Narinig ni Job ang Diyos sa pamamagitan ng Pagdinig ng Tainga (Mga piling sipi)
Job 9:11 Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, ngunit hindi ko Siya namamataan.
Job 23:8–9 Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya.
Job 42:2–6 Nalalaman ko na magagawa Mo ang lahat ng mga bagay, at wala Kang akala na mapipigil. Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman? Kaya’t aking sinambit na hindi ko nauunawa, mga bagay na totoong kagilagilalas sa akin na hindi ko nalalaman. Dinggin Mo, isinasamo ko sa Iyo, at ako’y magsasalita; ako’y magtatanong sa Iyo, at magpahayag Ka sa akin. Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.
Bagama’t Hindi Ibinunyag ng Diyos ang Sarili Niya kay Job, si Job ay Naniniwala sa Dakilang Kapangyarihan ng Diyos
Ano ang isinusulong ng mga salitang ito? Nakikita ba ninyo na may isang katotohanan dito? Una, paano nalaman ni Job na may Diyos? At paano niya nalaman na ang mga langit at lupa at lahat ng bagay ay pinamamahalaan ng Diyos? Narito ang isang sipi na sumasagot sa dalawang katanungang ito: “Narinig Kita sa pakikinig ng pakinig; ngunit ngayo’y nakikita Ka ng aking mata. Kaya’t ako’y nayayamot sa sarili, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo”. Mula sa mga salitang ito ay nalaman natin, na sa halip na makita ang Diyos sa kanyang sariling mga mata, natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos mula sa alamat. Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, siya ay nagsimulang lumakad sa landas ng pagsunod sa Diyos, matapos nito ay nakumpirma niya ang pag-iral ng Diyos sa kanyang buhay, at sa lahat ng bagay. May isang hindi maikakailang katotohanan dito—at ano ito? Sa kabila ng kakayahang sundin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos. Dito, hindi ba siya kapareho ng mga tao sa ngayon? Hindi pa kailanman nakita ni Job ang Diyos, at ipinapahiwatig nito na bagama’t narinig niya ang tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung nasaan ang Diyos, o kung ano ang katulad ng Diyos, o kung ano ang ginagawa ng Diyos. Lahat ng mga ito ay mga pansariling kadahilanan; sa isang walang kinikilingang pananalita, bagama’t sinunod niya ang Diyos, ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya o nakipag-usap sa kanya. Hindi ba ito isang katotohanan? Kahit na hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job o kaya ay nagbigay sa kanya ng anumang utos, nakita ni Job ang pag-iral ng Diyos, at napagmasdan niya ang Kanyang dakilang kapangyarihan sa gitna ng lahat ng bagay at sa mga alamat kung saan natutuhan ni Job ang tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng pakikinig, at pagkatapos nito ay sinimulan niya ang buhay na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Ganito ang simula at proseso kung paano sumunod si Job sa Diyos. Ngunit kahit gaano siya natakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, kahit gaano niya panghawakan ang kanyang katapatan, hindi pa rin kailanman nagpakita ang Diyos sa kanya. Basahin natin ang siping ito. Sinabi niya, “Narito, Siya’y dumaraan sa siping ko, at hindi ko Siya nakikita: Siya’y nagpapatuloy rin naman, ngunit hindi ko Siya namamataan” (Job 9:11). Ang sinasabi ng mga salitang ito ay maaaring nadama ni Job ang Diyos sa paligid niya o maaari ring hindi—ngunit hindi niya kailanman nakita ang Diyos. Nagkaroon ng mga oras kung saan naisip niya na dumaraan ang Diyos sa harap niya, o kumikilos, o pinapatnubayan ang tao, ngunit hindi niya kailanman nalaman. Ang Diyos ay darating sa tao kapag hindi niya ito inaasahan; hindi alam ng tao kung kailan darating ang Diyos sa kanya, o kung saan Siya darating sa kanya, sapagkat hindi nakikita ng tao ang Diyos, at sa gayon, para sa tao, nakatago ang Diyos mula sa kanya.
Ang Pananampalataya ni Job sa Diyos ay Hindi Nayayanig ng Katotohanan na ang Diyos ay Nakatago sa Kanya
Sa sumusunod na sipi ng kasulatan, nagsabi si Job, “Narito, ako’y nagpapatuloy, ngunit wala Siya; at sa dakong likuran, ngunit hindi ko Siya mamataan: Sa kaliwa pagka Siya’y gumagawa, ngunit hindi ko mamasdan Siya: Siya’y nagkukubli sa kanan, na hindi ko makita Siya” (Job 23:8–9). Sa salaysay na ito, nalalaman natin na sa buong karanasan ni Job, ang Diyos ay nakatago sa kanya; ang Diyos ay hindi lantarang nagpakita sa kanya, at hindi rin Siya lantarang nangusap ng anumang salita sa kanya, gayunman sa kanyang puso, si Job ay may tiwala sa pag-iral ng Diyos. Palagi siyang naniniwala na ang Diyos ay maaaring naglalakad sa harap niya, o maaaring kumikilos sa kanyang tabi, at kahit na hindi niya nakikita ang Diyos, ang Diyos ay nasa tabi niya, pinamamahalaan ang lahat tungkol sa kanya. Hindi kailanman nakita ni Job ang Diyos, ngunit nagawa niyang manatiling totoo sa kanyang pananampalataya, na walang ibang taong nakagawa. Bakit hindi ito magawa ng ibang tao? Ito ay dahil sa hindi nakipag-usap ang Diyos kay Job, o nagpakita sa kanya, at kung siya ay hindi tunay na naniwala, hindi niya magagawang magpatuloy, o mananatili sa daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Hindi ba ito totoo? Ano ang nararamdaman mo kapag nababasa mo na sinasabi ni Job ang mga salitang ito? Nararamdaman mo ba na totoo ang pagka-perpekto at pagkamatuwid ni Job, at ang kanyang pagkamakatuwiran sa harap ng Diyos, at na hindi ito isang kalabisan sa panig ng Diyos? Kahit na itinuring ng Diyos si Job katulad ng pagturing Niya sa ibang tao, at hindi nagpakita o nakipag-usap sa kanya, naging matatag pa rin si Job sa kanyang katapatan, naniwala pa rin siya sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at, bukod pa rito, madalas siyang nag-alay ng mga sinusunog na handog at nanalangin sa harap ng Diyos bilang bunga ng kanyang takot na magkasala sa Diyos. Sa kakayahan ni Job na magkaroon ng takot sa Diyos nang hindi pa nakikita ang Diyos, nakikita natin kung gaano niya kamahal ang mga positibong bagay, at kung gaano katatag at katotoo ang kanyang pananampalataya. Hindi niya ikinaila na may Diyos dahil ang Diyos ay nakatago mula sa kanya, at hindi nawala ang kanyang pananampalataya at hindi niya itinakwil ang Diyos dahil hindi pa niya kailanman nakita ang Diyos. Sa halip, sa gitna ng mga nakatagong gawain ng Diyos sa Kanyang pamamahala sa lahat ng bagay, naunawaan niya ang pag-iral ng Diyos, at nadama ang dakilang kapangyarihan at lakas ng Diyos. Hindi niya isinuko ang pagiging matuwid dahil ang Diyos ay nakatago, at hindi rin niya itinakwil ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan dahil ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa kanya. Hindi kailanman hiningi ni Job na lantarang magpakita ang Diyos sa kanya upang patunayan ang Kanyang pag-iral, dahil nakita na niya ang dakilang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at naniwala siya na natanggap niya ang mga pagpapala at biyaya na hindi nakamit ng iba. Bagama’t ang Diyos ay nanatiling nakatago sa kanya, ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi kailanman nayanig. Kaya, inani niya ang hindi pa nakukuha ng iba: Ang pagsang-ayon ng Diyos at biyaya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II