Kung nais nating mas maunawaan kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, hindi tayo maaaring tumigil sa Lumang Tipan o sa Kapanahunan ng Kautusan—kailangan nating magpatuloy pasulong, sumusunod sa mga hakbang na tinahak ng Diyos sa Kanyang gawain. Kaya, yamang tinapos ng Diyos ang Kapanahunan ng Kautusan at sinimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, hayaan ang ating sariling mga yapak na sumunod, tungo sa Kapanahunan ng Biyaya—isang kapanahunan na puno ng biyaya at pagtubos. Sa kapanahunang ito, gumawang muli ang Diyos ng isang napakahalagang bagay na hindi pa naisagawa noon. Ang gawain sa bagong kapanahunang ito kapwa para sa Diyos at sa sangkatauhan ay isang bagong pasimula—isang pasimula na binubuo ng isa na namang bagong gawain na ginawa ng Diyos na hindi pa nagawa noon. Walang katulad ang bagong gawaing ito, isang bagay na lampas sa mga kapangyarihan ng imahinasyon ng mga tao at lahat ng nilalang. Isang bagay ito na kilalang-kilala na ngayon ng lahat ng tao—sa unang pagkakataon, naging isang tao ang Diyos, at sa unang pagkakataon ay nagsimula Siya ng bagong gawain sa anyo ng isang tao, nang may pagkakakilanlan ng isang tao. Ipinahihiwatig ng bagong gawaing ito na natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, at na hindi na Siya gagawa o magsasalita ng anuman sa ilalim ng kautusan. Ni magsasalita o gagawa Siya ng anumang bagay sa anyo ng kautusan o alinsunod sa mga prinsipyo o mga patakaran ng kautusan. Ibig sabihin, ipinatigil na magpakailanman ang lahat ng Kanyang gawain batay sa kautusan at hindi na ipagpapatuloy, dahil nais ng Diyos na magsimula ng bagong gawain at gumawa ng bagong mga bagay. Muling nagkaroon ng bagong pasimula ang Kanyang plano, at kaya kinailangang pangunahan ng Diyos ang sangkatauhan tungo sa bagong kapanahunan.
Depende sa diwa ng bawat isang tao kung ito ay nakagagalak o nakatatakot na balita sa mga tao. Maaaring masabi na hindi ito nakagagalak na balita sa ilang tao, bagkus ay nakatatakot, sapagkat nang simulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain, ang mga tao na sumunod lang sa mga kautusan at mga patakaran, na sumunod lang sa mga doktrina ngunit hindi natakot sa Diyos, ay malamang na gamitin ang lumang gawain ng Diyos upang kondenahin ang Kanyang bagong gawain. Para sa mga taong ito, nakatatakot na balita ito; ngunit sa bawa’t tao na inosente at bukas, na taimtim sa Diyos at handang tanggapin ang Kanyang pagtubos, lubhang nakagagalak na balita ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Sapagkat simula nang umiral ang mga tao, ito ang unang pagkakataon na nagpakita ang Diyos at namuhay sa piling ng sangkatauhan sa isang anyo na hindi ang Espiritu; sa pagkakataong ito, isinilang Siya ng isang tao at namuhay sa piling ng mga tao bilang Anak ng tao, at gumawa na kasama sila. Ito ang “unang” sumira sa mga kuru-kuro ng mga tao; lampas ito sa lahat ng imahinasyon. Higit pa rito, nagkamit ng totoong pakinabang ang lahat ng tagasunod ng Diyos. Hindi lang tinapos ng Diyos ang lumang kapanahunan, bagkus ay tinapos din Niya ang lumang mga pamamaraan ng paggawa at istilo ng paggawa Niya. Hindi na Niya hinihingi sa Kanyang mga sugo na ipaabot ang Kanyang kalooban, hindi na Siya nakatago sa mga ulap, at hindi na nagpakita o nakipag-usap sa mga tao nang nag-uutos sa pamamagitan ng kulog. Hindi gaya ng anumang bagay noong una, sa pamamagitan ng isang pamamaraang hindi lubos-maisip ng mga tao na mahirap para sa kanila na maunawaan o matanggap—ang maging tao—naging Anak ng tao Siya upang simulan ang gawain ng kapanahunang iyon. Lubos na hindi napaghandaan ng sangkatauhan ang gawang ito ng Diyos; napahiya sila dahil dito, sapagkat muling nagsimula ng bagong gawain ang Diyos na hindi pa Niya kailanman ginawa noon.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III