Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 132
Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nag-aangat sa Kanya mula sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa dating narinig. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang sinumang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming mga hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring di-malirip sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng lahat ng gawain Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya, gaya ng inaakala ng mga tao, isang simpleng katawang-tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa mga kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng mga lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang pahintulutan ang tao na makita ang Diyos na nasa langit na namumuhay kasama ng mga tao sa lupa, at bigyang-kakayahan ang tao na mabatid, sundin, igalang, at mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan kung bakit bumalik Siya sa katawang-tao sa pangalawang pagkakataon. Kahit na ang nakikita ng tao ngayon ay isang Diyos na katulad ng tao, isang Diyos na mayroong ilong at dalawang mga mata, at isang hindi kapansin-pansing Diyos, sa huli, ipakikita sa inyo ng Diyos na kung hindi umiral ang taong ito, magdadaan ang langit at lupa sa napakatinding pagbabago; kung hindi umiral ang taong ito, magdidilim ang kalangitan, malulublob sa kaguluhan ang lupa, at mamumuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng taggutom at mga salot. Ipakikita Niya sa inyo na kung hindi dumating ang Diyos na nagkatawang-tao upang iligtas kayo sa mga huling araw, matagal na sanang winasak ng Diyos ang buong sangkatauhan sa impiyerno; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, magiging pangunahing mga makasalanan kayo magpakailanman, at magiging mga bangkay kayo habang panahon. Dapat ninyong malaman na kung hindi umiral ang katawang-taong ito, haharap ang buong sangkatauhan sa hindi maiiwasang kapahamakan at makikitang imposibleng makatakas sa mas matinding kaparusahang ilalapat ng Diyos sa sangkatauhan sa mga huling araw. Kung hindi isinilang ang karaniwang katawang-taong ito, mapupunta kayong lahat sa kalagayang kung saan magsusumamo kayo para sa buhay nang walang kakayahang mamuhay, at mananalangin para sa kamatayan nang walang kakayahang mamatay; kung hindi umiral ang katawang-taong ito, hindi ninyo makakamit ang katotohanan at makaparoroon sa harap ng trono ng Diyos ngayon, kundi sa halip, parurusahan kayo ng Diyos dahil sa matindi ninyong mga kasalanan. Alam ba ninyong kung hindi dahil sa pagbalik sa katawang-tao ng Diyos, walang magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan; at kung hindi dahil sa pagdating ng katawang-taong ito, matagal nang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan? Dahil dito, magagawa pa rin ba ninyong tanggihan ang ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos? Yamang napakaraming pakinabang ang matatamo ninyo sa karaniwang taong ito, bakit hindi ninyo Siya malugod na tatanggapin?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao