Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi kaayon ng mga pagkaintindi ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, na lubos na hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao. Sa gayon, kailangang magkaroon ang mga tao ng tiwala at determinasyon na maging tapat sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin. Kinakailangan sa paniniwala sa Diyos ang pagsunod sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakalaki ng nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at bukod pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga pagkaintindi ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mababagsik na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, dapat matamasa ng mga tao ang Kanyang kamahalan at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumarito Siya para iligtas at gawing perpekto ang sangkatauhan. Bilang mga nilalang, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at tumayong saksi para sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at gawin iyon nang lubhang matunog para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, nananatili kang puno ng tiwala at hindi nawawalan ng tiwala sa Kanya. Ginagawa mo ang dapat gawin ng tao. Ito ang hinihiling ng Diyos sa tao, at dapat magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik at bumaling sa Kanya sa bawat sandaling lumilipas. Ito ay isang mananagumpay. Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga “mananagumpay” ay yaong mga nagagawa pang tumayong saksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay tumatayong saksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang “mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ang landas na ito ay totoo, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo ay naparito sa lupa upang gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung masusundan mo pa rin Siya anuman ang Kanyang gawin, magpasya man Siya ng isang hindi kaaya-ayang kahihinatnan para sa iyo sa pinakadulo, ito ay pagpapanatili ng iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat mong talikdan ang laman, talikdan mo ang laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos. Kung hindi mo paninindigan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at pinagpasyahan ay nawalan ng saysay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos
Panindigan ang Dapat Gawin ng Tao
Ⅰ
Ang pag-aalay ng dalisay na birhen at banal na espirituwal na katawan, ibig sabihin ay pananatili ng pusong tapat sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang pananatiling matapat sa Diyos ay kadalisayan. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay may isang kondisyon: Dapat buong lakas ng pusong hangarin ng tao, huwag mag-alinlangan sa mga pagkilos ng Diyos, ipagpatuloy ang tungkulin nila sa lahat ng oras. Sa ganitong paraan lamang makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Yamang natitiyak mong totoo ang landas na ito, dapat mo itong sundin hanggang sa huli, panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo'y naparito sa lupa upang maperpekto ka, dapat ibigay mo sa Kanya ang buong puso mo. Anuman ang ginagawa Niya, kahit masama ang kalabasan mo, maaari mo pa rin Siyang sundin palagi. Ito'y pagpapanatili ng kadalisayan.
Ⅱ
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos, dapat may malaking pananampalataya ang sangkatauhan, at dapat siyang maghangad sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasan lamang makikita ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, makikita kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu. Kung 'di mo nararanasan, kung 'di mo nadarama ang iyong landas sa pamamagitan nito, kung 'di ka naghahangad, wala kang makakamit. Dahil sa pamamagitan ng karanasan mo makikita ang mga gawa ng Diyos, makikita mo kung gaano Siya kahanga-hanga, gaano S'ya 'di maarok. Yamang natitiyak mong totoo ang landas na ito, dapat mo itong sundin hanggang sa huli, panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos Mismo'y naparito sa lupa upang maperpekto ka, dapat ibigay mo sa Kanya ang buong puso mo. Anuman ang ginagawa Niya, kahit masama ang kalabasan mo, maaari mo pa rin Siyang sundin palagi. Ito'y pagpapanatili ng kadalisayan. Tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, anuman ang kalabasan, hangaring makilala at mahalin ang Diyos, huwag magreklamo paano ka man tratuhin ng Diyos.
mula sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin