Bakit Ko sinasabi na hindi nakumpleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Salita ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawaing lubos na maangkin ang tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawan; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi nangingibabaw ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi man lamang nangingibabaw sa lahat, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mahimalang mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng nakapaloob na katotohanan tungkol sa relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, kaya tila walang anumang pagkakatulad ang dalawa, at walang anumang nasa gawain sa una ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay magkaiba. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa likas na katangian ng gawaing ginawa ng mga taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na katawan. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao sa dalawang kapanahunang ito ay nagpasimula ng isang bagong kapanahunan, nagpahayag ng isang bagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng masabi ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Malinaw na hindi ito maabot ng kakayahan ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi masasabi ng kapanahunan at ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga sitwasyon, kundi sa pamamagitan ng banal na gawaing Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao tungkol sa unang katawang-tao, kundi upang punan at gawin itong perpekto, palalimin ang kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, suwayin ang lahat ng panuntunang umiiral sa puso ng mga tao, at palisin ang mga maling larawan ng Diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibiduwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na kaalaman tungkol sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong kakayahan ng tao na umunawa, hindi pa rin kumpleto ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Imposible, gamit ang wika ng tao, na ihatid ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos; bukod pa riyan, paano lubos na maipapahayag ang Diyos sa iisang yugto ng Kanyang gawain? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng takip ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na katawan. Nagkakatawang-tao ang Diyos para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at walang dalawang yugto ng Kanyang gawain ang magkapareho. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng lubos na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, nang hindi nakatuon sa iisang aspeto. Bagama’t magkaiba ang gawain ng dalawang nagkatawang-taong laman, ang diwa ng mga katawang-tao, at ang pinagmulan ng Kanilang gawain, ay magkapareho; kaya lamang ay umiiral Sila para isagawa ang dalawang magkaibang yugto ng gawain, at lumitaw sa dalawang magkaibang kapanahunan. Ano’t anuman, iisa ang diwa at pinagmulan ng mga nagkatawang-taong laman ng Diyos—ito ay isang katotohanan na walang sinumang makapagkakaila.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos