Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 115

766 2020-11-16

Jonas 3 At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, “Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo.” Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsabi, “Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak.” At ang bayan ng Ninive ay naniwala sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadaki-dakilaan sa kanila hanggang sa kaliit-liitan sa kanila. At ang salita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kanyang luklukan, at hinubad niya ang kanyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kanyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasya ng hari at ng kanyang mga maharlika, na sinasabi, “Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; kundi mangagbalot ng kayong magaspang ang tao at gayon din ang hayop, at manangis sila nang malakas sa Diyos: oo, talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung mapanunumbalik ang Diyos at magsisisi, at tatalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay.” At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at binawi ng Diyos ang masama, na Kanyang sinabing Kanyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa.

Ang Tunay na Pagsisisi sa Puso ng mga Taga-Ninive ang Nagdulot sa Kanila ng Awa ng Diyos at Nagpabago sa Kanilang Sariling Katapusan

Mayroon bang anumang salungatan sa pagitan ng pagbabago ng puso ng Diyos at Kanyang poot? Siyempre wala! Ito ay sapagkat may dahilan ang pagpaparaya ng Diyos noong pagkakataong iyon. Ano kaya ang dahilan na ito? Ito ay ang ibinigay sa Bibliya: “Bawat tao ay lumayo sa kanyang masamang gawi” at “iniwan ang karahasan sa kanyang mga kamay.”

Ang “masamang gawi” ay hindi tumutukoy sa isang dakot na masasamang gawa, kundi sa masamang bukal kung saan nagmumula ang pag-uugali ng mga tao. Ang “Ang paglayo sa masamang gawi ng isang tao” ay nangangahulugan na hindi na nila kailanman muling gagawin ang mga gawaing ito. Sa madaling salita, hindi na sila kailanman muling kikilos sa masamang paraang ito; ang paraan, pinagmulan, layunin, intensyon at prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay nagbagong lahat; hindi na nila kailanman muling gagamitin ang mga pamamaraan at mga prinsipyong ito upang magdulot ng kasiyahan at kaligayahan sa kanilang mga puso. Ang “iniwan” sa “iniwan ang karahasan sa mga kamay ng isang tao” ay nangangahulugan na binitawan o isinantabi, upang ganap na makawala sa nakaraan at hindi na kailanman muling balikan. Nang iwanan ng mga taga-Ninive ang karahasan sa kanilang mga kamay, pinatunayan at kinatawan nito ang tunay nilang pagsisisi. Pinagmamasdan ng Diyos ang panlabas na anyo ng mga tao, gayundin ang kanilang mga puso. Nang mapansin ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng mga taga-Ninive nang walang pag-aalinlangan, at napansin din na tinalikdan na nila ang kanilang masasamang gawi at iniwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, binago Niya ang Kanyang puso. Ibig sabihin, ang asal at pag-uugali ng mga taong ito at ang iba’t ibang pamamaraan ng kanilang paggawa ng mga bagay, gayundin ang kanilang tapat na pangungumpisal at pagsisisi sa mga kasalanan sa kanilang puso, ang dahilan kaya nagbago ang puso ng Diyos, nagbago ang Kanyang mga layunin, binawi ang Kanyang pasya at hindi na sila pinarusahan o nilipol man. Kaya nagkaroon ang mga taga-Ninive ng ibang katapusan. Nailigtas nila ang kanilang sariling mga buhay at natamo rin nila ang awa at pagpaparaya ng Diyos, kung saang punto binawi din ng Diyos ang Kanyang poot.

Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Bihira—Ang Totoong Pagsisisi ng Tao ang Ganoon

Kahit gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng magaspang na damit at naupo sa mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Nang sabihin Niyang wawasakin Niya ang kanilang lungsod—ang panahon bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng serye ng mga gawain ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Magkasunod na ipinahayag ng Diyos ang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa nang magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, ito ay dahil sa bihira silang magsisi nang tapat sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na makakaya ng tao na magsisi nang tapat, at umaasa Siya na makikita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, maluwag Niyang ipagpapatuloy na ipagkaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang pag-uugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at maiiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi lubhang mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at iiwan ang karahasan sa kanilang mga kamay, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Mag-iwan ng Tugon