Ako at si Jesus ay mula sa iisang Espiritu. Bagama’t wala Kaming kaugnayan sa Aming mga katawang-tao, iisa ang Aming mga Espiritu; bagama’t ang nilalaman ng ginagawa Namin at ang gawain na ginagampanan Namin ay magkaiba, magkapareho Kami sa diwa; magkaiba ang porma ng Aming mga katawang-tao, nguni’t ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan at ang magkaibang mga kinakailangan sa Aming gawain; magkaiba ang mga ministeryo Namin, kaya ang gawain na dala Namin at ang disposisyon na ibinubunyag Namin sa tao ay magkaiba rin. Iyan ang dahilan kung bakit ang nakikita at nauunawaan ng tao ngayon ay hindi katulad roon sa nakaraan; ito ay dahil sa pagbabago sa kapanahunan. Sa lahat ng iyan, Sila ay magkaiba sa kasarian at porma ng Kanilang mga katawang-tao, at hindi Sila ipinanganak sa parehong pamilya, at lalo nang hindi sa parehong panahon, gayunman iisa ang Kanilang mga Espiritu. Sa lahat ng iyan, ang Kanilang mga katawang-tao ay walang kaugnayan sa dugo ni anumang uri ng pisikal na pagkakamag-anak, hindi maitatangging Sila ay pagkakatawang-tao ng Diyos sa dalawang magkaibang panahon. Hindi mapasisinungalingang katotohanan na Sila ang mga nagkatawang-taong lamán ng Diyos, bagama’t hindi sila magkadugo at magkaiba ang kanilang pantaong wika (ang isa ay lalaki na nagsasalita ng wika ng mga Judio at ang isa ay babae na eksklusibong nagsasalita ng Tsino). Para sa mga kadahilanang ito kaya nabuhay sila sa magkaibang bansa upang gawin ang gawain na kinakailangang gawin ng bawa’t isa, at sa magkaibang panahon din. Sa kabila ng katunayang iisa Silang Espiritu at nagtataglay ng parehong kakanyahan, ganap na walang mga pagkakatulad sa panlabas Nilang mga katawang-tao. Ang pagkakatulad lamang Nila ay ang parehong pagkatao, nguni’t pagdating sa panlabas na kaanyuan ng Kanilang mga katawang-tao at ang mga pangyayari sa Kanilang kapanganakan, hindi Sila magkapareho. Ang mga bagay na ito ay walang epekto sa Kani-kanilang gawain o sa pagkakilala ng tao tungkol sa Kanila, dahil, sa huling pagsusuri, iisa Silang Espiritu at walang makapaghihiwalay sa Kanila. Bagama’t hindi Sila magkadugo, ang buong persona Nila ay nasa patnubay ng Kanilang mga Espiritu, na naglalaan sa Kanila ng magkaibang gawain sa magkaibang mga panahon, at ng Kanilang mga katawang-tao sa magkaibang linya ng dugo. Katulad nito, ang Espiritu ni Jehova ay hindi ang ama ng Espiritu ni Jesus, at ang Espiritu ni Jesus ay hindi anak ng Espiritu ni Jehova: Iisa Sila at parehong Espiritu. Katulad lamang ng nagkatawang-taong Diyos ngayon at ni Jesus. Bagama’t hindi Sila magkadugo, Sila ay iisa; ito ay dahil iisa ang Kanilang mga Espiritu. Kayang gawin ng Diyos ang gawain ng habag at mapagmahal-na-kabaitan, gayundin ang matuwid na paghatol at pagkastigo sa tao, at yaong pagtawag ng mga sumpa sa tao; at sa katapusan, kaya Niyang gawin ang gawain ng pagwasak sa mundo at pagpaparusa sa masámâ. Hindi ba Niya ginagawa Mismo ang lahat ng ito? Hindi ba ito ang pagka-makapangyarihan-sa-lahat ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawang Ganap ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao