Ginawa ng Diyos ang Bahaghari bilang isang Palatandaan ng Kanyang Tipan sa Tao (Mga piling sipi)
(Genesis 9:11–13) At aking pagtitibayin ang aking tipan sa inyo; ni hindi ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba ng lupa. At sinabi ng Dios, Ito ang tanda ng tipang ginawa ko sa inyo, at sa bawa’t kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang aking bahaghari ay inilalagay ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan ko at ng lupa.
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang maging tiwali o sumusunod man sila sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga minamahal Niya—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamahalaga sa Kanya—at hindi Kanyang mga laruan. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Manlilikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa antas, ang realidad ay lahat nang nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, parati rin at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip ng Diyos ang tungkol dito ni sinisikap na umako ng parangal. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit, nakatala man o hindi sa Biblia o sa anumang ibang mga aklat, hindi kailanman natin nakikitang ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang mga kaisipan, at hindi kailanman natin nakikitang inilalarawan o ipinahahayag ng Diyos sa mga tao kung bakit Niya ginagawa ang mga ito, o bakit masyado Niyang kinakalinga ang sangkatauhan, upang magpasalamat ang sangkatauhan sa Kanya o purihin Siya. Kahit Siya ay nasasaktan, kapag ang Kanyang puso ay may pinagdadaanang matinding sakit, hindi Niya kailanman kinalilimutan ang Kanyang pananagutan sa sangkatauhan o ang Kanyang malasakit para sa sangkatauhan, tinitiis Niya lamang ang lahat ng sakit at kirot nang tahimik at nag-iisa. Sa kabaligtaran, patuloy ang Diyos na naglalaan para sa sangkatauhan tulad nang lagi Niyang ginagawa. Kahit na ang sangkatauhan ay madalas na nagpupuri sa Diyos o nagpapatotoo para sa Kanya, walang kahit na ano sa mga asal na ito ang hinihingi ng Diyos. Ito ay dahil hindi kailanman hinahangad ng Diyos na ang anuman sa mga mabubuting bagay na ginagawa Niya para sa sangkatauhan ay maipagpalit sa pagkilala ng utang-na-loob o para ito ay mabayaran. Sa kabilang dako, ang mga may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, ang mga tunay na sumusunod sa Diyos, nakikinig sa Kanya at tapat sa Kanya, at ang mga sumusunod sa Kanya—ito ang mga tao na madalas na makatatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, at igagawad ng Diyos ang ganoong mga pagpapala nang walang pasubali. Higit pa rito, ang mga pagpapalang natatanggap ng mga tao mula sa Diyos ay madalas na higit pa sa kanilang mga naiisip, at higit rin sa anumang maibabalik ng mga tao kapalit ng kanilang nagawa o sa halagang kanilang pinagbayaran. Kapag tinatamasa ng sangkatauhan ang mga pagpapala ng Diyos, mayroon bang nakaaalala sa kung ano ang ginagawa ng Diyos? Mayroon bang nagpapakita ng malasakit para sa nararamdaman ng Diyos? Mayroon bang sinumang sumusubok na bigyang-halaga ang nadaramang sakit ng Diyos? Ang tiyak na sagot sa mga tanong na ito ay: Hindi! Kaya ba ng sinumang tao, kabilang na si Noe, na pahalagahan ang sakit na nadarama ng Diyos sa sandaling iyon? May nakauunawa ba kung bakit gagawa ng ganoong tipan ang Diyos? Hindi nila kaya! Hindi pinahahalagahan ng sangkatauhan ang nadaramang sakit ng Diyos hindi dahil hindi nila maunawaan ang sakit ng damdamin ng Diyos, at hindi dahil sa agwat na namamagitan sa Diyos at tao o sa pagkakaiba ng kanilang katayuan; sa halip, ito ay dahil walang pakialam ang sangkatauhan sa anumang mga nararamdaman ng Diyos. Ipinapalagay ng sangkatauhan na hindi umaasa sa iba ang Diyos—hindi kailangan ng Diyos ang mga tao upang lumingap sa Kanya, upang unawain Siya o pakitaan Siya ng pagsasaalang-alang. Ang Diyos ay Diyos, kaya wala Siyang nadaramang sakit, walang mga damdamin; hindi Siya malulungkot, Hindi Siya nakadarama ng hinagpis, ni hindi Siya umiiyak. Ang Diyos ay Diyos, kaya hindi Niya kailangan ang anumang pagpapahayag ng damdamin at hindi Niya kailangan ang anumang kaginhawahan ng damdamin. Kung kailanganin man Niya ang mga ito sa ilalim ng tiyak na mga pangyayari, Kanyang lulutasin ito ng Siya Mismo at hindi mangangailangan ng anumang tulong mula sa sangkatauhan. Sa kabaligtaran, ang mga mahihina, isip-batang mga tao ang nangangailangan ng pampalubag-loob ng Diyos, paglalaan, pagpapalakas, at kahit ang pag-aaliw Niya sa kanilang mga damdamin, kailan man, saan man. Ang ganoong kaisipan ay nakatago sa kailaliman ng mga puso ng sangkatauhan: Ang tao ang mahina; kailangan nila ang Diyos upang alagaan sila sa lahat ng paraan, karapat-dapat sila sa lahat ng pag-aalagang natatanggap nila mula sa Diyos, at dapat nilang hilingin mula sa Diyos ang anumang palagay nila na dapat ay sa kanila. Ang Diyos ang malakas; nasa Kanya ang lahat, at dapat na Siya ang maging tagapag-alaga ng sangkatauhan at tagapagkaloob ng mga pagpapala. Dahil Siya ay Diyos na, kaya Niyang gawin ang lahat at hindi kailanman Siya nangangailangan ng anuman mula sa sangkatauhan.
Dahil hindi nagbibigay-pansin ang tao sa anumang mga pagbubunyag ng Diyos, hindi niya kailanman nadama ang pighati, sakit, o galak ng Diyos. Nguni’t sa kabaligtaran, alam ng Diyos ang lahat ng pagpapahayag ng tao tulad ng palad ng Kanyang kamay. Tinutustusan ng Diyos ang mga pangangailangan ng lahat sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar, pinagmamasdan ang nagbabagong mga kaisipan ng bawa’t tao at sa gayon ay inaaliw at masidhing hinihikayat sila, at ginagabayan at iniilawan sila. Sa ngalan ng lahat ng mga bagay na nagawa ng Diyos sa sangkatauhan at lahat ng mga halagang Kanyang binayaran dahil sa kanila, may makikita bang mga pahayag ang mga tao sa Biblia o mula sa anumang sinabi ng Diyos hanggang sa ngayon na malinaw na nagsasabing hihingi ang Diyos ng anuman mula sa tao? Hindi! Sa kabaliktaran, kahit na paano balewalain ng mga tao ang kaisipan ng Diyos, paulit-ulit pa rin Niyang pinangungunahan ang sangkatauhan, paulit-ulit na tinutustusan ang sangkatauhan at tinutulungan sila, upang makasunod sila sa paraan ng Diyos para matanggap nila ang magandang hantungan na inihanda Niya para sa kanila. Pagdating sa Diyos, kung anong mayroon at kung ano Siya, ang biyaya Niya, ang awa Niya, at lahat ng mga pabuya Niya, ay ipagkakaloob nang walang pasubali sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya. Nguni’t hindi Niya kailanman ipinahahayag sa sinumang tao ang sakit na pinagdusahan Niya o ang lagay ng isipan Niya, at hindi Siya kailanman nagrereklamo tungkol sa sinumang hindi nagsasaalang-alang sa Kanya o hindi nakaaalam ng Kanyang kalooban. Dinadala lamang Niya ang lahat ng ito nang tahimik, naghihintay sa araw na mauunawaan ng sangkatauhan.
Bakit ko sinasabi rito ang mga bagay na ito? Ano ang nakikita ninyo mula sa mga bagay na nasabi ko? Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na pinakamadaling hindi mapansin, isang bagay na taglay lamang ng Diyos at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging-hindi-makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi-makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanmang nakikipagtawaran sa kanila at ikaw ay mapagbigay sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi-makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi-makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi-makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi-makasarili, sa palagay mo ay dakila ka. Nguni’t walang nakakakita sa pagiging-hindi-makasarili ng Diyos sa gitna ng lahat ng mga bagay, sa gitna ng mga tao, mga pangyayari at mga bagay na nakikita’t nahahawakan, at sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, nguni’t hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan kung paano ka tinutustusan ng Diyos, minamahal, at nagpapakita ng malasakit para iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging-hindi-makasarili ng tao. Nguni’t ang mga ganitong “hindi-makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing sa Diyos, ang pagiging-hindi-makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging-hindi-makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay walang-kahulugan at hindi-makatotohanan, may-halo, hindi-tugma sa Diyos, at hindi-kaugnay sa Diyos. Ang pagiging-hindi-makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Tiyak na dahil sa pagiging-hindi-makasarili ng Diyos kaya nakakatanggap ang tao ng patuloy na daloy ng tustos mula sa Kanya. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, nguni’t kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo nang hindi sinasadya: Sa lahat ng mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging-hindi-makasarili ng Diyos lamang ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang-pasubali at walang-dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging-hindi-makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi-matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari niyo pang sabihin na ito ay marumi, kasumpa-sumpa. Sang-ayon ba kayo?
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I