Mag-subscribe

Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos | "Ang Tunay na Kasaysayan sa Likod ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos" | Sipi 23

302 2020-06-01

Kahit na si Jesus sa Kanyang pagkakatawang-tao, ay lubos na walang damdamin, lagi Niyang inaaliw ang Kanyang mga tagasunod, binibigyan sila, tinutulungan sila, at pinananatili sila. Gaano man karaming gawain ang Kanyang ginawa o gaano man katindi ang pagdurusang Kanyang tiniis, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa mga tao, kundi laging matiyaga at matiisin sa kanilang mga pagkakasala, anupa’t sa Kapanahunan ng Biyaya Siya ay magiliw na kinilala bilang “ang kaibig-ibig na Jesus na Tagapagligtas.” Sa mga tao nang panahong iyon—sa lahat ng mga tao—kung anong mayroon si Jesus at kung ano Siya, ay kaawaan at kagandahang-loob. Hindi Niya kailanman tinandaan ang mga pagsalangsang ng mga tao, at ang Kanyang pakikitungo sa kanila ay hindi nakabatay sa kanilang mga pagsalangsang. Dahil iyon ay ibang kapanahunan, madalas Siyang magkaloob ng masaganang pagkain at inumin sa mga tao upang sila ay mangabusog. Pinakitunguhan Niya ang lahat ng Kanyang mga tagasunod nang may kabaitan, pinagagaling ang maysakit, pinalalayas ang mga demonyo, at binubuhay ang mga patay. Upang ang mga tao ay maniwala sa Kanya at makita na lahat ng Kanyang ginawa ay ginawa nang buong sigasig at katapatan, anupa’t Siya ay gumawa hanggang sa sukdulang Kanyang buhayin ang isang naaagnas na bangkay, ipinakikita sa kanila na sa Kanyang mga kamay, kahit na ang patay ay muling mabubuhay. Sa paraang ito tahimik Siyang nagtiis at ginawa ang Kanyang gawain ng pagtubos sa kanilang kalagitnaan. Bago pa man Siya ipinako sa krus, pinasan na ni Jesus ang mga kasalanan ng sangkatauhan at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan. Nabuksan na Niya ang daan patungo sa krus upang tubusin ang sangkatauhan bago pa man siya mapako. At sa huli ipinako Siya sa krus, isinasakripisyo ang Kanyang sarili para sa kapakanan ng krus, at ipinagkaloob Niya ang lahat ng Kanyang awa, kagandahang-loob, at kabanalan alang-alang sa sangkatauhan. Palagi Siyang nagparaya sa sangkatauhan, hindi kailanman mapaghiganti, kundi pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan, pinayuhan sila na magsisi, at tinuruan sila na magkaroon ng pagtitiyaga, pagtitiis, at pagmamahal, upang sumunod sa Kanyang mga yapak at isakripisyo ang kanilang mga sarili alang-alang sa krus. Ang Kanyang pag-ibig para sa mga kapatid na lalaki at babae ay mas higit pa kaysa sa pag-ibig Niya kay Maria. Ang prinsipyo ng gawaing Kanyang tinupad ay pagpapagaling ng mga tao at pagpapalayas ng mga demonyo, lahat para sa kapakanan ng Kanyang pagtubos. Kahit saan Siya pumunta, pinakitunguhan Niya nang may kabaitan ang mga sumunod sa Kanya. Ginawa Niyang mayaman ang mahirap, pinalakad Niya ang pilay, nakakita ang bulag, at nakarinig ang bingi; inanyayahan Niya kahit ang pinakamababa, ang mga pinakasalat, ang mga makasalanan, na saluhan Siyang kumain, anupa’t hindi Niya sila kailanman nilalayuan kundi palaging matiyaga, anupa’t sinasabing, “Kung ang isang pastol ay nawawalan ng isa sa isang daan niyang mga tupa, iiwan niya ang siyamnapu’t-siyam upang hanapin ang nawawalang isang tupa, at kapag nakita niya ito ay lubos siyang magagalak.” Minahal Niya ang Kanyang mga tagasunod gaya ng pagmamahal ng isang inang tupa sa mga anak nito. Kahit na sila ay hangal at ignorante, at mga makasalanan sa Kanyang paningin, at higit pa rito ay mga latak ng lipunan, itinuring Niya ang mga makasalanang ito—mga tao na hinamak ng iba—bilang natatangi sa Kanyang mga mata. Dahil pinaboran Niya sila, ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa kanila, gaya ng isang kordero na inihandog sa altar. Sumama Siya sa kanila gaya ng isang lingkod, hinayaan Niya silang gamitin Siya at patayin Siya, sumunod sa kanila nang walang-pasubali. Para sa Kanyang mga tagasunod, Siya ay ang mapagmahal na Tagapagligtas na si Jesus, ngunit para sa mga Fariseo na nagsermon sa mga tao mula sa mataas na katayuan, hindi Siya nagpakita ng kaawaan at kagandahang-loob, sa halip ay pagkasuklam at paglaban. Hindi Siya gumawa ng maraming gawain sa gitna ng mga Fariseo, paminsan-minsan lamang silang sinesermunan at sinasaway; hindi Siya nag-abala sa kanilang kalagitnaan sa gawain ng pagtubos, ni nagpakita ng mga tanda at ng mga himala. Inilaan Niya ang kanyang awa at kagandahang-loob sa Kanyang mga tagasunod, nagtitiis para sa kapakanan ng mga makasalanang ito hanggang sa kahuli-hulihan, nang ipinako Siya sa krus, at tinitiis ang bawat kahihiyan hanggang sa lubos na Niyang matubos ang buong sangkatauhan. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain.

Kung wala ang pagtubos ni Jesus, ang sangkatauhan ay magpakailanman nang mabubuhay sa kasalanan, at magiging mga anak ng kasalanan, ang mga inapo ng mga demonyo. Sa pagpapatuloy sa paraang ito, ang buong daigdig ay naging dakong tirahan sana ni Satanas, isang dako para maging tahanan nito. Ngunit ang gawain ng pagtubos ay nangailangan ng pagpapakita ng awa at kagandahang-loob tungo sa sangkatauhan; sa pamamagitan lamang nito makatatanggap ng kapatawaran ang sangkatauhan at sa huli ay maging karapat-dapat na magawang ganap at lubos na makamit. Kung wala ang yugtong ito ng gawain, ang anim-na-libong-taong plano sa pamamahala ay hindi sana nakasulong. Kung si Jesus ay hindi ipinako sa krus, kung nagpagaling lamang Siya ng mga tao at nagpalayas ng mga demonyo, kung gayon hindi lubusang mapapatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan. Sa tatlo at kalahating taon na ginugol ni Jesus sa pagtupad ng Kanyang gawain sa lupa, tinapos lamang Niya ang kalahati ng Kanyang gawain ng pagtubos; pagkatapos sa pamamagitan ng pagpapapako Niya sa krus at pagiging wangis ng makasalanang laman, sa pamamagitan ng pagbibigay sa Kanya sa masama, naisakatuparan Niya ang gawaing pagpapapako sa krus at sinupil ang tadhana ng sangkatauhan. Pagkatapos lamang na naibigay Siya sa mga kamay ni Satanas natubos Niya ang sangkatauhan. Sa loob ng tatlumpu’t-tatlo at kalahating taon na nagdusa Siya sa lupa, tinuya, siniraang-puri, at pinabayaan, anupa’t hanggang sa punto na wala Siyang mahigaan ng Kanyang ulo, walang lugar na mapagpapahingahan; at pagkatapos ay ipinako Siya sa krus, ang Kanyang buong pagkatao—isang malinis at walang-salang katawan—ipinako sa krus, at nagdanas ng lahat ng paraan ng pagdurusa. Tinuya Siya ng mga nasa kapangyarihan at Siya ay nilatigo, anupa’t dinuraan pa Siya ng mga sundalo sa Kanyang mukha; datapuwa’t Siya ay nanatiling tahimik at nagtiis hanggang sa katapusan, sumunod Siya nang walang-pasubali hanggang sa punto ng kamatayan, kung saan tinubos Niya ang buong sangkatauhan. Saka lamang Siya hinayaang makapagpahinga. Kumakatawan lamang sa Kapanahunan ng Biyaya ang gawaing tinupad ni Jesus; hindi ito kumakatawan sa Kapanahunan ng Kautusan, ni hindi ito panghalili para sa gawain ng mga huling araw. Ito ang diwa ng gawain ni Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, ang ikalawang kapanahunan na dinaanan ng sangkatauhan—ang Kapanahunan ng Pagtubos.

Hinango mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Mag-iwan ng Tugon