Gumawa si Jesus ng mga Himala
1. Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
Juan 6:8–13 Sinabi sa Kanya ng isa sa Kanyang mga alagad, si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, “May isang batang lalaki rito, na mayroong limang tinapay na sebada, at dalawang isda: datapuwat gaano na ang mga ito sa ganyang karamihan?” Sinabi ni Jesus, “Inyong paupuin ang mga tao.” Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang. Kinuha nga ni Jesus ang mga tinapay; at nang makapagpasalamat, ipinamahagi Niya sa mga disipulo, at ipinamahagi ng mga disipulo sa kanilang nangakaupo; at gayon din naman binigyan sila ng mga isda kung gaanong ibigin nila. At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, “Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.” Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.
2. Nakaluwalhati sa Diyos ang Muling Pagkabuhay ni Lazaro
Juan 11:43–44 At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka.” Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panlibing; at ang kanyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya’y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon.”
Sa mga himala na ginawa ng Panginoong Jesus, ang dalawa lang na ito ang ating pinili sapagkat sapat na ang mga ito upang ipakita kung ano ang nais Kong sabihin dito. Ang dalawang himalang ito ay talagang kagila-gilalas at lubos na kumakatawan sa mga himalang ginawa ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya.
Una, tingnan natin ang unang sipi: Pinakain ni Jesus ang Limang Libo.
Ano ang ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”? Karaniwan, ilang tao ang mapapakain nang sapat ng limang piraso ng tinapay at dalawang isda? Kung susukatin batay sa ganang kumain ng isang karaniwang tao, magiging sapat lang ito para sa dalawang tao. Ito ang pinaka-pangunahing ideya ng “limang tinapay at dalawang isda”. Gayunpaman, sa talatang ito, gaano karaming tao ang napakain sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda? Ang sumusunod ay ang nakatala sa Kasulatan: “Madamo nga sa dakong yaon. Kaya’t nagsiupo ang mga lalaki, na may limang libo ang bilang.” Kumpara sa limang tinapay at dalawang isda, malaking bilang ba ang limang libo? Paano maipapakita na napakalaki ng bilang na ito? Mula sa pantaong pananaw, magiging imposible ang paghahati-hati ng limang tinapay at dalawang isda sa pagitan ng limang libong tao, sapagkat masyadong napakalaki ng kulang sa pagitan ng mga tao at ng pagkain. Kahit na ang bawat isang tao ay magkaroon lang ng isang maliit na kagat, hindi pa rin ito kakasya sa limang libong tao. Subalit narito, gumawa ng isang milagro ang Panginoong Jesus—hindi lang Niya tiniyak na makakain ang limang libong tao hanggang sa mabusog sila, bagkus ay may sobra pa ngang pagkain. Mababasa sa Kasulatan: “At nang sila’y mangabusog, ay sinabi Niya sa Kanyang mga disipulo, ‘Pulutin ninyo ang mga pinagputol-putol na lumabis, upang walang anumang masayang.’ Kaya’t kanilang tinipon, at nangapuno ang labindalawang bakol ng mga pinagputol-putol sa limang tinapay na sebada, na lumabis sa nagsikain.” Pinangyari ng himalang ito na makita ng mga tao ang pagkakakilanlan at katayuan ng Panginoong Jesus, at na makita na walang imposible para sa Diyos—sa paraang ito, nakita nila ang katotohanan ng walang hanggang kapangyarihan ng Diyos. Naging sapat ang limang tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libo, ngunit kung sakaling walang anumang pagkain, magagawa kayang pakainin ng Diyos ang limang libong tao? Siyempre ay magagawa Niya! Isang himala ito, kaya hindi maiiwasang nadama ng mga tao na ito ay mahirap intindihin, hindi kapani-paniwala at mahiwaga, ngunit para sa Diyos, wala lang ang paggawa ng gayong bagay. Yamang ito ay isang bagay na ordinaryo para sa Diyos, bakit dapat itong piliin para sa pagpapakahulugan? Sapagkat ang nasa likod ng himalang ito ay ang kalooban ng Panginoong Jesus, na hindi pa kailanman naunawaan ng sangkatauhan.
Una, subukan nating unawain kung anong uri ng mga tao ang limang libong ito. Mga tagasunod ba sila ng Panginoong Jesus? Mula sa Kasulatan, nalalaman natin na sila ay hindi Niya mga tagasunod. Alam ba nila noon kung sino ang Panginoong Jesus? Siguradong hindi! Ano’t anuman, hindi nila alam na si Cristo ang taong nakatayo sa harap nila, o marahil ang ilan sa mga tao ay alam lang kung ano ang Kanyang pangalan at nalaman o narinig ang kung anong tungkol sa mga bagay na Kanyang ginawa. Napukaw lang ang kanilang pagkamausisa tungkol sa Panginoong Jesus nang marinig nila ang mga kuwento tungkol sa Kanya, ngunit tiyak na hindi masasabi na sumusunod sila sa Kanya, lalong hindi masasabi na nauunawaan Siya. Nang makita ng Panginoong Jesus ang limang libong taong ito, sila ay gutom at ang naiisip lang ay ang mabusog sila, dahil sa kontekstong ito kaya tinugunan ng Panginoong Jesus ang kanilang pagnanais. Nang matugunan Niya ang kanilang pagnanais, ano ang nasa Kanyang puso? Ano ang Kanyang saloobin tungo sa mga taong ito na ang ninais lang ay mabusog? Sa panahong ito, ang mga kaisipan ng Panginoong Jesus at ang Kanyang saloobin ay may kaugnayan sa disposisyon at diwa ng Diyos. Yamang nahaharap sa limang libong taong ito na pawang walang laman ang tiyan na nais lamang makakain ng isang kumpletong pagkain, yamang nahaharap sa mga taong ito na puno ng pagkamausisa at pag-asa ukol sa Kanya, naisip lang ng Panginoong Jesus na gamitin ang himalang ito upang pagkalooban ng biyaya ang mga ito. Gayunpaman, hindi Siya umasa na sila ay magiging Kanyang mga tagasunod, sapagkat alam Niya na nais lamang nilang makisali sa kasayahan at mabusog, kaya ginawa Niya ang pinakamahusay Niyang magagawa sa kung ano ang mayroon Siya roon, at ginamit ang limang piraso ng tinapay at dalawang isda upang mapakain ang limang libong tao. Binuksan Niya ang mga mata ng mga taong ito na nasisiyahang makakita ng kapana-panabik na mga bagay, na nais makasaksi ng mga himala, at nakita nila sa kanilang sariling mga mata ang mga bagay na kayang magawa ng Diyos na nagkatawang-tao. Bagaman gumamit ang Panginoong Jesus ng isang bagay na nahahawakan upang masapatan ang kanilang pagkamausisa, batid na Niya sa Kanyang puso na ang limang libong taong ito ay nais lang makakain ng masarap, kaya hindi Siya nangaral sa kanila o nagsalita man ng kahit ano—hinayaan lang Niya silang makitang nagaganap ang himalang ito. Tiyak na hindi Niya magagawang ituring ang mga taong ito kagaya ng kung paano Niya itinuturing ang Kanyang mga disipulo na totoong sumusunod sa Kanya, ngunit sa puso ng Diyos, nasa ilalim ng Kanyang pamumuno ang lahat ng nilalang, at hahayaan Niya ang lahat ng nilalang sa Kanyang paningin na tamasahin ang biyaya ng Diyos kung kinakailangan ito. Kahit na hindi alam ng mga taong ito kung sino Siya at hindi Siya nauunawaan o mayroong partikular na impresyon ukol sa Kanya o pasasalamat tungo sa Kanya maging pagkatapos nilang kainin ang mga tinapay at isda, hindi ito isang bagay na ginawang usapin ng Diyos—binigyan Niya ang mga taong ito ng kamangha-manghang pagkakataon na matamasa ang biyaya ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ang Diyos ay may prinsipyo sa kung ano ang Kanyang ginagawa, na hindi Niya binabantayan o pinangangalagaan ang mga hindi mananampalataya, at na, sa partikular, hindi Niya tinutulutang tamasahin nila ang Kanyang biyaya. Ganoon ba talaga? Sa mga mata ng Diyos, hangga’t sila ay mga buhay na nilalang na Siya Mismo ang lumikha, pamamahalaan at pagmamalasakitan Niya sila, at sa iba’t ibang paraan, pakikitunguhan Niya sila, magpaplano para sa kanila, at pamumunuan sila. Ito ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa lahat ng bagay.
Bagaman hindi binalak na sumunod sa Panginoong Jesus ng limang libong taong kumain ng mga piraso ng tinapay at isda, wala Siyang hininging mabigat sa kanila; sa sandaling nabusog sila, alam ba ninyo kung ano ang ginawa ng Panginoong Jesus? Nangaral ba Siya ng anuman sa kanila? Saan Siya nagpunta pagkatapos gawin ito? Hindi nakatala sa mga kasulatan na nagsabi ng anuman ang Panginoong Jesus sa kanila, tahimik lang Siyang umalis nang maisagawa Niya ang Kanyang himala. May hiningi ba Siya na anuman sa mga taong ito? Mayroon bang anumang pagkamuhi? Wala, walang ganito rito. Ayaw na lang Niyang isipin ang mga taong ito na hindi magagawang sumunod sa Kanya, at sa panahong ito ay nagdurusa ang Kanyang puso. Sapagkat nakita Niya ang kabulukan ng sangkatauhan at naramdaman Niya ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, nang makita Niya ang mga taong ito at Siya ay kasama nila, ang kapurulan at kamangmangan ng tao ay nagpalungkot sa Kanya, at nagdurusa ang Kanyang puso, ang ninais lang Niyang gawin ay iwanan ang mga taong ito sa lalong madaling panahon. Hindi humingi ng anuman sa kanila ang Panginoon sa Kanyang puso, ayaw Niyang isipin sila, at lalo na, ayaw Niyang gugulin ang Kanyang lakas sa kanila. Alam Niyang hindi nila magagawang sumunod sa Kanya, subalit sa kabila ng lahat ng ito, napakalinaw pa rin ng Kanyang saloobin tungo sa kanila. Ninais lang Niya na tratuhin sila nang may kabaitan, na pagkalooban sila ng biyaya, at tunay na ito ang saloobin ng Diyos tungo sa bawat nilalang sa ilalim ng Kanyang pamumuno—na tratuhin ang bawat nilalang nang may kabaitan, na magtustos sa kanila at palusugin sila. Sa mismong kadahilanan na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao, lubos na likas Niyang ibinunyag ang sariling diwa ng Diyos at tinrato ang mga taong ito nang may kabaitan. Tinrato Niya ang mga ito nang may puso na puno ng kagandahang-loob at pagpaparaya, at nang may gayong puso ay nagpakita Siya ng kabaitan sa kanila. Paano man nakita ng mga taong ito ang Panginoong Jesus, at anumang uri ang magiging kalalabasan, tinrato Niya ang bawat nilalang batay sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Panginoon ng lahat ng nilikha. Ang lahat ng Kanyang ibinunyag, nang walang pagtatangi, ay disposisyon ng Diyos, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Tahimik na ginawa ng Panginoong Jesus ang bagay na ito, at pagkatapos ay tahimik na umalis—anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ito? Masasabi mo ba na ito ang mapagmahal na kabaitan ng Diyos? Masasabi mo ba na ito ang pagiging di-makasarili ng Diyos? Isang bagay ba ito na magagawa ng karaniwang tao? Siguradong hindi! Sa diwa, sinu-sino ang limang libong taong ito na pinakain ng Panginoong Jesus ng limang tinapay at dalawang isda? Masasabi ba na sila ang mga taong naging kaayon Niya? Masasabi ba na silang lahat ay laban sa Diyos? Masasabi nang may katiyakan na sila ay ganap na hindi kaayon ng Panginoon, at ang kanilang diwa ay tiyak na laban sa Diyos. Subalit paano sila tinrato ng Diyos? Gumamit Siya ng isang pamamaraan upang ibsan ang paglaban ng mga tao tungo sa Diyos—ang pamamaraang ito ay tinatawag na “kabaitan.” Ibig sabihin, bagaman nakita ng Panginoong Jesus ang mga taong ito bilang mga makasalanan, gayunman sa paningin ng Diyos sila ay Kanyang nilikha, kaya tinrato pa rin Niya ang mga makasalanang ito nang may kabaitan. Ito ang pagpaparaya ng Diyos, at natutukoy ang pagpaparayang ito ng sariling pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Kaya, ito ay isang bagay na walang sinumang tao na nilikha ng Diyos ang makagagawa—tanging Diyos ang makagagawa nito.
Kapag nagagawa mong tunay na pahalagahan ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan, kapag tunay mong nauunawaan ang mga emosyon at malasakit ng Diyos para sa bawat nilalang, mauunawaan mo ang debosyon at ang pagmamahal na ginugol sa bawat isa sa mga taong nilikha ng Lumikha. Kapag nangyari ito, gagamitin mo ang dalawang salita upang isalarawan ang pag-ibig ng Diyos. Ano ang dalawang salitang iyon? Sinasabi ng ilang tao na “di-makasarili,” at ang ilang tao ay sinasabing “mapagkawanggawa.” Sa dalawang ito, ang “mapagkawanggawa” ang salitang pinaka-di-naaangkop upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Isang salita ito na ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang isang taong may magandang kalooban o malawak na pag-iisip. Kinasusuklaman Ko ang salitang ito, sapagkat tumutukoy ito sa pamumudmod ng kawanggawa kahit kanino, nang walang itinatangi, nang walang pagsasaalang-alang para sa prinsipyo. Ito ay isang masyadong madamdaming pagkahilig, na karaniwan sa mga taong hangal at nalilito. Kapag ang salitang ito ay ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, mayroong di-maiiwasan na isang kalapastanganang kahulugan. Mayroon Ako ritong dalawang salita na mas angkop na naglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Ano ang mga ito? Ang una ay ang “napakalaki.” Hindi ba lubos na nakaaantig ang salitang ito? Ang ikalawa ay ang “napakalawak.” Mayroong tunay na kahulugan sa likod ng mga salitang ito na Aking ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Kapag inintindi nang literal, ang “napakalaki” ay naglalarawan sa laki o kapasidad, ngunit gaano man kalaki ang bagay na iyon, isang bagay ito na mahahawakan at makikita ng mga tao. Dahil umiiral ito—hindi ito isang bagay na malabo, bagkus ay isang bagay na makapagbibigay sa mga tao ng mga ideya sa medyo tumpak at praktikal na paraan. Tingnan mo man ito mula sa pananaw na may dalawa o tatlong dimensyon, hindi mo kailangang isipin ang pag-iral nito, sapagkat ito ay isang bagay na talagang umiiral sa tunay na paraan. Bagaman ang paggamit ng salitang, “napakalaki,” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos ay tila pagsukat sa Kanyang pag-ibig, ibinibigay rin nito ang damdamin na hindi nasusukat ang Kanyang pag-ibig. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay masusukat sapagkat hindi hungkag ang Kanyang pag-ibig, at hindi rin ito isang alamat. Sa halip, isang bagay ito na pinaghahati-hatian ng lahat ng bagay sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, isang bagay na tinatamasa ng lahat ng nilalang sa magkakaibang antas at mula sa iba’t ibang pananaw. Bagaman hindi ito nakikita o nahahawakan ng mga tao, ang dinadala ng pag-ibig na ito ang panustos at buhay sa lahat ng bagay habang ito ay ibinubunyag, nang unti-unti, habang sila ay nabubuhay, at nabibilang sila at nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos na tinatamasa nila sa bawat isang sandali. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi masusukat sapagkat ang hiwaga ng pagtutustos at pangangalaga ng Diyos sa lahat ng bagay ay isang bagay na mahirap para sa mga tao na maarok, kagaya ng mga kaisipan ng Diyos para sa lahat ng bagay, at lalo na yaong para sa sangkatauhan. Ibig sabihin, walang sinuman ang nakaaalam sa dugo at mga luha na ibinuhos ng Lumikha para sa sangkatauhan. Walang sinuman ang makaiintindi, walang sinuman ang makauunawa sa lalim o bigat ng pag-ibig na mayroon ang Lumikha para sa sangkatauhan na nilikha Niya gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Ang paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos bilang napakalaki ay upang tulungan ang mga tao na pahalagahan at maunawaan ang laki nito at ang katotohanan ng pag-iral nito. Ito rin ay upang mas malalim na maiintindihan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng salitang “Lumikha,” at nang ang mga tao ay makapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng katawagang, “paglikha.” Ano ang madalas na inilalarawan ng salitang “napakalawak”? Ito ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang karagatan o ang sansinukob, halimbawa: “ang napakalawak na sansinukob,” o “ang napakalawak na karagatan.” Ang kalawakan at ang tahimik na kalaliman ng sansinukob ay lampas sa pagkaunawa ng tao; isang bagay ito na nakabibihag sa imahinasyon ng tao, isang bagay na lubos nilang hinahangaan. Ang hiwaga at kalaliman nito ay abot-tanaw, ngunit hindi maaabot. Kapag iniisip mo ang karagatan, iniisip mo ang kalaliman nito—mukha itong walang hangganan, at nararamdaman mo ang kahiwagaan at ang napakalaking kapasidad nito na magtaglay ng mga bagay. Ito ang dahilan kung bakit ginamit Ko ang salitang “napakalawak” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, upang tulungan ang mga taong madama kung gaano ito kahalaga, na madama ang malalim na kagandahan ng Kanyang pag-ibig, at na ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at napakalawak. Ginamit Ko ang salitang ito upang tulungan ang mga tao na madama ang kabanalan ng Kanyang pag-ibig, at ang dignidad at ang pagiging-di-malalabag ng Diyos na naihahayag sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig. Ngayon sa tingin ba ninyo ang “napakalawak” ay isang angkop na salita para sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos? Maaabot ba ng pag-ibig ng Diyos ang dalawang salitang ito, “napakalaki” at “napakalawak”? Talagang-talaga! Sa wikang pantao, ang dalawang salita lang na ito ang naaangkop kahit papano, at medyo malapit sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ba ganoon sa palagay ninyo? Kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, gagamitin ba ninyo ang dalawang salitang ito? Malamang na hindi ninyo gagamitin, sapagkat ang inyong pagkaunawa at pagpapahalaga sa pag-ibig ng Diyos ay limitado sa pananaw na may dalawang dimensyon, at hindi pa umaabot sa taas ng may tatlong dimensyong distansya. Kaya kung ipasalarawan Ko sa inyo ang pag-ibig ng Diyos, madarama ninyo na kulang kayo sa mga salita o marahil pa nga ay hindi kayo makapagsalita. Ang dalawang salita na Aking tinalakay sa araw na ito ay maaaring mahirap para sa inyo na maunawaan, o marahil ay hindi lang kayo sumasang-ayon. Ipinapakita lang nito na ang inyong pagpapahalaga at pagkaunawa sa pag-ibig ng Diyos ay mababaw at limitado sa isang makitid na saklaw. Nasabi Ko na noon na ang Diyos ay di-makasarili; natatandaan ninyo ang salitang ito, “di-makasarili.” Maaari bang ang pag-ibig ng Diyos ay mailalarawan lang bilang di-makasarili? Hindi ba ito isang napakakitid na saklaw? Dapat na pagnilayan pa ninyo ang usaping ito, nang magkamit kayo ng isang bagay mula rito.
Ang nasa itaas ay kung ano ang ating nakita sa disposisyon ng Diyos at ang Kanyang diwa mula sa unang himala. Bagaman ito ay isang kuwento na binabasa na ng mga tao sa loob ng ilang libong taon, mayroon itong isang simpleng balangkas, at nagtutulot sa mga tao na makita ang isang simpleng kababalaghan, ngunit sa simpleng balangkas na ito ay makikita natin ang isang bagay na mas mahalaga, na siyang disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya. Ang mga bagay na ito na mayroon at kung ano Siya ay kumakatawan sa Diyos Mismo at mga pagpapahayag ng sariling mga kaisipan ng Diyos. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, ito ay isang pagpapahayag ng tinig ng Kanyang puso. Umaasa Siya na magkakaroon ng mga taong makauunawa sa Kanya, makakikilala sa Kanya at makaiintindi sa Kanyang kalooban, at na makaririnig sa tinig ng Kanyang puso at magagawang aktibong makipagtulungan upang mapalugod ang Kanyang kalooban. Ang mga bagay na ito na ginawa ng Panginoong Jesus ay isang tahimik na pagpapahayag ng Diyos.
Pagkatapos, tingnan natin ang sumusunod na talata: Nakaluwalhati sa Diyos ang Muling Pagkabuhay ni Lazaro.
Ano ang inyong mga impresyon pagkatapos mabasa ang siping ito? Ang kahalagahan ng himalang ito na isinagawa ng Panginoong Jesus ay mas dakila kaysa sa nauna, sapagkat walang himala ang mas nakamamangha kaysa sa pagbuhay ng isang patay na tao mula sa libingan. Sa kapanahunang iyon, lubhang napakahalaga na isinagawa ng Panginoong Jesus ang isang bagay na gaya nito. Sapagkat ang Diyos ay nagkatawang-tao, nakikita lang ng mga tao ang Kanyang pisikal na kaanyuan, ang Kanyang praktikal na bahagi, at ang Kanyang hindi mahalagang aspeto. Kahit na nakita ng ilang tao at naunawaan ang ilan sa Kanyang katangian o ang ilang natatanging kakayahan na sa wari ay taglay Niya, walang nakakaalam kung saan nagmula ang Panginoong Jesus, kung sino talaga Siya sa Kanyang diwa, at kung ano pa ang kaya Niyang gawin. Ang lahat ng ito ay di-batid ng sangkatauhan. Napakaraming tao ang nagnais na makahanap ng katunayan upang sagutin ang mga katanungang ito ukol sa Panginoong Jesus, at upang malaman ang totoo. Makagagawa ba ang Diyos ng isang bagay upang patunayan ang Kanyang sariling pagkakakilanlan? Para sa Diyos, napakadali nito—madaling-madali lang. Makagagawa Siya ng anumang bagay kahit saan, anumang oras upang patunayan ang Kanyang pagkakakilanlan at diwa, subalit may sariling paraan ang Diyos sa paggawa ng mga bagay—may plano, at may mga hakbang. Hindi Siya basta-basta na lamang gumagawa ng mga bagay, ngunit sa halip ay naghahanap ng tamang panahon at tamang pagkakataon upang gawin ang isang bagay na pahihintulutan Niyang makita ng tao, isang bagay na talagang pinuspos ng kabuluhan. Sa paraang ito, pinatunayan Niya ang Kanyang awtoridad at ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung gayon, magagawa bang patunayan ng muling pagkabuhay ni Lazaro ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus? Tingnan natin ang sumusunod na talata ng kasulatan: “At nang masabi Niya ang gayon, ay sumigaw Siya nang may malakas na tinig, ‘Lazaro, lumabas ka.’ Siya na patay ay lumabas….” Nang ginawa ito ng Panginoong Jesus, isang bagay lang ang sinabi Niya: “Lazaro, lumabas ka.” At sa gayon ay lumabas si Lazaro mula sa kanyang libingan—ito ay naisakatuparan dahil lang sa iilang salita na binigkas ng Panginoon. Sa panahong ito, hindi nagtayo ang Panginoong Jesus ng dambana, at hindi Siya nagsagawa ng anumang iba pang pagkilos. Sinabi lang Niya ang isang bagay na ito. Dapat ba itong tawaging isang himala o isang utos? O isang uri ba ito ng salamangka? Kung tutuusin, tila matatawag itong isang himala, at kung titingnan mo ito mula sa makabagong pananaw, mangyari pa ay matatawag pa rin itong isang himala. Gayunpaman, tiyak na hindi ito maituturing na isang uri ng mahika na dapat magpabalik sa isang kaluluwa mula sa kamatayan, at lalong hindi ito salamangka, o anumang uri nito. Tamang sabihin na ang himalang ito ang pinakanormal, katiting na pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Ito ang awtoridad at ang kapangyarihan ng Diyos. May awtoridad ang Diyos na hayaang mamatay ang isang tao, na hayaang lisanin ng kanyang espiritu ang kanyang katawan at bumalik sa Hades, o kung saan man ito dapat tumungo. Ang panahon ng kamatayan ng tao, at ang lugar kung saan sila tutungo pagkatapos mamatay—tinutukoy ang mga ito ng Diyos. Makapagpapasya Siya anumang oras at kahit saan, hindi napipigilan ng mga tao, mga pangyayari, mga bagay, espasyo, o heograpiya. Kung nais Niyang gawin ito, magagawa Niya ito, sapagkat ang lahat ng bagay at ang lahat ng buhay na nilalang ay nasa ilalim ng Kanyang pamumuno, at ang lahat ng bagay ay isinisilang, nabubuhay, at naglalaho sa pamamagitan ng Kanyang salita at ng Kanyang awtoridad. Mabubuhay Niyang muli ang isang taong patay—at ito ay isa ring bagay na magagawa Niya anumang oras, kahit saan. Ito ang awtoridad na ang Lumikha lang ang nagtataglay.
Nang gumawa ang Panginoong Jesus ng mga bagay gaya ng pagbuhay muli kay Lazaro mula sa kamatayan, ang Kanyang mithiin ay upang magbigay ng katunayan para sa mga tao at para makita ni Satanas, at upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan, ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay tinutukoy ng Diyos, at na bagaman Siya ay nagkatawang-tao, nananatili Siyang may kapangyarihan sa pisikal na mundo na nakikita at gayundin sa espirituwal na daigdig na hindi nakikita ng mga tao. Ito ay upang ipaalam sa mga tao at kay Satanas na ang lahat ng tungkol sa sangkatauhan ay hindi nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ito ay isang paghahayag at isang pagpapakita ng awtoridad ng Diyos, at ito ay isa ring paraan para sa Diyos na makapaghatid ng mensahe sa lahat ng bagay, na ang buhay at kamatayan ng sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay isa sa mga paraan kung paano tinuturuan at binibigyang-tagubilin ng Lumikha ang sangkatauhan. Ito ay isang kongkretong pagkilos na kung saan ay ginamit Niya ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad upang bigyang-tagubilin at tustusan ang sangkatauhan. Ito ay isang paraan, na hindi gumagamit ng mga salita, para sa Lumikha na tulutan ang sangkatauhan na makita ang katotohanan na Siya ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ito ay isang paraan upang masabi Niya sa sangkatauhan sa pamamagitan ng mga praktikal na pagkilos na walang kaligtasan maliban sa pamamagitan Niya. Ang ganitong tahimik na pamamaraan na ginamit Niya upang bigyang-tagubilin ang sangkatauhan ay walang hanggan, di-napapawi, nagdulot sa mga puso ng tao ng isang pagkagimbal at kaliwanagan na hindi kailanman kukupas. Nakaluwalhati sa Diyos ang muling pagkabuhay ni Lazaro—may malaking epekto ito sa bawat isang tagasunod ng Diyos. Matatag nitong pinananatili sa bawat tao na nauunawaang mabuti ang pangyayaring ito ang pagkaunawa, ang pananaw na ang Diyos lang ang may kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan. Bagaman may ganitong uri ng awtoridad ang Diyos, at bagaman nagpaabot Siya ng isang mensahe tungkol sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa buhay at kamatayan ng sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Lazaro, hindi ito ang Kanyang pangunahing gawain. Hindi kailanman gumagawa ang Diyos ng isang bagay na walang kahulugan. Ang bawat isang bagay na Kanyang ginagawa ay may malaking halaga at isang nakahihigit na hiyas sa isang kamalig ng mga kayamanan. Tiyak na hindi Niya gagawing pangunahin o tanging mithiin o kasangkapan ng Kanyang gawain ang “pagpapalabas ng tao sa kanyang libingan.” Hindi gumagawa ang Diyos ng anumang bagay na walang kahulugan. Ang muling pagkabuhay ni Lazaro bilang nag-iisang pangyayari ay sapat na upang ipakita ang awtoridad ng Diyos at upang patunayan ang pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Ito ang dahilan kung bakit hindi na inulit ng Panginoong Jesus ang ganitong uri ng himala. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay alinsunod sa Kanyang sariling mga prinsipyo. Sa wikang pantao, masasabi na pinupuno lang ng Diyos ang Kanyang isipan ng seryosong mga bagay. Ibig sabihin, kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay, hindi Siya lumalayo sa layunin ng Kanyang gawain. Alam Niya kung anong gawain ang Kanyang gustong isakatuparan sa yugtong ito, kung ano ang gusto Niyang matapos, at gagawa Siyang alinsunod talaga sa Kanyang plano. Kung nagkaroon ang isang taong tiwali ng gayong uri ng kakayahan, mag-iisip lang siya ng mga paraan upang ihayag ang kanyang kakayahan nang malaman ng iba kung gaano siya kakila-kilabot, nang sa gayon ay yumukod sila sa kanya, upang makontrol niya ang mga ito at lamunin sila. Ito ang kasamaan na nagmumula kay Satanas—tinatawag itong katiwalian. Walang gayong disposisyon ang Diyos, at wala Siyang gayong diwa. Ang Kanyang layunin sa paggawa ng mga bagay ay hindi upang magpakitang-gilas, bagkus ay upang tustusan ang sangkatauhan ng higit pang pahayag at paggabay, at ito ang dahilan kung bakit kakaunti lang ang mga halimbawang nakikita ng mga tao sa Bibliya na gaya ng ganitong uri ng pangyayari. Hindi ito nangangahulugan na ang mga kapangyarihan ng Panginoong Jesus ay limitado, o na hindi Niya magagawa ang gayong mga bagay. Ayaw lang itong gawin ng Diyos, sapagkat ang muling pagbuhay ng Panginoong Jesus kay Lazaro ay may totoong praktikal na kahalagahan, at dahil din sa ang pangunahing gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay hindi ang pagsasagawa ng mga himala, hindi ang muling pagbuhay sa mga tao mula sa kamatayan, bagkus ay ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Kaya, karamihan sa mga gawain na natapos ng Panginoong Jesus ay pagtuturo sa mga tao, pagtutustos sa kanila, at pagtulong sa kanila, at ang mga pangyayaring kagaya ng muling pagbuhay kay Lazaro ay maliit lang na bahagi ng ministeryo na isinakatuparan ng Panginoong Jesus. Higit pa rito, masasabi na ang “pagpapakitang-gilas” ay hindi bahagi ng diwa ng Diyos, kaya ang Panginoong Jesus ay hindi sadyang nagsagawa ng pagpipigil sa pamamagitan ng hindi pagpapamalas ng marami pang himala, ni dahil man sa mga limitasyong pangkapaligiran, at tiyak na hindi ito dahil sa kawalan ng kapangyarihan.
Nang muling buhayin ng Panginoong Jesus si Lazaro mula sa kamatayan, ginamit lang Niya ang ilang salitang ito: “Lazaro, lumabas ka.” Wala na Siyang sinabi maliban dito. Kung gayon, ano ang ipinapakita ng mga salitang ito? Ipinapakita ng mga ito na magagawa ng Diyos ang anumang bagay sa pamamagitan ng pagsasalita, kabilang na ang muling pagbuhay sa isang taong patay. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, nang nilikha Niya ang mundo, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita—sinalitang mga utos, mga salitang may awtoridad, at sa paraang ito ay nalikha ang lahat ng bagay, at sa gayon, ito ay natapos. Ang ilang salitang ito na sinabi ng Panginoong Jesus ay kagaya ng mga salitang sinabi ng Diyos nang Kanyang likhain ang kalangitan at ang lupa at ang lahat ng bagay; sa parehong paraan, taglay ng mga ito ang awtoridad ng Diyos at ang kapangyarihan ng Lumikha. Ang lahat ng bagay ay inanyuan at nanindigan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Diyos, at sa parehong paraan, naglakad si Lazaro palabas ng kanyang libingan dahil sa mga salita mula sa bibig ng Panginoong Jesus. Ito ang awtoridad ng Diyos, ipinakita at isinakatuparan sa Kanyang nagkatawang-taong laman. Ang ganitong uri ng awtoridad at kakayahan ay pag-aari ng Lumikha, at ng Anak ng tao na kung kanino naisakatuparan ang Lumikha. Ito ang pagkaunawa na itinuro ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Lazaro mula sa kamatayan. Ngayon, tatapusin na natin dito ang ating talakayan sa paksang ito.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III