Menu

Ang Awtoridad ng Lumikha ay Hindi Napipigilan ng Panahon, Espasyo, o Heograpiya, at ang Awtoridad ng Lumikha ay Hindi Nasusukat

Tingnan natin ang Genesis 22:17-18. Ito ay isa pang talata na binigkas ng Diyos na si Jehova, kung saan sinabi Niya kay Abraham, “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig.” Maraming beses na pinagpala ng Diyos na si Jehova si Abraham na dadami ang kanyang mga anak—at hanggang saan ang pagdami nito? Hanggang sa lawak na sinabi sa Kasulatan: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Na ang ibig sabihin nais ng Diyos na pagkalooban si Abraham ng mga supling na kasingdami ng mga bituin sa langit, at kasingdami ng buhangin sa dalampasigan. Nagsalita ang Diyos gamit ang paglalarawan, at mula sa paglalarawang ito, hindi mahirap makita na hindi lamang ipagkakaloob ng Diyos ang isa, dalawa, o kahit libu-libong mga inapo kay Abraham, kundi hindi mabilang, sapat para maging maraming bansa, dahil ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging ama siya ng maraming bansa. At ipinasya ba ng tao ang numerong iyon, o ipinasya ba ito ng Diyos? Kaya bang kontrolin ng tao kung ilan ang kanyang magiging apo? Nasa kanya ba ito? Ni wala sa kamay ng tao kung magkakaroon siya ng marami o hindi, mas lalo na ang kasingdami ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Sino ba ang hindi nagnanais na ang kanilang mga inapo ay maging kasingdami ng mga bituin? Sa kasamaang palad, hindi nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang gusto mo. Kahit gaano pa kadalubhasa o kagaling ang tao, hindi ito nakasalalay sa kanya; walang makakatayo sa labas niyaong itinatalaga ng Diyos. Kung hanggang saan ka Niya hinahayaan, hanggang doon ka lamang magkakaroon: Kung kakaunti ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, kung gayon hindi ka kailanman magkakaroon ng marami, at kung marami ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, walang-saysay na tanggihan mo kung gaano karami ang mayroon ka. Hindi ba ganito ang sitwasyon? Nakasalalay ang lahat ng ito sa Diyos, hindi sa tao! Pinamumunuan ng Diyos ang tao, at walang sinuman ang hindi kasali!

Awtoridad ng Maylalang ay Hindi Masusukat

Nang sinabi ng Diyos “pararamihin ko ang iyong binhi,” ito ay kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at tulad ng kasunduan ng bahaghari, matutupad ito magpasawalang-hanggan, at ito ay isa ring pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Tanging Diyos lamang ang kwalipikado at may kakayahang gawing ganap ang pangakong ito. Kung pinaniniwalaan man ito ng tao o hindi, kung tinatanggap man ito ng tao o hindi, at kung paano man ito tinitingnan ng tao, at kung paano niya ito ipinalalagay, matutupad ang lahat ng ito, nang eksakto, ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos. Hindi mababago ang mga salita ng Diyos dahil sa mga pagbabago sa kagustuhan o mga pagkaintindi ng tao, at hindi mababago dahil ang mga pagbabago sa anumang tao, bagay o layon. Maaaring mawala ang lahat ng bagay, nguni’t mananatili ang mga salita ng Diyos magpakailanman. Sa kabilang dako, ang araw na mawawala ang lahat ng bagay ay ang mismong araw kung kailan ang mga salita ng Diyos ay lubos na natutupad, dahil Siya ang Lumikha, at taglay Niya ang awtoridad ng Lumikha, at ang kapangyarihan ng Lumikha, at kontrolado Niya ang lahat ng bagay at lahat ng puwersa ng buhay; kaya Niyang magsanhi ng isang bagay na magmula sa wala, o mawala ang isang bagay, at kontrolado Niya ang pagbabagong-anyo ng lahat ng bagay mula sa pagkabuhay hanggang sa kamatayan, at kaya para sa Diyos, walang magiging mas payak kaysa pagpaparami ng anak ng isang tao. Mukha itong hindi kapani-paniwala sa tao, parang isang kwentong pambata, nguni’t sa Diyos, yaong Kanyang ipinapasyang gawin, at ipinangangakong gawin, ay hindi isang bagay na hindi kapani-paniwala, ni isang kwentong pambata. Sa halip ito ay katunayang nakikita na ng Diyos, at tiyak na matutupad. Pinahahalagahan ba ninyo ito? Pinapatunayan ba ng mga katunayan na napakarami ang mga inapo ni Abraham? At gaano nga ba karami? Sindami ba ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat” na sinabi ng Diyos? Kumalat ba sila sa lahat ng bansa at rehiyon, sa bawat lugar sa mundo? At ano ang tumupad sa katunayang ito? Natupad ba ito sa pamamagitan ng awtoridad ng mga salita ng Diyos? Sa ilang daan o libong taon matapos binigkas ang mga salita ng Diyos, patuloy na natutupad ang mga salita ng Diyos, at patuloy na nagiging mga katunayan; ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at katibayan ng awtoridad ng Diyos. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa pasimula, sinabi ng Diyos na magkaroon ng liwanag, at nagkaroon ng liwanag. Mabilis na nangyari ito, natupad sa napakaikling panahon, at walang pagkaantala sa paggawa at katuparan nito; agaran ang mga bisa ng mga salita ng Diyos. Parehong pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, nguni’t nang pinagpala ng Diyos si Abraham, hinayaan Niyang makita ng tao ang isa pang panig ng diwa ng awtoridad ng Diyos, at hinayaan ang tao na makita ang di-matantiyang awtoridad ng Lumikha, at higit pa rito, hinayaan ang tao na makita pa ang mas totoo at mas magarang panig ng awtoridad ng Lumikha.

Kapag ang mga salita ng Diyos ay binibigkas, pinatatakbo ng awtoridad ng Diyos ang gawaing ito, at ang katotohanang ipinangako ng bibig ng Diyos ay unti-unting nagsisimula na maging realidad. Sa lahat ng bagay, nagsisimula ang pagbabago sa lahat ng bagay bilang resulta, tulad ng kung paano, sa pagdating ng tagsibol, nagiging berde ang damo, namumukadkad ang mga bulaklak, umuusbong ang mga suloy sa mga puno, nagsisimulang mag-awitan ang mga ibon, bumabalik ang mga gansa, at napupuno ng mga tao ang mga parang…. Sa pagdating ng tagsibol ang lahat ng bagay ay napapanariwa, at ito ang mapaghimalang gawa ng Lumikha. Kapag tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, nanunumbalik at nagbabago ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ayon sa kaisipan ng Diyos—at walang hindi kasali. Kapag binibigkas ang kasunduan o pangako mula sa bibig ng Diyos, nabibigyang katuparan ito ng lahat ng bagay, at minamaniobra alang-alang sa katuparan nito, at ang lahat ng nilalang ay binubuo at inaayos sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at gumaganap ng kani-kanilang mga papel, at ginagawa ang kani-kanilang mga tungkulin. Ito ang pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha. Ano ang nakikita mo rito? Paano mo nalalaman ang awtoridad ng Diyos? May hangganan ba ang awtoridad ng Diyos? May limitasyon ba ito sa panahon? Masasabi ba kung ano ang taas nito, o ang haba? Masasabi ba kung ano ang sukat nito o lakas? Masusukat ba ito batay sa mga sukat ng tao? Hindi patay-sindi ang awtoridad ng Diyos, hindi pabalik-balik, at walang sinuman ang makakasukat kung gaano kadakila ang Kanyang awtoridad. Kahit pa gaano katagal ang panahon na lumilipas, kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, magpapatuloy ang pagpapalang ito, at ang pagpapatuloy nito ay magdadala ng patotoo sa hindi-matantyang awtoridad ng Diyos, at hahayaan ang sangkatauhang makita ang muling pagpapakita ng hindi-namamatay na puwersa ng buhay ng Lumikha, muli at muli. Ang bawat pagpapakita ng Kanyang awtoridad ay ang perpektong paglalarawan ng mga salita mula sa Kanyang bibig, at ito’y ipinakikita sa lahat ng bagay, at sa sangkatauhan. Bukod pa rito, ang lahat ng bagay na tinupad ng Kanyang awtoridad ay magarang walang-kapantay, at lubusang walang-kapintasan. Masasabing ang Kanyang mga kaisipan, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang awtoridad, at ang lahat ng gawaing Kanyang tinutupad ay larawang lahat na walang-katulad ang kagandahan, at para sa mga nilalang, ang wika ng sangkatauhan ay walang kakayahang sabihin nang malinaw ang kabuluhan at halaga nito. Kapag nangangako ang Diyos sa isang tao, kung ito man ay kung saan sila nakatira, o kung ano ang kanilang ginagawa, ang kanilang nakaraan o matapos nilang matanggap ang pangako, o kung gaano man katindi ang mga kaguluhan sa paligid ng kanilang tinitirahan—ang lahat ng ito ay kasing pamilyar sa Diyos ng likod ng Kanyang kamay. Kahit pa gaano katagal na panahon ang lumilipas matapos nabigkas na ang mga salita ng Diyos, para sa Kanya, parang kabibigkas lamang ng mga ito. Na ang ibig sabihin ay may kapangyarihan ang Diyos, at may gayong awtoridad, na kaya Niyang subaybayan, kontrolin, at ganapin ang bawat pangako na Kanyang ginagawa sa sangkatauhan, at kahit ano pa man ang pangakong iyon, kahit pa gaano katagal bago ganap na matupad ang mga ito, at, higit pa rito, kahit gaano pa kalawak ang nasasaklaw ng katuparan niyon—halimbawa, oras, heograpiya, lahi, at iba pa—matutupad ang pangakong ito, at magaganap, at, bukod pa rito, hindi mangangailangan na kumilos ni katiting ang Diyos para sa katuparan at kaganapan nito. At ano ang pinatutunayan nito? Na ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay sapat upang kontrolin ang buong sansinukob, at ang buong sangkatauhan. Ginawa ng Diyos ang liwanag, nguni’t hindi ibig sabihin na liwanag lamang ang pinamamahalaan ng Diyos, o na tubig lamang ang Kanyang pinamamahalaan dahil nilikha Niya ang tubig, at hindi kaugnay sa Diyos ang lahat ng iba pa. Hindi ba ito maling pagkaunawa? Kahit na unti-unting nawala na sa alaala ng tao ang pagpapala ng Diyos kay Abraham matapos ang ilang daang taon, para sa Diyos, nanatiling pareho pa rin ang pangakong ito. Nasa proseso pa rin ito ng pagpapatupad, at hindi kailanman huminto. Hindi kailanman nalaman o narinig ng tao kung paano iniunat ng Diyos ang Kanyang awtoridad, kung paano isinaayos at inihanda ang lahat ng bagay, at gaano karaming magagandang kwento ang nangyari sa lahat ng bagay ng sangnilikha ng Diyos sa mga panahong ito, nguni’t ang bawat nakakamanghang piraso ng pagpapakita ng awtoridad ng Diyos at ang pagpapahayag ng Kanyang mga gawa ay ipinasa at dinakila sa gitna ng lahat ng bagay, ipinakita at sinabi ng lahat ng bagay ang mahimalang mga gawa ng Lumikha, at ang bawat sinasabi-sabing kwento ng dakilang kapangyarihang ng Lumikha sa lahat ng bagay ay magpakailanmang ipapahayag ng lahat ng bagay. Ang awtoridad kung saan pinaghaharian ng Diyos ang lahat ng bagay, at ang kapangyarihan ng Diyos, ay nagpapakita sa lahat ng bagay na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at sa lahat ng sandali. Kapag nasaksihan mo na nasa lahat ng lugar ang presensya ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, makikita mo na nasa lahat ng lugar ang Diyos at sa lahat ng sandali. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi limitado ng panahon, heograpiya, espasyo, o sinumang tao, pangyayari o bagay. Ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay lampas sa imahinasyon ng tao; hindi ito maarok ng tao, hindi kayang maguniguni ng tao, at hindi kailanman lubusang malalaman ng tao.

—mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon