Bagama’t malalim ang pamamahala ng Diyos, kaya itong unawain ng tao. Ito ay dahil ang buong gawain ng Diyos ay konektado sa Kanyang pamamahala at sa Kanyang gawaing iligtas ang sangkatauhan, at patungkol sa buhay, pamumuhay, at hantungan ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng tao at sa tao ay masasabing napaka-praktikal at makahulugan. Maaari itong makita at maranasan ng tao, at hindi ito isang bagay na mahirap unawain. Kung hindi kaya ng tao na tanggapin ang lahat ng gawaing ginagawa ng Diyos, ano pa ang kabuluhan ng Kanyang gawain? At paano hahantong ang gayong pamamahala sa kaligtasan ng tao? Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong mahihirap na isyu ay hindi magpapalago o magbibigay ng anumang pakinabang sa kanilang buhay. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila iyon gaanong pinakikinggan. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang payak na layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Hindi mag-aabala ang gayong mga tao na makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating suriin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili niyang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kagrabe ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos.
Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa paniniwala ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling pamamahala sa gitna ng gawain ng Diyos subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay nasa kung paanong ang tao, kasabay ng paghahangad na magpasakop sa Diyos at sambahin Siya, ay bumubuo ng sarili niyang mainam na hantungan at nagpaplano kung paano matatanggap ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng isang tao kung gaano siya kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakatalikod sa kanyang mga mithiin at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at patigilin ang pag-iisip lamang sa kanyang sarili? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga magpapasakop sa Kanya sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala. Hindi Niya kailangan ang mga taong maglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga nagbibigay ng kaunti at pagkatapos ay naghihintay na magantimpalaan. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay namamahinga sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na minamasama ang gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkasuklam Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng gawaing Kanyang ginagawa sa pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa nais ng Diyos na makamit at makuha sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang malasakit sa puso ng Diyos, dahil lubos silang abala sa sarili nilang mga inaasam at kapalaran. Yaong mga minamasama ang gawain ng pamamahala ng Diyos at wala ni katiting na interes kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang kalooban ay ginagawa lamang kung ano ang ikinasisiya nila sa isang paraan na hiwalay sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang pag-uugali ay hindi natatandaan ni inaaprubahan ng Diyos—lalong hindi pinapaboran ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos