Menu

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 35 Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 35
00:00/ 00:00

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 35

00:00
00:00

Ang Pangako ng Diyos kay Abraham (Mga piling sipi)

Genesis 22:16–18 Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, sabi ni Jehova, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak: Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.

Ang Pagkamit sa mga Nakakikilala sa Diyos at mga may Kakayahang Magpatotoo sa Kanya ay ang Di-magbabagong Hangarin ng Diyos

Kasabay ng pakikipag-usap sa Kanyang sarili, nakipag-usap din ang Diyos kay Abraham, ngunit maliban sa pagkarinig sa mga pagpapala na ibinigay ng Diyos sa kanya, naunawaan ba ni Abraham ang tunay na mga hangarin ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga salita sa sandaling iyon? Hindi! Kung kaya’t sa sandaling iyon, nang nangako ang Diyos sa Kanyang sarili, malungkot at nagdadalamhati pa rin ang Kanyang puso. Wala pa rin kahit isang tao na nakaunawa o nakaintindi ng Kanyang balak at plano. Sa sandaling iyon, walang sinuman—kabilang si Abraham—ang buo ang loob na makipag-usap sa Kanya, at lalong walang sinuman ang kayang makipagtulungan sa Kanya sa paggawa ng mga dapat Niyang gawin. Sa panlabas, nakamit ng Diyos si Abraham, isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa katunayan, ang kaalaman ng taong ito sa Diyos ay halos salat na salat. Kahit na pinagpala ng Diyos si Abraham, ang puso ng Diyos ay hindi pa rin nasiyahan. Ano ang ibig sabihin ng ang Diyos ay hindi nasiyahan? Ito ay nangangahulugan na ang Kanyang pamamahala ay kasisimula pa lamang, ito ay nangangahulugan na ang mga taong nais Niyang makamit, ang mga taong inasam Niyang makita, ang mga taong minahal Niya, ay malayo pa rin sa Kanya; kailangan Niya ng oras, kailangan Niyang maghintay, at kailangan Niyang maging matiyaga. Dahil sa panahong iyon, bukod sa Diyos Mismo, wala ni isa ang nakakaalam ng mga pangangailangan Niya, o ng mga nais Niyang makamit, o ng Kanyang pinananabikan. Kaya kasabay ng naramdaman na matinding kasiyahan, nakaramdam din ng kabigatan ng puso ang Diyos. Ngunit hindi Niya pinigilan ang Kanyang mga hakbang, at nagpatuloy na magplano ng susunod na hakbang na dapat Niyang gawin.

Ano ang nakikita ninyo sa pangako ng Diyos kay Abraham? Nagbigay ng maraming biyaya ang Diyos kay Abraham dahil lamang nakinig si Abraham sa mga salita ng Diyos. Bagama’t sa tingin, tila normal ito at tunay na inaasahan, dito ay nakikita natin ang puso ng Diyos: Lubos na pinahahalagahan ng Diyos ang pagkamasunurin ng tao sa Kanya, at itinatangi ang pag-unawa ng tao sa Kanya at ang sinseridad nito sa Kanya. Gaano itinatangi ng Diyos ang sinseridad na ito? Maaaring hindi ninyo maunawaan kung gaano Niya ito itinatangi, at maaaring wala ni isa ang nakakaunawa nito. Ibinigay ng Diyos ang isang anak na lalaki kay Abraham, at nang lumaki ang batang ito, hiningi ng Diyos kay Abraham na ialay ang kanyang anak sa Diyos. Tumpak na sinunod ni Abraham ang utos ng Diyos, sinunod niya ang salita ng Diyos, at ang kanyang sinseridad ay nakaantig sa damdamin ng Diyos at pinahalagahan ng Diyos. Gaano ito pinahalagahan ng Diyos? At bakit Niya ito pinahalagahan? Sa panahong walang nakaunawa sa mga salita ng Diyos o nakaintindi sa Kanyang puso, may ginawa si Abraham na nagpayanig sa kalangitan at nagpanginig sa kalupaan, at nagbigay ito ng hindi matatawarang kasiyahan sa Diyos, at nagbigay sa Diyos ng kagalakan sa pagkamit ng isang tao na kayang sundin ang Kanyang mga salita. Ang kasiyahan at kagalakan na ito ay nagmula sa isang nilalang na gawa ng sariling kamay ng Diyos, at ang unang “sakripisyo” na inialay ng tao sa Diyos at pinaka-pinahalagahan ng Diyos, magmula nang likhain ang tao. Nahirapan ang Diyos na hintayin ang sakripisyong ito, at trinato Niya ito bilang unang pinakamahalagang regalo na mula sa tao, na Kanyang nilikha. Ipinakita nito sa Diyos ang unang bunga ng Kanyang mga pagsusumikap at ang halaga na Kanyang binayaran, at dahil dito ay nagkaroon Siya ng pag-asa sa sangkatauhan. Pagkatapos, nagkaroon ang Diyos ng higit pang pananabik para sa isang grupo ng ganitong uri ng tao upang samahan Siya, tratuhin Siya nang may sinseridad, at bigyan Siya ng kalinga nang may sinseridad. Umasa pa ang Diyos na patuloy na mabubuhay si Abraham, dahil ninais Niyang samahan Siya ng pusong tulad ng kay Abraham sa pagpapatuloy Niya sa Kanyang pamamahala. Anuman ang nais ng Diyos, isa lamang itong hangarin, isa lamang ideya—dahil si Abraham ay tao lamang na nagawa Siyang sundin, at wala ni kakaunting pagkaunawa o kaalaman tungkol sa Diyos. Si Abraham ay isang taong masyadong malayo ang agwat sa mga sumusunod na pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao: pagkilala sa Diyos, kakayahang magpatotoo tungkol sa Diyos, at pakikiisa sa isipan ng Diyos. Dahil dito, hindi maaaring lumakad si Abraham kasama ng Diyos. Sa paghahandog ni Abraham kay Isaac, nakita ng Diyos ang sinseridad at pagkamasunurin ni Abraham, at nakita Niyang napagtagumpayan ni Abraham ang pagsubok ng Diyos sa kanya. Kahit pa tinanggap ng Diyos ang kanyang sinseridad at pagkamasunurin, hindi pa rin siya karapat-dapat na pagkatiwalaan ng Diyos, at maging isang taong nakakikilala at nakauunawa sa Diyos, at mayroong kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos; malayo siya sa pagiging kaisa sa isipan ng Diyos at sa paggawa ng Kanyang kalooban. Dahil dito, sa Kanyang puso, ang Diyos ay malungkot at nababahala pa rin. Nang maging mas malungkot at nababahala ang Diyos, mas kinailangan Niyang ipagpatuloy ang Kanyang pamamahala sa lalong madaling panahon, at makapili at magkamit ng isang grupo ng mga tao na magsasakatuparan ng Kanyang plano ng pamamahala at tutupad sa Kanyang kalooban sa lalong madaling panahon. Ito ang maalab na pagnanais ng Diyos, at nanatili itong hindi nagbabago mula sa pinakasimula hanggang ngayon. Magmula pa nang likhain Niya ang tao sa simula, nananabik na ang Diyos sa isang grupo ng mga mananagumpay, isang grupo na lalakad na kasabay Niya, at nauunawaan, nalalaman, at naiintindihan ang Kanyang disposisyon. Ang pagnanais na ito ng Diyos ay hindi kailanman nagbago. Gaano man katagal ang kailangan Niyang hintayin, gaano man kahirap ang daan sa hinaharap, at gaano man kalayo ang mga layon na Kanyang kinasasabikan, hindi kailanman binago o isinuko ng Diyos ang Kanyang mga inaasahan sa tao. Ngayong nasabi Ko na ito, may naunawaan ba kayo tungkol sa hangarin ng Diyos? Marahil ay hindi masyadong malalim ang inyong naunawaan—ngunit unti-unti itong darating!

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II

Mag-iwan ng Tugon