Ang mga Pagpapamalas ng Pagkatao ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok (Pag-unawa sa Pagkaperpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos, at Paglayo sa Kasamaan ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok)
Nang marinig ni Job na ang kanyang mga ari-arian ay ninakaw, na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay binawian ng buhay, at ang kanyang mga tagapagsilbi ay pinatay, ganito ang kanyang naging tugon: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba” (Job 1:20). Ang mga salitang ito ay nagsasabi sa atin ng isang katotohanan: Pagkatapos marinig ang balitang ito, si Job ay hindi nasindak, hindi siya umiyak, o kaya ay nanisi ng mga tagapagsilbi na nagdala sa kanya ng balita, at lalong hindi niya siniyasat ang pinangyarihan ng krimen upang suriin at patotohanan ang mga detalye at alamin kung ano ba talaga ang nangyari. Hindi siya nagpakita ng anumang sakit o kalungkutan sa pagkawala ng kanyang mga ari-arian, at hindi rin siya umiyak nang husto dahil sa pagkawala ng kanyang mga anak at ng kanyang mga mahal sa buhay. Bagkus, pinunit niya ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa, at sumamba. Ang mga kilos ni Job ay hindi kagaya ng kilos ng pangkaraniwang tao. Nililito ng mga ito ang maraming tao, at pinangaralan nila si Job sa kanilang mga puso dahil sa kanyang “kawalan ng pakiramdam.” Sa biglaang pagkawala ng kanilang mga ari-arian, ang puso ng mga karaniwang tao ay madudurog o mawawalan ng pag-asa—o kaya ay, sa kaso ng ilang tao, maaari itong magtulak sa kanila sa matinding depresyon. Iyon ay dahil, sa kanilang mga puso, ang mga ari-arian ng mga tao ay kumakatawan sa isang habambuhay na pagsisikap—kung saan nakasalalay ang pagkaligtas ng kanilang buhay, ito ang pag-asa na nagpapanatili ng kanilang buhay. Ang pagkawala ng kanilang ari-arian ay nangangahulugan na ang kanilang mga pagsisikap ay nauwi sa wala, na wala na silang pag-asa, at wala na rin silang kinabukasan. Ito ang saloobin ng sinumang karaniwang tao sa kanyang ari-arian at ang kanyang malapit na ugnayan sa mga ito, at ito rin ang kahalagahan ng ari-arian sa mga mata ng tao. Dahil dito, higit na nakakaraming bilang ng mga tao ang nalito sa mahinahong tugon ni Job sa pagkawala ng kanyang ari-arian. Ngayon, aalisin natin ang pagkalito ng lahat ng taong ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang nangyayari sa loob ng puso ni Job.
Ang sentido komun ay nagsasabi na dahil si Job ay nabigyan ng maraming ari-arian ng Diyos, dapat mahiya si Job sa harap ng Diyos dahil sa pagkawala ng mga ari-ariang ito, dahil hindi niya binantayan o inalagaan ang mga ito; hindi niya pinanghawakan ang mga ari-ariang ibinigay sa kanya ng Diyos. Dahil dito, nang marinig niya na ang kanyang ari-arian ay ninakaw, ang kanyang unang dapat na ginawa ay ang pumunta sa pinangyarihan ng krimen at kumuha ng imbentaryo ng lahat ng bagay na nawala, at pagkatapos ay mangumpisal sa Diyos upang maaaring makatanggap siyang muli ng mga pagpapala ng Diyos. Gayunman, hindi ito ang ginawa ni Job, at siya ay likas na may sariling mga dahilan kung bakit hindi niya ito ginawa. Sa kanyang puso, tunay na naniniwala si Job na ang lahat ng kanyang pag-aari ay ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi nanggaling sa sarili niyang paghihirap. Dahil dito, hindi niya nakita ang mga biyayang ito bilang isang bagay na dapat bigyan ng labis na pansin, at sa halip ay nakaangkla ang prinsipyo ng pananatili ng kanyang buhay sa buong lakas niyang pagkapit sa daan na dapat niyang pagtibayin. Itinangi niya ang mga pagpapala ng Diyos at nagpasalamat para sa mga ito, ngunit hindi niya inibig ang mga pagpapala, at hindi siya humingi ng karagdagan ng mga ito. Ganito ang kanyang saloobin tungo sa ari-arian. Wala rin siyang ginawa para lamang makatanggap ng mga pagpapala, o nag-alala, o nasaktan sa kakulangan o kawalan ng mga pagpapala ng Diyos; hindi rin siya naging mabangis at hibang sa kasiyahan dahil sa mga biyaya ng Diyos, hindi niya binalewala ang daan ng Diyos o nakalimutan ang biyaya ng Diyos dahil sa mga biyaya na madalas niyang tinatamasa. Ang saloobin ni Job sa kanyang ari-arian ay nagpapakita sa mga tao ng kanyang tunay na pagkatao: Una, si Job ay hindi isang sakim na tao, at hindi mapaghingi ng materyal na bagay sa kanyang buhay. Pangalawa, si Job ay hindi kailanman nag-alala o natakot na kukunin ng Diyos ang lahat ng mayroon siya, na kanyang saloobin sa pagsunod sa Diyos sa kanyang puso; iyon ay, wala siyang mga hinihingi o reklamo tungkol sa kung kailan o kung mayroon mang kukunin ang Diyos sa kanya, at hindi siya nagtanong ng dahilan kung bakit, kundi naghangad lamang siya na sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ikatlo, siya ay hindi kailanman naniwala na ang kanyang mga ari-arian ay galing sa sarili niyang paghihirap, kundi ibinigay ang mga ito sa kanya ng Diyos. Ganito ang pananampalataya ni Job sa Diyos, at ito ay isang pahiwatig ng kanyang matibay na paniniwala. Nilinaw ba ng tatlong-puntong buod na ito ang pagkatao ni Job at ang kanyang tunay na hangarin sa araw-araw? Ang pagkatao at hangarin ni Job ay mahalaga sa kanyang mahinahong asal nang kaharapin niya ang pagkawala ng kanyang ari-arian. Iyon ay tiyak na dahil sa kanyang araw-araw na hangarin kaya si Job ay may tayog at matibay na paniniwala na sabihing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos. Ang mga salitang ito ay hindi nakamit sa loob lamang ng isang magdamag, at hindi rin basta lumabas ang mga ito sa ulo ni Job. Ang mga ito ay kanyang nakita at natutuhan sa loob ng maraming taon ng karanasan sa buhay. Kung ihahambing sa lahat ng mga tao na humihingi lamang ng mga pagpapala ng Diyos at natatakot na may kukunin sa kanila ang Diyos, at napopoot at nagrereklamo tungkol dito, ang pagsunod ba ni Job ay hindi makatotohanan? Kung ihahambing sa lahat ng taong naniniwala na may Diyos, ngunit hindi kailanman naniwala na ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay, hindi ba’t nagtataglay si Job ng dakilang katapatan at pagkamatuwid?
Ang Pagkamakatwiran ni Job
Ang tunay na mga karanasan ni Job at ang kanyang matuwid at tapat na pagkatao ay nangahulugan na ginawa niya ang pinaka-makatwirang paghatol at mga pagpili nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak. Ang ganitong mga makatwirang pagpili ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kanyang pang-araw-araw na mga hangarin at sa mga gawa ng Diyos na kanyang nalaman sa panahon ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Dahil sa katapatan ni Job, nagawa niyang maniwala na ang kamay ni Jehova ang namamahala sa lahat ng bagay; ang kanyang kaalaman ang nagpahintulot sa kanya na malaman ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ng Diyos na si Jehova; ang kanyang kaalaman ang nagtulak sa kanya upang maging handa at makasunod sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos na si Jehova; mas lalong pinatotoo ng kanyang takot ang kanyang paglayo sa kasamaan; sa huli, si Job ay naging perpekto dahil may takot siya sa Diyos at lumayo sa kasamaan; at dahil sa kanyang pagkaperpekto, siya ay naging matalino, at nabigyan siya ng sukdulang pagkamakatwiran.
Paano natin dapat unawain itong salitang “makatwiran”? Ang literal na interpretasyon ay nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng matalas na pakiramdam, pagiging lohikal at matino sa pag-iisip, pagkakaroon ng wastong pananalita, kilos, at paghatol, at pagkakaroon ng tama at mga pirmihang pamantayang moral. Ngunit ang pagkamakatwiran ni Job ay hindi madaling maipaliwanag. Nang sinabi rito na si Job ay nagtaglay ng sukdulang pagkamakatwiran, ito ay sinabi nang may kaugnayan sa kanyang pagkatao at sa kanyang asal sa harap ng Diyos. Dahil si Job ay tapat, nagawa niyang maniwala at sumunod sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, na nagbigay sa kanya ng kaalaman na hindi makakamit ng iba, at ang kaalamang ito ay nagbigay sa kanya ng kakayahan na mas tumpak na matukoy, mahusgahan, at mabigyang-kahulugan ang mga nangyari sa kanya, na nakatulong sa kanya upang mas tumpak at mas malinaw na makapili kung ano ang dapat na gawin at kung ano ang dapat na matatag na panghahawakan. Kaya ang kanyang mga salita, pag-uugali, ang mga prinsipyo sa likod ng kanyang mga kilos, at ang alituntunin na gumagabay sa kanyang pagkilos, ay pangkaraniwan, malinaw, at tiyak, at hindi bulag, pabigla-bigla, o emosyonal. Alam niya kung paano tratuhin ang anumang dumating sa kanya, alam niya kung paano timbangin at panghawakan ang mga ugnayan sa pagitan ng mga kumplikadong kaganapan, alam niya kung paano humawak ng mahigpit sa daang dapat niyang panghawakan, at, higit pa rito, alam niya kung paano ituring ang ginagawang pagbibigay at pagbawi ng Diyos na si Jehova. Ganito ang pagkamakatwiran ni Job. Dahil mismo sa ganitong pagkamakatwiran ni Job kung kaya’t nasabi niyang, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak na lalaki at babae.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II