Mag-subscribe

Menu

Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Dapat ninyong malaman ang kuwento sa likod ng Biblia at ang paglikha rito. Ang kaalamang ito ay hindi pinanghahawakan niyaong mga hindi pa nakatanggap sa bagong gawain ng Diyos. Hindi nila nalalaman. Kung ipapaliwanag mo sa kanila nang simple ang mga bagay na ito na may katuturan, hindi na sila magiging mapagmatigas sa iyo tungkol sa Biblia. Palagi nilang sinusuring mabuti kung ano ang naipropesiya na: Nagkatotoo na ba ang pahayag na ito? Nagkatotoo na ba ang pahayag na iyon? Ang kanilang pagtanggap sa ebanghelyo ay alinsunod sa Biblia, at ipinangangaral nila ang ebanghelyo alinsunod sa Biblia. Nakabatay sa mga salita ng Biblia ang paniniwala nila sa Diyos; kung wala ang Biblia, hindi sila maniniwala sa Diyos. Ito ang paraan kung paano sila nabubuhay, binubusisi ang Biblia. Kapag muli nilang susuriing mabuti ang Biblia at hihingan ka ng mga paliwanag, sasabihin mong, “Una, huwag nating siyasatin ang bawa’t pahayag. Sa halip, tingnan natin kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Ihambing natin sa katotohanan ang landas na ating tinatahak upang tiyakin kung ang landas na ito nga ang gawain ng Banal na Espiritu, at gamitin natin ang gawain ng Banal na Espiritu upang tingnan kung tama ang landas na iyon. Hinggil sa kung ang pahayag na ito o ang pahayag na iyon ay nagkatotoo na, tayong mga tao ay hindi dapat na manghimasok. Mas mainam para sa atin na magsalita na lamang tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu at sa pinakabagong gawain na ginagampanan ng Diyos.” Ang mga propesiya sa Biblia ay mga salita ng Diyos na ipinarating noon ng mga propeta at mga salitang isinulat ng mga taong kinasangkapan ng Diyos, na nagtamo ng inspirasyon; tanging ang Diyos Mismo ang makapagpapaliwanag sa gayong mga salita, ang Banal na Espiritu lamang ang makapagpapaalam sa kahulugan ng mga salitang iyon, at tanging ang Diyos Mismo ang makakasira sa pitong tatak at makakapagbukas sa balumbon. Sinasabi mo: “Hindi ka Diyos, at ako ay hindi rin, kaya sino ang nangangahas na basta-basta magpaliwanag sa mga salita ng Diyos? Mangangahas ka bang ipaliwanag ang mga salitang iyon? Dumating man ang mga propetang sina Jeremias, Juan at Elias, hindi sila mangangahas na ipaliwanag ang mga salitang iyon, sapagkat hindi sila ang Kordero. Ang Kordero lamang ang makakasira sa pitong tatak at makakapagbukas sa balumbon at walang ibang makapagpapaliwanag sa Kanyang mga salita. Hindi ako nangangahas na agawin ang pangalan ng Diyos, lalong hindi ang subukang ipaliwanag ang mga salita ng Diyos. Maaari lamang akong maging isa na sumusunod sa Diyos. Ikaw ba ay Diyos? Wala sa mga nilikha ng Diyos ang nangangahas na buksan ang balumbon o ipaliwanag ang mga salitang iyon, at kaya hindi rin ako nangangahas na ipaliwanag ang mga iyon. Mas makakabuting huwag mong tangkaing ipaliwanag ang mga iyon. Walang sinuman ang dapat magpaliwanag ng mga iyon. Pag-usapan naman natin ang tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu; ito ang maaaring gawin ng tao. May kaunti akong nalalaman tungkol sa gawain ni Jehova at ni Jesus, ngunit dahil sa wala akong personal na karanasan sa gayong gawain, makapagsasalita lamang ako tungkol dito nang kaunti. Para naman sa kahulugan ng mga salitang sinabi ni Isaias o ni Jesus sa panahon nila, hindi ako gagawa ng anumang mga paliwanag. Hindi ko pinag-aaralan ang Biblia; sa halip, sinusunod ko ang kasalukuyang gawain ng Diyos. Itinuturing mo talaga ang Biblia bilang ang maliit na balumbon, ngunit hindi ba ito isang bagay na maaari lamang buksan ng Kordero? Maliban sa Kordero, sino pa ang makakapagbukas niyon? Hindi ikaw ang Kordero, at lalong hindi ako nangangahas na angkinin ang pagiging Diyos Mismo, kaya huwag nating pag-aralan o busisiin ang Biblia. Mas mainam na talakayin ang gawaing ginagampanan ng Banal na Espiritu, iyon ay, ang kasalukuyang gawaing ginagampanan ng Diyos Mismo. Tingnan natin ang mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa at ang diwa ng Kanyang gawain, pagkatapos ay gamitin ang mga ito upang mapatunayan kung ang landas na ating nilalakaran ngayon ay tama, at sa ganitong paraan ay masiguro ito.” Kung nais ninyong ipangaral ang ebanghelyo, lalo na sa kanila sa relihiyosong mundo, dapat ninyong maunawaan ang Biblia at maging bihasa sa kuwentong napapaloob dito; kung hindi, hindi mo magagawang ipangaral ang ebanghelyo. Sa sandaling maging bihasa ka sa kabuuan nito at tumigil sa pahapyaw na pagsusuri sa mga patay na salita ng Biblia, ngunit nagsasalita lamang tungkol sa gawain ng Diyos at sa buhay katotohanan, magagawa mong makamit yaong mga naghahanap na may tapat na puso.

hiwaga-ng-Pagkakatawang-tao-4

Ang gawain ni Jehova, ang mga kautusan na Kanyang ipinatupad, at ang mga prinsipyo kung paano Niya ginabayan ang mga tao sa kanilang pamumuhay, ang nilalaman ng gawain na Kanyang ginampanan sa Kapanahunan ng Kautusan, ang kabuluhan ng pagpapatupad Niya sa Kanyang mga kautusan, ang kabuluhan ng Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang gawaing ginagampanan ng Diyos sa pinakahuling yugtong ito: ito ang mga bagay na dapat ninyong maunawaan. Ang unang yugto ay ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ang ikalawang yugto ay ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang ikatlong yugto ay ang gawain sa mga huling araw. Dapat ninyong maintindihan ang mga yugtong ito ng gawain ng Diyos. Mula umpisa hanggang katapusan, mayroong tatlong yugto lahat-lahat. Ano ang diwa ng bawa’t yugto ng gawain? Ilang yugto ang isinasakatuparan sa gawain ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala? Paano isinasakatuparan ang mga yugtong ito, at bakit isinasakatuparan ang bawa’t isa sa partikular na paraan nito? Ang lahat ng ito ay napakahalagang mga katanungan. Ang gawain sa bawa’t yugto ay may kinakatawan. Ano ang gawaing isinakatuparan ni Jehova? Bakit Niya ginawa iyon sa ganoong paraan? Bakit Siya tinawag na Jehova? Muli, ano ang gawaing isinakatuparan ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, at paano Niya ginampanan iyon? Aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan ng bawa’t yugto ng gawain at bawa’t kapanahunan? Aling mga aspeto ng Kanyang disposisyon ang ipinahayag sa Kapanahunan ng Kautusan? At alin sa Kapanahunan ng Biyaya? At alin ang sa kahuli-hulihang kapanahunan? Ang mahahalagang katanungang ito ay yaong dapat ninyong maunawaan. Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, ni sa Kapanahunan ng Kautusan, o lalo na sa panahong ito lamang ng mga huling araw. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto, kapag magkakaugnay, ay bumubuo ng iisang bagay at lahat ay gawain ng iisang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawaing ginagampanan sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang gawain ng pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahalang ito, walang maaaring magkaroon ng kabatiran o pagkaunawa. Ang mga gayong pangitain ay nananatiling mga hiwaga. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang isinasakatuparan upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay hindi hihigit sa mga huling araw at hindi hihigit sa Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang mga huling araw ay ang panahon lamang kung saan ang lahat ng gawain sa anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Biblia, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Biblia. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Biblia, maaaring maunawaan niya ang ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na talata at sipi, ngunit hindi kailanman niya mapapakawalan ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil ang nakikita lang ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng nasabing gawain. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ang pinakadakilang hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maaarok ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa kalooban ng Diyos, maliban kung ang Diyos Mismo ang nagpapaliwanag at naghahayag nito sa tao; kung hindi, mananatili ang mga yaon na palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang sarado magpakailanman. Huwag pansinin ang mga nasa mundo ng relihiyon; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa. Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay higit na misteryoso kaysa lahat ng propesiya ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang misteryo simula noong paglikha hanggang ngayon, at walang sinuman sa mga propeta ang nagawa kailanman na arukin ito, sapagkat ang misteryong ito ay inilalantad lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung nauunawaan ninyo ang misteryong ito at nagagawang tanggapin ito nang lubos, yaong mga relihiyosong tao ay malulupig na lahat ng misteryong ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan ngunit siya rin namang pinaka-hindi maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam kung tungkol saan ang gawain na ginampanan ni Jesus ni yaong ginampanan ni Jehova. Hindi naunawaan ng mga tao kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na panatilihin ang mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Egipto hanggang sa ilang at pagkatapos ay hanggang sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.

Ang gawain sa mga huling araw ay ang huling yugto sa tatlo. Ito ay ang gawain ng isa pang bagong kapanahunan at hindi kumakatawan sa buong gawain ng pamamahala. Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain. Walang nag-iisang yugto ang kayang kumatawan sa gawain ng tatlong kapanahunan kundi kaya lamang kumatawan sa isang bahagi ng kabuuan. Ang pangalang Jehova ay hindi maaaring kumatawan sa buong disposisyon ng Diyos. Ang katunayan na nagsagawa Siya ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay maaaring maging Diyos lamang sa ilalim ng kautusan. Nagtakda si Jehova ng mga batas para sa tao at nagbaba ng mga kautusan sa kanya, na humihingi sa tao na magtayo ng templo at mga altar; ang gawain na ginawa Niya ay kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain na ginawa Niya ay hindi nagpapatunay na ang Diyos ay isang Diyos lamang na humihingi sa tao na panatilihin ang kautusan, na Siya ang Diyos sa templo, o ang Diyos sa harapan ng altar. Ang sabihin ito ay hindi katotohanan. Ang gawaing ginawa sa ilalim ng kautusan ay maaari lamang kumatawan sa isang kapanahunan. Samakatuwid, kung ginawa lamang ng Diyos ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, ikukulong ng tao ang Diyos sa sumusunod na kahulugan at sasabihing, “Ang Diyos ay ang Diyos sa templo. Upang makapaglingkod sa Diyos, kailangan nating magsuot ng mga kasuotang pangsaserdote at pumasok sa templo.” Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya ay hindi naisagawa kahit kailan at ang Kapanahunan ng Kautusan ay nagpatuloy hanggang sa kasalukuyan, hindi malalaman ng tao na ang Diyos ay maawain din at mapagmahal. Kung ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagawa, at tanging yaong sa Kapanahunan ng Biyaya ang nagawa, ang malalaman lamang ng tao ay na ang Diyos ay nakakapagtubos lamang sa tao at nakakapagpatawad lamang sa mga kasalanan ng tao. Ang malalaman lamang niya ay na Siya’y banal at walang-sala, at na kaya Niyang isakripisyo ang Sarili Niya at mapako sa krus para sa tao. Ito lamang ang malalaman ng tao at wala na siyang magiging kaunawaan sa iba pa. Kaya ang bawa’t kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos. Tungkol naman sa kung aling mga aspeto ng disposisyon ng Diyos ang kinakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, alin sa Kapanahunan ng Biyaya, at alin sa kasalukuyang kapanahunan: ang disposisyon ng Diyos ay maibubunyag lamang nang lubusan kapag pinagsama-sama ang lahat ng tatlong yugto. Tanging kapag nalalaman na ng tao ang buong tatlong yugto saka ito ganap na mauunawaan ng tao. Walang isa sa mga tatlong yugto ang maaaring hindi isama. Makikita mo lamang ang disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito kapag nalaman mo itong tatlong yugto ng gawain. Ang katunayang natapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nagpapatunay na Siya lamang ang Diyos sa ilalim ng kautusan, at ang katunayang natapos Niya ang Kanyang gawain ng pagtubos ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ay tutubos sa sangkatauhan magpakailanman. Ang lahat ng ito ay mga konklusyon na binuo ng tao. Dahil ang Kapanahunan ng Biyaya ay dumating na sa katapusan, hindi mo masasabi sa gayon na ang Diyos ay para lamang sa krus at na ang krus ang natatanging kumakatawan sa pagliligtas ng Diyos. Kung ginagawa mo ang ganoon, binibigyan mo ng pakahulugan ang Diyos. Sa yugto ngayon, ang Diyos ay pangunahing gumagawa ng gawain ng salita, ngunit hindi mo maaaring sabihin na ang Diyos ay hindi kailanman naging maawain sa tao at na ang tanging nadala Niya ay pagkastigo at paghatol. Ang gawain sa mga huling araw ay naglalantad sa gawain ni Jehova at ni Jesus at sa lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao. Ginagawa ito upang ibunyag ang hantungan at ang katapusan ng sangkatauhan at tapusin ang lahat ng gawain ng pagliligtas sa gitna ng sangkatauhan. Itong yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ay naghahatid sa lahat ng bagay sa katapusan. Lahat ng hiwaga na hindi naintindihan ng tao ay dapat malantad upang pahintulutan ang tao na masukat ang lalim ng mga ito at magkaroon ng lubos na malinaw na pagkaunawa sa kanilang mga puso. Saka lamang maaaring mahati ang mga tao ayon sa kanilang mga uri. Pagkatapos lamang na maging ganap ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala saka maiintindihan ng tao ang buong disposisyon ng Diyos, dahil ang Kanyang pamamahala ay doon lamang darating sa pagtatapos. Ngayon na naranasan na ninyo ang gawain ng Diyos sa panghuling kapanahunan, ano ang disposisyon ng Diyos? Mangangahas ka bang magsabi na ang Diyos ay ang Diyos na nagsasabi lamang ng mga salita? Hindi ka mangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Sasabihin ng ilan na ang Diyos ay ang Diyos na nagbubukas ng mga misteryo, na ang Diyos ay ang Kordero at Siya na sumisira sa pitong tatak. Ngunit walang sinuman ang nangangahas na bumuo ng gayong konklusyon. Maaring sabihin ng iba na ang Diyos ay ang nagkatawang-taong laman, ngunit hindi pa rin ito tama. At maaari ding sabihin ng iba na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagsasabi lamang ng mga salita at hindi gumagawa ng mga tanda at ng mga himala, ngunit lalong hindi ka mangangahas na magsalita sa ganitong paraan, sapagkat si Jesus ay nagkatawang-tao at gumawa ng mga tanda at mga himala, kaya hindi ka mangangahas na basta-bastang bigyang-pakahulugan ang Diyos. Ang lahat ng gawain na ginawa sa buong anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ay ngayon lamang nagtatapos. Malalaman lamang ng sangkatauhan ang lahat ng disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano ang Diyos matapos maibunyag ang lahat ng gawaing ito sa tao at maisakatuparan sa gitna ng tao. Kapag ang gawain ng yugtong ito ay ganap nang natapos, ang lahat ng hiwaga na hindi naunawaan ng tao ay mabubunyag, ang lahat ng katotohanan na dati’y hindi naintindihan ng tao ay magiging malinaw, at ang sangkatauhan ay masasabihan tungkol sa kanilang hinaharap na landas at hantungan. Ito ang kabuuan ng gawaing gagawin sa kasalukuyang yugto. Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ng pagdurusa, ang isinasagawa ng tao, kinakain, iniinom, at tinatamasa ngayon ay may malaking pagkakaiba mula roon sa nakamit ng tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang panatilihin ang Sabbath at ang mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paghihigpit na ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga patakarang ito ay naiwaksi na ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyo itong isagawa gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang kalooban; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at makibahagi sa Iyo.” Ang lahat ng ito ay lipas nang mga pagsasagawa na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o ayon sa nakatakdang mga panuntunan. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawa’t yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Hindi kinailangang magbayad ang tao ng anumang halaga at tumanggap siya ng biyaya hangga’t siya ay may pananampalataya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang pagiging mapanghimagsik ng tao at ang mga karumihan sa kalooban ng tao ay maaalis. Dahil ito ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan, at, sa pamamagitan ng biyaya, mapatawad ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-pagkamatuwid sa kalooban ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at pagbubunyag ng mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon ay nababago. Hindi ba’t ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawa’t yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan; lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang tao ay mahati ayon sa kanilang mga uri sa katapusan.

Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang tiwaling mga disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang gawain ng kung paano maiwawaksi ang tiwaling maka-satanas na disposisyon sa loob ng tao ay hindi pa nagawa. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananampalataya, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala at kung paanong ang kanyang makasalanang kalikasan ay ganap na maiwawaksi at mababago. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang tiwaling maka-satanas na disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, ang daan ng buhay, at ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Kakailanganin din na ang tao ay kumilos alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon ng kalooban ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang tiwaling maka-satanas na disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang tiwaling maka-satanas na disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ito. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa ganito, siya ay itinuring na isang katanggap-tanggap na mananampalataya. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatuwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayo’y bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang ibunyag ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa tamang landas. Ang yugtong ito ay mas makahulugan kaysa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatuwid, nakumpleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay hindi direktang ginagawa sa pamamagitan ng paraan ng Espiritu o pagkakakilanlan ng Espiritu, sapagkat ang Kanyang Espiritu ay hindi maaaring mahawakan o makita ng tao, at hindi maaaring malapitan ng tao. Kung sinubukan Niyang direktang iligtas ang tao sa paraan ng Espiritu, hindi magagawa ng tao na tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Kung hindi isinuot ng Diyos ang panlabas na anyo ng isang nilalang na tao, hindi magkakaroon ang tao ng paraan para tanggapin ang kaligtasang ito. Sapagkat walang paraan ang tao upang makalapit sa Kanya, katulad ng walang nakalapit sa ulap ni Jehova. Tanging sa pamamagitan ng pagiging isang nilikhang tao, ibig sabihin, ang paglalagay ng Kanyang salita sa Kanyang magiging katawang-tao, na personal Niyang magagawa ang salita sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Saka lamang maaaring personal na makita at marinig ng tao ang Kanyang salita, at taglayin ang Kanyang salita, at sa gayon ay lubusang mailigtas. Kung ang Diyos ay hindi naging katawang-tao, walang nagtataglay ng laman at dugo ang makakatanggap ng gayon kadakilang kaligtasan, at wala rin kahit isang tao ang maliligtas. Kung ang Espiritu ng Diyos ay gumawa nang direkta sa gitna ng sangkatauhan, ang buong sangkatauhan ay pababagsakin o ganap na mabibihag ni Satanas dahil hindi kaya ng tao na makaugnay ang Diyos. Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, iyon ay, iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ng tao ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas yaong mga taong tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang ang mga pinatawad ay mapalaya mula sa kanilang mga kasalanan at magawang ganap na malinis, at sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon, sa gayon ay makawala sa impluwensya ng kadiliman ni Satanas at makabalik sa harap ng trono ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao. Sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa Kapanahunan ng Biyaya nang matapos na ang Kapanahunan ng Kautusan. Nagpatuloy ito hanggang sa mga huling araw, kung kailan ganap na dadalisayin ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo sa tao para sa kanilang pagiging mapanghimagsik. Saka lamang tatapusin ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at papasok sa kapahingahan. Samakatuwid, sa tatlong yugto ng gawain, dalawang beses lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang isagawa Niya Mismo ang Kanyang gawain sa tao. Iyon ay dahil isa lamang sa tatlong yugto ng gawain ang aakay sa mga tao sa kanilang mga buhay, habang ang dalawa pang iba ay binubuo ng gawain ng pagliligtas. Tanging kapag nagiging katawang-tao ang Diyos saka Siya maaaring mamuhay kasama ng tao, maranasan ang paghihirap ng mundo, at mamuhay sa isang normal na katawang may laman. Sa ganitong paraan lamang Niya maaaring tustusan ang mga tao ng praktikal na daan na kailangan nila bilang mga nilalang. Ang tao ay nakakatanggap ng lubos na kaligtasan mula sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi direkta mula sa langit bilang kasagutan sa kanyang mga panalangin. Sapagkat ang tao ay nilalang na may laman, walang paraan ang tao na makita ang Espiritu ng Diyos at lalong hindi ang lapitan ang Kanyang Espiritu. Ang makakaugnayan lamang ng tao ay ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, at sa pamamagitan lamang nito na nauunawaan ng tao ang lahat ng daan at lahat ng katotohanan at matatanggap ang ganap na kaligtasan. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay sapat upang alisin ang mga kasalanan ng tao at ganap na dalisayin ang tao. Samakatuwid, sa pangalawang pagkakatawang-tao ay dadalhin sa pagtatapos ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao at kukumpletuhin ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Pagkatapos noon, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay lubos na magtatapos. Pagkatapos ng ikalawang pagkakatawang-tao, hindi na Siya muling magiging katawang-tao sa ikatlong pagkakataon para sa Kanyang gawain. Sapagkat ang Kanyang buong pamamahala ay natapos na. Ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay ganap nang nakamit ang Kanyang hinirang na bayan, at ang sangkatauhan sa mga huling araw ay napaghiwalay na ayon sa kanilang uri. Hindi na Niya gagawin ang gawain ng pagliligtas, ni babalik sa katawang-tao upang magsakatuparan ng anumang gawain. Sa gawain sa mga huling araw, ang salita ay mas makapangyarihan kaysa pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at ang awtoridad ng salita ay nahihigitan yaong sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Wala kang paraan para kilalanin ang mga ito sa iyong sarili lamang. Kapag ang mga ito ay naibunyag sa iyo sa pamamagitan ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; hindi mo maitatanggi ang mga iyon, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatuwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay nabibilang pa rin kay Satanas at ang tiwaling maka-satanas na disposisyon ay nananatili pa rin sa kalooban ng tao. Sa madaling salita, yaong hindi pa nagawang malinis ay kabilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Tanging pagkatapos na magawang malinis ang tao sa pamamagitan ng salita na siya ay makakamit ng Diyos at magiging banal. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Subalit, dahil hindi siya nalinis o nabago ng Diyos, siya ay nananatiling tiwaling tao. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, pagsalungat at pagiging mapanghimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa ring lumaban at magtaksil sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon na paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at magawang dalisay. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay yaong panlulupig pati na rin ang pangalawang yugto ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang pinuhin, hatulan at ibunyag, na ang lahat ng karumihan, mga pagkaunawa, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao ay ganap na naibubunyag. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaaring ituring lamang bilang hindi pagkaalala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag ng tao. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, na walang-katapusang hinahayag ang kanyang maka-satanas na disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay magpakailanmang mabisa para sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Bilang halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, naghinaing sila, hindi na hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling maka-satanas na disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging yaong kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Mag-alsa laban sa matandang Satanas! Mag-alsa laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y ang Diyos ay gawin tayong ganap!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa, ang tiwaling disposisyon ng mga tao ay nabunyag. Magkagayon, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang gayong epekto. Sa gayon lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong iyon. Isinigaw ng tao ang gayon noong nakaraan sapagkat ang tao ay walang pagkaunawa sa kanyang orihinal na tiwaling disposisyon. Ang mga ito ang mga karumihan sa kalooban ng tao. Sa kahabaan ng gayong katagal na panahon ng paghatol at pagkastigo, ang tao ay namuhay sa isang kapaligiran na puno ng pag-aalala. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay natamo sa pamamagitan ng salita? Hindi ba’t sumigaw ka rin nang napakalakas bago ang pagsubok sa mga tagapagsilbi? “Pumasok sa kaharian! Lahat niyaong tumatanggap sa pangalang ito ay papasok sa kaharian! Ang lahat ay makikibahagi sa Diyos!” Nang ang pagsubok sa mga tagapagsilbi ay dumating, hindi ka na sumigaw. Sa pinakasimula, ang lahat ay sumigaw, “O Diyos! Saan Mo man ako ilagay, magpapasakop ako sa Iyong pamamatnubay.” Pagkabasa sa mga salita ng Diyos na “Sino ang Aking magiging Pablo?” ang sabi ng tao, “Ako ay nakahanda!” Pagkatapos ay nakita nila ang mga salitang “At ano naman ang tungkol sa pananampalataya ni Job?” at sinabing, “Nakahanda akong akuin ang pananampalataya ni Job. Diyos ko, pakiusap subukin Mo ako!” Nang dumating ang pagsubok sa mga tagapagsilbi, sila ay kaagad na bumagsak at halos hindi na muling makatayo. Pagkatapos noon, ang mga karumihan sa puso nila ay unti-unting nabawasan. Hindi ba ito natamo sa pamamagitan ng salita? Kaya, ang inyong naranasan sa kasalukuyan ay mga resulta na natamo sa pamamagitan ng salita, na higit pang mas dakila kaysa roon sa natamo sa pamamagitan ng paggawa ng mga tanda at mga himala ni Jesus. Ang kaluwalhatian ng Diyos at awtoridad ng Diyos Mismo na iyong nakikita ay hindi lamang nakikita sa pamamagitan ng pagkakapako sa krus, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo, kundi lalong higit sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang salita. Ipinakikita nito sa iyo na hindi lamang ang paggawa ng mga tanda, pagpapagaling ng karamdaman at pagpapalayas ng mga demonyo ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, kundi mas mahusay na kinakatawan ng paghatol ng salita ng Diyos ang awtoridad ng Diyos at mas nagbubunyag ito ng Kanyang pagka-makapangyarihan sa lahat.

Ang nakamit ng tao ngayon—ang kasalukuyan niyang tayog, kaalaman, pag-ibig, katapatan, pagkamasunurin, at kabatiran—ay ang mga resulta na nakamit sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Na nakakaya mong magkaroon ng katapatan at manatiling nakatayo hanggang sa araw na ito ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Ngayon ay nakikita ng tao na ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay sadyang higit sa karaniwan, at napakarami rito ay hindi magagawang makamit ng tao, at mga hiwaga at mga kababalaghan. Samakatuwid, marami ang nagpasakop na. Ang ilan ay hindi kailanman nagpasakop sa sinumang tao magmula nang ipanganak sila, gayunma’y kapag nakikita nila ang mga salita ng Diyos sa araw na ito, lubos silang nagpapasakop nang hindi napapansing nagawa nila ang gayon, at hindi sila nagtatangkang siyasating mabuti o magsalita ng ano pa mang bagay. Ang sangkatauhan ay nahulog na sa ilalim ng salita at nakadapa sa ilalim ng paghatol ng salita. Kung ang Espiritu ng Diyos ay direktang nagsalita sa tao, ang buong sangkatauhan ay magpapasakop sa tinig, babagsak na walang mga salita ng pagbubunyag, tulad ng kung paanong si Pablo ay bumagsak sa lupa sa gitna ng liwanag habang siya ay papunta sa Damasco. Kung ang Diyos ay nagpatuloy na gumawa sa ganitong paraan, hindi kailanman magagawa ng tao na makilala ang kanyang sariling katiwalian sa pamamagitan ng paghatol ng salita at sa gayon ay makamit ang kaligtasan. Tanging sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao na personal na maihahatid ng Diyos ang Kanyang mga salita sa mga tainga ng lahat ng tao upang ang lahat ng may mga tainga ay marinig ang Kanyang mga salita at makatanggap ng Kanyang gawain ng paghatol sa pamamagitan ng salita. Lamang, ang resultang ito ay nakamit ng Kanyang salita, sa halip ng pagpapamalas ng Espiritu upang takutin ang tao para magpasakop. Sa pamamagitan lamang ng gayong praktikal at higit sa karaniwang gawain maaaring lubusang maibunyag ang lumang disposisyon ng tao, na malalim na naitago sa loob ng maraming taon, upang makilala ito ng tao at mabago ito. Lahat ng ito ang praktikal na gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, kung saan nakakamit Niya ang mga resulta ng paghatol sa tao ng salita sa pamamagitan ng pagsasalita at pagsasagawa ng paghatol sa isang praktikal na paraan. Ito ang awtoridad ng Diyos na nagkatawang-tao at ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Ito ay ginagawa upang ipakilala ang awtoridad ng Diyos na nagkatawang-tao, ang mga resulta na nakamit sa pamamagitan ng gawain ng salita, at na ang Espiritu ay dumating sa laman at ipinakikita ang Kanyang awtoridad sa pamamagitan ng paghatol sa tao sa pamamagitan ng salita. Kahit na ang Kanyang katawang-tao ay ang panlabas na anyo ng isang ordinaryo at normal na pagkatao, ang mga resultang nakakamit ng Kanyang mga salita ang nagpapakita sa tao na Siya ay puno ng awtoridad, na Siya ang Diyos Mismo at na ang Kanyang mga salita ang pagpapahayag ng Diyos Mismo. Ipinakikita nito sa lahat ng tao na Siya ang Diyos Mismo, ang Diyos Mismo na nagkatawang-tao, na walang sinuman ang maaaring magkasala sa Kanya, at na walang maaaring makalampas sa Kanyang paghatol sa pamamagitan ng salita, at walang puwersa ng kadiliman ang maaaring mangibabaw sa Kanyang awtoridad. Nagpapasakop nang lubos ang tao sa Kanya dahil Siya ang Salita na nagkatawang-tao, dahil sa Kanyang awtoridad, at dahil sa Kanyang paghatol sa pamamagitan ng salita. Ang gawain na dinala ng Kanyang nagkatawang-taong laman ang awtoridad na Kanyang tinataglay. Siya ay nagkakatawang-tao dahil ang katawang-tao ay maaari ding magtaglay ng awtoridad, at Siya ay may kakayahang magsakatuparan ng gawain sa gitna ng sangkatauhan sa isang praktikal na paraan, sa paraang nakikita at nahahawakan ng tao. Ang gayong gawain ay mas makatotohanan kaysa sa gawain na direktang ginawa ng Espiritu ng Diyos na nagtataglay ng lahat ng awtoridad, at ang mga resulta nito ay maliwanag din. Ito ay dahil ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay nakakapagsalita at nakakagawa sa isang praktikal na paraan. Ang panlabas na anyo ng Kanyang katawang-tao ay walang awtoridad at maaaring lapitan ng tao, samantalang ang Kanyang diwa ay nagtataglay ng awtoridad, ngunit walang nakakakita sa Kanyang awtoridad. Kapag Siya ay nagsasalita at gumagawa, hindi napapansin ng tao ang pag-iral ng Kanyang awtoridad; ito ay nakakatulong sa Kanyang paggawa ng praktikal na gawain. Lahat ng naturang praktikal na gawain ay makakapagkamit ng mga resulta. Kahit na walang tao ang nakakatanto na Siya ay nagtataglay ng awtoridad o nakakakita na hindi dapat magkasala sa Kanya o nakakakita sa Kanyang poot, nakakamit Niya ang hinahangad na mga resulta sa pamamagitan ng Kanyang natatagong awtoridad at poot at mga salitang hayagan Niyang sinasalita. Sa madaling salita, sa pamamagitan ng tono ng Kanyang boses, mahigpit na pagsasalita, at lahat ng karunungan ng Kanyang mga salita, ang tao ay lubusang nakukumbinsi. Sa ganitong paraan, ang tao ay nagpapasakop sa salita ng Diyos na nagkatawang-tao, na tila ba walang awtoridad, at dahil doon natutupad ang layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Ito ang isa pang aspeto ng kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao: ang magsalita nang mas makatotohanan at hayaan ang realidad ng Kanyang mga salita na magkaroon ng epekto sa tao nang sa gayon ay masaksihan ng tao ang kapangyarihan ng salita ng Diyos. Samakatuwid, kung hindi ginawa ang gawaing ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao, hindi ito magkakamit ng anumang resulta at hindi magagawang lubos na iligtas ang mga makasalanan. Kung ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, Siya ay mananatiling ang Espiritu na parehong hindi nakikita at hindi nahahawakan ng tao. Dahil ang tao ay isang nilalang na gawa sa laman, ang tao at ang Diyos ay nabibilang sa dalawang magkaibang mundo at may magkaibang kalikasan. Ang Espiritu ng Diyos ay hindi kaayon ng tao, na gawa sa laman, at sadyang walang paraan para magtatag ng mga relasyon sa pagitan nila; higit pa rito, ang tao ay hindi maaaring maging isang espiritu. Dahil dito, ang Espiritu ng Diyos ay dapat na maging isang nilalang upang magawa ang Kanyang orihinal na gawain. Ang Diyos ay parehong kaya na umakyat sa pinakamataas na lugar at ipagpakumbaba ang Kanyang sarili para maging isang taong nilikha, na gumagawa ng gawain at namumuhay na kasama ng tao, ngunit ang tao ay hindi kayang umakyat sa pinakamataas na lugar at maging isang espiritu at lalong hindi siya makakababa sa pinakamababang lugar. Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos ay dapat magkatawang-tao upang isakatuparan ang Kanyang gawain. Katulad nito, noong unang pagkakatawang-tao, tanging ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao ang maaaring tumubos sa tao sa pamamagitan ng Kanyang pagpapapako sa krus, samantalang hindi posible para sa Espiritu ng Diyos na maipako sa krus bilang handog para sa kasalanan ng tao. Ang Diyos ay maaaring direktang magkatawang-tao upang magsilbing handog para sa kasalanan ng tao, ngunit ang tao ay hindi maaaring direktang umakyat sa langit upang tanggapin ang handog para sa kasalanan na inihanda ng Diyos para sa kanya. Dahil dito, ang posible lamang ay ang hingin sa Diyos na magpabalik-balik nang ilang beses sa pagitan ng langit at lupa, sa halip na paakyatin ang tao sa langit upang kunin ang kaligtasang ito, sapagkat ang tao ay nahulog at, bukod pa roon, sadyang hindi maaaring umakyat sa langit, lalo na ang tanggapin ang handog para sa kasalanan. Samakatuwid, kinailangan na dumating si Jesus sa gitna ng sangkatauhan at personal na gawin ang gawain na sadyang hindi maaaring maisakatuparan ng tao. Tuwing nagkakatawang-tao ang Diyos, lubos itong kinakailangang gawin. Kung alinman sa mga yugto ay maaaring maisakatuparan nang direkta ng Espiritu ng Diyos, hindi na sana Niya tiniis ang kawalang-dangal ng pagkakatawang-tao.

Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa maraming hiwaga at sa gawaing nagawa ng Diyos sa nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nailantad ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin sa gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at ang mga prinsipyo kung paano sila ay gumawa; sa pamamagitan ng salita, dumarating din ang tao sa pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin sa pagiging mapanghimagsik at paglaban ng tao, at dumarating sa pagkaalam ng kanyang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang winika, dumarating ang tao sa pagkakilala sa gawain ng Espiritu, sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at lalo na, sa Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba’t ang iyong kaalaman tungkol sa iyong dating mga pagkaunawa at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, ngunit walang mga tanda at mga kababalaghan sa yugtong ito. Hindi ba’t ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Niya ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatuwid, ang mga salita na ipinahayag sa yugtong ito ay lampas sa gawain na ginawa ng mga apostol at propeta ng mga henerasyong nagdaan. Kahit na ang mga propesiya na sinabi ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng resultang ito. Ang mga propeta ay naghayag lamang ng mga propesiya, ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit hindi ng gawain na nais gawin ng Diyos sa panahong iyon. Hindi rin sila nagsalita upang gabayan ang tao sa kanilang mga buhay, o upang magkaloob ng mga katotohanan sa sangkatauhan o upang magbunyag sa tao ng mga hiwaga, at lalo nang hindi upang magkaloob ng buhay. Sa mga salitang winika sa yugtong ito, mayroong propesiya at katotohanan, ngunit ang mga ito ay pangunahing naglilingkod upang magkaloob ng buhay sa tao. Ang mga salita sa kasalukuyan ay hindi tulad ng mga propesiya ng mga propeta. Ito ay isang yugto ng gawain na hindi para sa pagpapahayag ng propesiya kundi para sa buhay ng tao, upang baguhin ang disposisyon ng tao sa buhay. Ang unang yugto ay ang gawain ni Jehova: ang Kanyang gawain ay ang ihanda ang isang landas upang sambahin ng tao ang Diyos sa lupa. Ito ang gawain ng pag-uumpisa upang masumpungan ang pagmumulan ng gawain sa lupa. Nang panahong iyon, tinuruan ni Jehova ang mga Israelita na sundin ang Sabbath, igalang ang kanilang mga magulang at mamuhay nang mapayapa kasama ang isa’t isa. Ito ay dahil hindi naunawaan ng mga tao nang panahong iyon kung ano ang bumubuo sa tao, at hindi rin nila naunawaan kung paano mabuhay sa lupa. Kinailangan sa unang yugto ng gawain na gabayan Niya ang mga tao sa kanilang mga buhay. Ang lahat ng sinabi ni Jehova sa kanila ay hindi pa naipaalam sa sangkatauhan sa nakaraan o nataglay man nila. Nang panahong yaon, itinaas ng Diyos ang maraming propeta upang magsalita ng mga propesiya, at lahat sila ay ginawa iyon sa ilalim ng paggabay ni Jehova. Ito ay isang bagay lamang sa gawain ng Diyos. Sa unang yugto, ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, kaya Siya ay nag-atas sa lahat ng tribo at bansa sa pamamagitan ng mga propeta. Nang ginawa ni Jesus ang Kanyang gawain sa panahon Niya, hindi Siya nagsalita ng kasingdami ng sa kasalukuyan. Ang yugtong ito ng gawain ng salita sa mga huling araw ay hindi pa kailanman nagawa sa nakaraang mga kapanahunan at mga henerasyon. Kahit na sina Isaias, Daniel at Juan ay gumawa ng maraming propesiya, ang kanilang mga propesiya ay ganap na naiiba mula sa mga salita na binibigkas ngayon. Ang kanilang mga binigkas ay mga propesiya lamang, ngunit ang mga salita ngayon ay hindi. Kung ginawa Kong mga propesiya ang lahat ng Aking mga sinasabi ngayon, magagawa ba ninyong maunawaan? Ipagpalagay na ang Aking sinasabi ay mga bagay pagkatapos Kong umalis, paano ka kung gayon maaaring makatamo ng pagkaunawa? Ang gawain ng salita ay hindi kailanman ginawa sa panahon ni Jesus o sa Kapanahunan ng Kautusan. Marahil ang ilan ay sasabihin, “Hindi ba nagwika rin si Jehova ng mga salita sa panahon ng Kanyang gawain? Bukod sa pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo at paggawa ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi ba nagwika rin ng mga salita si Jesus nang panahong gumagawa Siya?” May mga pagkakaiba sa kung paano binibigkas ang mga salita. Ano ang diwa ng mga salita na binigkas ni Jehova? Ginagabayan lamang Niya ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa lupa, na walang kinalaman sa espirituwal na mga bagay sa buhay. Bakit sinasabi na, nang nagsalita si Jehova, ito ay para lamang mag-atas sa mga tao sa lahat ng lugar? Ang salitang “mag-atas” ay nangangahulugang pagsasabi nang tahasan at pag-uutos nang tuwiran. Hindi Siya nagtustos ng buhay sa tao; sa halip, hinawakan Niya lamang ang kamay ng tao at tinuruan ang tao kung paano Siya igalang, nang wala masyadong mga parabula. Ang gawain ni Jehova sa Israel ay hindi ang pakitunguhan o disiplinahin ang tao o ang magdala ng paghatol at pagkastigo; ito ay ang gabayan siya. Inutusan ni Jehova si Moises na sabihin sa Kanyang bayan na magtipon ng mana sa kaparangan. Tuwing umaga bago ang pagsikat ng araw, sila ay dapat mag-ipon ng mana, na sapat lamang upang kainin nila sa araw na iyon. Ang mana ay hindi maaaring itabi hanggang sa susunod na araw, sapagkat ito ay aamagin. Hindi Niya tinuruan ang tao o ibinunyag ang kanilang mga kalikasan, at hindi Niya rin ibinunyag ang kanilang mga ideya at mga iniisip. Hindi Niya binago ang mga tao kundi ginabayan sila sa kanilang mga buhay. Sa panahong iyon, ang mga tao ay tulad ng mga bata, walang nauunawaan na kahit ano at nakakagawa lamang ng ilang payak na mekanikal na pagkilos, at kaya nagtalaga lamang si Jehova ng mga kautusan upang gabayan ang mga tao.

Para maipalaganap ang ebanghelyo, nang sa gayon ang lahat niyaong naghahanap nang may tapat na puso ay maaaring makatamo ng kaalaman tungkol sa gawain na ginagawa sa araw na ito at maging lubusang kumbinsido, dapat mong marating ang isang malinaw na pagkaintindi sa nakapaloob na kuwento, sa diwa, at sa kabuluhan ng gawain na ginagawa sa bawa’t yugto. Gawin mo na sa pakikinig sa iyong pagbabahagi, mauunawaan ng iba ang gawain ni Jehova, ang gawain ni Jesus at, higit pa rito, ang lahat ng gawain ng Diyos sa kasalukuyan, pati na rin ang mga pagkakaugnay at mga pagkakaiba sa pagitan ng tatlong yugto ng gawain. Gawin mo na pagkatapos nilang makinig, makikita nila na hindi ginagambala ng tatlong yugto ang isa’t isa, kundi ay lahat gawain ng parehong Espiritu. Kahit gumagawa Sila sa magkakaibang kapanahunan, ang nilalaman ng gawaing Kanilang ginagawa ay magkakaiba, at ang mga salitang Kanilang binibigkas ay magkakaiba, ngunit ang mga prinsipyo kung paano Sila gumagawa ay iisa at pareho. Ang mga bagay na ito ang pinakamalalaking pangitain na dapat maunawaan ng lahat ng taong sumusunod sa Diyos.

Kung nararamdaman mo pa rin ang pananamlay ng espiritu kahit pa nagbabasa ka ng Bibliya araw-araw, ano ang maaari mong gawin? I-click Ang Salita ng Diyos Ngayong Araw o i-enjoy ang sumusunod na nauugnay na nilalaman.

Mag-iwan ng Tugon