Ang gawain ng Banal na Espiritu ay positibong pagsulong, samantalang ang gawain ni Satanas ay pag-urong, pagiging negatibo, pagiging mapanghimagsik, paglaban sa Diyos, pagkawala ng pananampalataya sa Diyos, at pag-ayaw kahit sa pag-awit ng mga himno, at pagiging napakahina para gampanan ang tungkulin. Lahat ng nagmumula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang likas; hindi ito ipinipilit sa iyo. Kung susundin mo ito, magkakaroon ka ng kapayapaan; kung hindi, pupunahin ka pagkatapos. Kapag mayroong kaliwanagan ng Banal na Espiritu, walang anuman sa ginagawa mo ang panghihimasukan o pipigilan; ikaw ay palalayain, magkakaroon ng isang landas sa pagsasagawa sa iyong mga pagkilos, at hindi ka mapapasailalim sa anumang mga pagbabawal, kundi magagawang kumilos ayon sa kalooban ng Diyos. Ang gawain ni Satanas ay nagsasanhi sa iyo ng panghihimasok sa maraming bagay; inaalisan ka nito ng ganang manalangin, ginagawa kang masyadong tamad para kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at walang kagustuhang isabuhay ang buhay ng iglesia, at ihinihiwalay ka nito mula sa espirituwal na buhay. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nanghihimasok sa iyong pang-araw-araw na buhay at hindi nanghihimasok sa iyong pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay. Hindi mo kayang mahiwatigan ang maraming bagay sa mismong sandaling nangyayari ang mga ito, gayunman, pagkalipas ng ilang araw, mas lumiliwanag ang puso mo at mas lumilinaw ang isipan mo. Nagkakaroon ka ng kaunting pagkaunawa sa mga bagay tungkol sa espiritu, at unti-unti ay nakakaya mong mahiwatigan kung ang isang kaisipan ay nagmumula sa Diyos o mula kay Satanas. Ang ilang bagay ay malinaw na gumagawa sa iyo na tutulan ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, o pigilin ka mula sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos; ang mga bagay na ito ay mula lahat kay Satanas. Ang ilang bagay ay hindi kitang-kita, at hindi mo masasabi kung ano ang mga ito sa sandaling iyon; pagkatapos, makikita mo ang kanilang mga palatandaan at pagkatapos ay magsasagawa ng paghiwatig. Kung nahihiwatigan mo nang malinaw kung alin ang mga bagay na mula kay Satanas at alin ang pinatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ka kaagad-agad maililigaw sa iyong mga karanasan. May mga pagkakataon, kapag hindi mabuti ang iyong kalagayan, na mayroon kang partikular na mga iniisip na nag-aalis sa iyo sa iyong balintiyak na kalagayan. Ipinakikita nito na kahit na ang iyong kalagayan ay hindi kaaya-aya, ang ilan sa iyong mga iniisip ay maaari pa ring manggaling sa Banal na Espiritu. Hindi ito ang kaso na kapag ikaw ay balintiyak, ang lahat ng iyong mga iniisip ay ipinadadala ni Satanas; kung iyan ay totoo, kailan mo magagawang lumipat sa isang positibong kalagayan? Dahil balintiyak ka sa loob ng ilang panahon, binibigyan ka ng pagkakataon ng Banal na Espiritu na magawang perpekto; inaantig ka Niya at inaalis sa iyong balintiyak na kalagayan.
Dahil nalalaman mo kung ano ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang gawain ni Satanas, kaya mong ihambing ang mga ito sa iyong sariling kalagayan sa panahon ng iyong mga karanasan, at sa iyong sariling mga karanasan, at sa ganitong paraan magkakaroon ng higit na marami pang katotohanan na may kaugnayan sa prinsipyo sa iyong mga karanasan. Dahil naunawaan mo na ang mga katotohanang ito tungkol sa prinsipyo, magagawa mong mapamahalaan ang iyong aktwal na kalagayan, magagawa mong makita ang pagkakaiba ng mga tao at ng mga pangyayari, at hindi mo kakailanganing gumugol ng napakatinding pagsisikap para makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, iyon ay hangga’t ang iyong mga pangganyak ay tama, at hangga’t ikaw ay nakahandang maghanap at magsagawa. Ang wika na gaya nito—wika na nauugnay sa mga prinsipyo—ay dapat maitampok sa iyong mga karanasan. Kung wala ito, ang iyong mga karanasan ay mapupuno ng panghihimasok ni Satanas at ng hangal na kaalaman. Kung hindi mo nauunawaan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, hindi mo nauunawaan kung paano ka papasok, at kung hindi mo nauunawaan kung paano gumagawa si Satanas, hindi mo nauunawaan kung paano ka magiging maingat sa iyong bawa’t yapak. Dapat parehong maunawaan ng mga tao kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at kung paano gumagawa si Satanas; ang mga ito ay kapwa kailangang-kailangang bahagi ng mga karanasan ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas