Pagkatapos na pagkatapos Niyang likhain ang sangkatauhan, ang Diyos ay nagsimulang makipag-ugnayan sa tao at makipag-usap sa tao, at ang Kanyang disposisyon ay nagsimulang maipahayag sa tao. Sa ibang salita, magmula nang unang makipag-ugnayan ang Diyos sa sangkatauhan, sinimulan na Niyang ipakita sa tao, nang walang hinto, ang Kanyang diwa, kung ano ang mayroon Siya, at kung ano Siya. Nakikita o nauunawaan man ito o hindi ng mga naunang tao o ng mga tao sa kasalukuyang panahon, ang Diyos ay nagsasalita sa tao at gumagawa sa mga tao, na nagbubunyag ng Kanyang disposisyon at nagpapahayag ng Kanyang diwa—ito ay isang katunayan, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Nangangahulugan din ito na ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay patuloy na lumalabas at naibubunyag habang gumagawa at nakikipag-ugnayan Siya sa tao. Hindi Siya kailanman naglihim o nagtago ng anumang bagay mula sa tao, at sa halip ay nagpapakita sa madla at naglalabas ng Kanyang sariling disposisyon nang walang pag-aatubili. Kung kaya’t umaasa ang Diyos na makakaya Siyang makilala ng tao at maunawaan ang Kanyang disposisyon at diwa. Hindi Niya nais na ituring ng tao ang Kanyang disposisyon at diwa bilang walang hanggang mga misteryo, at hindi rin Niya nais na tingnan Siya ng sangkatauhan bilang isang palaisipan na hindi kailanman malulutas. Malalaman lamang ng tao ang daan pasulong at magagawang tanggapin ang gabay ng Diyos kung kilala ng sangkatauhan ang Diyos, at tanging ang sangkatauhang tulad nito ang tunay na makakapamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at mabubuhay sa liwanag, sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos.
Ang mga salita at disposisyong inilabas at ibinunyag ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang kalooban, at kumakatawan din ang mga ito sa Kanyang diwa. Kapag nakikipag-ugnayan ang Diyos sa tao, anuman ang Kanyang sabihin o gawin, o anuman ang disposisyong Kanyang ibunyag, at anuman ang nakikita ng tao sa diwa ng Diyos, kung ano ang mayroon Siya, at kung ano Siya, kinakatawan ng lahat ng ito ang kalooban ng Diyos para sa tao. Hanggang saan man ang kayang mapagtanto, maunawaan o maintindihan ng tao, kinakatawan ng lahat ng ito ang kalooban ng Diyos—ang kalooban ng Diyos para sa tao. Ito ay walang pag-aalinlangan! Ang kalooban ng Diyos para sa sangkatauhan ay siya ring hinihingi Niya sa mga tao na maging, kung ano ang hinihingi Niyang gawin nila, ang hinihingi Niyang paraan ng pamumuhay, at kung paano Niya hinihingi sa kanila ang pagkakaroon ng kakayahang maisakatuparan ang kaganapan ng Kanyang kalooban. Ang mga bagay na ito ba ay hindi maihihiwalay mula sa diwa ng Diyos? Sa ibang salita, inilalabas ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang lahat ng mayroon Siya at kung ano Siya kasabay ng pagbibigay Niya ng Kanyang mga hinihingi sa tao. Walang kasinungalingan, walang pagkukunwari, walang pagtatago, at walang palamuti. Ngunit bakit walang-kakayahan ang tao na makaalam, at bakit hindi kailanman nagawang makita nang malinaw ng tao ang disposisyon ng Diyos? At bakit hindi kailanman napagtanto ng tao ang kalooban ng Diyos? Ang ibinunyag at inilabas ng Diyos ay kung ano ang mayroon ang Diyos Mismo at kung ano Siya; ito ay ang bawat aspeto at bahagi ng Kanyang tunay na disposisyon—kaya bakit hindi makakita ang tao? Bakit hindi kaya ng tao na magkaroon ng malalim na kaalaman? Mayroong isang mahalagang dahilan para rito. Ano ang dahilang ito? Mula pa noong panahon ng paglikha, hindi kailanman itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Sa mga pinakaunang panahon, anuman ang ginawa ng Diyos na may kinalaman sa tao—ang tao na kalilikha lamang—itinuring ng tao ang Diyos nang hindi hihigit sa isang kasama, bilang isang kasama na maaasahan, at ang tao ay walang kaalaman o pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ang ibig sabihin nito ay hindi alam ng tao na ang inilabas ng Katauhang ito—ang Katauhang ito na kanyang inasahan at nakita bilang kanyang kasama—ay ang diwa ng Diyos, at hindi rin niya alam na ang Katauhang ito ang Siyang namamahala sa lahat ng bagay. Sa madaling sabi, hindi man lamang nakilala ng mga tao noong panahong iyon ang Diyos. Hindi nila alam na ang langit at lupa at ang lahat ng bagay ay ginawa Niya, at wala silang kaalam-alam kung saan Siya nagmula, at, higit pa rito, kung ano Siya. Mangyari pa, noong panahong iyon, hindi hiningi ng Diyos sa tao na kilalanin o unawain Siya nito, o intindihin ang lahat ng Kanyang ginawa, o malaman ang Kanyang kalooban, dahil ito ang mga pinakaunang panahon kasunod ng paglikha sa sangkatauhan. Nang simulan ng Diyos ang mga paghahanda para sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, may ilang bagay na ginawa ang Diyos sa tao at nagsimula na rin Siyang hingin ang Kanyang mga kagustuhan sa tao at sabihin sa tao kung paano makapagbibigay ng mga handog at makasasamba sa Diyos. Noon lamang nagkaroon ang tao ng ilang simpleng ideya tungkol sa Diyos, saka lamang niya nalaman ang kaibahan sa pagitan ng tao at Diyos, at na ang Diyos ang Siyang lumikha sa sangkatauhan. Nang malaman ng tao na ang Diyos ay Diyos at ang tao ay tao, nagkaroon ng ilang distansya sa pagitan niya at ng Diyos, ngunit hindi pa rin hiningi ng Diyos sa tao ang pagkakaroon ng mahusay na kaalaman o malalim na pagkaunawa sa Kanya. Samakatwid, gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang mga kahilingan sa tao batay sa mga yugto at kalagayan ng Kanyang gawain. Ano ang nakikita niyo rito? Anong aspeto ng disposisyon ng Diyos ang nakikita ninyo? Totoo ba ang Diyos? Angkop ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Sa mga pinakaunang panahon matapos ang paglikha ng Diyos sa sangkatauhan, noong hindi pa isinasagawa ng Diyos ang gawain ng paglupig at pagperpekto ng tao, at hindi pa marami ang mga binigkas Niyang salita sa kanya, kaunti lamang ang Kanyang hiningi sa tao. Kahit anupaman ang ginawa o ikinilos ng tao—kahit ginawa niya ang ilang bagay na nagdulot ng pagkakasala sa Diyos—pinatawad ng Diyos ang lahat ng iyon, at hindi na pinansin. Ito ay dahil alam ng Diyos kung ano ang ibinigay Niya sa tao at kung ano ang nasa loob ng tao, at dahil dito, alam Niya ang pamantayan ng mga kahilingan na dapat Niyang hingin sa tao. Kahit na ang pamantayan ng Kanyang mga kahilingan ay labis na mababa noong panahong iyon, hindi ito nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay hindi dakila, o na ang Kanyang karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat ay walang kabuluhan. Para sa tao, isa lamang ang paraan upang malaman ang disposisyon ng Diyos at ang Diyos Mismo: sa pamamagitan ng pagsunod sa mga hakbang ng gawain ng pamamahala at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at pagtanggap sa mga salitang sinasabi ng Diyos sa sangkatauhan. Sa oras na malaman ng tao kung ano ang mayroon ang Diyos, at kung ano Siya, at malaman ang disposisyon ng Diyos, hihingin pa rin kaya ng tao sa Diyos na ipakita sa kanya ang tunay Niyang persona? Hindi, hindi na ito hihingin ng tao, at hindi na mangangahas na hingin pa ito, dahil naunawaan na niya ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya, makikita na ng tao ang tunay na Diyos Mismo at ang Kanyang tunay na persona. Ito ang hindi maiiwasang kahihinatnan.
Habang walang humpay sa pagsulong ang gawain at plano ng Diyos, at matapos maisagawa ng Diyos ang kasunduan ng bahaghari sa tao bilang tanda na hindi na Niya kailanman wawasakin muli ang mundo sa pamamagitan ng pagbaha, nagkaroon ang Diyos ng labis na pagnanais na makamit ang mga taong kayang maging kaisa ng Kanyang isipan. Nagkaroon din Siya ng mas madaliang hangarin na mapasakanya ang mga taong nakayang gawin ang Kanyang kalooban sa lupa, at, higit pa rito, na makamit ang isang grupo ng mga tao na magagawang makalaya mula sa mga puwersa ng kadiliman, at hindi magagapos ni Satanas, isang grupo na magagawang magpatotoo tungkol sa Kanya sa lupa. Ang pagkakaroon ng ganitong grupo ng mga tao ay matagal nang ninanais ng Diyos, na hinihintay Niya simula pa noong panahon ng paglikha. Samakatwid, kahit pa gumamit ang Diyos ng baha upang wasakin ang mundo, o ang Kanyang kasunduan sa tao, ang lahat ng kalooban, kaisipan, plano, at pag-asa ng Diyos ay hindi nagbabago. Ang nais Niyang gawin, ang bagay na labis Niyang hinangad bago pa man ang panahon ng paglikha, ay ang makamit ang bahagi ng sangkatauhan na nais Niyang mapasakanya—ang makamit ang grupo ng mga tao na kayang umunawa at umalam ng Kanyang disposisyon, at umintindi ng Kanyang kalooban, isang grupo na kaya Siyang sambahin. Ang ganitong grupo ng mga tao ay tunay na kayang magpatotoo tungkol sa Kanya, at maaaring sabihin na sila ang Kanyang mga pinagkakatiwalaan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II