Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 480

1,299 2020-09-13

Sabi ng ilang tao, “Gumawa si Pablo ng napakaraming gawain, at bumalikat siya ng mabibigat na pasanin para sa mga iglesia at nag-ambag nang malaki sa mga iyon. Pinagtibay sa labintatlong sulat ni Pablo ang 2,000 taon ng Kapanahunan ng Biyaya, at pumapangalawa lamang sa Apat na Ebanghelyo. Sino ang maikukumpara sa kanya? Walang sinumang makaintindi sa Pahayag ni Juan, samantalang ang mga sulat ni Pablo ay nagbibigay-buhay, at ang gawaing kanyang ginawa ay kapaki-pakinabang sa mga iglesia. Sino pa ang maaaring makagawa ng gayong mga bagay? At ano ang gawaing ginawa ni Pedro?” Kapag sinusukat ng tao ang iba, ginagawa niya iyon ayon sa kanilang naging ambag. Kapag sinusukat ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon ayon sa likas na pagkatao ng tao. Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi alam ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o masunurin, sa anumang paraan, ni hindi niya alam ang kanyang kakanyahan, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. Iba si Pedro. Alam niya ang kanyang mga pagkakamali, kahinaan, at tiwaling disposisyon bilang isang nilalang ng Diyos, kaya nga nagkaroon siya ng isang landas ng pagsasagawa na naging daan upang magbago ang kanyang disposisyon; hindi siya isa sa mga mayroon lamang doktrina ngunit hindi nagtaglay ng realidad. Yaong mga nagbabago ay mga baguhan na naligtas na, sila yaong mga karapat-dapat sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ang mga taong hindi nagbabago ay kabilang sa mga natural na laos na; sila yaong mga hindi naligtas, ibig sabihin, yaong mga kinamuhian at tinanggihan ng Diyos. Hindi sila maaalaala ng Diyos gaano man kadakila ang kanilang gawain. Kapag ikinumpara mo ito sa sarili mong pagsisikap, kapareho ka man ni Pedro o ni Pablo sa huli ay dapat maging malinaw. Kung wala pa ring katotohanan sa iyong hinahanap, at kung kahit ngayon ay mayabang ka pa rin at walang-pakundangan na kagaya ni Pablo, at magaling ka pa ring magsalita at mayabang na katulad niya, walang duda na isa kang masamang tao na nabibigo. Kung hinahangad mo ang hinangad ni Pedro, kung hinahangad mo ang mga pagsasagawa at tunay na mga pagbabago, at hindi ka mayabang o matigas ang ulo, kundi hinahangad mong gampanan ang iyong tungkulin, ikaw ay magiging nilalang ng Diyos na kayang magtagumpay. Hindi alam ni Pablo ang sarili niyang kakanyahan o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang pagsuway. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na paglaban kay Cristo, ni hindi siya masyadong nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang nagpasakop sa Diyos. Bagama’t nahulog siya sa daan patungong Damasco, hindi siya tumingin sa kanyang sariling kaibuturan. Kuntento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga problema ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Masaya na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsiyensya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang kanyang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at panandaliang gawain, ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi siya naghangad na maunawaan nang mas malalim ang katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samatuwid ay masasabi na ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili ay mali, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay mayroon siyang kaalaman tungkol sa kanyang sariling likas na pagkatao o kakanyahan; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasiyang gawin, ni hindi ito gawaing naganap matapos niyang matanggap ang pagtatabas ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi naging bayad para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinanggap ng Panginoong Jesus. Hindi siya isang taong puno ng pagmamahal at pagpipitagan kay Jesucristo, ni hindi siya isang taong bihasa sa paghahanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang taong naghanap sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Isa lamang siyang taong sanay sa panlilinlang, at hindi susuko sa sinumang nakatataas sa kanya o taglay ang katotohanan. Kinainggitan niya ang mga tao o ang mga katotohanang taliwas sa kanya, o laban sa kanya, na mas gusto yaong mga taong may talento na nagpakita ng magandang imahe at nagtataglay ng malalim na kaalaman. Ayaw niyang makihalubilo sa mga taong maralita na naghanap sa tunay na daan at walang ibang pinahalagahan kundi ang katotohanan, at sa halip ay pinagkaabalahan lamang niya ang nakatatandang mga tao mula sa mga relihiyosong organisasyon na nagsalita lamang tungkol sa mga doktrina, at may saganang kaalaman. Wala siyang pagmamahal sa bagong gawain ng Banal na Espiritu at hindi niya pinahalagahan ang paggalaw ng bagong gawain ng Banal na Espiritu. Sa halip, pinaburan niya yaong mga panuntunan at doktrina na mas nakatataas kaysa mga pangkalahatang katotohanan. Sa kanyang likas na diwa at sa kabuuan ng kanyang hinangad, hindi siya karapat-dapat na matawag na isang Kristiyano na naghanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang tapat na lingkod sa bahay ng Diyos, sapagkat masyado siyang mapagpaimbabaw, at napakatindi ng kanyang pagsuway. Bagama’t kilala siya bilang isang lingkod ng Panginoong Jesus, hindi man lamang siya akmang pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ang kanyang mga kilos mula simula hanggang katapusan ay hindi matatawag na matuwid. Maaari lamang siyang ituring na mapagpaimbabaw, at gumawa ng kasamaan, subalit gumawa rin para kay Cristo. Bagama’t hindi siya matatawag na masama, maaari siyang angkop na tawagin na isang taong gumawa ng kasamaan. Marami siyang ginawang gawain, subalit hindi siya kailangang hatulan batay sa dami ng gawaing kanyang ginawa, kundi sa kalidad at kakanyahan lamang nito. Sa paraang ito lamang posibleng malaman ang pinag-ugatan ng bagay na ito. Naniwala siya noon pa man: “Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; isinasaalang-alang ko ang pasanin ng Panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang lubos na katulad ko, sapagkat nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.” Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo: “Pinagbuti ko ang paglaban, natapos ko na ang aking lakbayin, at may nakalaan sa akin na isang korona ng katuwiran.” Ang kanyang laban, gawain, at lakbayin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabigla-bigla sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang punan ang kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsiyensya. Inasam lamang niyang kumpletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang lakbayin, at pagbutihin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makilala ang Panginoong Jesus sa kanyang mga karanasan at tunay na kaalaman, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang nakamit ng kanyang gawain para sa kanya nang makilala niya ang Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at makipagkasunduan kapalit ng isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinanap ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano makakaabot sa pamantayan ang gayong pagsisikap? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang pagsisikap—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at gumawa siya ayon lamang sa kanyang sariling mga hangarin. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; pumasok lamang siya sa isang kasunduan. Ang kanyang mga pagsisikap ay hindi kusang ginawa upang gampanan ang kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang layunin ng kasunduan. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsisikap? Sino ang pupuri sa kanyang maruruming pagsisikap? Sino ang may interes sa gayong mga pagsisikap? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Napakalaking bahagi ng kanyang kabutihan ay pagkukunwari; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang paimbabaw na kabutihan; pakikipagkasunduan iyon. Paano maaakay ng gawaing katulad nito ang tao tungo sa landas ng pagbawi sa kanyang orihinal na tungkulin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Mag-iwan ng Tugon