Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 205

1,355 2020-08-22

Dapat ninyong ibigay ang lahat para sa Aking gawain. Dapat kayong gumawa ng gawaing kapaki-pakinabang sa Akin. Handa Akong ipaliwanag sa inyo ang lahat ng hindi ninyo nauunawaan para matutuhan ninyo mula sa Akin ang lahat ng wala sa inyo. Bagama’t di-mabilang sa dami ang inyong mga depekto, handa Akong patuloy na gawin ang gawaing dapat Kong gawin sa inyo, ipagkaloob sa inyo ang huling awa Ko para makinabang kayo mula sa Akin at magtamo kayo ng kaluwalhatiang wala sa inyo at hindi pa nakikita ng mundo kailanman. Nagtrabaho na Ako nang napakaraming taon, subalit hindi Ako nakilala ng sinumang tao kailanman. Nais Kong sabihin sa inyo ang mga lihim na hindi Ko pa nasasabi kailanman kahit kanino.

Sa mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila makakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa mga tao. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Judio; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Judio. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking katawang-tao bilang handog dahil sa kasalanan sa Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Judio sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya muli Kong ginawa ang gawaing mag-akay na nasa katawang-tao. Ito ang ikalawang pagkakataon Kong magtrabaho na nasa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, na hindi kamukha ng anyo at pakiramdam ng Diyos. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at nakalilito sa kanila. Muli’t muli, pinutol na ng Aking pambihirang gawain ang sinaunang mga paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Nalito ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritung iyon, ang Espiritung pinatindi nang pitong beses, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkapareho sila dahil kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba dahil ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t nagmula mismo sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na nagsasagawa ng gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginagawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay ang gawain ng panlulupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng kagandahang-loob at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng panlulupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawan, samantalang ang isa naman ay katawan na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at hindi nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang batang lalaki at ang isa naman ay isang batang babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay rin na hindi tugma sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako lubos na naaarok ng mga tao kailanman. Patuloy silang naniniwala at nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong ilusyong panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Komportable ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na may katawang-tao”? May tapang ka ba talagang igiit na, “Ang larawan ni Jesus ay walang iba kundi ang dakilang larawan ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa pagsasalita para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at larawan ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling larawan”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng katauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang maaaring kumumpleto sa gawaing Aking gagawin? Kung isa lamang ang pipiliin mo sa nasa itaas para ibuod ang Aking pinakadiwa, isa kang napakamangmang na tapat na mananampalataya. Kung gumawa Akong minsan bilang katawang-tao, at minsan lamang, lilimitahan kaya ninyo Ako? Nauunawaan ba ninyo talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nalantad sa iyo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin mo sa Akin? Hahayaan mo bang nakapako Ako sa krus magpakailanman? Maaari bang maging kasing-simple ng sinasabi mo ang Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkaunawa Mo sa Diyos?

Mag-iwan ng Tugon