Tungkol Kay Job (I)
Pagkatapos matutunan kung paano nalampasan ni Job ang mga pagsubok, malamang ang karamihan sa inyo ay nais nang malaman ang higit pang detalye tungkol kay Job mismo, lalo na ang patungkol sa lihim kung saan nakamit niya ang papuri ng Diyos. Kaya ngayon, pag-usapan natin si Job!
Sa Araw-araw na Pamumuhay ni Job Nakikita Natin ang Kanyang Pagkaperpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos, at Paglayo sa Kasamaan
Kung tatalakayin natin si Job, dapat tayong magsimula sa pagsusuri sa kanya na galing mismo sa bibig ng Diyos: “Walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.”
Alamin muna natin ang tungkol sa pagkaperpekto at pagkamatuwid ni Job.
Ano ang inyong pagkaunawa sa mga salitang “perpekto” at “matuwid”? Naniniwala ba kayo na si Job ay walang kasiraan, at marangal? Tiyak na ito ay magiging isang literal na interpretasyon at pagkaunawa sa mga salitang “perpekto” at “matuwid.” Mahalaga sa tunay na pagkaunawa kay Job ay konteksto ng tunay na buhay—ang mga salita, libro, at teorya lamang ay hindi magbibigay ng anumang sagot. Sisimulan natin sa pamamagitan ng pagtingin sa buhay ni Job sa tahanan, kung ano ang kanyang karaniwang asal sa kanyang buhay. Sasabihin nito sa atin ang tungkol sa kanyang mga prinsipyo at layunin sa buhay, pati na rin ang tungkol sa kanyang personalidad at hangarin. Ngayon, basahin natin ang huling mga salita sa Job 1:3: “Ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat na mga tao sa silangan.” Sinasabi ng mga salitang ito na ang katayuan at reputasyon ni Job ay napakataas, at kahit na hindi sinasabi sa atin kung ang dahilan ba ng kanyang pagiging pinakadakila sa lahat ng tao sa silangan ay ang kanyang maraming ari-arian, o dahil siya ay perpekto at matuwid, at may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, sa pangkalahatan, alam natin na ang kanyang katayuan at reputasyon ay napakahalaga. Gaya ng nakatala sa Biblia, ang unang tingin ng mga tao kay Job ay siya ay perpekto, siya ay may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, at siya ay nagtataglay ng malaking kayamanan at kagalang-galang na katayuan. Para sa isang pangkaraniwang tao na nakatira sa ganitong kapaligiran at sa ilalim ng naturang mga kondisyon, ang pagkain ni Job, ang kalidad ng kanyang buhay, at ang iba’t ibang aspeto ng kanyang personal na buhay ay ang mga pagtutuunan ng pansin ng karamihan sa mga tao; dahil dito, kailangan nating ipagpatuloy ang pagbabasa ng kasulatan: “At ang kaniyang mga anak ay nagsiyaon at nagsipagdaos ng kapistahan sa bahay ng bawa’t isa sa kanikaniyang kaarawan; at sila’y nangagsugo, at ipinatawag ang kanilang tatlong kapatid na babae upang magsikain at magsiinom na kasalo nila. At nangyari, nang makaraan ang mga kaarawan ng kanilang pagpipista, na si Job ay nagsugo, at pinapagbanal sila, at bumangong maaga sa kinaumagahan, at naghandog ng mga handog na susunugin ayon sa bilang nilang lahat: sapagka’t sinabi ni Job, Marahil ang aking mga anak ay nangagkasala, at isinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso. Ganito ang ginawa ni Job na palagi” (Job 1:4–5). Ang siping ito ay nagsasabi sa atin ng dalawang bagay: Una, sila ay karaniwang nagpipista, kumakain at umiinom; pangalawa, si Job ay madalas na nag-aalay ng mga handog na susunugin dahil madalas siyang nag-aalala para sa kanila, natatakot na sila ay nagkakasala, na sa kanilang mga puso ay itinakwil na nila ang Diyos. Dito ay inilalarawan ang buhay ng dalawang magkaibang uri ng tao. Ang una ay ang mga anak na lalaki at babae ni Job na madalas na nagpipista dahil sa kanilang yaman, sila ay namumuhay nang marangya, sila ay uminom at kumain hanggang nais nila, at tinatamasa nila ang mataas na kalidad ng buhay na dulot ng materyal na kayamanan. Sa ganitong pamumuhay, hindi maiwasan na madalas silang nagkakasala at nakakasakit sa Diyos—subalit hindi nila pinabanal ang kanilang mga sarili o kaya ay nag-aalay ng mga sinusunog na handog. Nakikita mo, kung gayon, na ang Diyos ay walang lugar sa kanilang mga puso, na hindi nila inisip ang mga biyaya ng Diyos, at hindi sila natakot na magkasala sa Diyos, lalong hindi sila natakot na maitakwil ang Diyos sa kanilang mga puso. Totoo na ang ating paksa ay hindi ang mga anak ni Job, kundi ang ginawa ni Job kapag nahaharap siya sa mga ganitong bagay; ito ang iba pang bagay na inilarawan sa sipi, at kung saan ay kabilang ang araw-araw na buhay ni Job at ang diwa ng kanyang pagkatao. Kapag inilalarawan ng Biblia ang pagpipista ng mga anak na lalaki at babae ni Job, hindi nababanggit si Job; sinasabi lamang na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay madalas na kumain at uminom nang magkakasama. Sa madaling salita, hindi siya nagdaraos ng mga kapistahan, at hindi rin siya sumasama sa kanyang mga anak na lalaki at babae sa pagkain nang marangya. Kahit mayaman, at nagtataglay ng maraming ari-arian at mga tagapaglingkod, ang buhay ni Job ay hindi maluho. Siya ay hindi nalinlang ng kanyang marangyang kapaligiran, at hindi niya inabuso ang mga kasiyahan sa laman o kinalimutan na mag-alay ng mga sinusunog na handog dahil sa kanyang kayamanan, at lalong hindi ito naging sanhi nang unti-unting paglayo ng kanyang puso sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na disiplinado si Job sa kanyang uri ng pamumuhay, hindi sakim o nakatuon sa kasiyahan bilang bunga ng mga pagpapala sa kanya ng Diyos, at hindi rin nakatuon ang kanyang pansin sa kalidad ng buhay. Sa halip, siya ay mapagpakumbaba at may mababang-loob, hindi siya mahilig magpasikat, at siya ay mapagmasid at maingat sa harap ng Diyos. Madalas niyang inisip ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, at patuloy na may takot sa Diyos. Sa kanyang araw-araw na buhay, madalas ay maagang bumabangon si Job upang mag-alay ng mga handog na susunugin para sa kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa madaling salita, si Job ay hindi lamang may takot sa Diyos, umasa rin siya na ang kanyang mga anak ay magkakaroon din ng takot sa Diyos at hindi magkakasala laban sa Diyos. Walang lugar sa puso ni Job ang materyal na kayamanan, at hindi nito napalitan ang posisyon na hawak ng Diyos; maging para sa kapakanan ng kanyang sarili o ng kanyang mga anak, ang lahat ng ikinikilos ni Job araw-araw ay may kinalaman sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Ang kanyang takot sa Diyos na si Jehova ay hindi tumigil sa kanyang bibig, kundi isinakatuparan niya ito, at ipinakita sa bawat bahagi ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Ang tunay na asal na ito ni Job ay nagpapakita sa atin na siya ay tapat, at nagtaglay ng diwa na may pagmamahal sa katarungan at mga bagay na positibo. Ang madalas na pagsugo at pagpapabanal ni Job sa kanyang mga anak na lalaki at babae ay nangangahulugan na hindi niya pinahintulutan o sinang-ayunan ang asal ng kanyang mga anak; sa halip, sa kanyang puso siya ay pagod na sa kanilang pag-uugali, at hinatulan niya sila. Napagpasyahan niya na ang pag-uugali ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay hindi kalugud-lugod sa Diyos na si Jehova, at kaya naman madalas niya silang pagsabihan na pumunta sa harap ng Diyos na si Jehova at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan. Ipinapakita sa atin ng mga kilos ni Job ang isa pang bahagi ng kanyang pagkatao, kung saan siya ay hindi kailanman sumama sa mga taong madalas na nagkakasala at sumusuway sa Diyos, at sa halip ay nilayuan at iniwasan ang mga ito. Bagama’t ang mga taong ito ay ang kanyang mga anak na lalaki at babae, hindi niya tinalikuran ang kanyang sariling mga prinsipyo dahil sa sila ay sarili niyang pamilya, at hindi niya pinagbigyan ang kanilang mga kasalanan dahil sa sarili niyang damdamin. Sa halip, hinimok niya silang mangumpisal at makamit ang kapatawaran ng Diyos na si Jehova, at binigyan niya sila ng babala na huwag talikuran ang Diyos para sa kapakanan ng kanilang mga sariling sakim na kasiyahan. Ang mga prinsipyo kung paano pinakitunguhan ni Job ang iba ay hindi maihihiwalay mula sa mga prinsipyo ng kanyang takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Minahal niya ang mga tinanggap ng Diyos, at kinasuklaman ang mga itinaboy ng Diyos; minahal niya ang mga taong may takot sa Diyos sa kanilang mga puso, at kinasuklaman niya ang mga gumagawa ng kasamaan o nagkakasala laban sa Diyos. Ang ganitong pagmamahal at pagkasuklam ay makikita sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay, at ito ang tunay na pagkamatuwid ni Job na nakita ng mga mata ng Diyos. Natural lamang na ito rin ang pagpapahayag at pagsasabuhay ng tunay na pagkatao ni Job sa kanyang mga ugnayan sa iba sa kanyang araw-araw na pamumuhay na dapat nating matutuhan.
Ang mga Paghahayag ng Pagkatao ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok (Pag-unawa sa Pagkaperpekto, Pagkamatuwid, Takot sa Diyos at Paglayo sa Kasamaan ni Job sa Panahon ng Kanyang mga Pagsubok)
Ang ibinahagi natin sa itaas ay ang iba’t ibang aspeto ng pagkatao ni Job na makikita sa kanyang araw-araw na pamumuhay bago ang kanyang mga pagsubok. Walang pag-aalinlangan, ang iba’t ibang paghahayag na ito ay nagbibigay ng isang paunang pagkilala at pagkaunawa sa pagkamatuwid ni Job, pagkakaroon niya ng takot sa Diyos, at paglayo niya sa kasamaan, at natural lamang na nagbibigay ito ng paunang patunay. Ang dahilan kung bakit sinasabi Kong “pauna” ay dahil karamihan sa mga tao ay wala pa ring tunay na pagkaunawa sa personalidad ni Job at sa antas kung paano niya patuloy na tinahak ang daan ng pagsunod at pagkakaroon ng takot sa Diyos. Na ang ibig sabihin, karamihan sa pagkaunawa ng mga tao kay Job ay hindi na lalalim pa kaysa sa tila kasiya-siyang impresyon sa kanya na galing sa kanyang mga salita sa Biblia na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” at “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” Dahil dito, mayroong malaking pangangailangan para sa atin na maintindihan kung paano isinabuhay ni Job ang kanyang pagkatao nang tanggapin niya ang mga pagsubok ng Diyos; sa ganitong paraan, makikita ng lahat ang tunay na pagkatao ni Job sa kabuuan nito.
Nang marinig ni Job na ang kanyang mga ari-arian ay ninakaw, na ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay binawian ng buhay, at ang kanyang mga tagapaglingkod ay pinatay, ganito ang kanyang naging tugon: “Nang magkagayo’y bumangon si Job, at hinapak ang kaniyang balabal, at inahitan ang kaniyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba” (Job 1:20). Ang mga salitang ito ay nagsasabi sa atin ng isang katotohanan: Pagkatapos marinig ang balitang ito, si Job ay hindi nasindak, hindi siya umiyak, o kaya ay nanisi ng mga tagapaglingkod na nagdala sa kanya ng balita, at lalong hindi niya siniyasat ang pinangyarihan ng krimen upang suriin at patotohanan ang mga detalye at alamin kung ano ba talaga ang nangyari. Hindi siya nagpakita ng anumang sakit o kalungkutan sa pagkawala ng kanyang mga ari-arian, at hindi rin siya umiyak nang husto dahil sa pagkawala ng kanyang mga anak, ng kanyang mga mahal sa buhay. Bagkus, pinunit niya ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa, at sumamba. Ang mga kilos ni Job ay hindi kagaya ng kilos ng pangkaraniwang tao. Nililito ng mga ito ang maraming tao, at pinangaralan nila si Job sa kanilang mga puso dahil sa kanyang “kawalan ng pakiramdam.” Sa biglaang pagkawala ng kanilang mga ari-arian, ang puso ng mga karaniwang tao ay madudurog o mawawalan ng pag-asa—o kaya ay, sa kaso ng ilang tao, maaari itong magtulak sa kanila sa matinding depresyon. Iyon ay dahil, sa kanilang mga puso, ang mga ari-arian ng mga tao ay kumakatawan sa isang habambuhay na pagsisikap—kung saan nakasalalay ang pagkaligtas ng kanilang buhay, ito ang pag-asa na nagpapanatili ng kanilang buhay. Ang pagkawala ng kanilang ari-arian ay nangangahulugan na ang kanilang mga pagsisikap ay nauwi sa wala, na wala na silang pag-asa, at wala na rin silang kinabukasan. Ito ang saloobin ng karaniwang tao sa kanilang ari-arian at ang kanilang malapit na ugnayan sa mga ito, at ito rin ang kahalagahan ng ari-arian sa mga mata ng tao. Dahil dito, higit na nakakaraming bilang ng mga tao ang nalito sa mahinahong tugon ni Job sa pagkawala ng kanyang ari-arian. Ngayon, aalisin natin ang pagkalito ng lahat ng taong ito sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung ano ang nangyayari sa loob ng puso ni Job.
Ang praktikal na katinuan ay nagsasabi na dahil si Job ay nabigyan ng maraming ari-arian ng Diyos, dapat siyang mahiya sa harap ng Diyos dahil sa pagkawala ng mga ari-ariang ito, dahil hindi niya binantayan o inalagaan ang mga ito, hindi niya pinanghawakan ang mga ari-ariang ibinigay sa kanya ng Diyos. Dahil dito, nang marinig niya na ang kanyang ari-arian ay ninakaw, ang kanyang unang dapat na ginawa ay ang pumunta sa pinangyarihan ng krimen at kumuha ng imbentaryo ng lahat ng bagay na nawala at pagkatapos ay mangumpisal sa Diyos upang maaari na siyang makatanggap muli ng mga pagpapala ng Diyos. Gayunman, hindi ito ang ginawa ni Job, at siya ay likas na may sariling mga dahilan kung bakit hindi niya ito ginawa. Sa kanyang puso, tunay na naniniwala si Job na ang lahat ng kanyang pag-aari ay ibinigay sa kanya ng Diyos, at hindi nanggaling sa sarili niyang paghihirap. Dahil dito, hindi niya nakita ang mga biyayang ito bilang isang bagay na dapat bigyan ng labis na pansin, at sa halip ay nakaangkla ang prinsipyo ng pananatili ng kanyang buhay sa buong lakas niyang pagkapit sa daan na dapat niyang pagtibayin. Itinangi niya ang mga pagpapala ng Diyos at nagpasalamat para sa mga ito, ngunit hindi niya inibig ang mga ito, at hindi siya humingi ng karagdagang pagpapala. Ganito ang kanyang saloobin tungkol sa ari-arian. Wala rin siyang ginawa para lamang makatanggap ng mga pagpapala, o nag-alala, o nasaktan sa kakulangan o kawalan ng mga pagpapapala ng Diyos; hindi rin siya naging mabangis at hibang sa kasiyahan dahil sa mga biyaya ng Diyos, hindi niya binalewala ang daan ng Diyos o nakalimutan ang pagpapala ng Diyos dahil sa mga biyaya na madalas niyang tinatamasa. Ang saloobin ni Job sa kanyang ari-arian ay nagpapakita sa mga tao ng kanyang tunay na pagkatao: Una, si Job ay hindi isang sakim na tao, at hindi mapaghingi ng materyal na bagay sa kanyang buhay. Pangalawa, si Job ay hindi kailanman nag-alala o natakot na kukunin ng Diyos ang lahat ng mayroon siya, at ganito ang kanyang saloobin sa pagsunod sa Diyos sa kanyang puso; iyon ay, wala siyang mga hinihingi o reklamo tungkol sa kung kailan o kung mayroon mang kukunin ang Diyos sa kanya, at hindi siya nagtanong ng dahilan kung bakit, kundi naghangad lamang siya na sumunod sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ikatlo, siya ay hindi kailanman naniwala na ang kanyang mga ari-arian ay galing sa sarili niyang paghihirap, kundi ibinigay ang mga ito sa kanya ng Diyos. Ganito ang pananampalataya ni Job sa Diyos, at ito ay isang pahiwatig ng kanyang matibay na paniniwala. Nilinaw ba ng tatlong-puntong buod na ito ang pagkatao ni Job at ang kanyang tunay na hangarin sa araw-araw? Ang pagkatao at hangarin ni Job ay mahalaga sa kanyang mahinahong asal nang kaharapin niya ang pagkawala ng kanyang ari-arian. Iyon ay tiyak na dahil sa kanyang araw-araw na hangarin kaya si Job ay may tayog at matibay na paniniwala na sabihing, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos. Ang mga salitang ito ay hindi nakamit sa loob lamang ng isang magdamag, at hindi rin basta lumabas ang mga ito sa ulo ni Job. Ang mga ito ay kanyang nakita at natutuhan sa kanyang mga karanasan sa buhay sa loob ng maraming taon. Kung ihahambing sa lahat ng mga tao na humihingi lamang ng mga pagpapala ng Diyos at natatakot na may kukunin sa kanila ang Diyos, at napopoot at nagrereklamo tungkol dito, ang pagsunod ba ni Job ay hindi makatotohanan? Kung ihahambing sa lahat ng taong naniniwala na may Diyos, ngunit hindi kailanman naniwala na ang Diyos ang namamahala sa lahat ng bagay, hindi ba’t nagtataglay si Job ng dakilang katapatan at pagkamatuwid?
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao