Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath (Unang Bahagi)
1. Pinitas ni Jesus ang mga Uhay Para Kainin sa Araw ng Sabbath
Mateo 12:1 Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.
2. Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Sabbath
Mateo 12:6–8 Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, “Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath.”
Tingnan muna natin ang talatang ito: “Nang panahong iyon ay naglalakad si Jesus nang araw ng sabbath sa maisan; at nagutom ang Kanyang mga alagad at nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain.”
Bakit Ko napili ang talatang ito? Anong kaugnayan nito sa disposisyon ng Diyos? Sa tekstong ito, ang unang bagay na nalalaman natin ay araw iyon ng Sabbath, subalit lumabas ang Panginoong Jesus at pinangunahan ang Kanyang mga disipulo sa mga taniman ng mais. Ang lalo pang “mapanlinlang” ay na “nagsimulang magsibunot ng mga uhay at magsikain” pa sila. Sa Kapanahunan ng Kautusan, itinakda ng mga kautusan ng Diyos na si Jehova na ang mga tao ay hindi maaaring basta-bastang lumabas o makisali sa mga aktibidad sa araw ng Sabbath—maraming bagay ang hindi maaaring gawin sa araw ng Sabbath. Ang pagkilos na ito sa panig ng Panginoong Jesus ay nakalilito para doon sa mga nabuhay sa ilalim ng kautusan sa mahabang panahon, at pumukaw pa ito ng pamumuna. Tungkol sa kanilang kalituhan at kung paano sila nagsalita tungkol sa ginawa ni Jesus, isasantabi muna natin iyon sa ngayon at tatalakayin muna kung bakit pinili ng Panginoong Jesus na gawin ito sa araw ng Sabbath, sa lahat ng araw, at kung ano ang ninais Niyang ipagbigay-alam sa mga tao na nabubuhay noon sa ilalim ng kautusan sa pamamagitan ng pagkilos na ito. Ito ang kaugnayan sa pagitan ng talatang ito at ng disposisyon ng Diyos na nais Kong pag-usapan.
Nang dumating ang Panginoong Jesus, ginamit Niya ang Kanyang praktikal na mga pagkilos upang ipabatid sa mga tao na lumisan na ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at nagsimula na ng bagong gawain, at na hindi hiningi ng bagong gawaing ito ang pangingilin ng Sabbath. Ang paglabas ng Diyos mula sa mga hangganan ng araw ng Sabbath ay patikim pa lang ng Kanyang bagong gawain; darating pa ang tunay at dakilang gawain. Nang pasimulan ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain, iniwanan na Niya ang mga “tanikala” ng Kapanahunan ng Kautusan, at nilansag ang mga tuntunin at mga prinsipyo ng kapanahunang iyon. Para sa Kanya, walang bakas ng anumang may kaugnayan sa kautusan; itinakwil na Niya ito nang tuluyan at hindi na ito sinusunod, at hindi na Niya hinihingi sa sangkatauhan na sundin ito. Kaya nakikita mo rito na nagpunta ang Panginoong Jesus sa mga taniman ng mais sa araw ng Sabbath, at na hindi nagpahinga ang Panginoon; gumagawa Siya sa labas, at hindi nagpapahinga. Isang pagkabigla ang Kanyang pagkilos na ito sa mga kuru-kuro ng mga tao at ipinagbigay-alam nito sa kanila na hindi na Siya nabubuhay sa ilalim ng kautusan, at na iniwan na Niya ang mga hangganan ng Sabbath at nagpakita sa harap ng sangkatauhan at sa kanilang kalagitnaan sa isang bagong imahe, na may isang bagong paraan ng paggawa. Ang Kanyang pagkilos na ito ang nagpabatid sa mga tao na dala Niya ang isang bagong gawain, gawaing nagsimula sa paglabas mula sa pagiging nasa ilalim ng kautusan, at paglisan sa Sabbath. Nang isakatuparan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, hindi na Siya nananangan sa nakaraan, at hindi na Niya iniintindi ang mga tuntunin ng Kapanahunan ng Kautusan. Ni naapektuhan Siya ng Kanyang gawain sa nakaraang kapanahunan, bagkus ay gumawa Siya sa araw ng Sabbath gaya ng ginawa Niya sa bawat iba pang araw, at nang nagutom ang Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath, maaari silang pumitas ng mga bunga ng mais para kainin. Napakanormal ng lahat ng ito sa mga mata ng Diyos. Para sa Diyos, maaaring magkaroon ng bagong pasimula para sa karamihan ng bagong gawain na nais Niyang gawin at ng bagong mga salita na nais Niyang sabihin. Kapag nagsisimula Siya ng isang bagong bagay, hindi Niya binabanggit ang Kanyang nakaraang gawain ni ipinagpapatuloy na isakatuparan ito. Sapagkat may mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang gawain, nang nais Niyang magsimula ng bagong gawain, ito ay nang nais Niyang dalhin ang sangkatauhan sa isang panibagong yugto ng Kanyang gawain, at nang ang Kanyang gawain ay papasok sa isang mas mataas na yugto. Kung patuloy na kikilos ang mga tao alinsunod sa mga lumang kasabihan o mga tuntunin o patuloy na panghawakan nang mahigpit ang mga ito, hindi Niya maaalala o sasang-ayunan iyon. Ito ay dahil nagdala na Siya ng bagong gawain, at pumasok na sa bagong yugto ng Kanyang gawain. Kapag nagpapasimula Siya ng bagong gawain, nagpapakita Siya sa sangkatauhan sa isang ganap na bagong imahe, mula sa isang ganap na bagong anggulo, at sa isang ganap na bagong pamamaraan upang makita ng mga tao ang iba’t ibang aspeto ng Kanyang disposisyon at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ito ang isa sa Kanyang mga mithiin sa Kanyang bagong gawain. Hindi nananangan ang Diyos sa lumang mga bagay o tumatahak sa landas na madalas daanan; kapag gumagawa at nagsasalita Siya, hindi Siya mapagbawal gaya ng iniisip ng mga tao. Sa Diyos, may kalayaan at kasarinlan ang lahat, at walang pagbabawal, walang paghihigpit—kalayaan at kasarinlan ang dinadala Niya sa sangkatauhan. Siya ay isang buhay na Diyos, isang Diyos na tunay, totoong umiiral. Hindi Siya isang papet o isang nililok na luwad, at lubos na naiiba Siya sa mga idolo na dinadambana at sinasamba ng mga tao. Siya ay buhay at masigla, at ang dala ng Kanyang mga salita at gawain sa mga tao ay pawang buhay at liwanag, pawang kalayaan at kasarinlan, sapagkat hawak Niya ang katotohanan, ang buhay, at ang daan—hindi Siya nahahadlangan ng anuman sa alinman sa Kanyang gawain. Kahit anong sabihin ng mga tao at paano man nila tingnan o suriin ang Kanyang bagong gawain, isasakatuparan Niya ang Kanyang gawain nang walang pagkaligalig. Hindi Siya mag-aalala tungkol sa mga kuru-kuro o pag-aakusa ng sinuman na may kinalaman sa Kanyang gawain at mga salita, o maging sa kanilang matinding pagtutol at paglaban sa Kanyang bagong gawain. Walang sinuman sa lahat ng nilalang ang maaaring gumamit ng pantaong pangangatwiran, o pantaong imahinasyon, kaalaman, o moralidad upang sukatin o bigyang-kahulugan ang ginagawa ng Diyos, upang siraan, guluhin o isabotahe ang Kanyang gawain. Walang pagbabawal sa Kanyang gawain at sa kung ano ang Kanyang ginagawa; hindi ito mahahadlangan ng sinumang tao, ano mang pangyayari, o bagay, ni hindi ito magugulo ng anumang mga puwersa ng kaaway. Pagdating sa Kanyang bagong gawain, Siya ay palaging-nagwawaging Hari, at niyuyurakan sa ilalim ng Kanyang tuntungan ang anumang mga puwersa ng kaaway at ang lahat ng erehiya at mga kamalian ng sangkatauhan. Alinmang bagong yugto ng Kanyang gawain ang Kanyang isinasakatuparan, tiyak na lilinangin at palalawakin ito sa kalagitnaan ng sangkatauhan, at tiyak na isasakatuparan nang walang hadlang sa buong sansinukob hanggang sa matapos na ang Kanyang dakilang gawain. Ito ang pagka-makapangyarihan sa lahat at karunungan ng Diyos, ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan. Kaya, ang Panginoong Jesus ay malayang makalalabas at makagagawa sa araw ng Sabbath sapagkat sa Kanyang puso ay walang mga patakaran, walang kaalaman o doktrina na nagmula sa sangkatauhan. Ang mayroon Siya ay ang bagong gawain ng Diyos at ang daan ng Diyos. Ang Kanyang gawain ang daan upang mapalaya ang sangkatauhan, upang mapakawalan ang mga tao, upang tulutan silang umiral sa liwanag at upang mabuhay. Samantala, silang mga sumasamba sa mga idolo o huwad na mga diyos ay nabubuhay araw-araw nang nakagapos kay Satanas, pinipigilan ng lahat ng uri ng mga patakaran at mga pagbabawal—ipinagbabawal sa araw na ito ang isang bagay, bukas ay iba naman—walang kalayaan sa kanilang mga buhay. Para silang mga bilanggo na nakatanikala, namumuhay nang walang masasabing kagalakan. Ano ang kinakatawan ng “pagbabawal”? Kinakatawan nito ang mga paghihigpit, mga pagkaalipin, at kasamaan. Sa sandaling sumamba sa isang idolo ang isang tao, sumasamba sila sa isang huwad na diyos, isang masamang espiritu. Kasunod na ang pagbabawal kapag ginagawa ang gayong mga aktibidad. Hindi maaaring kumain ng ganito o ng ganoon, hindi maaaring lumabas sa araw na ito, hindi maaaring magluto bukas, hindi ka maaaring lumipat sa isang bagong bahay sa susunod na araw, may partikular na mga araw na dapat piliin para sa mga kasal at mga libing at maging para sa panganganak. Ano ang tawag dito? Tinatawag itong pagbabawal; ito ang pagkaalipin ng sangkatauhan, at ito ang mga tanikala ni Satanas at masasamang espiritu na kumukontrol sa mga tao at pumipigil sa kanilang mga puso at mga katawan. Umiiral ba ang mga pagbabawal na ito sa Diyos? Kapag pinag-uusapan ang kabanalan ng Diyos, dapat mo munang isipin ito: Walang mga pagbabawal sa Diyos. May mga prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga salita at gawain, ngunit walang mga pagbabawal, sapagkat ang Diyos Mismo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
Tingnan natin ngayon ang mga sumusunod na talata mula sa mga kasulatan: “Datapuwat sinasabi Ko sa inyo, ‘Na dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo. Datapuwat kung nalalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, habag ang ibig Ko, at hindi hain, ay hindi sana ninyo kinondena ang mga walang kasalanan. Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’” (Mateo 12:6–8). Ano ang tinutukoy ng salitang “templo” rito? Sa madaling salita, tumutukoy ito sa isang kamangha-manghang, mataas na gusali, at sa Kapanahunan ng Kautusan, ang templo ay lugar para sa mga saserdote upang sambahin ang Diyos. Nang sinabi ng Panginoong Jesus na “dito ay may isang lalong dakila kaysa sa templo,” sino ang tinutukoy na “isa”? Maliwanag, ang “isa” ay ang Panginoong Jesus sa katawang-tao, sapagkat tanging Siya ang mas dakila kaysa sa templo. Ano ang sinasabi ng mga salitang iyon sa mga tao? Sinasabi ng mga ito sa mga tao na lumabas sila sa templo—iniwan na ng Diyos ang templo at hindi na gumagawa sa loob nito, kaya dapat hanapin ng mga tao ang mga yapak ng Diyos sa labas ng templo at sundan ang Kanyang mga hakbang sa Kanyang bagong gawain. Nang sabihin ito ng Panginoong Jesus, may saligan sa likod ng Kanyang mga salita, na sa ilalim ng kautusan, itinuturing ng mga tao ang templo bilang isang bagay na higit na dakila kaysa sa Diyos Mismo. Ibig sabihin, sinamba ng mga tao ang templo sa halip na sambahin ang Diyos, kaya binalaan sila ng Panginoong Jesus na huwag sambahin ang mga idolo, bagkus sa halip ay sambahin ang Diyos, sapagkat Siya ang kataas-taasan. Kaya, sinabi Niya: “Habag ang ibig Ko, at hindi hain.” Maliwanag na sa mga mata ng Panginoong Jesus, hindi na sumasamba kay Jehova ang karamihan sa mga tao na namumuhay sa ilalim ng kautusan, bagkus ay basta na lamang ginagawa ang pagsasakripisyo, at tinukoy ng Panginoong Jesus na ito ay ibinilang na pagsamba sa idolo. Itinuring ng mga sumasambang ito sa idolo ang templo bilang isang bagay na mas dakila at mas mataas kaysa sa Diyos. Tanging ang templo ang nasa kanilang mga puso, hindi ang Diyos, at kung mawala sa kanila ang templo, mawawala sa kanila ang kanilang tahanang dako. Kung wala ang templo ay wala silang ibang mapagsasambahan at hindi maisasagawa ang kanilang mga pagsasakripisyo. Ang kanilang tinatawag na “tahanang dako” ay kung saan ginamit nila ang pagkukunwari ng pagsamba sa Diyos na si Jehova upang makapanatili sa templo at maisagawa ang sarili nilang mga gawain. Ang kanilang tinatawag na “pagsasakripisyo” ay walang iba kundi ang pagsasagawa nila ng kanilang sariling personal na kahiya-hiyang mga pakikitungo sa ilalim ng balatkayo ng pagsasagawa ng kanilang serbisyo sa templo. Ito ang dahilan kung bakit itinuring ng mga tao sa panahong iyon ang templo bilang higit na dakila kaysa sa Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus ang mga salitang ito bilang babala sa mga tao, sapagkat ginagamit nila ang templo bilang isang balatkayo, at ang mga sakripisyo bilang isang panakip para sa pandaraya sa mga tao at pandaraya sa Diyos. Kung gamitin ang mga salitang ito sa kasalukuyan, gayon pa rin kabisa at gayon pa rin nauukol ang mga ito. Bagaman naranasan na ng mga tao ngayon ang gawain ng Diyos na iba kaysa sa naranasan ng mga tao sa Kapanahunan ng Kautusan, magkatulad ang kalikasang diwa nila. Sa konteksto ng gawain ngayon, gagawin pa rin ng mga tao ang kaparehong uri ng mga bagay gaya ng kinakatawan ng mga salitang “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos.” Halimbawa, itinuturing ng mga tao ang pagtupad ng kanilang tungkulin bilang kanilang trabaho; itinuturing nila ang pagpapatotoo sa Diyos at ang pakikipaglaban sa malaking pulang dragon bilang mga pagkilos na pulitikal sa pagtatanggol sa mga karapatang pantao, para sa demokrasya at kalayaan; ginagawa nilang karera ang kanilang tungkulin na gamitin ang kanilang mga kakayahan, ngunit itinuturing nila ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan bilang isang piraso lang ng relihiyosong doktrina na susundin; at iba pa. Hindi ba sadyang katulad ang mga gawing ito ng “higit na dakila ang templo kaysa sa Diyos”? Ang pinagkaiba, dalawang libong taon na ang nakaraan, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa pisikal na templo, ngunit ngayon, isinasagawa ng mga tao ang kanilang personal na gawain sa mga di-nahahawakang mga templo. Ang mga taong nagpapahalaga sa mga patakaran ay itinuturing ang mga patakaran na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga taong umiibig sa katayuan ay itinuturing ang katayuan na higit na dakila kaysa sa Diyos, ang mga umiibig sa kanilang karera ay itinuturing ang kanilang karera na higit na dakila kaysa sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng kanilang mga pagpapahayag ang nag-udyok sa Akin upang sabihing: “Pinupuri ng mga tao ang Diyos bilang pinakadakila sa pamamagitan ng kanilang mga salita, ngunit sa kanilang mga mata ang lahat ng bagay ay higit na dakila kaysa sa Diyos.” Ito ay dahil sa sandaling makakita ng pagkakataon ang mga tao sa kanilang daan ng pagsunod sa Diyos upang maitanghal ang sarili nilang mga talento, o upang maisagawa ang sarili nilang gawain o sarili nilang karera, inilalayo nila ang kanilang mga sarili mula sa Diyos at inilalagak ang kanilang mga sarili sa minamahal nilang karera. At tungkol naman sa ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, at sa Kanyang kalooban, matagal nang naitapon ang mga bagay na iyon. Anong pinagkaiba ng kalagayan ng mga taong ito sa mga nagsagawa ng kani-kanilang mga negosyo sa loob ng templo dalawang libong taon na ang nakararaan?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III