Menu

Inialay ni Abraham si Isaac

Genesis 22:2–3 At Kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na Aking sasabihin sa iyo.” At si Abraham ay bumangon nang maaga, at inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga alila, at si Isaac na kanyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at pumaroon sa dakong sinabi sa kanya ng Diyos.

Genesis 22:9–10 At sila’y dumating sa dakong sa kanya’y sinabi ng Diyos; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak.

Ang Gawain ng Pamamahala ng Diyos at Pagliligtas sa Sangkatauhan ay Nagsisimula sa Pagsasakripisyo ni Abraham kay Isaac

Dahil nabigyan ng isang anak na lalaki si Abraham, ang mga salitang sinabi ng Diyos kay Abraham ay natupad. Hindi ito nangangahulugan na tumigil dito ang plano ng Diyos; bagkus, ang kahanga-hangang plano ng Diyos para sa pamamahala at kaligtasan ng sangkatauhan ay nagsimula pa lamang, at ang Kanyang pagpapala kay Abraham ng isang anak na lalaki ay isa ngang pagpapakilala sa Kanyang pangkalahatang plano ng pamamahala. Sa sandaling iyon, sino ang nakaalam na ang pakikipaglabanan ng Diyos kay Satanas ay tahimik na nagsimula nang inialay ni Abraham si Isaac?

Walang Pakialam ang Diyos Kung Hangal man ang Tao—Hinihingi Lang Niyang Maging Totoo ang Tao

Susunod, ating tingnan kung ano ang ginawa ng Diyos kay Abraham. Sa Genesis 22:2, ibinigay ng Diyos ang sumusunod na kautusan kay Abraham: “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumaroon ka sa lupain ng Moria; at ihain mo siya roong handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na Aking sasabihin sa iyo.” Ang pakahulugan ng Diyos ay malinaw: Sinasabi Niya kay Abraham na ialay ang kanyang bugtong na anak na si Isaac, na kanyang minamahal, bilang handog na susunugin. Kung titingnan ito ngayon, magkasalungat pa rin ba ang mga kuru-kuro ng tao sa utos ng Diyos? Oo! Lahat ng ginawa ng Diyos sa panahong iyon ay lubhang salungat sa mga kuru-kuro ng tao at hindi kayang unawain ng tao. Sa kanilang mga kuru-kuro, ang mga tao ay naniniwala sa mga sumusunod: Nang ang isang tao ay hindi naniwala, at inisip na ito ay imposible, binigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki, at matapos niyang makamit ang isang anak na lalaki, inutusan siya ng Diyos na ialay ang kanyang anak—hindi kapani-paniwala! Ano talaga ang binalak gawin ng Diyos? Ano ang tunay na layunin ng Diyos? Walang pasubali Niyang binigyan ng anak na lalaki si Abraham, ngunit inutusan din Niya si Abraham na mag-alay nang walang pasubali. Ito ba ay kalabisan? Sa punto ng isang ikatlong partido, hindi lamang ito kalabisan ngunit tila isang kaso ng “paggawa ng problema nang walang dahilan.” Ngunit si Abraham mismo ay hindi naniwala na masyadong malaki ang hinihingi ng Diyos. Bagama’t may ilan siyang sariling opinyon tungkol dito, at bahagyang pinaghinalaan ang Diyos, handa pa rin siyang gawin ang pag-alay. Sa puntong ito, ano ang nakikita mong patunay na handa nga si Abraham na ialay ang kanyang anak? Ano ang sinasabi sa mga pangungusap na ito? Ang orihinal na teksto ay nagbibigay ng sumusunod na mga pahayag: “At si Abraham ay bumangon nang maaga, at inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga alila, at si Isaac na kanyang anak: at nagsibak ng kahoy para sa haing susunugin, at bumangon at pumaroon sa dakong sinabi sa kanya ng Diyos” (Genesis 22:3). “At sila’y dumating sa dakong sa kanya’y sinabi ng Diyos; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak” (Genesis 22:9–10). Nang iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak, nakita ba ng Diyos ang kanyang mga pagkilos? Oo, nakita Niya. Ang buong proseso—mula sa simula, nang hingin ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac, hanggang sa aktwal na pagtaas ni Abraham ng kanyang sundang upang patayin ang kanyang anak—ay nagpakita sa Diyos ng puso ni Abraham, at anuman ang kanyang dating kahangalan, kamangmangan, at hindi pagkakaunawa sa Diyos, noong sandaling iyon, ang puso ni Abraham para sa Diyos ay totoo, at tapat, at tunay ngang ibabalik niya si Isaac, ang anak na ibinigay sa kanya ng Diyos, pabalik sa Diyos. Sa kanya, nakita ng Diyos ang pagsunod, ang mismong pagsunod na nais Niya.

Sa tao, marami ang ginagawa ng Diyos na hindi kayang unawain at ni hindi kapani-paniwala. Kapag nais ng Diyos na pangasiwaan ang isang tao, ang pangangasiwang ito ay madalas na salungat sa mga kuru-kuro ng tao at hindi niya kayang unawain ito, gayon pa man ang mismong di-pagkakatugma at pagiging hindi maunawaan nito ang mga pagsubok at hamon ng Diyos sa tao. Samantala, si Abraham ay nagpakita ng pagsunod sa Diyos sa sarili niya mismo, na pinaka-pangunahing kondisyon ng kanyang kakayahang tugunan ang hinihingi ng Diyos. Nang nagawang sundin ni Abraham ang hinihingi ng Diyos, nang kanyang ialay si Isaac, saka lamang tunay na naramdaman ng Diyos ang pagkakaroon ng katiyakan at pagsang-ayon sa sangkatauhan—kay Abraham, na Kanyang hinirang. Saka lamang nakasiguro ang Diyos na ang taong ito na Kanyang hinirang ay isang kailangang-kailangang pinuno na maaaring magsagawa ng Kanyang pangako at ng Kanyang susunod na plano ng pamamahala. Kahit na ito ay isang pagsubok at pagsusulit lamang, nasiyahan ang Diyos, naramdaman Niya ang pagmamahal ng tao sa Kanya, at nadama Niya ang kalinga ng tao na hindi Niya dating nadama. Noong sandaling itinaas ni Abraham ang kanyang panaksak upang patayin si Isaac, pinigilan ba siya ng Diyos? Hindi hinayaan ng Diyos na ialay ni Abraham si Isaac, dahil walang intensyon ang Diyos na bawiin ang buhay ni Isaac. Kaya pinigilan ng Diyos si Abraham sa tamang oras. Para sa Diyos, nakapasa na sa pagsubok ang pagkamasunurin ni Abraham, sapat na ang kanyang ginawa, at nakita na ng Diyos ang kinalabasan ng Kanyang binalak gawin. Kasiya-siya ba ang kinalabasang ito para sa Diyos? Maaaring sabihin na ang kinalabasan na ito ay kasiya-siya sa Diyos, na ito ang nais ng Diyos, at ito ang inasam Niyang makita. Ito ba ay totoo? Kahit na ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan ng pagsubok sa bawat tao sa iba’t ibang konteksto, nakita ng Diyos kay Abraham ang nais Niya, nakita Niyang totoo ang puso ni Abraham at walang pasubali ang kanyang pagsunod. Ito mismong pagiging “walang pasubali” na ito ang ninais ng Diyos. Madalas sabihin ng mga tao na, “Inialay ko na ito, tinalikuran ko na iyan—bakit hindi pa rin nasisiyahan ang Diyos sa akin? Bakit Niya ako laging isinasailalim sa mga pagsubok? Bakit Niya ako parating sinusubukan?” Ito ay nagpapakita ng isang katunayan: Hindi pa nakikita ng Diyos ang iyong puso, at hindi pa Niya nakakamit ang iyong puso. Ang ipinahihiwatig nito ay hindi pa Niya nakikita ang katapatan na gaya ng ipinamalas ni Abraham nang nagawa niyang itaas ang panaksak upang patayin ang kanyang anak sa pamamagitan ng sarili niyang mga kamay at ialay ito sa Diyos. Hindi pa Niya nakikita ang iyong walang pasubaling pagsunod, at hindi pa Siya nakaramdam ng kalinga sa iyo. Samakatuwid, natural lamang na patuloy kang sinusubok ng Diyos. Hindi ba ito totoo?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon