Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpapakita at Gawain ng Diyos | Sipi 72
Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang lahi, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling lahi, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa pananaw ng isang nilalang. Sa ganitong paraan, hindi ka maglalagay ng mga hangganan sa mga yapak ng Diyos. Ito ay dahil, ngayon, maraming tao ang nag-iisip na imposibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng partikular na mga tao. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga palagay at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga palagay tungkol sa lahi o katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi masisikil ng sarili mong mga palagay; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.
Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang Sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o lahi, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi napipigilan ng anumang anyo, bansa, o lahi. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil pagtanggi ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa kung saan inihahayag ng Diyos ang Kanyang Sarili at ang mga tao kung kanino Niya inihahayag ang Kanyang Sarili ay nagkataon lamang na hindi makatarungan kung itrato ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Nguni’t ang Diyos ay taglay ang Kanyang karunungan. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa pag-iisip, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na, dahil natiis na ang lahat ng uri ng mga pagsubok at mga kapighatian at lahat ng uri ng pag-uusig, ay makakasunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, malaya mula sa mga pagpipigil ng kahit na anong anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Nguni’t naniwala ang mga Judio na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng magiging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng parehong pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinahahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, nguni’t kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na ang maraming tao na bumulalas sa pagtawa matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Nguni’t hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Judio? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobing naghahangad. Ang ginagawa lamang ninyo ay nagsusuri nang walang pakundangan at walang-pakialam na naghihintay lamang. Ano ang mapapala ninyo sa pagsusuri at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo mahiwatigan ang mga pagpapahayag ng Diyos, paano ka magiging karapat-dapat na saksihan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipinapahayag ang katotohanan, at magiging naroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga palagay! Tumahimik ka at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Pakawalan ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga palagay ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; habang mas lampas sa mga palagay at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling pareho saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito ay ang nag-iisa at natatanging Diyos ng buong sansinukob. Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagpapahayag, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyo ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong sundan ang Kanyang mga yapak sa paghakbang ninyo tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan