Mag-subscribe

Menu

Ang Ikaapat na Sugpungan: Pag-aasawa

Habang tumatanda ang isang tao at nahuhusto ang pag-iisip, lalo siyang lumalayo mula sa sariling mga magulang at sa kapaligiran kung saan siya ipinanganak at pinalaki, at sa halip siya ay nagsisimulang humanap ng direksyon para sa sarili niyang buhay at kamtin ang mga layunin niya sa buhay sa paraan na iba sa sariling mga magulang. Sa panahong ito, hindi na kailangan ng isang tao ang sariling mga magulang, ngunit sa halip ay isang kapareha na makakasama niya sa buhay, isang asawa, isang tao kung kanino nakabigkis ang kanyang sariling kapalaran. Kaya ang unang malaking pangyayari pagkatapos ng pagsasarili ay ang pag-aasawa, ang ikaapat na sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.

Pag-aasawa Ang Ikaapat na Sugpungan

1. Walang Indibiduwal na Pagpiling Nakaiimpluwensya sa Pag-aasawa

Ang pag-aasawa ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ninuman; ito ay panahon na nagsisimulang tunay na akuin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga responsibilidad, unti-unting nagsisimula na ganapin ang iba’t ibang uri ng misyon. Maraming ilusyon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa bago nila ito maranasan, at lahat ng ilusyong ito ay talagang magaganda. Inaakala ng mga kababaihan na ang kanilang kabiyak ay magiging si Prince Charming, at inaakala ng mga kalalakihan na sila’y magpapakasal kay Snow White. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may partikular na mga kinakailangan para sa pag-aasawa, mga sarili nilang hinihingi at pamantayan. Bagaman sa masamang kapanahunang ito, palagiang binobomba ang mga tao ng baluktot na mga mensahe tungkol sa pag-aasawa, na lumilikha ng mas marami pang karagdagang kinakailangan at nagbibigay sa mga tao ng lahat ng uri ng pasanin at kakaibang mga saloobin, alam ng sinumang nakaranas na ng pag-aasawa na anuman ang pagkakaunawa ng isang tao rito, anuman ang saloobin niya tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang bagay na pinipili ng isang indibidwal.

Maraming tao ang nakakatagpo ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang mapapangasawa niya. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa bandang huli ang magiging kanilang tunay na kabiyak, at ang mga ideya ng isang tao ay hindi masyadong mahalaga. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari kang magpursige sa taong iyon; subalit interesado man o hindi ang taong iyon sa iyo, maaari mo man siyang maging kapareha o hindi—hindi ikaw ang magpapasya. Hindi nangangahulugan na ang iyong sinisinta ang taong makakabahagi mo sa iyong buhay; samantala, may isa na kailanman’y hindi mo inasahan na maaaring dumating nang tahimik sa iyong buhay at maging iyong kapareha, ang pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. Kung kaya, bagaman milyun-milyon ang nag-aasawa sa mundo, bawat isa ay iba: Napakaraming mag-aasawa ang hindi nasisiyahan, napakarami ang maligaya; napakarami ang saklaw ang Silangan at Kanluran, napakaraming Hilaga at Timog; napakarami ang perpektong mga tambalan, napakarami ang pantay ang katayuan sa lipunan; napakarami ang maligaya at nagkakasundo, napakarami ang nasasaktan at nagdadalamhati; napakarami ang kinaiinggitan ng iba, napakarami ang hindi naiintindihang mabuti at hindi sinasang-ayunan; napakarami ang puno ng kaligayahan, napakarami ang lumuluha at sanhi ng kawalang-pag-asa…. Sa hindi mabibilang na uri ng pag-aasawa, ibinubunyag ng mga tao ang katapatan at panghabambuhay na pangako sa pag-aasawa, inihahayag nila ang pagmamahal, pagkagiliw, at pagkadi-mapaghihiwalay, o pagbitiw at kawalan ng pag-unawa. Ang ilan ay pinagtataksilan ang kanilang kasal, at nakararamdam maging ng pagkamuhi rito. Nagdadala man ang mismong pag-aasawa ng kaligayahan o sakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinadhana ng Lumikha at hindi magbabago; ang misyong ito ay dapat tuparin ng bawat isa. Ang indibidwal na kapalaran na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago at matagal nang itinadhana ng Lumikha.

2. Ang Pag-aasawa ay Isinilang sa mga Kapalaran ng Dalawang Magkapareha

Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao at isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, ngunit ganap na tinutukoy ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha sa mga kapalaran ng magkapareha. Tila ba ang layunin ng pag-aasawa ay ang ipagpatuloy ang sangkatauhan, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang ritwal na pinagdadaanan ng isang tao sa proseso ng pagtupad sa sarili niyang misyon. Ang mga papel na ginagampanan ng mga tao sa pag-aasawa ay hindi lamang sa pag-aaruga sa susunod na henerasyon; inaako nila ang iba’t ibang papel na may kinalaman sa pagpapanatili ng kasal at sa mga misyon na dapat kumpletuhin sa pamamagitan ng mga papel na iyon. Yamang nakakaimpluwensiya ang sariling kapanganakan sa mga pagbabagong pinagdadaanan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nito, ang pag-aasawa ng isang tao ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa mga tao, pangyayari, at bagay, at higit pa riyan, babaguhin silang lahat nito sa iba’t ibang paraan.

Kapag nagsimulang magsarili ang isang tao, sinisimulan niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, na umaakay sa kanya sa bawat hakbang patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na kaugnay ng kanyang pag-aasawa. Kasabay nito, ang kaparehang bubuo sa pag-aasawang ito ay papalapit, sa bawat hakbang, tungo sa parehong mga tao, pangyayari at bagay. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang di-magkaanu-ano na nagsasalo sa magkaugnay na kalaparan ay unti-unting pumapasok sa pag-aasawa at himalang nagiging isang pamilya: “dalawang balang na kumakapit sa parehong tali.” Kaya kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang paglalakbay niya sa buhay ay makakaimpluwensya at makakaantig sa kanyang kabiyak, at makakaimpluwensiya at makakaantig din ang paglalakbay sa buhay ng kapareha niya sa kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, magkakaugnay ang kapalaran ng mga tao, at walang sinuman ang makakatupad ng misyon ng isang tao sa buhay o makakaganap sa kanyang papel nang walang kaugnayan sa iba. Malaki ang epekto ng kapanganakan ng isang tao sa maraming ugnayan; sangkot din sa paglago ang isang masalimuot na tanikala ng mga ugnayan; at gayon din, ang pag-aasawa ay di-mapipigilang umiral at napapanatili sa isang malawak at masalimuot na mga koneksyon ng tao, sinasangkot ang bawat taong nasa mga ugnayang ito at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat isang bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng mga pamilya ng kapwa miyembro, ng mga kalagayan na kinalakhan nila, ng kanilang mga hitsura, ng kanilang mga edad, ng kanilang mga katangian, ng kanilang mga talento, o ng anumang iba pang mga kadahilanan; sa halip, ito ay nagmumula sa isang pinagsasaluhang misyon at isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, isang bunga ng kapalaran ng tao na isinaayos at inihanda ng Lumikha.

Hinango mula sa “Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon