Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 24

2,298 2020-05-18

Nilikha ng Diyos si Eba

(Genesis 2:18–20) At sinabi ni Jehova, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya’y ilalalang ko ng isang katulong niya. At nilalang ni Jehova sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon. At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa’t ganid sa parang; datapuwa’t sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.

(Genesis 2:22–23) At ang tadyang na kinuha ni Jehova sa lalake ay ginawang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalake. At sinabi ng lalake, Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa Lalake siya kinuha.

May ilang mahahalagang parirala sa bahaging ito ng banal na kasulatan. Pakiguhitan ito: “at ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.” Sino kaya ang nagbigay sa lahat ng mga buhay na nilikha ng kanilang mga pangalan? Ito ay si Adan, hindi ang Diyos. May sinasabing katotohanan sa sangkatauhan ang pariralang ito: Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuan noong siya ay Kanyang nilikha. Ang ibig sabihin, ang katalinuhan ng tao ay nagmula sa Diyos. Ito ay isang katiyakan. Ngunit bakit? Matapos likhain ng Diyos si Adan, pumasok ba sa paaralan si Adan? Marunong ba siyang magbasa? Matapos likhain ng Diyos ang iba’t ibang buhay na nilikha, nakilala ba ni Adan ang lahat ng mga hayop na ito? Sinabi ba ng Diyos sa kanya kung ano ang mga pangalan nila? Siyempre, hindi rin itinuro ng Diyos sa kanya kung paano pangalanan ang mga nilikhang ito. Yan ang totoo! Kung ganoon, paano niya nalaman kung paano pangalanan ang mga buhay na nilikhang ito at kung anong uri ng mga pangalan ang ibibigay sa kanila? Ito ay kaugnay sa tanong na kung ano ang idinagdag ng Diyos kay Adan noong nilikha Niya siya. Ang mga katotohanan ay nagpapatunay na noong nilikha ng Diyos ang tao, idinagdag Niya ang Kanyang katalinuan sa kanya. Mahalagang punto ito. Nakinig ba kayong lahat nang mabuti? May isa pang mahalagang punto na dapat na malinaw sa inyo: Matapos pangalanan ni Adan ang mga buhay na nilikhang ito, ang mga pangalang ito ay naitakda sa talasalitaan ng Diyos. Bakit ko sinasabi iyon? May kaugnayan rin ito sa disposisyon ng Diyos at dapat kong ipaliwanag ito.

Nilikha ng Diyos ang tao, hiningahan siya ng buhay, at binigyan rin siya ng kaunti sa Kanyang katalinuan, sa Kanyang mga kakayahan, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Pagkatapos ibigay ng Diyos sa tao ang lahat ng mga ito, nakayang gumawa ng tao ng ilang mga bagay nang nagsasarili at mag-isip nang sarili. Kung ang mabuo at magawa ng tao ay mabuti sa mata ng Diyos, tinatanggap ito ng Diyos at hindi pinakikialaman. Kung ang gawin ng tao ay tama, hahayaan lang iyan ng Diyos. Kaya ano ang ipinahihiwatig ng pariralang “at ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon”? Ipinahihiwatig nitong hindi gumawa ng anumang pagbabago ang Diyos sa mga pangalan ng iba’t ibang mga buhay na nilikha. Anumang pangalan ang itawag ni Adan dito, sinasabi ng Diyos na “Oo” at itinatala ang pangalan na ganoon nga. Nagpahayag ba ang Diyos ng anumang mga kuro-kuro? Siguradong hindi. Kaya anong nakikita ninyo rito? Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuhan at ginamit ng tao ang katalinuhang bigay ng Diyos upang gumawa ng mga bagay. Kung ang gawain ng tao ay positibo sa mata ng Diyos, ito ay pinapayagan, kinikilala, at tinatanggap ng Diyos nang walang paghuhusga o pamimintas. Ito ay isang bagay na hindi magagawa ng isang tao, masamang espirito, o ni Satanas. Nakakita ba kayo dito ng pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos? Ang isang tao ba, isang tiwaling tao, o si Satanas ay tatanggapin na may ibang kakatawan sa kanila sa paggawa ng mga bagay sa harap nila mismo? Siyempre hindi! Makikipaglaban ba sila para sa puwesto sa ibang tao na iyon o sa ibang pwersa na naiiba sa kanila? Siyempre oo! Sa sandaling iyon, kung isang tiwaling tao o si Satanas ang kasama ni Adan, tiyak na hindi nila tatanggapin ang ginagawa ni Adan. Upang patunayang mayroon silang kakayahang mag-isip nang nagsasarili at mayroon silang natatanging mga karunungan, lubos sana nilang tinanggihan ang lahat ng mga ginawa ni Adan: Gusto mo itong tawagin na ganito? Magaling, hindi ko ito tatawagin na ganito, tatawagin ko itong ganyan; tinawag mo itong Tom ngunit tatawagin ko itong Harry. Kailangan kong ipagmalaki ang aking kagalingan. Anong uri ng kalikasan ito? Hindi ba ito mabangis na kayabangan? Ngunit may ganito bang disposisyon ang Diyos? May mga anuman bang kakaibang pagtutol ang Diyos sa ginawang ito ni Adan? Ang sagot ay maliwanag na wala! Sa ipinakikitang disposisyon ng Diyos, walang kahit katiting na pagiging mahilig sa pakikipagtalo, kayabangan, o pagmamagaling. Iyan ay napakalinaw dito. Ito ay napakaliit na bagay lamang, ngunit kung hindi mo nauunawaan ang diwa ng Diyos, kung ang iyong puso ay hindi susubukang malaman kung paano gumagalaw ang Diyos at kung ano ang saloobin ng Diyos, hindi mo malalaman ang disposisyon ng Diyos, o makikita ang pagpapahayag at pagbubunyag ng disposisyon ng Diyos. Hindi nga ba ganoon? Sang-ayon ka ba sa kapapaliwanag ko lang sa iyo? Bilang tugon sa mga ginawa ni Adan, hindi ipinahayag nang malakas ng Diyos, “Magaling ang ginawa mo. Tama ang ginawa mo. Sang-ayon Ako.” Ngunit sa Kanyang puso, gayon pa man, sumang-ayon, pinahalagahan, pinalakpakan ng Diyos ang ginawa ni Adan. Ito ang unang bagay simula noong paglikha na ginawa ng tao para sa Diyos ayon sa Kanyang tagubilin. Ito ay isang bagay na ginawa ng tao sa lugar ng Diyos at sa ngalan ng Diyos. Sa mata ng Diyos, ito ay bunga ng katalinuhang ipinagkaloob Niya sa tao. Sa tingin ng Diyos ito ay isang mabuting bagay, isang positibong bagay. Ang ginawa ni Adan noong panahong iyon ay ang unang pagpapakita ng katalinuhan ng Diyos na nasa tao. Isa itong mahusay na pagpapakita ayon sa pananaw ng Diyos. Ang nais kong sabihin sa iyo dito ay ang layunin ng Diyos sa pagdadagdag ng isang bahagi ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya at ng Kanyang katalinuhan sa tao ay upang maging buhay na nilikha ang sangkatauhan na maghahayag sa Kanya. Sapagkat ang paggawa ng mga ganoong bagay ng buhay na nilikha sa ngalan Niya ay ang mismong ninanais ng Diyos na makita.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Mag-iwan ng Tugon