Mag-subscribe

Menu

Ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay ang paghatol mula sa malaking puting trono

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17).

“At nakita ko ang isang malaking luklukang maputi, at ang nakaluklok doon, na sa kaniyang harapan, ang lupa at ang langit ay tumakas; at walang nasumpungang kalalagyan nila. At nakita ko ang mga patay, malalaki at maliliit, na nangakatayo sa harapan ng luklukan; at nangabuksan ang mga aklat: at nabuksan ang ibang aklat, na siyang aklat ng buhay: at ang mga patay ay hinatulan ayon sa mga bagay na nasusulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. At ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya; at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila: at sila’y hinatulan bawa’t tao ayon sa kanikaniyang mga gawa. At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy. At kung ang sinoman ay hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay, ay ibinulid sa dagatdagatang apoy” (Pahayag 20:11–15).

judgment-in-the-last-days

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang “paghatol” sa mga salitang nasabi na dati—ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos—ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni kagaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, ang nilalaman ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring mabago. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaliwanag ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang di-kapani-paniwala. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ito ay magiging pinakakakila-kilabot at hindi mauunawaan ng mga mortal, at aalingawngaw ito hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi ay papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong nakakatakot at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong tagpo ay napakarangyang pagmasdan at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawa’t tao na maalamat ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na, noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa tao, nananatili kang tulog na tulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagsisimula na, ito na ang oras na binabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, nguni’t ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.

Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sa mga huling araw, si Cristo ay gumagamit ng sari-saring katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakarating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.

Hinango mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang ilan ay naniniwala na ang Diyos ay maaaring minsan pumarito sa lupa at magpakita sa tao, kung saan ay hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, sinusubukan ang bawat isa na walang sinuman ay malalampasan. Ang mga nag-iisip sa ganitong paraan ay hindi alam ang yugto na ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang isa-isa, at hindi sinusubukan ang tao nang isa-isa; ang paggawa ng gayon ay hindi magiging gawain ng paghatol. Hindi ba ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan ay pare-pareho? Hindi ba ang diwa ng tao ay magkakapareho? Ang hinuhusgahan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang walang kapararakan at walang kabuluhang mga kamalian ng tao. Ang gawain ng paghatol ay kumakatawan, at hindi isinasagawa para sa isang tiyak na tao. Sa halip, ito ay gawain kung saan ang isang grupo ng mga tao ay hinahatulan upang kumatawan sa paghatol ng lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng personal na pagsasagawa ng Kanyang gawain sa isang grupo ng mga tao, ang Diyos sa katawang-tao ay ginagamit ang Kanyang gawain upang kumatawan sa gawain ng buong sangkatauhan, kung saan pagkatapos ito ay unti-unting lumalaganap. Ang gawain ng paghatol ay ganoon din. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang tiyak na uri ng tao o isang tiyak na grupo ng mga tao, ngunit hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan—ang pagsalungat ng tao sa Diyos, halimbawa, o kawalang-galang ng tao sa Kanya, o paggambala sa gawain ng Diyos, at iba pa. Ang hinahatulan ay ang diwa ng pagsalungat ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng nagkatawang-taong Diyos na nasaksihan ng tao ay gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na naisip ng tao sa mga panahon na nakaraan. Ang gawain na kasalukuyang ginagawa ng nagkatawang-taong Diyos ay eksaktong ang paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang nagkatawang-taong Diyos sa panahon ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang Kanyang gawain, salita, at buong disposisyon ay ang kabuuan Niya. Kahit na ang saklaw ng Kanyang gawain ay limitado, at hindi direktang nalalakip ang buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—hindi lamang para sa hinirang na mga tao sa Tsina, o para sa isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, kahit na ang saklaw ng gawain na ito ay hindi kalakip ang buong sansinukob, ito ay kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob, at pagkatapos Niyang tapusin ang gawain sa loob ng gawaing saklaw ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang palalawakin ang gawain na ito sa buong sansinukob, sa parehong paraan na ang ebanghelyo ni Jesus ay lumaganap sa buong sansinukob kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Hindi alintana kung ito ay ang gawain ng Espiritu o ang gawain ng katawang-tao, ito ay gawain na natutupad sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, nagpapakita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain gamit ang Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Hindi alintana kung Siya ang Espiritu o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Ito ay inilalarawan ayon sa Kanyang gawain, at hindi inilalarawan ayon sa Kanyang panlabas na anyo o iba pang mga kadahilanan.

Hinango mula sa “Ang Tiwaling Sangkatauhan ang Mas Nangangailangan ng Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Ang kasalukuyang gawaing panlulupig ay naglalayong ipakita ang magiging katapusan ng tao. Bakit Ko sinasabi na ang pagkastigo at paghatol ngayon ay ang paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw? Hindi mo ba nakikita ito? Bakit ang gawaing panlulupig ang huling yugto? Hindi ba ito ay upang tiyak na ipamalas kung anong klaseng katapusan ang sasapitin ng bawa’t uri ng tao? Hindi ba ito ay para hayaan ang lahat, sa pagpapatuloy ng gawaing panlulupig ng pagkastigo at paghatol, na ipakita ang kanilang tunay na mga kulay at sa gayon ay mapangkat ayon sa kanilang uri pagkatapos? Sa halip na sabihing ito ay panlulupig sa sangkatauhan, baka mas maiging sabihin na ipinapakita nito kung ano ang uri ng magiging katapusan para sa bawa’t uri ng tao. Ito ay tungkol sa paghatol sa mga kasalanan ng mga tao at pagkatapos ay paghahayag ng iba’t ibang uri ng tao, sa gayon ay pinagpapasyahan kung sila ay masama o matuwid. Matapos ang gawaing panlulupig, susunod naman ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagpaparusa sa masama. Ang mga tao na buung-buong sumusunod—ibig sabihin ang mga lubusang nalupig—ay ilalagay sa susunod na hakbang ng pagpapalaganap ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob; ang mga hindi nalupig ay ilalagay sa kadiliman at mahaharap sa kalamidad. Sa gayon, ang tao ay papangkatin ayon sa uri, ang mga gumagawa ng masama ay isasama sa masama, hindi na kailanman muling makakakita ng sikat ng araw, at ang mga matuwid ay isasama sa mabuti, upang tumanggap ng liwanag at mabuhay sa liwanag magpakailanman.

Hinango mula sa “Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Panlulupig (1)” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon