Paano Pinamamahalaan at Pinangangasiwaan ng Diyos ang Espirituwal na Mundo: Ang Siklo ng Buhay at Kamatayan ng mga Alagad ng Diyos
Sumunod, pag-usapan natin ang siklo ng buhay at kamatayan ng mga sumusunod sa Diyos. May kaugnayan ito sa inyo, kaya makinig kayo: Una, pag-isipan kung paano makakategorya ang mga alagad ng Diyos. (Ang mga hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi.) Mayroon nga palang dalawa: Ang mga hinirang ng Diyos, at ang mga tagasilbi. Una, pag-usapan natin ang mga hinirang ng Diyos, na iilan lamang. Sino ang tinutukoy na “mga hinirang ng Diyos”? Matapos likhain ng Diyos ang lahat ng bagay at umiral ang sangkatauhan, pumili ang Diyos ng isang grupo ng mga tao na susunod sa Kanya; tinatawag lamang silang “hinirang ng Diyos.” May espesyal na saklaw at kabuluhan sa pagpili ng Diyos sa mga taong ito. Ang saklaw ay espesyal dahil limitado ito sa iilang pinili, na kailangang pumarito kapag gumagawa Siya ng mahalagang gawain. At ano ang kabuluhan nito? Dahil sila ay isang grupong pinili ng Diyos, malaki ang kabuluhan. Ibig sabihin, nais ng Diyos na gawing ganap ang mga taong ito, at gawin silang perpekto, at kapag natapos na ang Kanyang gawain ng pamamahala, matatamo Niya ang mga taong ito. Hindi ba malaki ang kabuluhang ito? Sa gayon, ang mga hinirang na ito ay malaki ang kahalagahan sa Diyos, sapagkat sila yaong mga layon ng Diyos na matamo. Tungkol naman sa mga tagasilbi, magpahinga muna tayo sandali mula sa paksang pagtatalaga ng Diyos, at pag-usapan muna natin ang mga pinagmulan nila. Ang literal na kahulugan ng “tagasilbi” ay isang taong nagsisilbi. Yaong mga nagsisilbi ay pansamantala; hindi sila pangmatagalan o pangwalang-hanggan, kundi inupahan o kinalap nang pansamantala. Ang pinagmulan ng karamihan sa kanila ay na sila ay pinili mula sa mga hindi mananampalataya. Pumarito sila sa lupa noong iutos na gaganap sila sa papel ng mga tagasilbi sa gawain ng Diyos. Maaaring naging mga hayop sila sa nakaraan nilang buhay, ngunit maaari din silang naging mga hindi mananampalataya. Gayon ang mga pinagmulan ng mga tagasilbi.
Magbalik tayo sa mga taong hinirang ng Diyos. Kapag sila ay namatay, nagpupunta sila sa isang lugar na ganap na iba ang lokasyon kaysa kinaroroonan ng mga hindi mananampalataya at ng iba-ibang taong may pananampalataya. Ito ay isang lugar kung saan ay sinasamahan sila ng mga anghel at ng mga sugo ng Diyos; ito ay isang lugar na personal na pinangangasiwaan ng Diyos. Kahit hindi namamasdan ng mga taong hinirang ng Diyos sa kanilang sariling mga mata ang Diyos sa lugar na ito, hindi ito kagaya ng anumang iba pang lugar sa espirituwal na dako; ibang lokasyon ito, kung saan pupunta ang bahaging ito ng mga tao pagkamatay nila. Kapag namatay sila, ipapailalim din sila sa isang mahigpit na pagsisiyasat ng mga sugo ng Diyos. At ano ang sinisiyasat? Sinisiyasat ng mga sugo ng Diyos ang mga landas na natahak ng mga taong ito sa buong buhay nila sa kanilang paniniwala sa Diyos, nilabanan man nila ang Diyos o hindi o isinumpa Siya noon, at nakagawa man sila o hindi ng mabibigat na kasalanan o kasamaan. Sasagutin ng pagsisiyasat na ito ang tanong kung papayagang manatili ang isang partikular na tao o kailangang paalisin. Ano ang kahulugan ng “paalisin”? At ano ang kahulugan ng “manatili”? Ang ibig sabihin ng “paalisin” ay kung, batay sa kanilang pag-uugali, sila ay mananatili sa mga ranggo ng mga hinirang ng Diyos; ang ibig sabihin ng mapayagang “manatili” ay na maaari silang manatiling kasama ng mga taong gagawing ganap ng Diyos sa mga huling araw. Para sa mga mananatili, may espesyal na mga plano ang Diyos. Sa bawat panahon ng Kanyang gawain, isusugo ng Diyos ang gayong mga tao upang gumanap bilang mga apostol o isagawa ang gawaing muling buhayin o pangalagaan ang mga iglesia. Gayunman, ang mga taong may kakayahang gawin iyon ay hindi nagkakaroong muli ng katawan na kasindalas ng mga hindi mananampalataya, na isinisilang na muli sa paglipas ng mga henerasyon; sa halip, ibinabalik sila sa lupa alinsunod sa mga kinakailangan at hakbang ng gawain ng Diyos, at hindi sila madalas na nagkakaroong muli ng katawan. Kaya mayroon bang anumang mga panuntunan kapag sila ay nagkakaroong muli ng katawan? Dumarating ba sila nang minsan kada ilang taon? Dumarating ba sila nang gayon kadalas? Hindi. Batay itong lahat sa gawain ng Diyos, sa mga hakbang nito at sa Kanyang mga pangangailangan, at walang nakatakdang mga panuntunan. Ang tanging panuntunan ay na kapag ginagawa ng Diyos ang huling yugto ng Kanyang gawain sa mga huling araw, ang mga taong hinirang na ito ay magdaratingang lahat, at ang pagdating na ito ang kanilang magiging huling pagkakaroong muli ng katawan. At bakit ganoon? Batay ito sa kailangang makamit na kahihinatnan sa panahon ng huling yugto ng gawain ng Diyos—sapagkat sa panahong ito ng huling yugto ng gawain, gagawing ganap ng Diyos ang lahat ng taong hinirang na ito. Ano ang ibig sabihin nito? Kung, sa huling bahaging ito, ginagawang ganap at perpekto ang mga taong ito, hindi sila magkakaroong muli ng katawan na tulad ng dati; ang proseso ng pagiging tao ay lubos nang matatapos, gayundin ang proseso ng pagkakaroon nilang muli ng katawan. May kaugnayan ito roon sa mga mananatili. Kaya saan mapupunta yaong mga hindi maaaring manatili? Yaong mga hindi pinapayagang manatili ay mayroong sarili nilang angkop na patutunguhan. Una sa lahat, dahil sa kanilang masasamang gawain, mga pagkakamaling nagawa nila, at mga kasalanang nagawa nila, sila man ay parurusahan. Kapag naparusahan na sila, gagawa ng mga plano ang Diyos para ipadala sila sa mga hindi mananampalataya kung nababagay sa sitwasyon, o kaya naman ay nagpaplanong mapunta sila sa iba-ibang taong may pananampalataya. Ibig sabihin, mayroong dalawang posibleng kahihinatnan para sa kanila: Ang isa ay ang maparusahan at marahil ay mamuhay sa piling ng mga tao ng isang relihiyon matapos silang magkaroong muli ng katawan, at ang isa pa ay ang maging mga hindi mananampalataya. Kung sila ay maging mga hindi mananampalataya, mawawala sa kanila ang lahat ng pagkakataon; gayunman, kung sila ay magiging mga taong may pananampalataya—kung sila, halimbawa, ay naging mga Kristiyano—magkakaroon pa rin sila ng pagkakataong magbalik sa mga ranggo ng mga taong hinirang ng Diyos; may napakakumplikadong mga relasyon dito. Sa madaling salita, kung may nagawang isang bagay ang isa sa mga taong hinirang ng Diyos na nakasakit sa Diyos, parurusahan sila na kagaya ng lahat ng iba pa. Ipaghalimbawa natin si Pablo, na nauna nating pinag-usapan. Si Pablo ay isang halimbawa ng isang taong pinarusahan. May nakukuha ba kayong ideya tungkol sa Aking sinasabi? Permanente ba ang saklaw ng mga hinirang ng Diyos? (Oo, karamihan.) Karamihan dito ay permanente, ngunit may kaunting bahagi rito na hindi permanente. Bakit ganoon? Dito ay tinukoy Ko na ang pinakamalinaw na dahilan: paggawa ng masama. Kapag ang mga tao ay nakagawa ng kasamaan, ayaw sa kanila ng Diyos, at kapag ayaw sa kanila ng Diyos, itinatapon Niya sila sa iba-ibang lahi at uri ng mga tao. Iniiwan sila nito na walang pag-asa at nagiging mahirap para sa kanila ang makabalik. Lahat ng ito ay may kaugnayan sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga hinirang ng Diyos.
Ang sumunod na paksang ito ay nauugnay sa siklo ng buhay at kamatayan ng mga tagasilbi. Katatalakay pa lamang natin sa mga pinagmulan ng mga tagasilbi; ibig sabihin, ang katotohanan na nagkaroon silang muli ng katawan pagkatapos maging mga hindi mananampalataya at mga hayop sa nauna nilang buhay. Sa pagdating ng huling yugto ng gawain, pumili na ang Diyos ng isang grupo ng gayong mga tao mula sa mga hindi mananampalataya, at ang grupong ito ay espesyal. Ang layunin ng Diyos sa pagpili sa mga taong ito ay para magsilbi sila sa Kanyang gawain. Ang “pagsisilbi” ay isang salitang di-gaanong magandang pakinggan, ni hindi ito naaayon sa mga naisin ng lahat, ngunit dapat nating tingnan kung kanino ito nakatuon. Ang pag-iral ng mga tagasilbi ng Diyos ay may espesyal na kabuluhan. Wala nang iba pang maaaring gumanap sa kanilang papel, sapagkat pinili sila ng Diyos. At ano ang papel ng mga tagasilbing ito? Iyon ay para magsilbi sa mga hinirang ng Diyos. Kadalasan, ang papel nila ay magsilbi sa gawain ng Diyos, makipagtulungan dito, at tumulong sa Diyos sa paggawang ganap ng Kanyang mga hinirang. Nagtratrabaho man sila, nagsasagawa ng isang aspeto ng gawain, o gumaganap sa ilang tungkulin, ano ang kinakailangan ng Diyos sa mga tagasilbing ito? Mapaghanap ba Siyang masyado sa mga kinakailangan Niya sa kanila? (Hindi, hinihiling lamang Niya na maging tapat sila.) Ang mga tagasilbi ay kailangan ding maging tapat. Ano man ang iyong mga pinagmulan o bakit pinili ka ng Diyos, kailangan mong maging tapat sa Diyos, sa anumang mga tagubiling ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos, at sa gawaing responsibilidad mo at sa mga tungkuling ginagampanan mo. Para sa mga tagasilbing may kakayahang maging tapat at magpalugod sa Diyos, ano ang kanilang kahihinatnan? Magagawa nilang manatili. Isang pagpapala ba ang maging isang tagasilbi na nananatili? Ano ang kahulugan ng manatili? Ano ang kabuluhan ng pagpapalang ito? Sa katayuan, parang hindi sila kagaya ng mga hinirang ng Diyos; parang iba sila. Ngunit sa katunayan, hindi ba kagaya ng sa mga hinirang ng Diyos ang tinatamasa nila sa buhay na ito? Kahit paano, magkapareho iyon sa buhay na ito. Hindi ninyo ito ikinakaila, hindi ba? Mga pagbigkas ng Diyos, biyaya ng Diyos, panustos ng Diyos, mga pagpapala ng Diyos—sino ang hindi nagtatamasa ng mga bagay na ito? Lahat ay nagtatamasa ng gayong kasaganaan. Ang identidad ng isang tagasilbi ay isang taong nagsisilbi, ngunit para sa Diyos, isa lamang sila sa lahat ng bagay na Kanyang nilikha; kaya lamang ang papel nila ay tagasilbi. Dahil kapwa sila mga nilalang ng Diyos, may pagkakaiba ba sa pagitan ng isang tagasilbi at ng isa sa mga hinirang ng Diyos? Sa totoo lang, wala. Kung tutuusin, may pagkakaiba; sa diwa at sa papel na ginagampanan nila, may pagkakaiba—ngunit patas ang pagtrato ng Diyos sa grupo ng mga taong ito. Kaya bakit inilalarawan ang mga taong ito bilang mga tagasilbi? Kailangan ninyong magkaroon ng kaunting pagkaunawa rito! Ang mga tagasilbi ay nagmumula sa mga hindi mananampalataya. Kapag binanggit natin na sila ay nagmumula sa mga hindi mananampalataya, malinaw na iisa ang masamang pinagmulan nila: Mga ateista silang lahat, at ganoon din sila noong araw; hindi sila naniwala sa Diyos, at galit sila sa Kanya, sa katotohanan, at sa lahat ng positibong bagay. Hindi sila naniwala sa Diyos o sa Kanyang pag-iral. Sa gayon, kaya ba nilang unawain ang mga salita ng Diyos? Makatarungang sabihin na kahit paano, hindi. Tulad lamang ng mga hayop na hindi kayang unawain ang mga salita ng tao, hindi nauunawaan ng mga tagasilbi ang sinasabi ng Diyos, ang Kanyang kinakailangan, o bakit Niya hinihingi ang gayong mga bagay. Hindi nila nauunawaan; hindi nila maintindihan ang mga bagay na ito, at nananatili silang nalalabuan. Dahil dito, hindi taglay ng mga taong ito ang buhay na ating napag-usapan. Kung walang buhay, mauunawaan ba ng mga tao ang katotohanan? Nasasangkapan ba sila ng katotohanan? May karanasan at kaalaman ba sila tungkol sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Gayon ang mga pinagmulan ng mga tagasilbi. Gayunman, yamang ginagawa ng Diyos na mga tagasilbi ang mga taong ito, may mga pamantayan pa rin sa Kanyang mga ipinagagawa sa kanila; hindi Niya sila hinahamak, ni hindi Siya padalus-dalos sa kanila. Bagama’t hindi nila naiintindihan ang Kanyang mga salita at wala silang buhay, mabait pa rin ang Diyos sa kanila, at mayroon pa ring mga pamantayan pagdating sa Kanyang mga kinakailangan sa kanila. Kababanggit pa lamang ninyo sa mga pamantayang ito: Maging tapat sa Diyos at gawin ang Kanyang sinasabi. Sa iyong pagsisilbi, kailangan mong magsilbi kung saan kailangan, at kailangan mong magsilbi hanggang sa pinakahuli. Kung kaya mong maging tapat na tagasilbi, kung kaya mong magsilbi hanggang sa pinakahuli at kaya mong tuparin ang tagubiling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, magiging makatuturan ang buhay mo. Kung kaya mong gawin ito, magagawa mong manatili. Kung magsisikap ka pa nang kaunti, kung higit kang magsusumikap, kung madodoble mo ang iyong mga pagpupunyaging makilala ang Diyos, kung makapagsasalita ka nang kaunti tungkol sa pagkilala sa Diyos, kung makapagpapatotoo ka sa Kanya, at, bukod pa riyan, kung mauunawaan mo nang kaunti ang Kanyang kalooban, kung kaya mong makipagtulungan sa gawain ng Diyos, at kaya mong isaisip nang kaunti ang mga layon ng Diyos, bilang isang tagasilbi, magbabago ang iyong kapalaran. At ano ang magiging pagbabagong ito sa kapalaran? Hindi ka na basta mananatili lamang. Depende sa iyong kilos at iyong personal na mga mithiin at hangarin, gagawin ka ng Diyos na isa sa mga hinirang. Ito ang magiging pagbabago sa iyong kapalaran. Para sa mga tagasilbi, ano ang pinakamabuting bagay tungkol dito? Iyon ay na maaari silang maging hinirang ng Diyos. Kung maging gayon sila, ibig sabihin ay hindi na sila magkakaroong muli ng katawan bilang mga hayop na tulad ng mga hindi mananampalataya. Mabuti ba iyon? Oo, at magandang balita rin iyon: Ibig sabihin, maaaring hubugin ang mga tagasilbi. Hindi totoo na para sa isang tagasilbi, kapag naitalaga na ng Diyos na magsilbi sila, gagawin nila iyon magpakailanman; hindi naman kailangang magkaganoon. Pamamahalaan at tutugunan sila ng Diyos sa isang paraan na akma sa indibiduwal na kilos ng taong ito.
Gayunman, may mga tagasilbi na hindi nagagawang magsilbi hanggang sa pinakahuli; mayroong mga sumusuko, sa kanilang pagsisilbi, sa kalagitnaan at tumatalikod sa Diyos, at may mga tao ring nakakagawa ng maraming pagkakamali. Mayroon pa ngang mga nagsasanhi ng matinding pinsala at nagdudulot ng malalaking kawalan sa gawain ng Diyos, at may mga tagasilbi pa nga na isinusumpa ang Diyos at iba pa. Ano ang ipinahihiwatig ng mga bungang ito na wala nang remedyo? Anumang gayong masasamang kilos ay magpapahiwatig ng pagtatapos ng kanilang pagsisilbi. Dahil ang iyong kilos sa iyong pagsisilbi ay lubhang hindi naging maganda at dahil nagmalabis ka na, kapag nakita ng Diyos na hindi tumutugon sa pamantayan ang iyong pagsisilbi, tatanggalan ka Niya ng iyong karapatang magsilbi. Hindi ka na Niya tutulutang magsilbi; paaalisin ka Niya mula sa Kanyang harapan mismo at mula sa tahanan ng Diyos. Ayaw mo ba talagang magsilbi? Hindi mo ba palaging gustong gumawa ng masama? Hindi ka ba palaging hindi tapat? Kung gayon, may isang madaling solusyon: Tatanggalan ka ng iyong karapatang magsilbi. Para sa Diyos, ang tanggalan ng karapatang magsilbi ang isang tagasilbi ay nangangahulugan na naipahayag na ang katapusan ng tagasilbing ito, at hindi na sila magiging karapat-dapat na magsilbi sa Diyos. Hindi na kakailanganin pa ng Diyos ang pagsisilbi ng taong ito, at anumang magagandang bagay ang sabihin nila, mawawalan ng kabuluhan ang mga salitang iyon. Kapag nakarating sa puntong ito ang mga bagay-bagay, nawalan na ng remedyo ang sitwasyon; wala nang paraan ang mga tagasilbing kagaya nito para makabalik. At paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tagasilbing katulad nito? Basta na lamang ba Niya sila pinatitigil sa pagsisilbi? Hindi. Basta na lamang ba Niya sila pinipigilang manatili? O, isinasantabi ba Niya sila sa isang sulok at hinihintay na pumihit sila? Hindi. Hindi talaga gaanong mapagmahal ang Diyos pagdating sa mga tagasilbi. Kung ganito ang pag-uugali ng isang tao sa kanilang pagsisilbi sa Diyos, ang Diyos, dahil sa pag-uugaling ito, ay tatanggalan sila ng kanilang karapatang magsilbi, at minsan pa silang itatapon pabalik sa mga hindi mananampalataya. At ano ang kapalaran ng isang tagasilbi na itinapon na pabalik sa mga hindi mananampalataya? Kapareho ng sa mga hindi mananampalataya: Magkakaroon silang muli ng katawan bilang hayop at tatanggap ng kaparehong parusa bilang isang hindi mananampalataya sa espirituwal na mundo. Bukod pa riyan, hindi magkakaroon ng personal na interes ang Diyos sa kaparusahan ng taong ito, sapagkat wala nang anumang kaugnayan ang gayong tao sa gawain ng Diyos. Hindi lamang ito ang katapusan ng kanilang buhay sa pananampalataya sa Diyos, kundi katapusan din ng sarili nilang kapalaran, at pagpapahayag din ng kanilang kapalaran. Kaya, kung hindi maganda ang pagsisilbi ng mga tagasilbi, kakailanganin nilang tiisin ang mga bunga nang mag-isa. Kung ang isang tagasilbi ay hindi kayang magsilbi hanggang sa pinakahuli, o tinanggalan ng karapatan nilang magsilbi sa kalagitnaan, itatapon sila sa mga hindi mananampalataya—at kapag nangyari ito, pakikitunguhan ang taong ito na kapareho ng ginagawa sa mga alagaing hayop, kapareho ng mga taong walang isip o pagkamakatwiran. Kapag sinasabi Ko ito sa ganyang paraan, nauunawaan ninyo, hindi ba?
Ang nabanggit sa itaas ay kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang siklo ng buhay at kamatayan ng Kanyang mga hinirang at ng mga tagasilbi. Matapos marinig ito, ano ang pakiramdam ninyo? Nabanggit Ko na ba ang paksang ito noon? Nabanggit Ko na ba ang paksa tungkol sa mga hinirang ng Diyos at mga tagasilbi? Nagawa Ko na talaga, ngunit hindi ninyo maalala. Ang Diyos ay matuwid sa mga taong Kanyang hinirang at sa mga tagasilbi. Sa lahat ng aspeto, Siya ay matuwid. May nakikita ba kayong anumang mali kahit saan dito? Wala bang mga taong magsasabing, “Bakit lubhang mapagparaya ang Diyos sa mga hinirang? At katiting lamang ang pagpipigil Niya sa mga tagasilbi?” Mayroon bang sinumang nais magtanggol sa mga tagasilbi? “Maaari kayang bigyan ng Diyos ng mas mahabang panahon ang mga tagasilbi, at mas magpigil at magparaya sa kanila?” Tama bang itanong iyon? (Hindi.) At bakit hindi? (Dahil napakitaan na talaga tayo ng pabor nang gawin tayong mga tagasilbi.) Napakitaan na ng pabor ang mga tagasilbi sa pagpapahintulot pa lamang sa kanila na magsilbi! Kung wala ang titulong “mga tagasilbi,” at kung wala ang gawaing ginagawa nila, saan mapupunta ang mga taong ito? Isasama sila sa mga hindi mananampalataya, na nabubuhay at namamatay na kasama ng mga alagaing hayop. Malalaking biyaya ang tinatamasa nila ngayon, nang pahintulutan silang humarap sa Diyos at pumunta sa tahanan ng Diyos! Napakalaking biyaya nito! Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng pagkakataong magsilbi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong humarap sa Kanya. Kung tutuusin, kahit isa kang Budista at nagtamo ka na ng kaganapan, kadalasan, isa ka lamang utusan sa espirituwal na mundo; hindi mo makakaharap ang Diyos, maririnig ang Kanyang tinig o Kanyang mga salita, o madarama ang Kanyang pagmamahal at mga pagpapala kailanman, ni hindi mo Siya posibleng makaharap kailanman. Ang tanging mga bagay na kinakaharap ng mga Budista ay mga simpleng gawain. Hindi nila posibleng makilala ang Diyos, at sumusunod at tumatalima lamang sila, samantalang ang mga tagasilbi ay nagtatamo ng napakarami sa yugtong ito ng gawain! Una, nakakaharap nila ang Diyos, naririnig ang Kanyang tinig, naririnig ang Kanyang mga salita, at nararanasan ang mga biyaya at pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa mga tao. Bukod pa riyan, nagagawa nilang tamasahin ang mga salita at katotohanang ipinagkaloob ng Diyos. Marami talagang natatamo ang mga tagasilbi! Kaya, kung, bilang isang tagasilbi, ni hindi ka man lamang makapagbigay ng tamang pagsisikap, mapapanatili ka pa rin ba ng Diyos? Hindi ka Niya mapapanatili. Wala Siyang gaanong hinihiling sa iyo, subalit wala kang ginagawang anuman na maayos Niyang hinihiling; hindi ka nakatupad sa iyong tungkulin. Sa gayon, walang duda, hindi ka mapapanatili ng Diyos. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Hindi ka pinalalayaw ng Diyos, ngunit hindi rin Siya nagtatangi laban sa iyo. Iyan ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pagkilos ng Diyos. Tinatrato ng Diyos ang lahat ng tao at nilalang sa ganitong paraan.
Pagdating sa espirituwal na mundo, kung ang iba-ibang nilalang na naroon ay may ginagawang mali o hindi nila ginagawa nang tama ang kanilang trabaho, mayroon ding nauukol na mga makalangit na utos at atas ang Diyos sa pakikitungo sa kanila; tiyak ito. Samakatuwid, sa loob ng ilang libong taon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, ang ilang gumagawa ng tungkulin na nakagawa ng masama ay nalipol na, samantalang ang ilan—sa araw na ito mismo—ay nakakulong pa rin at pinarurusahan. Ito ang kailangang harapin ng bawat nilalang sa espirituwal na mundo. Kung gumawa sila ng mali o nakagawa ng kasamaan, pinarurusahan sila—at ganito rin ang pakikitungo ng Diyos sa Kanyang mga hinirang at sa mga tagasilbi. Sa gayon, kapwa sa espirituwal na mundo at sa materyal na mundo, hindi nagbabago ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng pagkilos ng Diyos. Nakikita mo man o hindi ang mga kilos ng Diyos, hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng mga ito. Sa kabuuan, pareho ang mga prinsipyo ng Diyos sa Kanyang pakikitungo sa lahat ng bagay at sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay. Hindi ito nababago. Magiging mabait ang Diyos sa mga hindi mananampalataya na namumuhay sa medyo tamang paraan, at maglalaan ng mga pagkakataon para sa mga nasa bawat relihiyon na maganda ang pag-uugali at hindi gumagawa ng masama, na tinutulutan silang gampanan ang kanilang tungkulin sa lahat ng bagay na pinamamahalaan ng Diyos at gawin yaong dapat nilang gawin. Gayundin, sa mga sumusunod sa Diyos, sa mga taong Kanyang hinirang, hindi nagtatangi ang Diyos laban sa sinumang tao ayon sa mga prinsipyo Niyang ito. Mabait Siya sa lahat ng tapat na sumusunod sa Kanya, at mahal Niya ang lahat ng tapat na sumusunod sa Kanya. Kaya lamang, para sa ilang uri ng mga taong ito—ang mga hindi mananampalataya, ang iba-ibang taong may pananampalataya, at ang mga hinirang ng Diyos—magkakaiba ang ipinagkakaloob Niya sa kanila. Ipaghalimbawa na ang mga hindi mananampalataya: Bagama’t hindi sila naniniwala sa Diyos, at ang tingin sa kanila ng Diyos ay mga hayop, bukod sa iba pa bawat isa sa kanila ay may pagkaing makakain, isang lugar na sarili nila, at isang normal na siklo ng buhay at kamatayan. Yaong mga gumagawa ng masama ay pinarurusahan, at yaong mga gumagawa ng mabuti ay pinagpapala at pinakikitaan ng kabaitan ng Diyos. Hindi ba ganyan ang nangyayari? Para sa mga taong may pananampalataya, kung magagawa nilang mahigpit na sundin ang kanilang relihiyosong mga tuntunin sa pamamagitan ng paulit-ulit na muling pagsilang, pagkatapos ng lahat niyaong pagkakaroong muli ng katawan, sa huli ay gagawin ng Diyos ang Kanyang pagpapahayag sa kanila. Gayundin, para sa inyo ngayon, isa ka man sa mga hinirang ng Diyos o sa mga tagasilbi, itutuwid din kayo ng Diyos at ipapasiya ang inyong kahihinatnan alinsunod sa mga regulasyon at atas administratibo na Kanyang naitakda. Sa mga uri ng mga taong ito, ang iba’t ibang uri ng mga taong may pananampalataya—ibig sabihin, ang mga kabilang sa iba-ibang relihiyon—nabigyan na ba sila ng Diyos ng lugar na matitirhan? Nasaan ang mga Hudyo? Nanghimasok ba ang Diyos sa kanilang pananampalataya? Hindi naman. At paano naman ang mga Kristiyano? Hindi rin Siya nanghimasok sa kanila. Hinahayaan Niya silang sumunod sa sarili nilang mga pamamaraan, hindi Niya sila kinakausap o binibigyan ng anumang kaliwanagan at, bukod pa riyan, hindi Siya naghahayag ng anuman sa kanila. Kung sa palagay mo ay tama ito, maniwala ka sa ganitong paraan. Ang mga Katoliko ay naniniwala kay Maria, at sa pamamagitan niya ipinasa ang balita tungkol kay Jesus; gayon ang paraan ng kanilang paniniwala. Itinama ba ng Diyos ang kanilang pananampalataya kailanman? Binibigyan Niya sila ng kalayaan; hindi Niya sila pinapansin at binibigyan Niya sila ng isang lugar na titirhan. Tungkol naman sa mga Muslim at Budista, hindi ba ganoon din Siya? Nagtakda na rin Siya ng mga hangganan para sa kanila, at tinutulutan silang magkaroon ng sarili nilang tirahan, nang hindi nanghihimasok sa kani-kanilang mga paniniwala. Lahat ay maayos. At ano ang nakikita ninyo sa lahat ng ito? Na may taglay na awtoridad ang Diyos, ngunit hindi Niya ito inaabuso. Ipinaplano ng Diyos ang lahat ng bagay sa perpektong kaayusan at ginagawa iyon sa maayos na paraan, at dito nakikita ang Kanyang karunungan at walang-hanggang kapangyarihan.
Natalakay natin ngayon ang isang bago at espesyal na paksa, tungkol sa mga bagay ng espirituwal na mundo, na kumakatawan sa isang aspeto ng pangangasiwa at kapamahalaan ng Diyos sa dakong iyon. Bago ninyo naunawaan ang mga bagay na ito, maaaring nasabi ninyong: “Lahat ng bagay na may kinalaman dito ay isang hiwaga, at walang kinalaman sa ating buhay pagpasok; ang mga bagay na ito ay hiwalay sa kung paano talaga nabubuhay ang mga tao, at hindi namin kailangang maunawaan ang mga ito, ni ayaw naming marinig ang tungkol sa mga ito. Talagang walang koneksyon ang mga ito sa pagkilala sa Diyos.” Ngayon, palagay ba ninyo may problema sa gayong pag-iisip? Tama ba iyon? (Hindi.) Ang gayong pag-iisip ay hindi tama at may malulubhang problema. Iyan ay dahil kung nais mong maintindihan kung paano pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, hindi mo maaaring basta maunawaan at unawain lamang yaong nakikita mo at kung ano ang naiintindihan ng iyong isipan; kailangan mo ring maunawaan ang ilan sa ibang mundo, na maaaring hindi mo nakikita ngunit hindi maihihiwalay sa mundong ito na iyong nakikita. Tungkol ito sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at tungkol ito sa paksang, “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Impormasyon ito tungkol diyan. Kung wala ang impormasyong ito, magkakaroon ng mga kapintasan at pagkukulang sa kaalaman ng mga tao kung paanong ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay. Kaya, ang napag-usapan natin ngayon ay masasabing naibuod ang ating naunang mga paksa, at natapos din ang nilalaman ng “Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay para sa lahat ng bagay.” Sa pagkaunawa rito, nagagawa na ba ninyo ngayong makilala ang Diyos sa pamamagitan ng nilalamang ito? Ang mas mahalaga, ngayon ay naipasa Ko sa inyo ang isang napakahalagang impormasyon tungkol sa mga tagasilbi. Alam Ko na talagang nasisiyahan kayong makinig sa mga paksang katulad nito, at na nagmamalasakit talaga kayo tungkol sa mga bagay na ito. Sa gayon ay nasisiyahan ba kayo sa napag-usapan natin ngayon? (Oo.) Ang ilan sa iba pang mga bagay ay maaaring hindi nagbigay ng matinding impresyon sa inyo, ngunit ang nasabi Ko tungkol sa mga tagasilbi ay nakagawa ng partikular na matinding impresyon, sapagkat ang paksang ito ay umaantig sa kaluluwa ng bawat isa sa inyo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X