Mag-subscribe

Menu

Bakit isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Fariseo at ano ang diwa ng mga Fariseo

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Nang magkagayo’y nagsilapit kay Jesus na mula sa Jerusalem ang mga Fariseo at ang mga eskriba, na nagsisipagsabi, Bakit ang Iyong mga alagad ay nagsisilabag sa sali’t-saling sabi ng matatanda? Sapagka’t hindi sila nangaghuhugas ng kanilang mga kamay pagka-nagsisikain sila ng tinapay. At Siya’y sumagot at sinabi sa kanila, Bakit naman kayo’y nagsisilabag rin sa utos ng Diyos dahil sa inyong sali’t-saling sabi? Sapagka’t sinabi ng Diyos, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, ang manungayaw sa ama at sa ina, ay dapat mamatay. Datapuwa’t sinasabi ninyo, Sinumang magsabi sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay hain ko na sa Diyos: Ay hindi niya igagalang ang kaniyang ama. At niwalan ninyong kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong sali’t-saling sabi. Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, Ang bayang ito’y iginagalang Ako ng kanilang mga labi; Datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao” (Mateo 15:1–9).

“Datapuwa’t sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka’t kayo’y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba’t mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya’t magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.

isinumpa-Panginoong-Jesus-mga-fariseo

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya’y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili.

“Sa aba ninyo, kayong mga taga-akay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay walang anuman; datapuwa’t kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya! Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka’t alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay walang anuman; datapuwa’t kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga mangmang at bulag: sapagka’t alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya’t ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa-ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Diyos, at yaong nakaluklok doon.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba’t ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. Kayong mga taga-akay na bulag na inyong sinasala ang lamok, at nilulunok ninyo ang kamelyo!

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwa’t sa loob ay puno sila ng panglulupig at katakawan. Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis naman ang kaniyang labas.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid, At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang sana’y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. Kaya’t kayo’y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo’y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawala kayo sa kahatulan sa impiyerno? Kaya’t, narito, sinusugo Ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila’y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang mga iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila’y inyong pag-uusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito” (Mateo 23:13–36).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng pagkontra ng mga Fariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila pinagsisikapan ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa landas ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang landas ng katotohanan. Paano ninyo nasasabi na matatamo ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang landas ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi pa nila nakasama ang Mesiyas kailanman, nagawa nila ang pagkakamali na kumapitlamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang diwa ng mga Fariseong ito ay mga sutil, mayabang, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang paniniwala sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?

Hinango mula sa “Kapag Namasdan Mo na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

Hinango mula sa “Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging-Magkaayon kay Cristo” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa Biblia, ang pagsusuri ng mga Fariseo kay Jesus Mismo at sa mga bagay na Kanyang ginawa ay: “Kanilang sinabi, sira ang Kaniyang bait. … Nasa Kaniya si Beelzebub, at, sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalabas Siya ng mga demonyo” (Marcos 3:21–22). Ang paghatol ng mga eskriba at mga Fariseo sa Panginoong Jesus ay hindi panggagaya nila sa mga salita ng ibang tao, at hindi rin walang basehang pala-palagay—ito ang konklusyon na binuo nila hinggil sa Panginoong Jesus mula sa kanilang nakita at narinig tungkol sa Kanyang mga pagkilos. Bagaman ang kanilang konklusyon sa wari ay ginawa sa ngalan ng katarungan at lumilitaw sa mga tao na parang may matibay na batayan, ang pagmamataas kung saan hinatulan nila ang Panginoong Jesus ay mahirap maging para sa kanila na mapigilan. Ang nagngangalit na enerhiya ng kanilang pagkamuhi sa Panginoong Jesus ang nagbunyag sa kanilang sariling lisyang mga ambisyon at sa kanilang masasamang satanikong mga mukha, gayundin sa kanilang masamang kalikasan na sa pamamagitan nito ay lumaban sila sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kanilang sinabi sa kanilang paghatol sa Panginoong Jesus ay udyok ng kanilang lisyang mga ambisyon, pagkainggit, at ng pangit at masamang kalikasan ng kanilang pagkapoot sa Diyos at sa katotohanan. Hindi nila siniyasat ang pinagmulan ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus, ni siniyasat man nila ang diwa ng sinabi o ginawa Niya. Sa halip, nang basta-basta, sa isang kalagayan ng hibang na kaligaligan, at nang may sadyang masamang hangarin, binatikos at siniraan nila ang nagawa Niya. Hanggang sa punto na sadya nilang siniraan ang Kanyang Espiritu, iyon ay, ang Banal na Espiritu na Siyang Espiritu ng Diyos. Ito ang ibig nilang sabihin nang kanilang sinabing, “Sira ang Kaniyang bait,” “si Beelzebub,” at “prinsipe ng mga demonyo.” Ibig sabihin, sinabi nila na ang Espiritu ng Diyos ay si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo. Inilarawan nila bilang isang kabaliwan ang gawain ng Espiritu ng Diyos na nagkatawang-tao, na binihisan ang Kanyang sarili ng katawang-tao. Hindi lang nila nilapastangan ang Espiritu ng Diyos bilang si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo, bagkus ay hinatulan din nila ang gawain ng Diyos at hinatulan at nilapastangan ang Panginoong Jesucristo. Ang diwa ng kanilang paglaban at paglapastangan sa Diyos ay lubos na katulad ng diwa ng paglaban at paglapastangan sa Diyos na ginawa ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lang nila kinatawan ang mga taong tiwali, subali’t lalong higit na sila ang pinakalarawan ni Satanas. Sila ay daluyan para kay Satanas sa gitna ng sangkatauhan, at sila ang mga kasabwat at mga utusan ni Satanas. Ang diwa ng kanilang paglapastangan at ng kanilang paninirang-puri sa Panginoong Jesucristo ay ang kanilang pakikipaglaban sa Diyos para sa katayuan, ang kanilang pakikipagpaligsahan sa Diyos, at ang kanilang walang katapusang pagsubok sa Diyos. Ang diwa ng kanilang paglaban sa Diyos at ng kanilang saloobin ng pagkapoot sa Kanya, gayundin ang kanilang mga salita at ang kanilang mga kaisipan, ay tahasang nilapastangan at ginalit ang Espiritu ng Diyos. Kaya, tinukoy ng Diyos ang isang makatwirang paghatol batay sa sinabi at ginawa nila, at tinukoy ng Diyos ang kanilang mga gawa na kasalanan ng paglapastangan laban sa Banal na Espiritu. Ang pagkakasalang ito ay walang kapatawaran kapwa sa mundong ito at sa mundong darating, gaya ng pinatototohanan sa sumusunod na sipi ng kasulatan: “Ang kapusungang laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad” at, “sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo, ay hindi ipatatawad sa kaniya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”

Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ano ang kahulugan ng katawagang “mga Fariseo”? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa, samantalang nagkukunwaring mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Ang kanilang tunay na mukha ay natatago sa loob ng kanilang mga puso; ito’y di-nakikita. Kung hindi hinahabol ng mga tao ang katotohanan, at kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ano na ang kinahinatnan ng mga teoryang natamo nila? Hindi ba nagiging mga titik at doktrina ang mga iyon na madalas tukuyin ng mga tao? Ginagamit ng mga tao ang tinatawag na mga tamang doktrinang ito para magbalatkayo at ipakita ang kanilang sarili na napakabuti. Saanman sila magtungo, ang mga bagay na pinag-uusapan nila, ang mga bagay na sinasabi nila, at ang kanilang panlabas na pag-uugali ay pawang mukhang tama at mabuti sa iba; lahat sila ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Sa paningin ng iba, sila ay kapwa tapat at mapagpakumbaba, may kakayahang magtiyaga at magparaya, at mapagmahal sa iba at sa Diyos. Kaya lamang, ang totoo ay huwad ang lahat ng ito; lahat ay pagkukunwari lamang at isang paraan ng pagpapakita na sila ay mabubuti. Sa tingin, mukha silang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang sila para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi sila matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa nila ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, tinalikuran na nila ang kanilang pamilya at propesyon, na nagpapakitang nagsusumikap at ginugugol ang kanilang sarili; gayunman, ang totoo ay lihim silang kumikita mula sa iglesia at nagnanakaw ng mga handog! Lahat ng ipinapakita nila—lahat ng kilos nila—ay huwad. Ito ang ibig sabihin ng mapagpaimbabaw na Fariseo. Saan ang mga “Fariseo”—ang mga taong ito nagmumula? Lumilitaw ba sila sa mga hindi mananampalataya? Lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit nagbabago nang ganyan ang mga mananampalatayang ito? Maaari kayang ang mga salita ng Diyos ang dahilan kaya sila nagkaganyan? (Hindi.) Ano ang dahilan? Ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Kinasangkapan nila ang mga salita ng Diyos para gamitin nilang sandata; sinasandatahan nila ang kanilang sarili gamit ang mga salitang ito, at tinatratong puhunan ang mga ito para magkaroon sila ng ikabubuhay at makakuha ng isang bagay nang walang kapalit. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman naisagawa ang mga salitang iyon. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga ipokritong Fariseo. Ang kaunting dapat ay mabuting pag-uugali at mabubuting gawi ng pagpapahayag ng kanilang sarili, at ang kaunting naisuko at nagugol nila, ay ganap na sapilitan; puro pagkukunwari ang lahat ng iyon. Ganap na huwad ang mga iyon; lahat ng kilos na iyon ay pagkukunwari. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagpipitagan sa Diyos, ni wala pa nga silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, kabilang sila sa mga walang pananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Fariseo sila. Di ba nakakatakot ito? Saang lugar nagtitipon ang mga Fariseo? Ito ay sa pamilihan. Sa mata ng Diyos, iyon ang relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pahayag ng Diyos ang kanilang makuha, ito ay walang silbi.

Hinango mula sa “Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ano ang pangunahing pagpapakita ng pagpapaimbabaw ng mga Fariseo? Masusing binasa lamang nila ang Banal na Kasulatan at hindi hinanap ang katotohanan. Nang mabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi sila nagdasal o naghanap; sa halip, pinag-aralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aralan nila ang mga sinabi at ginawa ng Diyos, kaya’t ginawa nilang isang uri ng teorya ang Kanyang mga salita, isang doktrina na itinuturo nila sa iba. Ganito ang masusing pagbasa sa mga salita ng Diyos. Kaya’t bakit nila ginawa iyan? Ano ang kanilang masusingbinasa? Sa tingin nila, hindi salita ng Diyos ang mga ito, hindi sila mga pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi katotohanan ang mga ito, bagkus ay isang anyo ng karunungan. Sa tingin nila, ang ganoong karunungan ay dapat maipasa, dapat maipalaganap, at ito lamang ang pagpapalaganap sa gawi ng Diyos at ng ebanghelyo. Ito ang tinatawag nilang “pangangaral,” at ang sermon na kanilang ipinangaral ay teolohiya.

… Itinuring ng mga Fariseo ang teolohiya at ang teoryang kanilang dinalubhasa bilang isang uri ng karunungan, bilang isang kasangkapan sa pagkondena sa mga tao at pagsukat kung sila ay tama o mali. Ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus—ganyan kung paano nakondena ang Panginoong Jesus. Ang kanilang pagtatasa sa mga tao, at ang kanilang paraan sa pagtrato sa mga ito, ay hindi nakabatay sa kanilang diwa, o kung ang kanilang sinabi ay tama o mali, lalong hindi sa pinagkunan o pinagmulan ng kanilang mga salita. Kinundina at sinukat lamang nila ang mga tao batay sa mga matitigas na salita at doktrinang kanilang nadalubhasa. Kaya’t bagama’t batid ng mga Fariseong ito na ang ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi kasalanan, at hindi paglabag sa batas, Siya ay kanila pa ring kinundina, sapagkat ang sinabi ng Panginoong Jesus ay lumalabas na salungat sa kaalaman at karunungan na kanilang nadalubhasa at sa teorya ng teolohiya na kanilang naipaliwanag. At hindi basta niluluwagan ng mga Pariseo ang kanilang kapit sa mga salita at pariralang ito, nangunyapit sila sa karunungang ito at hindi ito pawawalan. Ano lamang ang tanging posibleng kalalabasan sa huli? Hindi nila kikilalanin na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, o na may katotohanan sa sinabi ng Panginoong Jesus, lalo pang hindi na ang sinabi ng Panginoong Jesus ay pagsang-ayon sa katotohanan. Nakakita sila ng ilang di-mapatunayang paratang upang kondenahin ang Panginoong Jesus—ngunit ang totoo, sa kanilang mga kalooban, alam ba nila kung makatwiran ang mga tinukoy nilang kasalanan sa pagsumpa sa Kanya? Alam nila. Kung gayon, bakit pa rin nila Siya kinundina? (Ayaw nilang paniwalaan na ang mataas at makapangyarihang Diyos na nasa kanilang isipan ay maaaring ang Panginoong Jesus, ang imaheng ito ng isang pangkaraniwang Anak ng tao.) Ayaw nilang tanggapin ang katunayang ito. At ano ang katuturan ng kanilang pagtangging tanggapin ito? Hindi ba’t mayroon ditong pagsisikap na makapangatwiran sa Diyos? Ang ibig nilang sabihin ay “Magagawa ba iyan ng Diyos? Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao, tiyak na Siya ay dapat sumilang mula sa marangal na lahi. Higit pa, dapat Niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Fariseo, matutuhan ang karunungang ito, at magbasa nang magbasa ng Banal na Kasulatan. Pagkaraan maangkin Niya ang karunungang ito, saka lamang Niya makukuha ang titulo ng ‘pagkakatawang-tao’.” Naniwala sila na, una, Ikaw ay hindi kuwalipikado, kaya’t Ikaw ay hindi Diyos; pangalawa, kung wala ang karunungang ito, hindi Mo magagawa ang gawain ng Diyos, at lalong hindi Ka magiging Diyos; pangatlo, hindi Ka makagagawa sa labas ng templo—wala Ka sa templo ngayon, palagi Kang kasama ng mga makasalanan, kaya’t ang mga gawain Mo ay lampas sa saklaw ng gawain ng Diyos. Saan nagmula ang batayan ng kanilang sumpa? Mula sa Banal na Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa natanggap nilang edukasyon sa teolohiya. Sapagkat punung-puno sila sa mga kuru-kuro, guniguni, at karunungan, naniwala sila na tama ang karunungang ito, na ito ang katotohanan, na ito ang batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga bagay na ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ang kanilang hinanap ay ang kanilang mga palagay at haka, at ang kanilang mga sariling karanasan, at sinubok nilang gamitin ang mga ito upang bigyang katuturan ang Diyos at matukoy kung Siya ba ay tama o mali. Ano ang panghuling kinahantungan nito? Kinundina nila ang gawain ng Diyos at ipinako Siya sa krus.

Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (III)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Sa Israel, ang “Fariseo” ay parang titulo noon. Bakit ngayon ay isa na itong bansag? Ito ay dahil ang mga Fariseo ay naging kinatawan ng isang klase ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Umaawit sila ng mga sawikain, sanay sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagtatago ng kanilang tunay na mga sarili, at nagkukunwa sila ng dakilang kamaharlikahan, dakilang kabanalan at katuwiran, dakilang pagkapatas at karangalan. Bunga nito, hindi nila isinasagawa ang katotohanan nang kahit kaunti. Paano sila kumikilos? Nagbabasa sila ng mga kasulatan, nangangaral sila, nagtuturo sila sa kapwa na gumawa ng mabuti, hindi gumawa ng masama, hindi labanan ang Diyos, at kumikilos nang mabuti sa harap ng iba, subalit, kapag nakatalikod ang iba, nagnanakaw sila ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “nagsasala ng lamok, at lumulunok ng kamelyo.” Nangangahulugan itong ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga sawikain, nagsasalita sila ng tungkol sa mga palalong teorya, at ang kanilang mga salita ay masarap pakinggan, subalit ang mga gawa nila ay magulong karumihan at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos at panlabas na kaanyuan nila ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit kaunting pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Kinamumuhian nila ang katotohanan, kinamumuhian nila ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at kinamumuhian nila ang mga positibong bagay. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung wala ang kanilang pagkondena, masasabi mo ba? Bago dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain, ano kaya ang makapagsasabi sa iyong hindi nila inibig ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? Hindi mo malalaman, hindi ba? Ang lahat ng asal nila ay pagkukunwari, at ginagamit nila ang pagkukunwaring ito ng mabuting asal upang dayain ang kapwa sa kanilang pagtitiwala. Hindi ba ito pagpapaimbabaw at panlilinlang? Kaya ba ng mga ganitong manlilinlang na mahalin ang katotohanan? Ano ang natatagong layunin ng mabuting asal nilang ito? Isang bahagi ng kanilang layunin ay ang dayain ang kapwa; ang isa pang bahagi ay ang linlangin ang kapwa, upang mahalina ang mga ito sa kanila at sambahin sila, at sa huli, upang makatanggap ng mga gantimpala. Gaano katuso dapat ang mga pamamaraan nila upang magtagumpay sa ganoong kalaking panggagantso? Ang mga ganoong tao ba ay umiibig sa pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran, kung gayon? Siyempre hindi. Gustung-gusto nila ang katayuan, gustung-gusto nila ang katanyagan at mabuting kapalaran, at hiling nilang makatanggap ng mga gantimpala. Hindi nila talaga isinasagawa ang mga salita ng pangaral ng Diyos para sa mga tao. Hindi nila isinasabuhay ni ang katiting ng mga ito; gumagamit lang sila ng paggayak at pagbabalatkayo upang lansihin ang mga tao at mahalina ang mga ito, upang mapanatili ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Sa sandaling masiguro na nila ang mga bagay na ito, ginagamit nila ang mga ito upang makakuha ng puhunan at mapagkakakitaan. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Makikita sa lahat ng kanilang mga asal na ito na diwa nila ang hindi mahalin ang katotohanan, sapagkat hindi nila kailanman isinagawa ang katotohanan. Ano ang tanda na hindi nila isinasagawa ang katotohanan? Ito ang pinakamalaking tanda: Dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain at lahat ng sinabi Niya ay tama, lahat ng sinabi Niya ay katotohanan. Paano nila iyon itinuring? (Hindi nila iyon tinanggap.) Hindi ba nila tinanggap ang mga salita ng Panginoong Jesus dahil naniwala silang mali ang mga iyon, o hindi ba nila tinanggap ang mga iyon bagamat batid nilang tama ang mga iyon? (Hindi nila tinanggap ang mga iyon bagamat alam nilang tama iyon.) At ano ang nakapagdulot nito? Hindi nila iniibig ang katotohanan at kinapopootan nila ang mga positibong bagay. Ang lahat ng sinabi ng Panginoong Jesus ay tama, walang anumang mali, at kahit na wala silang mahanap na anumang kamalian sa mga salita ng Panginoong Jesus na magagamit laban sa Kanya, kinondena nila Siya, at pagkatapos ay nagsabwatan sila: “Ipapako Siya sa krus. Siya ang ipapako o kami.” Sa ganitong pamamaraan, kinalaban nila ang Panginoong Jesus. Bagamat hindi sila naniwalang ang Panginoong Jesus ang Panginoon, mabuting tao Siya na hindi sumuway sa legal na batas man o sa mga batas ni Jehova;[a] bakit nila kinokondena ang Panginoong Jesus? Bakit nila pinakitunguhan nang ganoon ang Panginoong Jesus? Makikita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga taong ito—abot sa kasukdulan ang kasamaan nila! Ang masamang mukha na inilantad ng mga Fariseo ay walang pinagkaiba sa kanilang pagbabalatkayo ng kabaitan. Maraming hindi makakakilala kung ano ang kanilang tunay na mukha at alin ang huwad, subalit ang anyo at gawain ng Panginoong Jesus ang nagbunyag ng lahat ng ito. Kung gaano kahusay ang pagkukubli ng mga sarili ng mga Fariseo, kung gaano sila kabait tingnan sa panlabas—kung hindi nabunyag ang mga katotohanan, walang makakakita sa kanila sa kung ano sila.

Hinango mula sa “Ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos ay ang Pagsasagawa ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “ni Jehova.”

Mag-iwan ng Tugon