Alam nating lahat na mga Kristiyano na pinangako ng Diyos kay Abraham na magkakaro’n ‘yon ng anak na lalake sa kanyang pagtanda, at alam din nating pumayag si Abraham na isakripisyo si Isaak. Gayunpaman, sa huli, bukod sa hindi hinayaan ng Diyos na ialay ni Abraham ang kanyang anak, binigyan din siya ng maraming biyaya, na nagpahintulot sa kanyang mga inapo na maging dakilang mga bansa. Kung gano’n ano’ng maiintindihan natin mula sa nakamit ng Diyos kay Abraham?
May isang kwento sa Biblia: Pinangako ng Diyos na bibigyan Niya ng anak na lalake si Abraham kapag isandaang taong gulang na ‘yon. Kahit inakala ni Abraham na imposible ‘yon, tinupad ng Diyos ang pangako Niya at nagbigay nga Siya ng anak na lalake. Gayunpaman, nang lumaki ang anak ni Abraham, hiniling ng Diyos na ialay niya ang bata. Sinunod ni Abraham ang Diyos at walang pasubaling inilagay ang nag-iisa niyang anak sa altar. Gayunpaman, sa huli, bukod sa hindi hinayaan ng Diyos na ialay ni Abraham ang kanyang anak, binigyan din siya ng maraming biyaya, na nagpahintulot sa kanyang mga inapo na maging dakilang mga bansa. Kung gano’n ano’ng karunungan ang matututunan natin mula sa nakamit ng Diyos kay Abraham? Ngayon, gusto kong ibahagi sa lahat ang tungkol sa kung ano’ng nakamit ko sa pagbabasa ng kwentong ito.
Nakatala sa Biblia: “At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara ang magiging kaniyang pangalan. At akin siyang pagpapalain, at saka sa kaniya’y bibigyan kita ng anak: oo, siya’y aking pagpapalain, at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya. Nang magkagayo’y nagpatirapa si Abraham, at nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na?” (Genesis 17:15-17).
Sabi ng Diyos, “Nguni’t ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating” (Genesis 17:21).
“At si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalake kay Abraham sa kaniyang katandaan, sa tadhanang panahong sinabi ng Dios sa kaniya. At tinawag na Isaac ni Abraham ang ngalan ng kaniyang anak na ipinanganak sa kaniya, na siyang ipinanganak ni Sara” (Genesis 21:2-3).
Mula sa mga bersikulong ito makikita nating sinabi ng Diyos na bibigyan niya ng anak na lalake si Abraham, inisip ni Abraham na imposible ‘yon dahil lagpas na ang edad nila ni Sarah para sa pagkakaro’n ng anak. Pero sinabi ng Diyos, “Nguni’t ang aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating” (Genesis 17:21). At umayon nga sa mga salita ng Diyos ang katotohanan na nanganak ng lalake si Sarah. Mula rito nakita kong tapa tang Diyos, at hindi mauunawaan nating mga tao ang awtoridad ng Kanyang mga salita. Gaya nang likhain ng Diyos ang mundo, ginamit Niya ang salita para gawin ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon, at nagkatotoo agad ang bawat salitang sinabi Niya. Pero dahil kulang sa karanasan tayong mga tao at maliit ang pananampalataya natin sa Diyos, lagi tayong bumubuo ng paniwala tungkol sa mga salita ng Diyos. Gayon pa man, lahat ng gustong tapusin ng Diyos ay hindi maaapektuhan ng ating mga pagkaunawa. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Kung ano ang ginagawa o iniisip ng tao, kung ano ang nauunawaan ng tao, ang mga plano ng tao—wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos. Ang lahat ay nagpapatuloy ayon sa plano ng Diyos, alinsunod sa mga panahon at yugtong itinalaga Niya. Ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Ang Diyos ay hindi humahadlang sa kahit anong iniisip o nalalaman ng tao, ngunit hindi rin Niya tinatalikuran ang Kanyang plano, o iniiwan ang Kanyang gawain, dahil lamang sa hindi naniniwala o nakauunawa ang tao. Sa gayon, ang mga katunayan ay naisasagawa nang ayon sa plano at pag-iisip ng Diyos. Ito mismo ang nakikita natin sa Biblia: Ang Diyos ang dahilan kung bakit ipanganak si Isaac sa panahong itinakda Niya. Ang mga katunayan ba ay nagpapatunay na humahadlang sa gawain ng Diyos ang asal at pag-uugali ng tao? Hindi humadlang ang mga ito sa gawain ng Diyos! Ang maliit na pananampalataya ba ng tao sa Diyos, at ang kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos ay nakaapekto sa gawain ng Diyos? Hindi, walang naging epekto ang mga ito! Wala kahit maliit man lamang! Hindi naaapektuhan ng sinumang tao, o anumang bagay, o kapaligiran ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng Kanyang pinagpapasiyahang gawin ay makukumpleto at matatapos sa itinakda Niyang oras at nang naayon sa Kanyang plano, at ang Kanyang gawain ay hindi maaaring hadlangan ng sinumang tao. Binabalewala ng Diyos ang ilang aspeto ng kahangalan at kamangmangan ng tao, at maging ang ilang aspeto ng paglaban at kuru-kuro ng tao tungkol sa Kanya, at ginagawa Niya ang gawaing dapat Niyang gawin anuman ang nangyayari. Ito ang disposisyon ng Diyos, at ito ay nagpapakita ng Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat.” Mula sa siping ito makikita natin na nababasa ng Diyos ang puso ng tao. Alam Niyang gusto nating mga masamang tao na ituring ang mga salita mula sa Kanyang bibig na may tinatawag na likas na batas at ang ating mga pagkaunawa at imahinasyon. Pero hindi magbabago ang kapangyarihan Niya dahil sa mga imahinasyon at ideya natiin, at hindi mababago nino man o ng ano man ang mga bagay na itinalaga niyang matupad. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at higit pang isang larawan ng awtoridad ng Lumikha.
Gaya ng itinatala ng Biblia, “At sila’y dumating sa dakong sa kaniya’y sinabi ng Dios; at nagtayo si Abraham doon ng isang dambana, at inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kaniyang anak at inilagay sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy. At iniunat ni Abraham ang kaniyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kaniyang anak” (Genesis 22:9-10).
“Sa aking sarili ay sumumpa ako, ang sabi ni Jehova, sapagka’t ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak; Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagka’t sinunod mo ang aking tinig” (Genesis 22:16-18).
Makikita natin mula sa mga banal na kasulatan na sinunod ni Abraham ang Diyos na si Jehova at inalay ang kanyang anak para isakripisyo. Gayon pa man, hindi talaga hinayaan ng Diyos na patayin ni Abraham ang anak niya, pero sa halip ay pinangako sa kanyang ang mga inapo niya at magiging mga dakilang bansa. Bukod do’n, labis na pinahalagahan ng Diyos ang pagsunod ni Abraham. Sinabi ng Diyos, “Nang iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang sundang upang patayin ang kanyang anak, nakita ba ng Diyos ang kanyang mga pagkilos? Oo, nakita Niya. Ang buong proseso—mula sa simula, nang hingin ng Diyos kay Abraham na ialay si Isaac, hanggang sa aktwal na pagtaas ni Abraham ng kanyang sundang upang patayin ang kanyang anak—ay nagpakita sa Diyos ng puso ni Abraham, at anuman ang kanyang dating kahangalan, kamangmangan, at hindi pagkakaunawa sa Diyos, noong sandaling iyon, ang puso ni Abraham para sa Diyos ay totoo, at tapat, at tunay ngang ibabalik niya si Isaac, ang anak na ibinigay sa kanya ng Diyos, pabalik sa Diyos. Sa kanya, nakita ng Diyos ang pagsunod, ang mismong pagsunod na nais Niya.”
“Nang nagawang sundin ni Abraham ang hinihingi ng Diyos, nang kanyang ialay si Isaac, saka lamang tunay na naramdaman ng Diyos ang pagkakaroon ng katiyakan at pagsang-ayon sa sangkatauhan—tungo kay Abraham, na Kanyang hinirang. Saka lamang nakasiguro ang Diyos na ang taong ito na Kanyang hinirang ay isang hindi mababalewalang pinuno na maaaring magsagawa ng Kanyang pangako at ng Kanyang susunod na plano ng pamamahala. Kahit na ito ay isang pagsubok lamang, nasiyahan ang Diyos, naramdaman Niya ang pagmamahal ng tao sa Kanya, at nadama Niya ang kalinga ng tao na hindi Niya dating nadama.”
Mula sa mga bersikulong ito at sa mga salita ng Diyos sa taas, makikita nating lubos na sinunod ni Abraham ang mga salita ng Diyos. Tungkol sa mga kautusan ng Diyos, wala siyang ano mang reklamo o nagbigay ng ano mang dahilan. Sa halip, lubos niyang sinunod at walang pasubaling ibinalik sa Diyos ang mahal niyang si Isaak. Kahit maliit lang ang pananalig ni Abraham nung simula at may pag-aalinlangan tungkol sa mga salita na bibigyan siya ng Diyos ng anak na lalake, hindi naging mabusisi sa kanya ang Diyos. Pagkatapos, nang lumaki na si Isaak, dumating ang pagsubok ng Diyos kay Abraham. Ang intensyon ng Diyos ay ang suriin ang pananampalataya ni Abraham sa Kanya at kumpirmahin kung angkop ba ‘yong maging pinuno na makakapagsagawa sa Kanyang planong pamamahala. Pero hindi alam ni Abraham ang mga bagay na gustong gawin ng Diyos. Pinanatili niya lang ang pagiging masunurin; iginapos niya si Isaak, inialay ‘yon bilang isang sakripisyo para masunod ang mga hinihiling ng Diyos. Kung sinusubok tayo ng Diyos sa ganitong paraan, maaaring sisihin o makipagtalo ang bawat isa sa atin sa Diyos. Pero nung oras na ‘yon hindi nagreklamo si Abraham o nakipagtalo sa Diyos, sinabing “Nang hindi ko inasahang magkakaro’n ako ng anak na lalake sa aking pagtanda, ibinigay ng Diyos sa akin si Isaak, pero matapos ang isang dosenang taon, hiniling ng Diyos na ialay ko si Isaak. Dahil hiniling ng Diyos na gawin ko ‘yon ngayon, bakit binigay niya pa sa ‘kin si Isaak sa simula pa lang?” Nakita ng Diyos ang kanyang katapatan nang ialay niya si Isaak. Sa panahong ‘yon kung saan walang nakikinig sa mga salita ng Diyos o nakakakilala sa Diyos, kahanga-hanga ang katapatan ni Abraham. Sa dahilang ito, naaliw ang Diyos kaya binigyan niya si Abraham ng lalong malalaking biyaya, na nagpahintulot sa kanyang mga inapo na maging mga dakilang bansa.
Sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa kung ano’ng nakamit ng Diyos kay Abraham, makikita natin ang dakilang kapangyarihan ng Diyos at malalaman kung ano’ng klaseng mga tao ang pinagpapala ng Diyos. Kaya, kung nais nating makamit ang mga biyaya ng Diyos ngayon, dapat sundin nating tunay ang lahat ng mga pagsasaayos ng Diyos at hindi tayo dapat humiling ngunit buong-pusong pasayahin ang Diyos.
Gayon pa man, marami sa atin ang hindi kayang makamit ito. Halimbawa, sasabihin natin sa iba ang biyaya ng Diyos, laging kukamanta ng mga awiting papuri sa Diyos, nagdarasal sa Diyos, at nagpapasalamat sa Diyos kapag lubos na mapayapa ang mga tahanan natin at maayos ang mga trabaho natin. Pero kapag kabaligtaran do’n ang sitwasyon natin, hindi natin mauunawaan ang Panginoon at makakaramdam tayo ng galit sa ating mga puso, “Bakit hindi nagmalasakit sa akin ang Panginoon at hindi pinanatiling ligtas ang pamilya ko? Bakit nangyari sa ‘kin ang ganitong mga kasawian?” Kapag nagdurusa ang ilan sa atin sa mga pagpapahirap ng karamdaman at pag hindi ‘yon gumagaling kahit nagdarasal tayo sa Diyos, nawawalan tayo ng pananalig sa Diyos, ayaw nang kumanta ng mga himno at dumalo sa mga pagtitipon, wala nang ganang magbasa ng Biblia. Minsan ’pag hinihiling sa ’tin ng Diyos na ilaan ang ating mga sarili para sa Kanya, na ibig sabihin ay maglalaan tayo ng mas maraming oras sa iglesia at mas kaunting oras sa ating laman at mga pamilya, kailangang lubos tayong sumunod, ialay ang sarili natin sa Kanya, at hindi magbigay ng mga kondisyon sa Kanya. Gayon pa man, madalas hindi tayo payag na ilaan ang ating sarili sa Diyos at inuuna natin ang sarili nating mga interes, at naglalagay ng mga tuntunin sa Diyos, sinasabing kailangang bayaran tayo ng Panginoon dahil sa ginagawa natin para sa Kanya…. Pag ganito ang ugali natin, pa’no tayo magiging angkop para magkamit ng biyaya ng Diyos? Nung oras na ‘yon hindi sinunod ni Abraham ang pagsasaayos ng Diyos para matanggap ang biyaya Niya. Hindi siya humingi sa Diyos, gusto niya lang pasayahin ang Diyos. Kaya, dapat tularan natin si Abraham. Tanging sa unti-unting pagsasanay lang ng paraang ito, pagbibigay ng ating mga tunay na puso sa Diyos, at pagtayo sa tabi Niya at paghahangad na mapasaya Siya sa lahat kahit pa sinusubok Niya tayo, tayo magiging angkop na magmana sa mga biyaya Niya. Gaya ng sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong bibiyayaan.”
Ito ang lahat ng mga nakamit ko mula sa pagbabasa ng kwento ni Abraham. Sana makapagbigay ito ng tulong sa mga kapatid sa Panginoon sa pagkilala sa awtoridad ng Diyos, sa mga prinsipyo ng Kanyang pagpapala sa tao, at kung pa’no tayo kikilos para makamit ang papuri ng Panginoon.
Matuto nang higit pa sa pahina Abraham: