Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 157

567 2020-08-05

Maraming pagkakapareho ang tradisyonal na kultura at pamahiin, iyon nga lang ang tradisyonal na kultura ay may partikular na mga kuwento, mga pahiwatig, at mga pinagmumulan. Bumuo at nag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwento sa mga aklat ng kasaysayan, iniiwan sa mga tao ang malalalim na impresyon ng tradisyonal na kultura o mga mapamahiing imahe. Halimbawa, sa Tsina ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Tungo sa Kanluran,” ang Emperador ng Jade, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat na nang husto ang mga ito sa isip ng tao? Kahit na hindi nalalaman ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalaman nito ang namamalagi sa iyong puso at sa iyong isip, upang hindi mo makakalimutan ang mga ito. Ito ang sari-saring ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noon pa man, at naipakalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa mga kaluluwa ng mga tao at ginagayuma nang sunod-sunod ang mga tao. Ibig sabihin noon ay sa sandaling natanggap mo na ang gayong tradisyonal na kultura, mga kwento, o mapamahiing mga bagay, kapag ang mga ito ay naitatag sa iyong isip, at kapag nangunyapit ang mga ito sa iyong puso, kung gayon ay para kang nagayuma—nasasadlak ka at naiimpluwensyahan nitong mga kultural na patibong, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang iyong pananaw sa buhay, at ang iyong paghatol sa mga bagay-bagay. Lalong higit na iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad para sa tunay na daan ng buhay: Ito ay talagang isang masamang gayuma. Anuman ang gawin mo, hindi mo maipapagpag ang mga ito; sinisibak mo ang mga ito nguni’t hindi mo kayang maibuwal; hinahampas mo ang mga ito nguni’t hindi mo matatalo. Dagdag pa rito, pagkatapos na ang mga tao ay mapasailalim nang hindi namamalayan sa ganitong uri ng gayuma, sila ay nagsisimulang sumamba kay Satanas nang hindi namamalayan, itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang mga puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyosan, isang bagay para kanilang sambahin at tingalain, humahantong pa hanggang sa pagtuturing dito bilang Diyos. Nang hindi namamalayan, ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at mga gawa. Higit pa rito, itinuturing mo noon na huwad ang mga kuwento at mga alamat na ito, at pagkatapos kinikilala mo nang hindi namamalayan ang pag-iral nila, ginagawa silang mga totoong pigura at ginagawa silang mga totoo, umiiral na mga bagay. Sa iyong kawalang-kamalayan, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas at mga diyus-diyosan sa iyong sariling tahanan at sa iyong sariling puso—isa nga itong gayuma. Umaalingawngaw ba ang mga salitang ito sa inyo? (Oo.) Mayroon bang sinuman sa inyo ang nakapagsunog na ng insenso at sumamba kay Buddha? (Oo.) Kung gayo’y ano ang layunin ng pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Nananalangin para sa kapayapaan.) Kung iisipin ang tungkol dito ngayon, kakatwa ba na manalangin kay Satanas para sa kapayapaan? Si Satanas ba ay nagdadala ng kapayapaan? (Hindi.) Hindi ninyo ba nakikita kung gaano kayo kamangmang noon? Ang ganoong uri ng asal ay kakatwa, mangmang at walang muwang, hindi ba? Ang tanging iniisip ni Satanas ay kung paano ka magagawang tiwali. Imposible kang mabigyan ng kapayapaan ni Satanas, mabibigyan ka lamang nito ng pansamantalang ginhawa. Subali’t upang makamit ang kaunting ginhawang ito, dapat kang manumpa, at kapag sinira mo ang iyong pangako o ang iyong sinumpaan kay Satanas, makikita mo kung gayon kung paano ka nito pahihirapan. Sa pagtutulak nito sa iyo na manumpa, sa katunayan ay gusto nitong kontrolin ka. Nang nanalangin kayo para sa kapayapaan, nakamit ba ninyo ang kapayapaan? (Hindi.) Hindi kayo nagkamit ng kapayapaan, subali’t sa kabaligtaran ang inyong mga pagsisikap ay nagdala ng kasawian at walang-katapusang mga kalamidad—tunay na isang walang-hangganang karagatan ng kapaitan. Ang kapayapaan ay wala sa ilalim ng sakop ni Satanas, at ito ang katotohanan. Ito ang kinahinatnan na naidulot ng piyudal na pamahiin at tradisyonal na kultura sa sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Mag-iwan ng Tugon