Menu

Susunod

Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Tatlong Yugto ng Gawain | Sipi 33

689 2021-03-08

Sa huling yugtong ito ng gawain, ang mga resulta ay nakakamit sa pamamagitan ng salita. Sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa maraming hiwaga at sa gawaing nagawa ng Diyos sa nakaraang mga henerasyon; sa pamamagitan ng salita, naliliwanagan ang tao ng Banal na Espiritu; sa pamamagitan ng salita, dumarating ang tao sa pagkaunawa sa mga hiwaga na kailanman ay hindi pa nailantad ng mga nagdaang henerasyon, pati na rin sa gawain ng mga propeta at mga apostol ng mga nakaraang panahon, at ang mga prinsipyo kung paano sila ay gumawa; sa pamamagitan ng salita, dumarating din ang tao sa pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos Mismo, pati na rin sa pagiging mapanghimagsik at paglaban ng tao, at dumarating sa pagkaalam ng kanyang sariling diwa. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng gawain at lahat ng salitang winika, dumarating ang tao sa pagkakilala sa gawain ng Espiritu, sa gawain ng nagkatawang-taong Diyos, at lalo na, sa Kanyang buong disposisyon. Ang iyong kaalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos sa loob ng anim na libong taon ay nakamit din sa pamamagitan ng salita. Hindi ba’t ang iyong kaalaman tungkol sa iyong dating mga pagkaunawa at tagumpay sa pagsasantabi sa mga ito ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Sa naunang yugto, ginawa ni Jesus ang mga tanda at mga kababalaghan, ngunit walang mga tanda at mga kababalaghan sa yugtong ito. Hindi ba’t ang iyong pagkaunawa kung bakit hindi Niya ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan ay nakamit din sa pamamagitan ng salita? Samakatuwid, ang mga salita na ipinahayag sa yugtong ito ay lampas sa gawain na ginawa ng mga apostol at propeta ng mga henerasyong nagdaan. Kahit na ang mga propesiya na sinabi ng mga propeta ay hindi magagawang magkamit ng resultang ito. Ang mga propeta ay naghayag lamang ng mga propesiya, ng kung ano ang mangyayari sa hinaharap, ngunit hindi ng gawain na nais gawin ng Diyos sa panahong iyon. Hindi rin sila nagsalita upang gabayan ang tao sa kanilang mga buhay, o upang magkaloob ng mga katotohanan sa sangkatauhan o upang magbunyag sa tao ng mga hiwaga, at lalo nang hindi upang magkaloob ng buhay. Sa mga salitang winika sa yugtong ito, mayroong propesiya at katotohanan, ngunit ang mga ito ay pangunahing naglilingkod upang magkaloob ng buhay sa tao. Ang mga salita sa kasalukuyan ay hindi tulad ng mga propesiya ng mga propeta. Ito ay isang yugto ng gawain na hindi para sa pagpapahayag ng propesiya kundi para sa buhay ng tao, upang baguhin ang disposisyon ng tao sa buhay. Ang unang yugto ay ang gawain ni Jehova: ang Kanyang gawain ay ang ihanda ang isang landas upang sambahin ng tao ang Diyos sa lupa. Ito ang gawain ng pag-uumpisa upang masumpungan ang pagmumulan ng gawain sa lupa. Nang panahong iyon, tinuruan ni Jehova ang mga Israelita na sundin ang Sabbath, igalang ang kanilang mga magulang at mamuhay nang mapayapa kasama ang isa’t isa. Ito ay dahil hindi naunawaan ng mga tao nang panahong iyon kung ano ang bumubuo sa tao, at hindi rin nila naunawaan kung paano mabuhay sa lupa. Kinailangan sa unang yugto ng gawain na gabayan Niya ang mga tao sa kanilang mga buhay. Ang lahat ng sinabi ni Jehova sa kanila ay hindi pa naipaalam sa sangkatauhan sa nakaraan o nataglay man nila. Nang panahong yaon, itinaas ng Diyos ang maraming propeta upang magsalita ng mga propesiya, at lahat sila ay ginawa iyon sa ilalim ng paggabay ni Jehova. Ito ay isang bagay lamang sa gawain ng Diyos. Sa unang yugto, ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, kaya Siya ay nag-atas sa lahat ng tribo at bansa sa pamamagitan ng mga propeta. Nang ginawa ni Jesus ang Kanyang gawain sa panahon Niya, hindi Siya nagsalita ng kasingdami ng sa kasalukuyan. Ang yugtong ito ng gawain ng salita sa mga huling araw ay hindi pa kailanman nagawa sa nakaraang mga kapanahunan at mga henerasyon. Kahit na sina Isaias, Daniel at Juan ay gumawa ng maraming propesiya, ang kanilang mga propesiya ay ganap na naiiba mula sa mga salita na binibigkas ngayon. Ang kanilang mga binigkas ay mga propesiya lamang, ngunit ang mga salita ngayon ay hindi. Kung ginawa Kong mga propesiya ang lahat ng Aking mga sinasabi ngayon, magagawa ba ninyong maunawaan? Ipagpalagay na ang Aking sinasabi ay mga bagay pagkatapos Kong umalis, paano ka kung gayon maaaring makatamo ng pagkaunawa? Ang gawain ng salita ay hindi kailanman ginawa sa panahon ni Jesus o sa Kapanahunan ng Kautusan. Marahil ang ilan ay sasabihin, “Hindi ba nagwika rin si Jehova ng mga salita sa panahon ng Kanyang gawain? Bukod sa pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo at paggawa ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi ba nagwika rin ng mga salita si Jesus nang panahong gumagawa Siya?” May mga pagkakaiba sa kung paano binibigkas ang mga salita. Ano ang diwa ng mga salita na binigkas ni Jehova? Ginagabayan lamang Niya ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa lupa, na walang kinalaman sa espirituwal na mga bagay sa buhay. Bakit sinasabi na, nang nagsalita si Jehova, ito ay para lamang mag-atas sa mga tao sa lahat ng lugar? Ang salitang “mag-atas” ay nangangahulugang pagsasabi nang tahasan at pag-uutos nang tuwiran. Hindi Siya nagtustos ng buhay sa tao; sa halip, hinawakan Niya lamang ang kamay ng tao at tinuruan ang tao kung paano Siya igalang, nang wala masyadong mga parabula. Ang gawain ni Jehova sa Israel ay hindi ang pakitunguhan o disiplinahin ang tao o ang magdala ng paghatol at pagkastigo; ito ay ang gabayan siya. Inutusan ni Jehova si Moises na sabihin sa Kanyang bayan na magtipon ng mana sa kaparangan. Tuwing umaga bago ang pagsikat ng araw, sila ay dapat mag-ipon ng mana, na sapat lamang upang kainin nila sa araw na iyon. Ang mana ay hindi maaaring itabi hanggang sa susunod na araw, sapagkat ito ay aamagin. Hindi Niya tinuruan ang tao o ibinunyag ang kanilang mga kalikasan, at hindi Niya rin ibinunyag ang kanilang mga ideya at mga iniisip. Hindi Niya binago ang mga tao kundi ginabayan sila sa kanilang mga buhay. Sa panahong iyon, ang mga tao ay tulad ng mga bata, walang nauunawaan na kahit ano at nakakagawa lamang ng ilang payak na mekanikal na pagkilos, at kaya nagtalaga lamang si Jehova ng mga kautusan upang gabayan ang mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Mag-iwan ng Tugon