Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpapakita at Gawain ng Diyos | Sipi 65
Sa araw na muling nabuhay ang lahat ng mga bagay, dumating Ako sa gitna ng tao, at gumugol Ako ng kamangha-manghang mga araw at gabi kasama siya. Sa puntong ito lamang nadarama nang kaunti ng tao na madali Akong lapitan, at habang dumadalas ang pakikipag-ugnayan niya sa Akin, nakikita niya ang kaunti ng kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako—dahil dito, nagtatamo siya ng kaunting kaalaman tungkol sa Akin. Sa lahat ng tao, nagtataas Ako ng Aking ulo at nagmamasid, at nakikita nila Akong lahat. Subalit kapag sumasapit ang sakuna sa mundo, agad silang nagiging balisa, at naglalaho sa mga puso nila ang Aking larawan; takot na takot sa pagdating ng sakuna, hindi nila pinapansin ang Aking mga paghihimok. Maraming taon Kong nakapiling ang tao, subalit nanatili siya palaging walang kamalayan, at hindi niya Ako nakilala kailanman. Ngayon sinasabi Ko ito sa kanya gamit ang sarili Kong bibig, at pinahaharap Ko ang lahat ng tao sa Akin para tumanggap ng isang bagay mula sa Akin, ngunit pinananatili pa rin nila ang agwat nila mula sa Akin, kaya nga hindi nila Ako nakikilala. Kapag tumutuntong ang Aking mga yapak sa buong sansinukob at sa mga dulo ng daigdig, magsisimulang magmuni-muni ang tao sa kanyang sarili, at lalapit sa Akin ang lahat ng tao at yuyuko sa Aking harapan at sasambahin Ako. Ito ang magiging araw na nagtatamo Ako ng kaluwalhatian, ang araw ng Aking pagbabalik, at ang araw din ng Aking pag-alis. Ngayon, sinimulan Ko na ang gawain Ko sa gitna ng buong sangkatauhan, pormal na nagsimula sa buong sansinukob sa pangwakas ng plano ng pamamahala Ko. Magmula sa sandaling ito, ang sinumang hindi maingat ay nanganganib na malublob sa gitna ng walang-awang pagkastigo, at maaari itong mangyari sa anumang sandali. Hindi ito sapagkat wala Akong puso; sa halip, isa itong hakbang ng plano ng pamamahala Ko; dapat magpatuloy ang lahat ayon sa mga hakbang ng plano Ko, at walang sinuman ang maaaring magbago nito. Kapag pormal Ko nang sinimulan ang gawain Ko, gagalaw ang lahat ng mga tao gaya ng Aking paggalaw, upang maging abala ang mga tao sa buong sansinukob sa mga sarili nila kasabay Ko, mayroong “lubos na pagsasaya” sa buong sansinukob, at nauudyukan Ko pasulong ang tao. Bilang bunga, nilatigo Ko ang malaking pulang dragon mismo sa isang kalagayan ng silakbo ng galit at pagkalito, at pinagsisilbihan nito ang gawain Ko, at, sa kabila ng pagiging atubili, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanasa, datapuwa’t naiwang walang pagpipilian kundi magpasakop sa pamamahala Ko. Sa lahat ng mga plano Ko, ang malaking pulang dragon ay siyang Aking hambingan, kaaway Ko, at tagapagsilbi Ko rin; samakatuwid, hindi Ko kailanman niluwagan ang “mga pangangailangan” Ko rito. Samakatuwid, gagawing ganap ang huling yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao Ko sa sambahayan nito. Sa ganitong paraan, mas nagagawang maglingkod nang maayos para sa Akin ng malaking pulang dragon, na sa pamamagitan nito’y lulupigin Ko ito at gagawing ganap ang plano Ko. Habang gumagawa Ako, magsisimula ang lahat ng mga anghel sa isang hindi mapag-aalinlanganang tagumpay sa labanan kasama Ko at maninindigang tuparin ang mga nais Ko sa huling yugto, upang sumuko sa harapan Ko ang mga tao sa lupa kagaya ng mga anghel, at mawalan ng pagnanasang salungatin Ako, at hindi gumawa ng anumang naghihimagsik laban sa Akin. Ito ang mga dinamika ng gawain Ko sa buong sansinukob.
Ang layunin at kabuluhan ng pagdating Ko sa gitna ng tao ay upang iligtas ang buong sangkatauhan, upang dalhin ang buong sangkatauhan pabalik sa sambahayan Ko, upang pagsamahing muli ang langit at ang lupa, at upang maghatid ang tao ng “mga hudyat” sa pagitan ng langit at ng lupa, dahil ito ang likas na tungkulin ng tao. Sa panahong nilikha Ko ang sangkatauhan, naihanda Ko na ang lahat ng mga bagay para sa sangkatauhan, at kinalaunan, pinahintulutan Ko ang sangkatauhang tumanggap, ayon sa mga kinakailangan Ko, ng mga yaman na binigay Ko sa kanya. Kaya naman, sinasabi Ko na ang narating ng buong sangkatauhan ngayon ay dahil sa patnubay Ko. At ang lahat ng ito ay plano Ko. Sa gitna ng buong sangkatauhan, hindi mabilang na dami ng mga tao ang umiiral sa ilalim ng pangangalaga ng pagmamahal Ko, at hindi mabilang na dami ang namumuhay sa ilalim ng pagkastigo ng poot Ko. Bagaman nananalangin sa Akin ang lahat ng mga tao, hindi pa rin nila kayang baguhin ang kasalukuyang mga kalagayan nila; sa sandaling mawalan sila ng pag-asa, maaari lamang nilang hayaan ang magiging takbo ng pangyayari at tumigil sa pagsuway sa Akin, dahil ito lamang ang magagawa ng tao. Pagdating sa kalagayan ng buhay ng tao, hindi pa natatagpuan ng tao ang tunay na buhay, hindi pa niya natatalos ang kawalan ng katarungan, lagim, at mga nakahahapis na kalagayan ng mundo—at kaya naman, kung hindi dahil sa pagsapit ng sakuna, yayakapin pa rin ng karamihan ng mga tao ang Inang Kalikasan, at magiging abala pa rin ang mga sarili nila sa mga sangkap ng “buhay.” Hindi ba ito ang realidad ng mundo? Hindi ba ito ang tinig ng kaligtasan na sinasabi Ko sa tao? Bakit, sa gitna ng sangkatauhan, wala pang tunay na nagmahal sa Akin? Bakit minamahal lamang Ako ng tao kapag nasa kalagitnaan ng pagkastigo at mga pagsubok, subalit walang sinumang nagmamahal sa Akin habang nasa ilalim ng pangangalaga Ko? Iginawad Ko na ang pagkastigo Ko sa sangkatauhan nang maraming beses. Tinitingnan nila ito, ngunit pagkatapos hindi nila ito papansinin, at hindi nila ito pag-aaralan at pagmumuni-munihan sa oras na ito, at sa gayon lahat ng dumarating sa tao ay walang-awang paghatol. Isa lamang ito sa mga kaparaanan Ko ng paggawa, ngunit ito ay para pa rin baguhin ang tao at gawin siyang mahalin Ako.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29