Nais ng Diyos ngayon na matamo ang isang grupo ng mga tao, isang grupong binubuo ng mga nagsisikap na makipagtulungan sa Kanya, na kayang sumunod sa Kanyang gawain, na naniniwala na ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay totoo, at kayang isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos; sila yaong may tunay na pang-unawa sa kanilang puso, sila yaong maaaring gawing perpekto, at walang alinlangang magagawa nilang tumahak sa landas ng pagkaperpekto. Yaong mga hindi magagawang perpekto ay mga taong walang malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, na hindi umiinom at kumakain ng mga salita ng Diyos, na hindi pumapansin sa Kanyang mga salita, at walang anumang pagmamahal sa Diyos sa kanilang mga puso. Yaong mga nagdududa sa Diyos na nagkatawang-tao, laging nag-aalinlangan tungkol sa Kanya, hindi tinatrato nang seryoso ang Kanyang mga salita at lagi Siyang nililinlang ay mga taong lumalaban sa Diyos at nabibilang kay Satanas; walang paraan para gawing perpekto ang gayong mga tao.
Kung nais mong maperpekto, kailangan ka munang paboran ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga pinapaboran Niya at kaayon ng Kanyang puso. Kung nais mong maging kaayon ng puso ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong sumusunod sa Kanyang gawain, kailangan mong sikaping hangarin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa masusing pagsusuri ng Diyos? Tama ba ang iyong hangarin? Kung tama ang iyong hangarin, pupurihin ka ng Diyos; kung mali ang iyong hangarin, ipinapakita nito na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagama’t hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag naniniwala ka sa taong ito, naniniwala ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos ay pananampalataya sa taong ito, at ang pananampalataya sa taong ito ay pananampalataya rin sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong hangarin at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may pagmamahal ka sa Diyos sa iyong puso at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung taos mong minamahal ang Diyos sa puso mo, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y suriin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, at gawing posible na lahat ng ginagawa ko ay tumayo sa Iyong presensya. Kung sakaling tumigil ang puso ko sa pagmamahal sa Iyo o pagtaksilan Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa mundong ito o kahit sa susunod!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita nito na ikaw ay kimi, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. May ganito ba kayong pagpapasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may pagpapasya kang gawin ang gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong pagpapasya. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinutukoy ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid sa pamamagitan ng iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ito ngayon ang proseso ng pagperpekto sa inyo, at kung talagang may pananalig ka na magagawang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri; kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung pagtataksilan mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa, at sa gayon anuman ang mangyari sa iyo, mapahamak ka man o makastigo, kagagawan mo mismo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, mapapahamak ka. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at dumaraing, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon ko sa kahalayan; wala na ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito na maging makamundo at magkasala, at tiyak na mapapahamak ang kanilang kaluluwa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso