Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga Salita Para Magtatag ng Kasunduan sa Tao
Genesis 9:11–13 At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”
Matapos Niyang Gawin ang Lahat ng Bagay, Pinagtibay at Muling Naipakita ang Awtoridad ng Lumikha sa Kasunduan ng Bahaghari
Ang awtoridad ng Lumikha ay palaging naipapakita at ginagamit sa lahat ng nilalang, at hindi lamang Niya pinamumunuan ang kapalaran ng lahat ng bagay, kundi pinamumunuan din ang sangkatauhan, ang espesyal na nilalang na Kanyang nilikha gamit ang Kanyang sariling mga kamay at nagtataglay ng ibang kayarian ng buhay at umiiral sa ibang anyo ng buhay. Matapos gawin ang lahat ng bagay, hindi huminto ang Lumikha sa paghahayag ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan; para sa Kanya, ang awtoridad na ginagamit Niya para hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng buong sangkatauhan, ay pormal na nagsimula lamang sa sandaling ang sangkatauhan ay tunay na naisilang mula sa Kanyang kamay. Nilayon Niyang pangasiwaan ang sangkatauhan, at pagharian ang sangkatauhan; nilayon Niyang iligtas ang sangkatauhan at tunay na makamit ang sangkatauhan, na makamit ang isang sangkatauhan na makakapamahala sa lahat ng bagay; nilayon Niyang gawin ang naturang sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at kilalanin at sundin ang Kanyang awtoridad. Kaya, nagsimula ang Diyos na opisyal na ipahayag ang Kanyang awtoridad sa tao gamit ang Kanyang mga salita, at nagsimulang gamitin ang Kanyang awtoridad para magkatotoo ang Kanyang mga salita. Siyempre, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng lugar sa panahon ng prosesong ito; pumili lamang Ako ng ilang partikular at kilalang halimbawa kung saan ay maaari ninyong maintindihan at makilala ang pagiging bukod-tangi ng Diyos at ang Kanyang natatanging awtoridad.
May pagkakapareho sa pagitan ng talata sa Genesis 9:11–13 at sa mga talata sa itaas patungkol sa tala ng paglikha ng Diyos sa mundo, ngunit may pagkakaiba rin. Ano ang pagkakapareho? Ang pagkakapareho ay nasa paggamit ng Diyos ng mga salita upang gawin kung ano ang nilayon Niya, at ang pagkakaiba ay ang pagkatawan ng mga talatang sinipi rito sa pakikipag-usap ng Diyos sa tao, kung saan ay nagtatag Siya ng kasunduan sa tao at sinabi sa tao kung ano ang nilalaman ng kasunduan. Ang paggamit ng awtoridad ng Diyos na ito ay nakamit sa panahon ng pakikipag-usap Niya sa tao, na ang ibig sabihin ay bago ang paglikha sa sangkatauhan, ang mga salita ng Diyos ay mga tagubilin at mga utos, na ibinigay sa mga nilalang na Kanyang nilayon na likhain. Ngunit ngayon ay mayroon nang makikinig sa mga salita ng Diyos, at kaya ang Kanyang mga salita ay parehong pakikipag-usap sa tao at pangaral at payo na rin sa tao. Higit pa rito, ang mga salita ng Diyos ay mga kautusan na nagtataglay ng Kanyang awtoridad at ipinarating sa lahat ng bagay.
Anong pagkilos ng Diyos ang nakatala sa talatang ito? Itinatala rito ang kasunduan na itinatag ng Diyos sa tao matapos ang paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha; sinasabi nito sa tao na hindi na muling magdudulot ang Diyos ng pagkagunaw sa mundo na tulad nito, at para sa layuning ito, lumikha ang Diyos ng tanda. Ano ang tandang ito? Sinabi sa Kasulatan na “Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.” Ito ang orihinal na mga salita na binigkas ng Lumikha sa sangkatauhan. Nang sinabi Niya ang mga salitang ito, lumitaw ang isang bahaghari sa harapan ng tao, kung saan ito ay nanatili na hanggang ngayon. Lahat ay nakakita na ng naturang bahaghari, at kapag nakikita mo ito, alam mo ba kung paano ito nagpapakita? Walang kakayahan ang siyensya na patunayan ito, o hanapin ang pinagmulan nito, o tukuyin kung nasaan ito. Iyan ay dahil ang bahaghari ay tanda ng kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng tao; hindi nito kailangan ang siyentipikong basehan, hindi ito ginawa ng tao, ni hindi ito kayang baguhin ng tao. Pagpapatuloy ito ng awtoridad ng Lumikha matapos Niyang bigkasin ang Kanyang mga salita. Ginamit ng Lumikha ang Kanyang sariling partikular na paraan para tumalima sa Kanyang kasunduan sa tao at sa Kanyang pangako, at kaya ang paggamit Niya sa bahaghari bilang isang tanda ng kasunduan na Kanyang naitatag na ay isang kautusan at batas ng kalangitan na magpakailanman ay mananatiling di-nagbabago, kung patungkol man sa Lumikha o sa nilikhang sangkatauhan. Dapat sabihin na ang di-nagbabagong batas na ito ay isa pang tunay na pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha kasunod ng paglikha Niya ng lahat ng bagay, at dapat sabihin na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay walang-hangganan; ang paggamit Niya ng bahaghari bilang tanda ay pagpapatuloy at karugtong ng awtoridad ng Lumikha. Isa na naman itong pagkilos na isinagawa ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, at tanda ng kasunduang itinatag na ng Diyos sa tao gamit ang mga salita. Sinabi Niya sa tao ang tungkol doon sa Kanyang pinagpasyahang gawin, at kung paano ito matutupad at makakamit. Sa paraang ito ang bagay ay natupad ayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos. Tanging Diyos lamang ang mayroong ganoong kapangyarihan, at ngayon, ilang libong taon matapos Niyang bigkasin ang mga salitang ito, makakatingin pa rin ang tao sa bahaghari na binigkas mula sa bibig ng Diyos. Dahil sa mga salitang yaon na binigkas ng Diyos, nanatiling walang pagbabago at di-nagbabago ang bagay na ito hanggang sa ngayon. Walang sinuman ang makatatanggal sa bahagharing ito, walang makapagbabago ng mga batas nito, at umiiral lamang ito para sa mga salita ng Diyos. Ito mismo ang awtoridad ng Diyos. “Tinutupad ng Diyos ang Kanyang sinasabi, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano man ang Kanyang natutupad ay mananatili magpakailanman.” Malinaw na ipinapahayag ang mga salita ito rito, at malinaw itong tanda at katangian ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang gayong tanda o katangian ay hindi taglay o nakikita sa anumang mga nilikha, ni hindi ito nakikita sa anumang di-nilikha. Sa natatanging Diyos lamang ito, at tinutukoy nito ang kaibahan ng pagkakakilanlan at diwa na taglay lamang ng Lumikha mula roon sa taglay ng mga nilikha. Kasabay nito, ito rin ay tanda at katangian na hindi mahihigitan ng anumang nilikha o di-nilikha maliban sa Diyos Mismo.
Ang pagtatatag ng Diyos sa Kanyang kasunduan sa tao ay isang pagkilos na may malaking kahalagahan, isa na nilayon Niyang gamitin para ipahayag ang isang katunayan sa tao at sabihin sa tao ang Kanyang kalooban. Para sa layuning ito gumamit Siya ng isang natatanging paraan, gamit ang isang espesyal na tanda para magtatag ng kasunduan sa tao, isang tanda na isang pangako ng kasunduan na Kanyang itinatag sa tao. Kung gayon, malaking pangyayari ba ang pagtatatag ng kasunduang ito? Gaano ba ito kalaki? Ito mismo ang napakaespesyal sa kasunduan: Hindi ito isang kasunduang itinatag sa pagitan ng isang tao at ng isa pa, o ng isang grupo at ng isa pa, o ng isang bansa at ng isa pa, kundi isang kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng buong sangkatauhan, at mananatili itong may bisa hanggang sa araw na bubuwagin ng Lumikha ang lahat ng bagay. Ang Lumikha ang tagapagpatupad ng kasunduang ito, at ang Lumikha din ang tagapagpanatili nito. Sa madaling salita, ang kabuuan ng kasunduan ng bahaghari na itinatag sa sangkatauhan ay natupad at nakamit ayon sa pag-uusap sa pagitan ng Lumikha at sangkatauhan, at nanatili pa ring ganito hanggang ngayon. Ano pa ba ang maaaring gawin ng mga nilalang bukod sa magpasakop, sumunod, maniwala, magpahalaga, sumaksi, at magpuri sa awtoridad ng Lumikha? Sapagkat walang sinuman kundi ang bukod-tanging Diyos lamang ang may kapangyarihang magtatag ng naturang kasunduan. Muli’t muli, ang pagpapakita ng bahaghari ay nagbabalita sa sangkatauhan at tinatawag ang kanyang atensyon sa kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan. Sa patuloy na mga paglitaw ng kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan, ang ipinakikita sa sangkatauhan ay hindi isang bahaghari o ang mismong kasunduan, kundi ang di-nagbabagong awtoridad ng Lumikha. Ang paulit-ulit na paglitaw ng bahaghari ay nagpapakita ng matitindi at mahihimalang mga gawain ng Lumikha sa mga nakatagong lugar, at, kasabay nito, ay isang mahalagang repleksyon sa awtoridad ng Lumikha na hindi kailanman kukupas, at hindi kailanman magbabago. Hindi ba ito isang pagpapakita ng isa pang aspeto ng natatanging awtoridad ng Lumikha?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I