Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 172
Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, sariling gawain man ng Diyos o gawain ng mga taong kinakasangkapan, ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang diwa ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na matatawag na Banal na Espiritu o ang Espiritung pinatindi nang pitong ulit. Sa kabuuan, Sila ang Espiritu ng Diyos, bagama’t tinawag na ang Espiritu ng Diyos sa iba-ibang katawagan sa iba’t ibang kapanahunan. Iisa pa rin ang Kanilang diwa. Samakatuwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu, habang ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na gumagawa. Ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay ang gawain din ng Banal na Espiritu. Subalit ang gawain ng Diyos ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, na talagang totoo, samantalang ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang Kanyang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba-iba at hindi limitado ng anumang mga kundisyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nag-iiba-iba sa iba’t ibang tao; nagpapakita ito ng iba’t ibang diwa, at nagkakaiba-iba ayon sa kapanahunan, gayundin ayon sa bansa. Mangyari pa, bagama’t gumagawa ang Banal na Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan at ayon sa maraming prinsipyo, paano man ginagawa ang gawain o sa anumang klase ng mga tao, palaging iba ang diwa nito; lahat ng gawaing ginagawa sa iba’t ibang tao ay may mga prinsipyo, at lahat ng iyon ay maaaring kumatawan sa diwa ng mga taong pinag-uukulan nito. Ito ay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay medyo partikular ang saklaw at medyo sukat. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi kapareho ng gawaing isinasagawa sa mga tao, at nag-iiba-iba rin ang gawain ayon sa kakayahan ng mga taong ginagawan nito. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at hindi ito kapareho ng gawaing ginagawa sa mga tao. Sa madaling salita, paano man ito ginagawa, ang gawaing isinasagawa sa iba’t ibang taong pinag-uukulan nito ay hindi kailanman pare-pareho, at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa ay naiiba alinsunod sa mga kalagayan at likas na pagkatao ng iba’t ibang tao kung kanino Siya gumagawa. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na diwa at walang hinihiling na anuman sa kanila na lampas pa sa diwang iyon, ni hindi Siya gumagawa sa kanila na lampas pa sa kanilang likas na kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay tinutulutan ang mga tao na makita ang diwa ng taong pinag-uukulan ng gawaing iyon. Hindi nagbabago ang likas na diwa ng tao; limitado ang kanyang likas na kakayahan. Kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa sa kanila alinsunod sa mga limitasyon ng kanilang kakayahan, upang makinabang sila mula rito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong kinakasangkapan, lumalabas, hindi pinipigil, ang mga talento at likas na kakayahan ng mga taong iyon. Ang kanilang likas na kakayahan ay ibinubuhos sa paglilingkod sa gawain. Masasabi na kinakasangkapan Niya ang mga bahagi ng mga taong maaaring kasangkapanin sa Kanyang gawain, upang makamtan ang mga resulta sa gawaing iyon. Sa kabilang dako, ang gawaing isinasagawa sa nagkatawang-taong laman ay direktang ipinapahayag ang gawain ng Espiritu at hindi nahaluan ng isipan at mga saloobin ng tao; hindi ito kayang abutin ng mga kaloob ng tao, ni ng karanasan ng tao, ni ng likas na kundisyon ng tao. Ang layunin ng lahat ng napakaraming gawain ng Banal na Espiritu ay para makinabang at maturuan ang tao. Gayunman, maaaring gawing perpekto ang ilang tao habang ang iba ay walang taglay na mga kundisyon para maperpekto, na ibig sabihin ay hindi sila magagawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit maaaring nagkaroon na sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sa huli ay aalisin sila. Ibig sabihin ay kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang maturuan ang mga tao, hindi masasabi ng isang tao na lahat ng nagkaroon na ng gawain ng Banal na Espiritu ay ganap na gagawing perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Mayroon lamang silang gawain ng Banal na Espiritu, hindi ang pansariling pakikipagtulungan ni ang tamang pagsusumikap ng tao. Sa gayon, ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong ito ay naglilingkod sa mga ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi direktang makikita ng mga tao, ni hindi direktang mahahawakan ng mga tao mismo. Maipapahayag lamang ito ng mga pinagkalooban ng gawain, na ibig sabihin ay na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinagkakaloob sa mga tagasunod sa pamamagitan ng mga pagpapahayag na ginagawa ng mga tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao