Tungkol Kay Job (II)
Ang Pagkamakatwiran ni Job
Ang tunay na mga karanasan ni Job at ang kanyang matuwid at tapat na pagkatao ay nangahulugan na ginawa niya ang pinaka-makatwirang paghatol at mga pagpili nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak. Ang ganitong mga makatwirang pagpili ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kanyang pang-araw-araw na mga hangarin at sa mga gawa ng Diyos na kanyang nalaman sa panahon ng kanyang araw-araw na pamumuhay. Dahil sa katapatan ni Job, nagawa niyang maniwala na ang kamay ni Jehova ang namamahala sa lahat ng bagay; ang kanyang paniniwala ang nagpahintulot sa kanya na malaman ang katotohanan ng dakilang kapangyarihan sa lahat ng bagay ng Diyos na si Jehova; ang kanyang kaunawaan ang nagtulak sa kanya upang maging handa at makasunod sa dakilang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos na si Jehova; mas lalong pinatotoo ng kanyang takot ang kanyang paglayo sa kasamaan; sa huli, si Job ay naging perpekto dahil may takot siya sa Diyos at lumayo siya sa kasamaan; at dahil sa kanyang pagkaperpekto, siya ay naging matalino, at nabigyan ng sukdulang pagkamakatwiran.
Paano natin dapat unawain itong salitang “makatwiran”? Ang literal na interpretasyon ay nangangahulugan ito ng pagkakaroon ng mahusay na katinuan, pagiging lohikal at matino sa pag-iisip, pagkakaroon ng wastong pananalita, kilos, at paghatol, at pagkakaroon ng tama at mga pirmihang pamantayang moral. Ngunit ang pagkamakatwiran ni Job ay hindi madaling maipaliwanag. Nang sinabi rito na si Job ay nagtaglay ng sukdulang pagkamakatwiran, ito ay may kaugnayan sa kanyang pagkatao at sa kanyang asal sa harap ng Diyos. Dahil si Job ay tapat, nagawa niyang maniwala at sumunod sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, na nagbigay sa kanya ng kaalaman na hindi makakamit ng iba, at ang kaalamang ito ay nagbigay sa kanya ng kakayahan na mas tumpak na maunawaan, mahatulan, at mabigyang-kahulugan ang mga nangyari sa kanya, na nakatulong sa kanya upang mas tumpak at mas malinaw na makapili kung ano ang dapat na gawin at kung ano ang dapat na matatag na panghahawakan. Kaya ang kanyang mga salita, pag-uugali, ang mga prinsipyo sa likod ng kanyang mga kilos, at ang alituntunin ng gumagabay sa kanyang pagkilos, ay pangkaraniwan, malinaw, at tiyak, at hindi bulag, pabigla-bigla, o emosyonal. Alam niya kung paano tratuhin ang anumang dumating sa kanya, alam niya kung paano timbangin at panghawakan ang mga ugnayan sa pagitan ng mga kumplikadong kaganapan, alam niya kung paano humawak ng mahigpit sa daang dapat niyang panghawakan, at, higit pa rito, alam niya kung paano ituring ang ginagawang pagbibigay at pagbawi ng Diyos na si Jehova. Ganito ang pagkamakatwiran ni Job. Dahil mismo sa ganitong pagkamakatwiran ni Job kung kaya’t nasabi niyang, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova,” nang nawala sa kanya ang kanyang mga ari-arian at ang kanyang mga anak na lalaki at babae.
Nang si Job ay naharap sa napakatinding sakit ng katawan at sa pagtutol ng kanyang mga kamag-anak at mga kaibigan, at nang siya ay naharap sa kamatayan, muling naipakita sa lahat ang kanyang tunay na mukha sa pamamagitan ng kanyang tunay na asal.
Ang Tunay na Mukha ni Job: Totoo, Dalisay, at Walang Kasinungalingan
Basahin natin ang Job 2:7–8: “Sa gayo’y umalis si Satanas mula sa harapan ni Jehova, at pinasibulan si Job ng mga masamang bukol na mula sa talampakan ng kaniyang paa hanggang sa kaniyang puyo. At kumuha siya ng isang basag na palayok upang ipangkayod ng langib; at siya’y naupo sa mga abo.” Ito ay isang paglalarawan sa asal ni Job nang naglabasan ang mga namamagang pigsa sa kanyang katawan. Sa oras na ito, si Job ay nakaupo sa mga abo habang tinitiis niya ang sakit. Walang gumamot sa kanya, at walang tumulong upang mabawasan ang sakit ng kanyang katawan; sa halip, ginamit niya ang isang basag na palayok upang ipangkayod sa ibabaw ng masasakit na bukol. Sa labas, ito ay isa lamang yugto sa paghihirap ni Job, at walang kaugnayan sa kanyang pagkatao at takot sa Diyos, dahil si Job ay hindi nagsalita upang ipahayag ang kanyang nararamdaman at paniniwala sa panahong ito. Ngunit ang mga pagkilos ni Job at ang kanyang asal ang siya pa ring tunay na nagpahayag ng kanyang pagkatao. Sa talaan ng nakaraang kabanata, mababasa natin na si Job ang pinakadakila sa lahat ng tao ng silangan. Samantala, sa talatang ito mula sa ikalawang kabanata, makikita natin na ang dakilang taong ito ng silangan ay talaga ngang kumuha ng isang basag na palayok upang ipangkayod sa sarili niya habang nakaupo sa mga abo. Wala bang malinaw na pagsasalungatan sa dalawang paglalarawang ito? Ito ay ang kaibahan na nagpapakita sa atin ng totoong mukha ni Job: Sa kabila ng kanyang marangal na reputasyon at katayuan, hindi niya kailanman minahal at binigyang pansin ang mga ito; wala siyang pakialam sa kung paano tiningnan ng iba ang kanyang reputasyon, at hindi siya nag-alala kung ang mga kilos at asal niya ay may masamang epekto sa kanyang reputasyon; hindi siya nagpakasasa sa yamang dala ng katayuan, at hindi siya nagsaya sa karangalan na kasama ng kanyang katayuan at reputasyon. Nababahala lamang siya sa kanyang halaga at kabuluhan ng kanyang pamumuhay sa mga mata ng Diyos na si Jehova. Ang totoong mukha ni Job ay ang kanyang mismong diwa: Hindi niya inibig ang katanyagan at kayamanan, at hindi siya nabuhay para sa katanyagan at kayamanan; siya ay totoo, at dalisay, at walang kasinungalingan.
Ang Pagbubukod ni Job sa Pag-ibig at Poot
Ang isa pang bahagi ng pagkatao ni Job ay ipinapakita sa pag-uusap sa pagitan niya at ng kanyang asawa: “Nang magkagayo’y sinabi ng kaniyang asawa sa kaniya, Napananatili mo pa rin ba ang iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka. Nguni’t sinabi niya sa kaniya, Ikaw ay nagsasalita na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:9–10). Nang makita ang paghihirap na dinaranas niya, sinubukan ng asawa ni Job na payuhan si Job upang tulungan siyang makatakas sa kanyang paghihirap—ngunit ang kanyang “mabubuting intensyon” ay hindi sinang-ayunan ni Job. Sa halip, naging dahilan ito upang si Job ay magalit, sapagkat itinakwil ng asawa ni Job ang kanyang pananampalataya at pagkamasunurin sa Diyos na si Jehova, at itinakwil din ng asawa ni Job ang pag-iral ng Diyos na si Jehova. Hindi ito katanggap-tanggap kay Job, dahil hindi niya kailanman pinayagan ang kanyang sarili na gumawa ng kahit ano na sasalungat o makasasakit sa Diyos, at hindi pa kasali rito ang iba. Paano siya mananatiling walang malasakit kung nakita niya ang iba na nagbibigkas ng mga salitang lumalapastangan at umiinsulto sa Diyos? Kaya tinawag niya ang kanyang asawa na isang “hangal na babae.” Ang saloobin ni Job sa kanyang asawa ay may galit at poot, pati na rin ang kahihiyan at mahigpit na pangangaral. Ito ay ang likas na pagpapahayag ng pagkatao ni Job na kumikilala sa pagkakaiba ng pag-ibig at poot, at isang tunay na paglalarawan ng kanyang matuwid na pagkatao. Si Job ay nagtaglay ng pagkamakatarungan—na dahilan upang magalit siya sa pagpapakita ng kabuktutan, at kapootan, kondenahin at tanggihan ang walang saysay na maling pananampalataya, mga hindi kapani-paniwalang argumento, at katawa-tawang mga pahayag, at nagpahintulot sa kanya na maging totoo sa kanyang sarili, sa mga wastong prinsipyo at makapanindigan nang siya ay itinakwil ng masa at iwan ng mga taong malapit sa kanya.
Ang Kabutihan ng Puso at Katapatan ni Job
Dahil nakikita natin ang pagpapahayag ng iba’t ibang aspeto ng pagkatao ni Job mula sa kanyang mga inaasal, alin sa pagkatao ni Job ang makikita noong binuksan niya ang kanyang bibig upang sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan? Ito ang paksang ibabahagi natin sa ibaba.
Sa itaas, isinalaysay Ko ang mga pinagmulan ng pagsumpa ni Job sa araw ng kanyang kapanganakan. Ano ang nakikita ninyo rito? Kung matigas ang puso ni Job, at walang pag-ibig, kung siya ay malamig at walang pakiramdam, at salat ng pagkatao, magagawa ba niyang pahalagahan ang ninanais ng puso ng Diyos? At magagawa ba niyang hamakin ang araw ng kanyang sariling kapanganakan bilang bunga ng kanyang pagpapahalaga sa puso ng Diyos? Sa madaling salita, kung si Job ay manhid at salat sa pagkatao, mababagabag ba siya ng sakit na nararamdaman ng Diyos? Maaari ba niyang isumpa ang araw ng kanyang kapanganakan dahil nasaktan niya ang Diyos? Ang sagot ay, ganap na hindi! Dahil siya ay may mabuting puso, pinahalagahan ni Job ang puso ng Diyos; dahil pinahalagahan niya ang puso ng Diyos, naramdaman ni Job ang nadamang sakit ng Diyos; dahil siya ay may mabuting puso, mas malaki ang kanyang naging pagdurusa bilang bunga ng pagkaunawa niya sa nadamang sakit ng Diyos; dahil naramdaman niya ang sakit na nadama ng Diyos, nagsimula siyang mapoot sa araw ng kanyang kapanganakan, kung kaya’t isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan. Sa mga tagalabas, ang buong asal ni Job sa panahon ng kanyang mga pagsubok ay kapuri-puri. Tanging ang kanyang pagsumpa sa araw ng kanyang kapanganakan ang naging dahilan ng pagdududa sa kanyang pagkaperpekto at pagkamatuwid, o nagbibigay ng naiibang resulta ng pagsusuri. Sa katunayan, ito ang pinakatunay na pagpapahayag ng diwa ng pagkatao ni Job. Ang diwa ng kanyang pagkatao ay hindi lingid o nakabalot, o binago ng ibang tao. Nang isinumpa niya ang araw ng kanyang kapanganakan, ipinakita niya ang kabutihan at katapatan na nakabaon sa kanyang puso; siya ay tulad ng isang bukal na ang tubig ay sobrang malinaw at naaaninag na nakapagpapakita ng kailaliman nito.
Pagkatapos malaman ang lahat ng ito tungkol kay Job, karamihan sa mga tao ay magkakaroon ng medyo tumpak at obhektibong pagsusuri sa diwa ng pagkatao ni Job. Mayroon din dapat silang malalim, praktikal, at mas makabagong pagkaunawa at pagpapahalaga sa pagkaperpekto at pagkamatuwid ni Job na sinasabi ng Diyos. Sana, ang pagkaunawa at pagpapahalagang ito ay makatulong sa mga tao na hanapin ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan.
Hinango mula sa “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao