Narinig ni Job ang Diyos sa Pamamagitan ng Pagdinig ng Tainga (Unang Bahagi)
Job 9:11 Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, ngunit hindi ko Siya namamataan.
Job 23:8–9 Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya roon; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya.
Job 42:2–6 Nalalaman ko na magagawa Mo ang lahat ng mga bagay, at wala Kang saloobin na mapipigil. Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya’t aking sinambit na hindi ko nauunawa; mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman. Dinggin Mo, isinasamo ko sa Iyo, at ako’y magsasalita; ako’y magtatanong sa Iyo, at magpahayag Ka sa akin. Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig: ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.
Bagama’t Hindi Ibinunyag ng Diyos ang Sarili Niya kay Job, si Job ay Naniniwala sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos
Ano ang isinusulong ng mga salitang ito? Nakikita ba ninyo na may isang katunayan dito? Una, paano nalaman ni Job na may Diyos? At paano niya nalaman na ang mga langit at lupa at lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng Diyos? Narito ang isang sipi na sumasagot sa dalawang katanungang ito: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig: ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.” Mula sa mga salitang ito ay nalaman natin, na sa halip na makita ang Diyos sa kanyang sariling mga mata, natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos mula sa alamat. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, siya ay nagsimulang lumakad sa landas ng pagsunod sa Diyos, matapos nito ay nakumpirma niya ang pag-iral ng Diyos sa kanyang buhay, at sa lahat ng bagay. May isang hindi maikakailang katunayan dito—at ano ang katunayang iyon? Sa kabila ng kakayahang sundin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos. Dito, hindi ba siya kapareho ng mga tao sa ngayon? Hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos, ipinapahiwatig nito na bagama’t narinig niya ang tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang katulad ng Diyos, o kung ano ang ginagawa ng Diyos. Lahat ng mga ito ay mga pansariling kadahilanan; sa isang walang kinikilingang pananalita, bagama’t sinunod niya ang Diyos, ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya o nakipag-usap sa kanya. Hindi ba ito isang katunayan? Kahit na hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job o kaya ay nagbigay sa kanya ng anumang utos, nakita ni Job ang pag-iral ng Diyos, at napagmasdan niya ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa gitna ng lahat ng bagay at sa mga alamat kung saan natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, at pagkatapos nito ay sinimulan niya ang buhay na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Ganito ang simula at proseso kung paano sumunod si Job sa Diyos. Ngunit kahit gaano siya natakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, kahit gaano niya panghawakan ang kanyang integridad, hindi pa rin kailanman nagpakita ang Diyos sa kanya. Basahin natin ang siping ito. Sinabi niya, “Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, ngunit hindi ko Siya namamataan” (Job 9:11). Ang sinasabi ng mga salitang ito ay maaaring nadama ni Job ang Diyos sa paligid niya o maaari ring hindi—ngunit hindi niya kailanman nakita ang Diyos. Nagkaroon ng mga oras kung saan naisip niya na dumaraan ang Diyos sa harap niya, o kumikilos, o pinapatnubayan ang tao, ngunit hindi niya kailanman nalaman. Ang Diyos ay darating sa tao kapag hindi niya ito inaasahan; hindi alam ng tao kung kailan darating ang Diyos sa kanya, o kung saan Siya darating sa kanya, sapagkat hindi nakikita ng tao ang Diyos, at sa gayon, para sa tao, nakatago ang Diyos mula sa kanya.
Ang Pananampalataya ni Job sa Diyos ay Hindi Nayayanig ng Katunayan na ang Diyos ay Nakatago sa Kanya
Sa sumusunod na sipi ng kasulatan, nagsabi si Job, “Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya roon; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya” (Job 23:8–9). Sa salaysay na ito, nalalaman natin na sa buong karanasan ni Job, ang Diyos ay nakatago sa kanya; ang Diyos ay hindi lantarang nagpakita sa kanya, at hindi rin Siya lantarang nangusap ng anumang salita sa kanya, gayunman sa kanyang puso, si Job ay may tiwala sa pag-iral ng Diyos. Palagi siyang naniniwala na ang Diyos ay maaaring naglalakad sa harap niya, o maaaring kumikilos sa kanyang tabi, at kahit na hindi niya nakikita ang Diyos, ang Diyos ay nasa tabi niya, pinamamahalaan ang lahat tungkol sa kanya. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, ngunit nagawa niyang manatiling totoo sa kanyang pananampalataya, na walang ibang taong nakagawa. Bakit hindi ito magawa ng ibang tao? Ito ay dahil sa hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job, o nagpakita sa kanya, at kung siya ay hindi tunay na naniwala, hindi niya magagawang magpatuloy, o mananatili sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Hindi ba ito totoo? Ano ang nararamdaman mo kapag nababasa mo na sinasabi ni Job ang mga salitang ito? Nararamdaman mo ba na totoo ang pagka-perpekto at pagkamatuwid ni Job, at ang kanyang pagkamakatuwiran sa harap ng Diyos, at na hindi ito isang kalabisan sa panig ng Diyos? Kahit na itinuring ng Diyos si Job katulad ng pagturing Niya sa ibang tao, at hindi nagpakita o nakipag-usap sa kanya, naging matatag pa rin si Job sa kanyang katapatan, naniwala pa rin siya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at, bukod pa rito, madalas siyang nag-alay ng mga sinusunog na handog at nanalangin sa harap ng Diyos bilang bunga ng kanyang takot na magkasala sa Diyos. Sa kakayahan ni Job na magkaroon ng takot sa Diyos nang hindi pa nakikita ang Diyos, nakikita natin kung gaano niya kamahal ang mga positibong bagay, at kung gaano katatag at katotoo ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ikinaila na may Diyos dahil ang Diyos ay nakatago mula sa kanya, at hindi nawala ang kanyang pananampalataya at hindi niya itinakwil ang Diyos dahil hindi pa niya kailanman nakita ang Diyos. Sa halip, sa gitna ng mga nakatagong gawain ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, natanto niya ang pag-iral ng Diyos, at nadama ang kataas-taasang kapangyarihan at lakas ng Diyos. Hindi niya isinuko ang pagiging matuwid dahil ang Diyos ay nakatago, at hindi rin niya itinakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan dahil ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya. Hindi kailanman hiningi ni Job na lantarang magpakita ang Diyos sa kanya upang patunayan ang Kanyang pag-iral, dahil nakita na niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at naniwala siya na natanggap niya ang mga pagpapala at biyaya na hindi nakamit ng iba. Bagama’t ang Diyos ay nanatiling nakatago sa kanya, ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi kailanman nayanig. Kaya, inani niya ang hindi pa nakukuha ng iba: Ang pagsang-ayon ng Diyos at pagpapala ng Diyos.
Pinupuri ni Job ang Pangalan ng Diyos at Hindi Iniisip ang mga Pagpapala o Kapahamakan
May isang katunayan na hindi kailanman tinutukoy sa mga kuwento ni Job sa Kasulatan, at ito ang magiging paksa natin ngayon. Kahit na hindi pa kailanman nakikita ni Job ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos sa kanyang sariling mga tainga, ang Diyos ay may lugar sa puso ni Job. Ano ang saloobin ni Job sa Diyos? Ito ay, tulad ng tinukoy natin dati, “purihin ang pangalan ni Jehova.” Ang kanyang pagpapala sa pangalan ng Diyos ay walang kondisyon, walang kinalaman sa konteksto, at hindi nakatali sa anumang dahilan. Nakikita natin na ibinigay ni Job ang kanyang puso sa Diyos, pinahintulutan niya na pamahalaan ito ng Diyos; lahat ng inisip niya, lahat ng pagpapasya niya, at lahat ng binalak niya sa kanyang puso ay inilatag sa Diyos at hindi itinago mula sa Diyos. Ang kanyang puso ay hindi sumalungat sa Diyos, at hindi niya kailanman hiningi sa Diyos na gawin ang kahit na ano para sa kanya o ibigay ang anumang bagay, at hindi siya nagtanim ng mga marangyang hangarin na may makukuha siyang anumang bagay mula sa kanyang pagsamba sa Diyos. Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o hinagupit ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapamalas ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at sumunod sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, at hindi rin niya narinig ang Diyos na nagsalita ng anumang salita, nagbigay ng anumang utos, nagbigay ng anumang aral, o nagbigay ng tagubilin sa kanya tungkol sa kahit na ano. Sa kasalukuyang pananalita, upang magtaglay siya ng ganoong kaalaman at saloobin sa Diyos kahit na ang Diyos ay walang naibigay sa kanya na kaliwanagan, patnubay, o anumang kaloob patungkol sa katotohanan—ito ay mahalaga, at ang pagpapakita niya ng mga ganitong bagay ay sapat na para sa Diyos, at ang kanyang patotoo ay pinuri at itinangi ng Diyos. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos o kaya ay narinig Siya na personal na nagbigay ng anumang aral sa kanya, ngunit sa Diyos, ang kanyang puso at siya mismo ay higit na mas mahalaga kaysa sa mga tao, na nasa harap ng Diyos, ay kaya lamang magsalita ng malalalim na teorya, na kaya lamang magmalaki, at magsalita tungkol sa pag-aalay ng mga handog, ngunit hindi kailanman nagkaroon ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos, at hindi kailanman tunay na natakot sa Diyos. Dahil ang puso ni Job ay dalisay, at hindi lingid sa Diyos, at ang kanyang pagkatao ay tapat at mabait, at mahal niya ang katarungan at ang lahat ng positibo. Tanging ang tao na kagaya nito na may taglay na ganitong uri ng puso at pagkatao ang nakasunod sa daan ng Diyos, at kayang magkaroon ng takot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Ang ganitong tao ay maaaring makakita sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, maaaring makakita sa Kanyang awtoridad at kapangyarihan, at nagawang makamit ang pagsunod sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos. Tanging ang taong ganito lamang ang maaaring tunay na makapagbigay ng papuri sa pangalan ng Diyos. Ito ay dahil sa hindi siya tumingin kung siya man ay pagpapalain ng Diyos o padadalhan ng kapahamakan, dahil alam niya na ang lahat ay pinamamahalaan ng kamay ng Diyos, at para sa tao, ang pag-aalala ay isang tanda ng kahangalan, kamangmangan, at kawalan sa katwiran, ng pag-aalinlangan sa katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at ng kawalan ng takot sa Diyos. Ang kaalaman ni Job ang siya mismong ninais ng Diyos. Dahil dito, si Job ba ay may higit na maraming teoretikal na kaalaman tungkol sa Diyos kung ihahambing sa inyo? Dahil ang gawain at mga pagbigkas ng Diyos noong mga panahong iyon ay kakaunti lamang, hindi madaling makamit ang kaalaman tungkol sa Diyos. Ang ganitong nagawa ni Job ay hindi madaling gawin. Hindi niya naranasan ang gawain ng Diyos, o narinig na nagsalita ang Diyos, o nakita ang mukha ng Diyos. Ang pagkakaroon niya ng ganitong saloobin sa Diyos ay ganap na bunga ng kanyang pagkatao at ng kanyang mga personal na paghahangad, isang pagkatao at paghahangad na hindi taglay ng mga tao sa ngayon. Dahil dito, sa panahong iyon, sinabi ng Diyos, “Walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalaki.” Sa kapanahunang iyon, ang Diyos ay nakagawa na ng ganitong pagsusuri sa kanya, at nagkaroon ng ganitong konklusyon. Gaano pa ito mas magiging totoo sa kasalukuyan?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II