Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 327
Sa inyong paghahangad, napakarami ninyong indibiduwal na mga pagkaunawa, pag-asam, at hinaharap. Ang kasalukuyang gawain ay para pakitunguhan ang inyong hangaring magkaroon ng katayuan at ang inyong maluluhong pagnanasa. Ang mga pag-asam, katayuan, at pagkaunawa ay pawang mga halimbawang kumakatawan sa napakasamang disposisyon. Umiiral ang mga bagay na ito sa puso ng mga tao dahil palaging sinisira ng lason ni Satanas ang isipan ng mga tao, at palaging hindi magawang iwaksi ng mga tao ang mga tuksong ito ni Satanas. Nakasadlak sila sa kasalanan subalit hindi sila naniniwala na kasalanan iyon, at iniisip pa rin nila: “Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan Niya kaming pagkalooban ng mga pagpapala at isaayos nang angkop ang lahat para sa amin. Naniniwala kami sa Diyos, kaya kailangan kaming makalamang sa iba, at kailangan kaming magkaroon ng mas magandang katayuan at kinabukasan kaysa sa iba pa. Dahil naniniwala kami sa Diyos, kailangan Niya kaming bigyan ng walang-hangganang mga pagpapala. Kung hindi, hindi iyon matatawag na paniniwala sa Diyos.” Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang inasahan na ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging madaya, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang lakas at matibay na pagpapasya, kundi sila ay naging ganid, mayabang, at sutil din. Lubos silang walang anumang matibay na pagpapasya na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang kaunting tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensyang ito ng kadiliman. Ang isipan at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay masyado pa ring pangit, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkainis para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito. Hindi ba ganito rin ang inyong kasalukuyang mga iniisip at pananaw? “Dahil naniniwala ako sa Diyos dapat akong buhusan ng mga pagpapala at dapat matiyak na ang aking katayuan ay hindi bababa kailanman at na mananatili itong mas mataas kaysa sa mga walang pananampalataya.” Hindi ka nagkikimkim ng ganyang klaseng pananaw sa iyong kalooban sa loob ng isa o dalawang taon lamang, kundi sa loob ng maraming taon. Sobra-sobra ang pag-iisip mong makipagkasundo. Bagama’t nakarating ka na sa hakbang na ito ngayon, hindi ka pa rin bumibitiw sa katayuan kundi palagi mong pinipilit na alamin ang tungkol dito, at inoobserbahan ito araw-araw, nang may malaking takot na balang araw ay mawala ang iyong katayuan at masira ang iyong pangalan. Hindi pa isinasantabi ng mga tao ang pagnanais nilang guminhawa. Kaya nga, habang hinahatulan Ko kayo nang ganito ngayon, anong antas ng pagkaunawa ang tataglayin ninyo sa huli? Sasabihin ninyo na bagama’t hindi mataas ang inyong katayuan, nasiyahan pa rin kayo sa pagtataas ng Diyos. Dahil hamak ang inyong pagsilang ay wala kayong magandang katayuan, ngunit nagtatamo kayo ng magandang katayuan dahil itinataas kayo ng Diyos—ito ay isang bagay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Ngayon ay personal ninyong nagagawang tumanggap ng pagsasanay ng Diyos, ng Kanyang pagkastigo, at ng Kanyang paghatol. Ito, higit pa, ay Kanyang pagtataas. Nagagawa ninyong personal na tumanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog. Ito ay dakilang pagmamahal ng Diyos. Sa nagdaang mga kapanahunan wala ni isang tao ang nakatanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog, at wala ni isang tao ang nagawang perpekto ng Kanyang mga salita. Ang Diyos ay nakikipag-usap sa inyo ngayon nang harapan, dinadalisay kayo, ibinubunyag ang pagkasuwail ng inyong kalooban—tunay na ito ay Kanyang pagtataas. Anong mga kakayahan ang taglay ng mga tao? Mga anak man sila ni David o mga inapo ni Moab, sa kabuuan, ang mga tao ay mga nilalang na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilalang ng Diyos, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: “Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na masunurin sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilalang. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilalang. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilalang. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilalang. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilalang. Isa lamang akong napakaliit na nilalang na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong hambingan dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.” Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin. Ano ang mga alalahanin ng karamihan sa inyo ngayon mismo? Lagi kayong nasisikil ng katayuan at palagi kayong nag-aalala tungkol sa sarili ninyong mga inaasam. Palagi ninyong binubuklat ang mga pahina ng mga pahayag ng Diyos, sa pagnanais na basahin ang mga sinasabi tungkol sa hantungan ng sangkatauhan at sa kagustuhang malaman kung ano ang inyong maaasahan at inyong magiging hantungan. Iniisip ninyo, “Mayroon ba talaga akong anumang maaasahan? Inalis na ba ng Diyos ang mga iyon? Sinasabi lamang ng Diyos na ako ay isang hambingan; kung gayo’y ano ang aking maaasahan?” Mahirap para sa inyo na isantabi ang inyong mga inaasam at tadhana. Kayo ngayon ay mga alagad, at nagtamo na kayo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa yugtong ito ng gawain. Gayunman, hindi pa rin ninyo naisasantabi ang inyong pagnanasa sa katayuan. Kapag mataas ang inyong katayuan naghahanap kayong mabuti, ngunit kapag mababa ang inyong katayuan hindi na kayo naghahanap. Palagi ninyong iniisip ang mga pagpapala ng katayuan. Bakit hindi maialis ng karamihan sa mga tao ang pagiging negatibo? Hindi kaya dahil palaging malabo ang mga maaasahan? Sa sandaling inilabas na ang mga pahayag ng Diyos nagmamadali kayong makita kung ano talaga ang inyong katayuan at identidad. Inuuna ninyo ang katayuan at identidad, at pumapangalawa lamang sa inyo ang pangitain. Nasa pangatlo ang isang bagay na dapat ninyong pasukin, at nasa pang-apat ang kasalukuyang kalooban ng Diyos. Tinitingnan muna ninyo kung nagbago na ang titulo ng Diyos para sa inyo na “mga hambingan” o hindi pa. Basa kayo nang basa, at kapag nakita ninyo na naalis na ang titulong “hambingan,” sumasaya kayo at panay ang pasasalamat ninyo sa Diyos at pinupuri ninyo ang Kanyang dakilang kapangyarihan. Ngunit kung nakita ninyo na mga hambingan pa rin kayo, nagagalit kayo at agad na napapawi ang sigla sa puso ninyo. Habang mas naghahanap ka sa ganitong paraan, mas kakaunti ang napapala mo. Kapag mas matindi ang paghahangad ng isang tao sa katayuan, kailangan ay mas mahigpit siyang pakitunguhan at mas nararapat siyang sumailalim sa matinding pagpipino. Ang gayong klaseng mga tao ay walang kuwenta! Kailangan silang pakitunguhan at hatulan nang sapat upang lubusan nilang talikuran ang mga bagay na ito. Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan hanggang sa huli, wala kayong mapapala. Yaong mga hindi naghahangad na matamo ang buhay ay hindi maaaring mabago, at yaong mga hindi nauuhaw sa katotohanan ay hindi matatamo ang katotohanan. Hindi ka nagtutuon sa paghahangad na matamo ang personal na pagbabago at pagpasok, kundi sa halip ay sa maluluhong pagnanasa at mga bagay na pumipigil sa iyong pagmamahal sa Diyos at humahadlang sa iyo na mapalapit sa Kanya. Mababago ka ba ng mga bagay na yaon? Madadala ka ba ng mga iyon papasok sa kaharian? Kung ang pakay ng iyong paghahangad ay hindi para hanapin ang katotohanan, mabuti pang samantalahin mo ang pagkakataong ito at bumalik ka sa sanlibutan upang subukang gawin iyon. Ang pagsasayang ng iyong panahon sa ganitong paraan ay talagang hindi sulit—bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Hindi ba totoo na maaari mong matamasa ang lahat ng uri ng bagay sa magandang sanlibutan? Pera, magagandang babae, katayuan, kahambugan, pamilya, mga anak, at iba pa—hindi ba ang mga produktong ito ng sanlibutan ang pinakamagagandang bagay na maaari mong matamasa? Ano ang silbi ng paggala-gala rito sa paghahanap ng isang lugar kung saan ka magiging masaya? Ang Anak ng tao ay walang mahimlayan ng Kanyang ulo, kaya paano ka magkakaroon ng isang lugar na maginhawa? Paano Siya lilikha ng isang magandang lugar na maginhawa para sa iyo? Posible ba iyon? Bukod sa Aking paghatol, ang matatanggap mo lamang ngayon ay ang mga turo tungkol sa katotohanan. Hindi ka makatatamo ng kaginhawahan mula sa Akin at hindi mo maaaring matamo ang maginhawang sitwasyong kinasasabikan mo gabi’t araw. Hindi Ko ipagkakaloob sa iyo ang mga yaman ng sanlibutan. Kung tapat kang naghahanap, handa Akong ibigay sa iyo nang buong-buo ang daan ng buhay, upang maging tulad ka ng isang isda na naibalik sa tubig. Kung hindi ka tapat na naghahanap, babawiin Ko itong lahat. Hindi Ako handang ibigay ang mga salitang nagmumula sa Aking bibig sa mga yaong ganid sa kaginhawahan, na katulad lamang ng mga baboy at aso!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Hambingan?