindi mananampalataya na kababanggit Ko pa lamang? Nakikita ba ninyo ang matuwid na disposisyon ng Diyos? (Oo.) Sa madaling salita, alinman sa lahat ng bagay ang pinakikitunguhan Niya, kumikilos ang Diyos ayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo at disposisyon. Ito ang diwa ng Diyos; hindi Siya kailanman basta na lamang hihiwalay sa mga atas o makalangit na mga utos na Kanyang itinakda dahil lamang sa itinuturing Niya ang gayong mga tao bilang mga hayop. Kumikilos ang Diyos ayon sa prinsipyo, ni katiting ay hindi walang habas, at ang Kanyang mga kilos ay lubos na hindi apektado ng anumang bagay. Lahat ng Kanyang ginagawa ay sumusunod sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Ito ay dahil ang Diyos ay nagtataglay ng diwa ng Diyos Mismo; ito ay isang aspeto ng Kanyang diwa na hindi taglay ng anumang nilikha. Maingat at responsable ang Diyos sa Kanyang paghawak, pagharap, pamamahala, pangangasiwa, at pamumuno sa bawat bagay, tao, at bagay na may buhay sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at dito, hindi Siya naging pabaya kailanman. Sa mabubuti, Siya ay mapagbigay at mabait; sa masasama, nagpapataw Siya ng malupit na parusa; at para sa iba-ibang nilalang na may buhay, gumagawa Siya ng angkop na mga plano sa napapanahon at regular na paraan ayon sa iba-ibang mga kinakailangan ng mundo ng sangkatauhan sa iba’t ibang panahon, kaya ang iba-ibang nilalang na ito na may buhay ay nagkakaroong muli ng katawan ayon sa papel na kanilang ginagampanan sa maayos na paraan at lumilipat sa pagitan ng materyal na mundo at ng espirituwal na mundo sa maayos na paraan.
Ang pagkamatay ng isang nilalang na may buhay—ang pagwawakas ng isang pisikal na buhay—ay nagpapahiwatig na ang nilalang na may buhay ay pumanaw na sa materyal na mundo at nagtungo sa espirituwal na mundo, samantalang ang pagsilang ng isang bagong pisikal na buhay ay nagpapahiwatig na ang isang nilalang na may buhay ay naparito na mula sa espirituwal na mundo patungo sa materyal na mundo at nagsimula nang gawin at gampanan ang papel nito. Paglisan man o pagdating ng isang nilalang, parehong hindi maihihiwalay ang mga ito mula sa gawain ng espirituwal na mundo. Pagdating ng panahon na dumating ang isang tao sa materyal na mundo, nakabuo na ang Diyos ng angkop na mga plano at pakahulugan sa espirituwal na mundo kung saang pamilya mapupunta ang taong iyon, ang panahon kung kailan sila darating, ang oras ng kanilang pagdating, at ang papel na kanilang gagampanan. Sa gayon, ang buong buhay ng taong ito—ang mga bagay na kanilang ginagawa, at ang mga landas na kanilang tinatahak—ay magpapatuloy ayon sa mga planong ginawa sa espirituwal na mundo, nang wala ni katiting na paglihis. Bukod pa riyan, ang panahon kung kailan magwawakas ang isang pisikal na buhay at ang paraan at lugar kung saan ito magwawakas ay malinaw at nahihiwatigan sa espirituwal na mundo. Pinamumunuan ng Diyos ang materyal na mundo, at pinamumunuan din Niya ang espirituwal na mundo, at hindi Niya aantalahin ang normal na siklo ng buhay at kamatayan ng isang kaluluwa, ni hindi Siya maaaring gumawa ng anumang mga pagkakamali sa mga plano ng siklong iyon. Bawat isa sa mga tagapamahala sa mga opisyal na puwesto sa espirituwal na mundo ay isinasagawa ang kanilang indibiduwal na mga gawain, at ginagawa yaong kinakailangan nilang gawin, alinsunod sa mga tagubilin at mga panuntunan ng Diyos. Sa gayon, sa mundo ng sangkatauhan, bawat materyal na kakaibang pangyayari na namasdan ng tao ay nasa ayos, at hindi magulo. Lahat ng ito ay dahil sa maayos na pamumuno ng Diyos sa lahat ng bagay, gayundin sa katotohanan na ang Kanyang awtoridad ang namumuno sa lahat ng bagay. Kabilang sa Kanyang kapamahalaan ang materyal na mundong tinitirhan ng tao at, bukod pa riyan, ang di-nakikitang espirituwal na mundo sa likod ng sangkatauhan. Samakatuwid, kung nais ng mga tao na magkaroon ng mabuting buhay, at inaasam na manirahan sa magandang kapaligiran, bukod pa sa mabigyan ng buong materyal na mundong nakikita, kailangan din silang mabigyan ng espirituwal na mundo, na hindi nakikita ninuman, na namamahala sa bawat nilalang na may buhay para sa kapakanan ng sangkatauhan, at maayos. Sa gayon, ngayong nasabi nang ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay, hindi ba nadagdagan ang ating kamalayan at pagkaunawa sa “lahat ng bagay”? (Oo.)
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X